Protecting the Billionaire's Daughter

Precious Jasmin
0






Chapter 1


Dinampot ni Lilia ang dalawang kulay ng luxurious bags bago ito sinipat. Kumunot ang noo niya nang hindi siya makapagpasya at pareho iyong inabot sa kaniyang bodyguard.


“Pareho niyo po bang kukunin, ma’am Velilia?” tanong ng sales lady na kanina pa nakasunod sa kanila.


“Hindi ko alam kung anong mas maganda sa isusuot ko mamaya sa party. Mamaya na lang ako magde-decide kapag suot ko na ‘yong dress ko.”


Napangiti naman ang sales lady at patuloy na sumunod sa kaniya. Nang wala na itong napiling iba ay dumeretso na sila sa counter upang magbayad. Inabot niya lang ang kaniyang ATM card bago lumipat sa katabing shoe store.


Habang namimili ng sapatos ay tatlong babae ang lumapit sa kaniya na tila ba tuwang-tuwa na makita siya.


“Lilia!” bulalas ng isa sa kanila.


Bahagya pang nagitla si Lilia sa biglang pagsigaw nito. “Rose! Ann! Cora!” bati niya sa mga ito bago nakipagbeso-beso.


“Sabi na. Dito ka lang namin mahahanap,” ani Rose sabay hampas pa nang mahina sa balikat ni Lilia.


Mahinang natawa si Lilia. “Alam mo namang kung saan may luxurious bag and shoes, I’m present!”


“Window shopping lang kami, girl!” bulalas ni Ann. “Hindi naman kami gaya mo na kapag may natipuhan, bili agad. Poorita lang kami.”


“Oo nga, girl!” sabi naman ni Cora. “Nabalitaan lang naming may mga bagong release na naman silang shoes kaya tiningnan lang namin.”


“Eh ano pang hinihintay niyo?” tanong ni Lilia. “Pick what you like, girls!”


Sabay-sabay na nagtilian ang tatlong magkakaibigan bago dumeretso sa mga sapatos na napili nila. Para bang kanina pa nila minamata ang mga sapatos na ‘yon at hinihintay lang talaga ang pagdating ni Lilia.


Tipid lang na napangiti si Lilia habang pinanonood ang mga itong mag-checkout sa cashier. Binayaran na rin niya ang napiling sapatos bago umalis.


Nakasunod lang si Shekaina sa kaniya bitbit ang mga bag mula sa mga kilalang luxurious brand. Wala siyang sinabi at tinanggap lang ang mga bag na inaabot sa kaniya bago nito mapagpasyahang umuwi.


Sa loob ng condominium ay mabilis na naligo si Lilia. Matapos ‘yon ay sinuot niya na ang kaniyang black long dress na isusuot sa party ng kaniyang kaibigang si Kiana.


Hapit ang dress sa kaniyang beywang kaya naman kitang-kita ang magandang hugis ng kaniyang katawan. Sleeveless din ito kaya litaw ang kaniyang maputing balikat at braso. Sinuot naman niya ang isang puting heels na nabili niya kanina. Tinernuhan ito ng isang puting bag na napili niya mula sa dalawang binili sa mall kanina.


Binuksan niya ang kaniyang drawer at kinuha ang silver necklace na regalo sa kaniya ng namayapang ina. Mayroon iyong maliit na butterfly pendant at isang mamahaling dyamante sa gitna. Napangiti siya nang makita ang repleksyon nito sa salamin.


“I miss you, mom,” bulong niya sa kaniyang sarili.


Pagkalabas niya ng condominium ay naghihintay na si Shekaina suot ang long sleeves nitong puti na nakatupi hanggang siko. Naka-black pants din ito at black shoes. Suot nito ang palaging seryosong ekspresyon gaya ng ibang bodyguards ni Lilia.


Si Shekaina ang nagmaneho ng sasakyan. Dumeretso siya sa bahay ng isa sa mga kaibigan ni Lilia na si Kiana. Madalas nang magpunta ang dalaga sa bahay nito kaya kabisado na rin ni Shekaina ang direksyon.


Nang makarating sila ay agad silang pumasok. Maraming tao ang nagkakasiyahan na sa front yard ng bahay. May mga lamesa lang sa mga sulok kung saan nagse-serve ang mga bartender ng mga alak.


Maraming binating mga kaibigan si Lilia. Bahagya lang umatras si Shekaina upang bigyan ito ng privacy kasama ang mga kaibigan. Nakamasid lang siya sa paligid kung sakali mang magkaroon ng gulo. Binati niya lang ang isa pang bodyguard na kakilala na kasama naman ng isa sa mga bisita.


Dumaan ang ilang oras at gaya ng iba ay nagsisimula na ring malasing si Lilia. Mahahalata sa kaniyang mga mata na bahagya na itong pumupungay. Ngunit gaya ng nakagawian ay hinintay lang ni Shekaina na matapos ang party o hindi kaya naman ay ito mismo ang mag-ayang umuwi.


Halos alas dos na ng umaga natapos ang party kaya naman late na rin nakatulog si Shekaina. Umidlip lang siya ng halos dalawang oras bago gumising at kumain ng agahan. Umiinom siya ng kape nang magising si Lilia bandang alas sais ng umaga.


Nagkakamot pa ito ng mata nang magpunta sa kusina. “Anong pagkain meron?”


“Mayroon bacon, spam at itlog, ma’am.”


Pinaghain naman siya ni Shekaina at pinagtimpla ng isang tasang tsaa. Nagtitipa si Lilia sa kaniyang phone habang kumakain. Nakatayo lang buong umaga si Shekaina sa kaniyang likod at nagmamasid hanggang sa matapos kumain ang dalaga.


Bakasyon ng mga estudyante ngayon kaya naman tiyak na aalis ulit si Lilia. Naghihintay lang siya ng iuutos nito kung saan siya dadalhin ngayong umaga.


Nang matapos kumain at tumayo si Lilia at sinabi, “Pupunta ako ngayong umaga sa bahay ni Cora.”


Iyon lang ang tanging narinig niya mula sa amo bago pumasok sa kwarto upang magbihis. Napabuntonghininga na lang si Shekaina bago niligpit ang pinagkainan ng dalaga.


Sa katunayan, wala sa kaniyang job description ang pagluluto at pagliligpit ng kinainan ni Lilia. Ngunit mula nang magsimula siyang magtrabaho sa dalaga anim na buwan na ang nakakaraan ay nakasanayan na lang niya dahil wala naman itong katulong sa condominium.


Ang alam ng ama nito ay marunong ito sa gawaing bahay dahil mag-isa na itong namumuhay. Ang hindi alam ng CEO ng Auto Las Company ay nagpapa-laundry lang ang dalaga at si Shekaina naman ang nagluluto para sa kaniya.


Wala namang magawa si Shekaina sa mga inuutos sa kaniya ng dalaga dahil kailangan niya ang trabahong ito. Sa oras na magsumbong siya ay tiyak hindi iyon magiging maganda para sa kaniya lalo pa at baka mapag-initan siya ng kaniyang amo. Ang tanging nagawa na lang niya ay gawin at sundin ang mga gusto nito.


Sa buong anim na buwan nitong pagtatrabaho para sa dalaga ay marami na siyang nalaman tungkol dito. Bukod sa mahilig itong mag-party tuwing gabi at makikita siya araw-araw sa iba’t ibang shopping mall.


Doon napagtanto ni Shekaina na habang siya ay hirap sa pagtatrabaho para lang kumita ay mayroong gaya ni Lilia na parang wala lang kung maglustay ng pera. Mayroong kaunting inggit na naramdaman si Shekaina sa dalaga ngunit patuloy lang niyang isinasantabi dahil wala naman siyang magagawa. Talagang swerte lang ang amo dahil pinanganak ito sa isang mayamang pamilya.


Alas otso na nang makarating sila sa bahay ni Cora. Hindi ganoon kayaman ang pamilya nito kumpara sa pamilya nina Lilia. Sa katunayan, halos lahat ng mga kaibigan ni Lilia ay hindi naman talaga ganoong kayaman. Si Lilia ang nag-iisang anak ng isang bilyonaryo sa circle of friends nito.


“Hi, girl!” bungad na bati ni Cora kay Lilia pagkapasok nito sa loob.


Sinalubong naman siya ng dalaga at nakipagbeso rito. Naroon na halos lahat ng mga kaibigan niya at siya na lang ang wala pa.


“Akala ko ba alas otso? Mukang ako na lang ang hinihintay niyo, ah?” tanong ni Lilia nang mapansin ang ilang baso at plato sa mesa na wala nang laman.


“Paano ba naman itong sina Kiana eh ang aga akong binulabog. Wala na rin akong nagawa.” Pilit itong natawa. “Maupo ka. Kukuha lang ako ng makakain at maiinom mo.”


Naupo naman si Lilia sa isang bakanteng sofa malapit kina Rose. Napansin niyang magkakatabi ang mga ito sa dalawang sofa samantalang siya naman ang mag-isa sa pwesto niya.


Alam niyang maliit na bagay lang pero hindi niya maiwasang hindi mapansin. Hindi rin naman kasi ito ang unang beses na nangyari ito. Una na lang ay ang napansin niyang palagi itong magkakasama. Kahapon lang sa mall ay magkakasama ang mga ito. Naisip niya na hindi man lang ba siya aayain ng mga ito sa tuwing nagpupunta sa mall? At ngayon ay ito namang sabay-sabay nilang pagpunta sa bahay ni Cora nang hindi man lang siya sinasabihan.


Bahagya siyang umiling at pilit inaalis sa isip ang bagay na ‘yon. Baka napa-paranoid lang ito at ginagawang big deal ang mga bagay. Baka nagkataon lang talaga na sabay-sabay silang nagpunta kina Cora nang maaga.


Ngunit sa buong umagang ‘yon ay hindi na naalis pa ‘to sa isip niya.


Naisip niyang baka dahil mas close lang talaga sila kumpara sa kaniya. Ngunit sabay-sabay lang naman silang nagkakila-kilala. Oo at noon pa magkaibigan sina Cora at Kiana, pero siya ang unang naging kaibigan nina Rose at Ann. Sa katunayan, siya pa nga ang dahilan kung bakit nagkakilala ang dalawa.


Hanggang sa pag-uwi ay nawala na talaga sa mood si Lilia. Tahimik lang itong nakaupo sa likod ng sasakyan hanggang sa makarating sa condo. Ngunit bago pa makaliko si Shekaina sa parking lot ay pinigilan na siya ni Lilia.


“Can we go to my grandma’s?”


“Sige po, ma’am. Gusto niyo po bang tawagan ko siya na magpupunta kayo?”


“No. I want to surprise her.” Napangiti si Lilia dahil sa binabalak. Halos dalawang buwan na rin kasi mula noong nakabisita siya. Nami-miss na niya itong kausap at ka-bonding. At sa tuwing may bumabagabag sa utak niya, ang Lola Mincy niya lang ang tanging takbuhan niya.


Looban ang bahay ng kaniyang lola kaya marami muna silang pasikot-sikot na nadaanan bago makarating. Mayroong pag-aaring bukid ang lola niya kung saan ito ang nag-aani kasama ang ilang mga magsasaka.


May kalakihan ang bungalow na pag-aari ni Lola Mincy. Kasama niya roon ang limang magsasaka at tatlong kasambahay na tumutulong sa kaniya sa gawaing bahay. Paminsan-minsan ay dumadalaw si Lilia sa kaniya na tumutulong din dito. Kaya mayroong guilt sa loob ng dalaga nang dalawang buwan itong hindi makapunta.


Binati siya ng ilang magsasaka na kasalukuyang nagtatanim. Miski ang mga kapitbahay ay kilala siya kaya binati niya ang mga ito. Malapad ang pagkakangiti niya nang kumatok sa pinto ng kaniyang lola.


Pagbukas nito ay si Manang Minerva ang bumungad sa kaniya. Bahagya pang nanlaki ang mga mata nito ngunit napangiti rin nang makita si Lilia.


“Lilia, apo, kumusta ka na?!” bulalas na bungad nito.


Nagmano naman ang dalaga rito. “Okay lang po, ‘La. Pasensiya na ngayon lang ulit nakadalaw.”


“Tiyak na matutuwa ang lola mo. Nitong nakaraan ka pa niya hinahanap sa ‘min.”


“Nasaan po ba siya?”


“Nasa manukan sa likod kasama ang lola Karis at Borja. Tara at puntahan natin.”


Sabay naman nilang pinuntahan ang manukan kung saan nagpapakain ang mga matatanda. Unang nakakita sa kaniya si Manang Borja na nagtitili na at lumapit sa dalaga.


“Lilia, apo!” bulalas pa nito. Sumunod naman sa kaniya sina Manang Karis at ang lola ni Lilia.


“Mano po, lola.” Nagmano rin si Shekaina na nasa likod lang ng dalaga bago sila pumasok sa loob ng bahay.


Nagtimpla ng cucumber juice si Manang Karis at kumuha ng biscuit para sa mga ito. Naubo naman sila sa sala at doon nagkwentuhan.


“Ang tagal mong hindi dumalaw, apo.” Nahihimigan ang tampo sa boses ni Manang Mincy. “Akala ko nakalimutan mo na ang lola.”


“Bakit ko naman po kayo kakalimutan? Si lola talaga!” Niyakap niya nang mahigpit ang lola bago nagsimulang magkwento tungkol sa nangyari sa kaniya sa loob ng dalawang buwan. Pinaupo na rin ng mga matatanda si Shekaina dahil nakatayo lang ito sa tabi ni Lilia.


Halos palubog na rin ang araw nang matapos silang magkwentuhan. Napatigil si Manang Mincy nang mapansin ang leeg ni Lilia.


“Himala at hindi mo ‘ata suot ang bigay ng iyong ina?”


Napahawak si Lilia sa kaniyang leeg at nanlaki ang mga mata. “Nasa’n ang kwintas ko?” Mabilis niyang hinalughog ang kaniyang bag ngunit wala siyang nakita.


“Baka nahulog sa kotse,” ani Shekaina bago mabilis na nagtungo sa sasakyan.


Bahagya ring nataranta ang mga matatanda at tumulong na sa paghanap. Alam ng mga ito kung gaano kahalaga sa dalaga ang kwintas. Bukod sa mamahalin ito at gawa sa dyamante ay ito na lang ang huling naiwan ng namayapang ina ni Lilia.


“Wala po sa kotse, ma’am,” ani Shekaina na bahagya pang hinihingal. “Tiningnan ko na rin sa mga dinaanan natin kanina pero wala.”


“Wala rin sa manukan, apo,” ani Manang Karis na kagagaling lang sa labas.


“Baka naman hindi mo nasuot kaninang umaga?” tanong ni Manang Mincy.


“Hindi po, ‘La. Naalala kong sinuot ko ‘yon kaninang umaga bago magpunta kina Cora.”


“Hindi kaya nahulog mo sa bahay nila?” tanong ni Manang Borja. “Bakit hindi mo siya tawagan at baka may nakita siya?”


Mabilis niyang kinuha ang kaniyang cellphone nang nanginginig pa ang mga kamay. Hinawakan siya ni Manang Mincy upang pigilan ang panginginig nito. Ngunit halos mapamura siya nang hindi sumagot si Cora matapos ang tatlong attempt na tawagan ito.


Naluluha na siya nang tawagan ang mga kaibigan ngunit ni isa sa mga ito ay walang sumasagot.



Chapter 2

Kinuha ni Shekaina ang kaniyang cellphone at nagsimulang tumawag sa security team. Bahagya siyang lumayo kina Lilia na pinapakalma ng mga lola niya.


“George, kailangan ko ng tulong mo,” ani Shekaina. 


“Hello! What’s up, my lady? What can I do por you?” tanong nito. 


“Nawawala ang kwintas ni ma’am Lilia.”


“Oh, shit,” mahinang bulalas ni George.


“Gusto kong i-check mo ang CCTV footage ng condo para makita kung suot niya ba ‘yon kaninang umaga.” Narinig niya ang mabilis na pagtipa ni George sa kabilang linya.


“Oo, suot niya pagkaalis ng condo nitong umaga.” Ilang mabilis na pagtipa pa ang narinig ni Shekaina. “Pero hindi na niya suot pagdating diyan kina Lola Mincy.”


“Sige. Salamat.” Pinatay na niya ang tawag at mabilis na lumapit kina Lilia. “Sa tingin ko nahulog mo ang kwintas sa bahay nina Cora.”


“Puntahan na natin.” Mabilis na tumayo si Lilia at handa na sanang umalis ngunit pinigilan siya ni Lola Mincy.


“Hayaan mo nang si Shekaina ang maghanap, apo.”


“Pero, ‘La. Kailangan kong makita ‘yong kwintas. Hindi pwedeng mawala ‘yon!” Tuluyan nang napahagulgol si Lilia kaya mabilis siyang dinaluhan ng mga ito.


“Tama ang lola mo, apo,” ani Manang Borja. “Uminom ka muna ng tubig at kumalma. Hayaan mo na si She na hanapin ang kwintas” Humarap siya sa dalaga. “Apo, tawagan mo kami agad kapag may balita ka na. Kami na muna ang bahala kay Lilia.”


Tumango lang si Shekaina at mabilis na lumabas ng bahay. Halos iharurot na niya ang sasakyan para mabilis na makarating sa bahay nina Cora.


Kumatok siya sa pinto ngunit walang sumasagot. Saglit siyang nagmasid sa paligid. Tumingin-tingin muna siya sa buong lugar bago napagpasyahang umakyat ng pader. Hindi ganoong kataasan ‘yon kaya naging madali lang para sa kaniya ang tumawid.


Ilang beses na rin siyang nakapunta sa lugar na ‘to kaya kahit papaano ay alam na niya ang pasikot-sikot. Wala silang guards sa bahay pero mahigpit ang lock ng kanilang bahay. Mayroon silang aso pero nakakulong lang iyon kaya hindi na siya nabahala.


Muli niyang tinawagan si George. “Track my location. Buksan mo ang pinto.”


“Hmm. You know this is illegal, right?”


“May iba ka bang suggestion para ma-check agad ang lugar kung nandito ba ang kwintas?”


“Maybe call the owner?”


“Not answering.”


“Come on, She. Wala ka na bang ibang idea? Malalagot tayo kay bossing nito kapag nalaman niya.”


“Kaya nga hindi tayo magpapahuli. At kung binuksan mo na agad ‘tong lock ay kanina pa sana ako nasa loob at naghahanap.”


“Okay. Okay.” Narinig ni She ang pagbuntonghininga nito sa kabilang linya.


Alam niya ang ibig sabihin nito. Sa oras na malaman ng kaniyang boss na may ginawa siyang ilegal dahil lang sa isang kwintas ay tiyak malalagot siya. Ngunit hindi lang ito simpleng kwintas para kay Lilia. Kwintas ito galing sa kaniyang namayapang ina. At sa anim na buwan niyang pagtatrabaho rito ay alam niya kung gaano kahalaga ang kwintas na ito para sa dalaga.


Naging maingat si She nang makapasok sa loob. Tiniyak niyang nakasarado ulit ang pinto pagkapasok kung sakali mang biglang dumating ang may-ari ng bahay. Dahan-dahan din siyang naglakad sa buong sala habang naghahanap upang matiyak na wala ngang tao sa loob.


Nang matiyak na mag-isa lang siya mabilis niyang hinanap ang kwintas sa buong bahay. Miski ang banyo ay hindi niya pinagligtas. Ito lang din kasi ang lugar na naisip niya na posibleng nahulog ang kwintas. Sa loob-loob niya nga ay hindi ito nahulog. Ngunit ayaw namang sabihin ‘yon ni She sa amo dahil tiyak na makakagalitan siya nito. Kaibigan pa rin naman ang turing niya sa mga iyon kahit papaano.


Napabuntonghininga siya nang walang makita sa bahay. Miski ang kwarto ni Cora ay wala siyang nakita. Tiyak na hindi mapapakali si Lilia kapag hindi niya nahanap ang kwintas nito. At silang mga tauhan ang mapagbubuntunan nito ng galit hanggang sa mahanap ang kwintas.


Napatakbo siya sa likod ng pinto nang marinig ang yapak mula labas. Halos mahigit niya ang hininga sa gitla nang pumasok ang dalawang babae sa mismong kwarto na pinagtataguan niya. Hindi niya kasi narinig na may nagbukas ng pinto sa labas.


“Tiyak na pinaghihinalaan na tayo ni Lilia.” Boses iyon ni Cora ayon sa pagkakaalala ni She.


“Hindi ‘yan. Isa pa, hindi naman natin kasalanang nahulog niya. Nakita lang talaga natin.” Boses naman iyon ni Rose. “Kasalanan ba nating burara siya? Saan mo ba tinabi? Kunin mo na. Parating na sina kuya.”


Natawa si Cora. “Dito sa likod ng kama. Mahirap na palaging pumapasok dito si mama.”


Saglit silang natahimik. “Hindi ba matagal na kayong magkaibigan?” tanong ni Cora. “Bakit hindi mo na lang ibalik? Manghingi ka ng pabuya.”


“At magkano ang bibigay niya? Barya? Alam mo ba kung magkano ‘tong dyamante na ‘to? Milyon ‘to, ‘te. Milyon!”


“Oo na. Basta ibenta mo na ‘yan agad. Kapag nakita pa sa ‘yo ni Lilia ‘yan, friendship over. Hindi ka na makakakupit sa kaniya.”


“Hindi ‘yan. Bobita ‘yong babaeng ‘yon eh. Hindi niya alam na ilang alahas na nadedekwat namin ni Ann sa kaniya. Palibhasa araw-araw bago ang bag at alahas.”


“Gaga ka talaga. Tara na. Nandiyan na si kuya sa baba. Ihahatid na tayo doon sa sinabi mong bibili niyan.”


Matapos ‘yon ay lumabas silang dalawa sa kwarto na para bang wala lang. Huminga nang malalim si She upang pakalmahin ang sarili. Binukas-sara niya ang kaniyang palad na kanina pa pala nakakuyom dahil sa galit.


Gustong-gusto na niyang komprontahin ang dalawa kanina ngunit pilit niyang pinapaalala sa sariling wala siya sa lugar. Nasa loob siya ngayon ng pamamahay nito nang walang paalam. Baka siya pa ang mabaliktad dahil tresspassing pa rin itong ginagawa niya.


Napamura na lang siya nang mahina nang hindi niya mabuksan ang pinto ng kwarto. Mabuti na lang at mayroong bintana roon kung saan magkakasya siya. Iyon nga lang, nandoon ang alagang pitbull ng pamilya.


Naghintay pa muna siya ng ilang minuto bago lumabas. Mabilis siyang tumalon sa pader nang tumahol ang aso. At saka niya tumakbo papunta sa sasakyang dala niya.


Muli niyang tinawagan si George upang i-track ang lokasyon ni Cora o hindi kaya naman ni Rose. Mabilis lang ‘yon nagawa ni George kaya halos paharurutin na ni She ang sasakyan. Wala siyang balak na sabihin sa amo kung ano ang narinig niya. Ang tanging nasa isip niya lang ay ang maibalik ang kwintas bago pa man ito makuha ng kung sino pa.


Nakarating ang sasakyang sinusundan niya sa isang under-construction na bahay. Dahil madilim na rin ang walang masyado makita si She sa paligid, sapat lang para maaninaw niya ang mga kaibigan ni Lilia.


Nag-park si She sa isang bakanteng lote bago sinundan sa loob ang mga ito. Nagtago lang siya sa isang mataas na pader at sinilip ang mga ito mula sa kaniyang kinaroroonan. Mukang abandunado na ang mga kalapit-bahay rito kaya ito ang napili nilang lugar. Nilagay naman niya ang earpiece sa kaniyang tainga upang marinig ang kung ano mang sasabihin ni George sa kaniya.


“Walang ibang sasakyan ang nakasunod sa kanila,” ani George. Hindi nagsalita si She at nagmasid lang sa paligid.


Bumaba ang driver ng sasakyan ngunit nanatili ang dalawang babae sa loob. Ilang segundo pa ay may isang sasakyan ang dumating. Tatlong lalaki naman ang lumabas mula roon at dahan-dahang lumapit sa naghihintay na lalaki. Hindi rinig ni She ang pinag-uusapan ng mga ito ngunit hindi nagtagal ay naglabas na rin ng isang malaking bag ang isa sa mga lalaki.


“Kutsilyo lang ang dala nilang armas.”


Pagkarinig ni She ng mga katagang iyon ay agad siyang lumapit sa mga ito. Naalarma ang mga lalaki at agad nilabas ang kanilang mga patalim.


“Akala ko ba walang nakasunod sa inyo?” bulalas na saad ng isa sa mga lalaking may dalang malaking bag.


Agad na binawi ng isa ang bag na dala at tinago sa kanilang likuran nang hindi inaalis ang tingin kay She.


“Sino ka?” tanong ng isa pang lalaki. “Pulis ka ba?”


Napabuntonghininga si She. “Ibigay niyo lang sa ‘kin ang kwintas na ‘yan para hindi na lumaki ang gulo.”


Nagkatinginan silang lahat. Nagsalita naman ang lalaking kasama nina Cora. “Sino ka ba? Handa ka bang magbayad nang malaki para sa kwintas na ‘to?”


“Hoy!” bulalas ng isang lalaki na may hawak na patalim. “Kami ang naunang bumili ng kwintas. Hindi mo pwedeng ibenta na lang sa iba ‘yan nang gano’n na lang.”


“May karapatan ako dahil ako ang may-ari nito!” bulalas naman nito.


Mahinang natawa si She. “Ikaw ang may-ari? Sa pagkakaalam ko ay kinuha niyo ‘yan sa amo ko. At uulitin ko, ibalik niyo ‘yan sa ‘kin nang hindi na lumaki ang gulo. Isang tawag ko lang ay darating agad ang mga pulis at sisiguraduhin kong habangbuhay na pagkakakulong ang mangyayari sa inyo.”


Napamura ang isa sa mga tatlong lalaki. Mukha namang hindi natuwa ang kasama nina Cora sa sinabi nito kaya naglabas na rin siya ng patalim at tinutok sa kaniya.


“Alam mo,” ani niya, “kanina pa ako nagtitimpi sa ‘yo. May proweba ka bang iyo ‘tong kwintas?”


“Ikaw?” tanong ni She. “May proweba ka bang iyo ‘yan? Dahil sa oras na bigyan kita ng proweba, baka makagat mo ‘yang dila mo.”


Imbis na matakot ay lalo lang nagpuyos sa galit ang lalaki.


“Kuya, ibigay mo na ‘yan sa kaniya.”


Napatingin ang lahat kay Cora na kalalabas lang ng sasakyan. “Wala tayong laban sa pamilyang ‘yan. Sa oras na malaman ng tatay ni Lilia ang nangyari, buong pamilya natin ang mayayari. Baka kahit sa ibang bansa hindi ako makapagtapos at makahanap ng trabaho.”


“Bakit?” bulalas ng kuya nito. “Sino ba ‘yan? Bakit parang takot na takot ka eh kayo nga ang nagnakaw sa kwintas na ‘to?”


“Hindi namin ‘yan ninakaw,” ani Rose na dumungaw na rin sa bintana ng sasakyan. “Nahulog lang ‘yan ni Lilia. Pero ngayong alam na ng bodyguard niyang kami ang nakakuha, ibang usapan na ‘to. Mananagot tayong lahat. Hindi niyo kilala ang tatay ni Lilia.”


Mahinang napamura ang lalaki. Muli pa niyang tiningnan nang masama si She bago dinukot ang kwintas sa kaniyang bulsa. Hinagis niya ‘yon sa dereksyon ni She na agad namang nasalo ng huli.


“Tang-nang ‘yan!” bulalas nito. “Kung magpapabenta kayo ng kwintas, siguraduhin niyo namang walang sabit. Sayang lang oras ko rito!”


Padabog siyang pumasok sa sasakyan bago pinaharurot ang kotse. Aalis na rin sana si She nang biglang magsalita ang isa sa mga lalaking naiwan pa roon.


“Hoy! Hindi pa tayo tapos.” Mahinang napabuntonghininga si She. “Hindi porket umalis na ‘yong duwag na ‘yon eh aalis na rin kami nang walang napapala rito.”


“Wala kaming pakialam kung sino pa ang amo mo,” ani isa pang lalaki. “Hindi mo rin kilala kung sino ang amo namin. Hindi kami natatakot sa inyo.”


“Binibini, ibigay mo na lang ‘yang kwintas sa ‘min nang hindi ka na masaktan.”


Dahan-dahang naglakad palapit ang isa sa kaniya. Nakatutok pa rin ang patalim kay She habang may ngisi sa mga labi. Bago pa man siya mahawakan ng lalaki ay mabilis siyang pumihit at hinawakan ang kamay nitong may hawak na patalim.


Napasigaw ang lalaki nang biglang pilipitin ni She ang kaniyang palapulsuhan. Nabitiwan naman niya ang patalim kaya mas madali siyang nasuntok ni She sa sikmura. Napaluhod na lang ito sa sahig habang hinahabol ang hininga.


Mabilis na lumapit sa kaniya ang dalawa na may hawak ring mga patalim. Kumpara sa nauna ay naging maingat ang paglapit nila sa babae. Inakmaan nila nang paulit-ulit si She hanggang sa isa sa kanila ang tuluyang makalapit dito. Gaya ng ginawa sa naunang lalaki ay nahuli niya ang palapulsuhan ng lalaki at mabilis na pinilipit ito. Sa pagkakataong ito, kinuha na niya ang patalim bago pa man ito malaglag sa sahig. Sinipa naman niya ang lalaki sa ilong kaya nawalan ito agad ng malay.


Tinapat din ni She ang hawak na patalim sa lalaki. Hindi niya inaalis ang tingin dito at hinihintay lang na sugurin siya. Nang iwasiwas nito ang patalim sa kaniyang dereksyon ay mabilis na sinangga ‘yon ni She gamit ang kaniyang hawak. Sinugatan niya ang braso nitong may hawak na patalim dahilan para mamilipit ito sa sakit at maihulog ‘yon.


Bumwelo si She na sasaksakin ang lalaki at kaya napasigaw ito. Ngunit bago pa man dumampi ‘yon sa lalaki ay pinigilan niya ang sarili at tinapat ang patalim sa leeg nito.


“Umalis na kayo,” bulong ni She.


Mabilis namang tumakbo ang lalaki papunta sa sasakyan habang buhat nila ang isang kasamahang nawalan ng malay. 


Napahilot si She sa kaniyang leeg habang pabalik sa kaniyang sasakyan. “Kailangan ko na ulit mag-exercise.”


Mahinang natawa si George. “Ayos ka lang?”


“Oo. Kumusta si Lilia?”


“Napatahan na siya nina lola pero nag-aalala pa rin sa kwintas.”


Nang marinig ‘yon ay hindi na nagsayang pa ng oras si She at pinaharurot na ang kaniyang sasakyan pabalik sa bahay nina Lola Mincy. Tiyak na matutuwa ito sa oras na malamang nahanap ni She ang kwintas. Ang tanging kailangan na lang niya ay ang mag-isip ng dahilan na sasabihin kung saan niya ito nahanap.



Chapter 3


Hindi pa rin mapakali si Lilia habang hinihintay ang pagbabalik ni She. Hindi pa rin kasi ito tumatawag o nagme-message man lang kung ano na ang nangyayari at kung nasaan na siya. Madaling araw na rin halos at nakatulog na si Manang Borja sa kaniyang rocking chair. Pinanonood naman siya ni Manang Mincy na maglakad pabalik-balik sa sala at hindi mapakali.


Sabay-sabay na bumaling ang mga ulo nila sa pinto nang marinig ang makina ng sasakyan. Halos madapa naman si Lilia sa pagmamadaling makalabas.


“Apo,” ani Manang Mincy, “mag-ingat ka naman.”


Tila walang narinig si Lilia at ang tanging nasa isip niya lang ay ang makarating sa labas upang makita si She. Pigil ang kaniyang hininga nang huminto ang sasakyan sa parking. Dali-dali siyang lumapit sa bintana ng driver’s seat at binuksan ang pinto.


“Nahanap mo ba?” tanong agad ni Lilia. 


Nang tumango si She at ipakita ang kwintas, doon na tumulo ang luha ni Lilia. Nang kunin ang kwintas ay tiningnan niya pa itong maigi. Napayakap na lang siya rito at napahagulgol nang makitang ito nga ang kwintas ng kaniyang ina.


Dinaluhan naman siya nina Manang Mincy at iginaya sa loob ng bahay hanggang sa kumalma ito. Nakahinga na lang nang maluwag si She nang makitang ayos na ang kaniyang amo. Tinawagan niya agad si George.


“Nasa kaniya na ang kwintas,” ani She.


Napabuntonghininga si George na para bang nakalimutan kung paano huminga. “Nai-imagine ko na kanina pa lang ang pwedeng mangyari kung hindi natin nakuha ang kwintas.”


“Hindi lang ikaw.” Pareho silang natawa.


“Pa’no ba ‘yan? Mukhang matagal-tagal na naman tayong hindi magkakausap, ah?”


Nagkibit-balikat si She. “Malay natin. Salamat.”


“Hindi mo kailangang magpasalamat. Isa ‘to sa mga trabaho ko.”


“I know.”


Habang pauwi sila sa condo ay tahimik lang sina She at Lilia sa sasakyan. Wala namang bago roon kay She dahil hindi naman talaga sila nag-uusap maliban kung may iuutos ang amo sa kaniya. Ngunit nabigla siya nang magsalita si Lilia mula sa likod. 


“Salamat.”


Napatingin si She sa rear view mirror upang tingnan ang amo. “Po?”


“Sabi ko, salamat. Salamat sa paghahanap ng kwintas ko.”


Napatango naman si She. “Ginagawa ko lang po ang trabaho ko.”


“Your job is to protect me. Hindi para maghanap ng nawawala kong kwintas.” 


Napakagat si She sa kaniyang ibabang labi. Hindi niya kasi alam kung ano ang dapat sabihin doon.


Mahinang natawa si Lilia. “I’m just kidding. Pero maraming salamat talaga. Hindi mo alam kung gaano kahalaga sa ‘kin ‘tong kwintas na ‘to.”


Alam ko kung gaano kahalaga sa ‘yo ‘yan, ma’am. Gusto sanang magsalita ni She ngunit pinigilan niya ang kaniyang sarili. She knows her boundaries.


“Walang anuman po, ma’am.”


“You can stop calling me ma’am. Just call me Lilia. Magkaedad lang naman tayo, ‘di ba?”


“Pero kayo po ang boss ko kaya dapat lang na ma’am ang itawag ko sa ‘yo.”


Napairap si Lilia. “Technically, my dad is your boss. Not me. So please, stop being so formal. Nakita mo na nga akong umiyak. Even my friends don’t see me cry.”


Mas lalong natameme si She sa sinabi nito. Hindi niya alam kung ano ba ang dapat na ireact sa sinasabi nito. Hindi naman ‘to tanong pero parang dapat ay may isagot siya. Pero ang problema, hindi niya alam kung ano ang dapat isagot.


Nakahinga nang maluwag si She nang makita ang pamilyar na condominium. Hindi na siya maoobliga pang sumagot sa sinabi nito.


Tahimik na silang umakyat ng condo at pumasok sa loob. At natapos ang araw na ‘yon nang hindi na sila ulit nagkibuan.


Kinabukasan ay naghanda si Lilia para sa party na gaganapin sa isang bar. Inimbita siya ni Sam na isa sa mga kaibigan niya. And as a party girl, mabilis siyang pumayag at nagpunta agad ng mall para bumili ng isusuot.


Isang sexy red dress ang napili niya na pinaresan ng isang black heeled shoes. Tinali niya ang kaniyang buhok para makita ulit ang kaniyang makinis na kutis. This time, hindi na niya sinuot ang kaniyang kwintas at tinago na lang iyon sa kaniyang drawer.


Napatingin si Lilia kay She na nakasunod lang sa kaniya gaya nang dati. Napangiwi siya dahil ito na naman ang suot niya. Isang white sleeves na tinupi hanggang siko, black pants at black shoes. Okay naman ito. Malinis at mabango siyang tingnan. Ngunit ito na lang ang palagi niyang suot na para bang wala na siyang ibang damit.


“Shekaina, right?” tanong ni Lilia.


“Opo, ma’am.” Tinaasan siya ni Lilia ng kilay. “Opo, L-lilia.”


“Good. What’s your favorite color?”


Napaisip naman si She sa biglaan nitong tanong. “Ahm… blue?”


“Okay. Come with me.”


Wala namang salitang sumunod si She, hindi alam kung bakit nito tinanong ang paborito niyang kulay. Kanina pa kasi sila hindi nagkikibuan tapos bigla itong magtatanong ng isang random na tanong.


Napaawang naman ang bibig ni She nang mapagtanto kung ano ang ginagawa nito. Ngunit imbis na magkomento ay pinigilan niya ang kaniyang sarili.


Baka naman assuming lang ako? Pero bakit naman siya namimili ng blue dress pagkatapos itanong kung anong favorite color ko? 


At hindi nga siya nagkamali. Tinapat ni Lilia ang isang dress sa harap ni She na para bang tinitingnan kung babagay ito.


“Ano sa tingin mo?” tanong ni Lilia. Sasagot na sana si She nang bigla itong tumingin sa sales lady. “Bagay ba sa kaniya ang sleeveless or not?”


Napakagat na lang ng labi si She. Gustong-gusto niyang tumutol dito pero hindi niya alam kung paano sisimulan. Ito ang unang beses na bibilhan siya ng amo ng damit. At paano niya sasabihing hindi siya nagsusuot ng dress at hindi pa nakakapagsuot nito sa tanang buhay niya?


“Pwede po ba akong mag-suggest, ma’am Lilia?” tanong ng sales lady.


“Great! Go.”


Napangiti ang sales lady at nagsimulang magtingin sa mga damit hanggang sa nakita na nito ang hinahanap. Napapalakpak naman si Lilia sa tuwa.


“Perfect! Galing mo, ah?”


Napangiti naman ang sales lady sa papuri nito. “Dahil matangkad po at petite si ma’am, mas okay po na huwag siyang magsuot ng mga fitted dress. Mas okay po ‘yong ganitong flowy lang na mae-emphasize ang kaniyang height, which is her best feature.”


Muling napapalakpak si Lilia. “Try it on, Shekaina. Come on!”


Napabuntonghininga si She at pumasok sa isang dressing room nang hindi umaangal. Is it okay na tumanggi siya? Magagalit ba ito kapag hindi siya pumayag? Ang daming pumapasok sa isip niya habang sinusuot ang dress. Ngunit sa huli ay wala na rin siyang nagawa kundi ang isuot ito bago lumabas.


Napanganga si Lilia matapos makita ang itsura ni She. “You’re my bodyguard, but I forgot you’re still a girl, aren’t you?” Humarap siya sa sales lady. “Now, for the shoes. And you’re helping me pick again, girl. I like your taste.”


Muling napangiti ang sales lady sa papuri nito bago sumunod kay Lilia. Napabuntonghininga naman siya She na sumunod rin sa kanila. 


At least hindi revealing ang napili nila kasi baka umalma na talaga ako, sa isip na lang ni She.


Isang flat sandals ang napili nila para iterno sa dress ni She. Kulay puti ito na open shoes kaya hindi na nahirapan si She. Tiyak na hindi siya sasakitan ng paa nito kumpara sa heeled shoes na palaging suot ni Lilia.


Napangiti si Lilia habang nakatitig kay She. “Perfect.”


Napaiwas na lang ng tingin si She habang nagkakamot ng batok. Panalangin na lang niya na matapos na siya at huwag nang kung ano pa ang ipasuot sa kaniya.


*


“Hinihintay na lang pumayag ang driver ng mini van, pwede na tayong sumibat. Go signal na lang din hinihintay ng mga makakasama natin. Ikaw, kumusta diyan sa parte mo?” tanong ng boses ng isang lalaki sa kaniyang kausap sa telepono.


“I don’t think kaya ko ‘tong ituloy,” ani kausap nito.


“Huh?” 


“Hindi ko ‘to kayang gawin. Hindi kaya ng konsensiya ko. Paano kung mahuli tayo?”


“Ano bang pinagsasabi mo? Ilang buwan na natin ‘tong pinagplanuhan. Naka-rent na lahat ng gamit natin. Pati mga makakasama natin bayad na. Babayaran mo ba lahat ng ginastos natin doon?” 


Hindi nakasagot ang kausap nito. Alam niyang hindi niya kayang bayaran ang lahat ng nagastos nito. Kaya nga nila ‘to ginagawa, kailangan niya ng pera.


Pero nagsisimula na siyang makaramdam ng takot at guilt sa balak nilang gawin. Sa tagal nilang pagpaplano ay napag-isip-isip niya kung gaano kadelikado ang gagawin nilang pag-kidnap sa nag-iisang anak ni Mr. Andrew Mijares.


Ngunit ang dami na nilang pinagdaanan. Bukod sa mga binayaran nilang mga gamit at mga tao ay matagal na rin ang ginugol nila para lang magkaroon ng pagkakataon para makalapit sa dalaga. Hindi na sila makakahanap pa ng ibang pagkakataon para gawin ito.


“Hoy!” Bumalik siya sa katinuan nang sigawan siya ng lalaki. “Ano na nangyari sa ‘yo? Hindi ka na sumagot. Baka sa kalagitnaan ka pa talaga umayaw, sabihin mo lang. Alam mong isa ka sa pinakamahalagang tao rito. Baka ikaw pa ang maglaglag sa ‘min.”


“Oo na. Pasensiya na. Kinakabahan lang siguro ako kasi malapit na.”


“Siguraduhin mo lang.”


Nang ibaba nito ang tawag ay napabuntonghininga na lang siya, iniisip pa rin ang mga pwedeng mangyari. Tama ang kausap nito. Huli na rin ang lahat para ngayon pa magdalawang isip. Ang dami na nilang nasakripisyo para sa gagawin nila. Isuko man nila ang plano ay sila rin ang mas mahihirapan. Imbis na makahanap ng pera sa mga gastusin ay madadagdagan pa ito.


Isa pa, mayaman ang mga Mijares. Barya lang para sa kanila ang hihingin ng mga ito.



Chapter 4


Nag-inat si Lilia bago dinampot ang phone sa bedside table niya. Binuksan niya ang kaniyang social media at nagsimulang mag-scroll. Ngunit nakaramdam agad siya ng kirot nang makita ang mga kaibigan na masayang nagtatampisaw sa pool na pag-aari ni Rafaela.


Kagabi rin ay magkakasama ang mga ito sa isang bagong bukas na bar malapit sa kanila. Ngunit ni isa sa mga kaibigan niya ay hindi man lang naisipang imbitahan siya.


Sinara niya ang kaniyang phone bago huminga nang malalim. Tumayo na siya mula sa higaan at pumasok sa banyo upang maglinis ng katawan.


Matagal na niyang alam sa sarili niyang pinepeke lang siya ng mga kaibigan. Kung ibang tao siguro ay aalis na lang agad sila ngunit hindi siya ganoon. Mas gugustuhin niyang ipamukha sa mga ito kung gaano kalayo ang agwat ng buhay niya sa buhay nila. Na kahit anong gawin nila ay hindi nila makakamtan ang yaman na mayroon ang pamilya niya.


Tinitigan niya ang kaniyang suot na two piece at napangisi. Kung hindi siya iimbitahan ng mga ito ay siya mismo ang pupunta rito. Nagsuot lang muna siya ng damit upang takpan ang kaniyang two piece bago lumabas at hinanap si She.


“Sa bahay tayo nina Rafaela,” aniya rito.


Wala namang angal na sumunod lang si She at nagsimulang magmaneho patungo sa bahay ng kaibigan nito. Isang beses pa lang nila itong napupuntahan ngunit kabisado na niya ang daan papunta rito.


Hindi naman nagtagal ay nakarating na rin sila. Mula sa labas ay dinig ang malakas na hiyawan mula sa likod ng bahay. May kalakasan din ang tugtog ng speaker. Nakapagtataka na lang talaga na wala pang nagrereklamo sa kanila dahil magkakadikit lang ang mga bahay rito, hindi gaya sa mga subdivision.


Taas-noon namang nagtungo si Lilia sa bahay bago kumatok sa gate. Ilang minuto pa ang dumaan bago may nagbukas nito.


“Sino po sila?” tanong ng isang babaeng nakangiti sa kanila.


“Ahm, I’m Lilia. Rafaela’s friend?”


Napatango naman ang babae. “Wait lang po, ah? Tatawagin ko lang po si ma’am Rafaela.”


Napasinghal na lang si Lilia. Ngayon niya lang nakita ang babae kaya siguro hindi pa siya kilala nito. Wala na siyang nagawa pa kung hindi ang maghintay ng ilang minuto ulit.


Bumungad naman si Rafaela na siyang nagbukas ng gate. “Lilia! You’re here. Ahm…” Napatingin pa siya kay She na nakatayo lang sa likod nito bago binalik kay Lilia. “Pasok ka. Pasok. Nasa likod silang lahat.”


Dere-deretso namang nagpunta si Lilia sa loob at nauna nang pumasok sa likod ng bahay. Nakasunod naman sina Rafaela at She sa kaniya.


Hindi alam ni Lilia kung guni guni niya lang ba ngunit biglang natahimik ang lahat nang makita siya. Imbis na ma-intimidate o mahiya ay lumawak pa ang kaniyang ngiti bago kumuha ng isang baso ng alak sa isang lamesa.


“Why is your party so quiet?” tanong niya. “Let me show you how to party!”


Dumeretso siya sa speaker at namili ng ibang kanta. Dumagundong naman ang tugtog sa buong lugar kaya kahit naiilang ay bumalik na ang iba sa kani-kanilang ginagawa. Nagkatinginan naman sina Cora at ang ilang mga kaibigan ni Lilia.


Nakatingin lang sa buong pangyayari si She sa isang gilid. Gusto niyang umiling sa napapanood pero pinigilan niya ang kaniyang sarili. Wala naman siya sa lugar para makialam. Kahit na mali na ang kaniyang nakikita ay labas siya sa mga nangyayari. Isa lang naman siyang bodyguard.


Dumaan ang ilang oras. Gaya ng inaasahan, susuray-suray si Lilia dahil sa kalasingan. Hindi tinanggal ni She ang tingin niya sa kaniyang amo dahil marami pa ring tao. Halos lahat ng naroon ay lasing na rin. Miski ang mga kaibigan ni Lilia ay hindi na rin makausap nang maayos.


Napabuntonghininga si She bago lumapit kay Lilia. Ginabayan na niya ito papuntang banyo dahil kung sino-sino na ang nakakabunggo nito. Tinulungan niya itong makapasok sa loob. At nang makita ang toilet ay halos kumaripas siya ng takbo para lang umabot. Napangiwi na lang si She nang marinig ang pagsukat nito mula sa kinatatayuan.


Sinilip niya ang dalaga at halos sumayad na ang buhok nito sa loob ng toilet. Kaya naman lumapit na siya at tinipon ang buhok sa likod nito. Bahagya niya ring tinapik at hinilot ang likod nito upang gumaan ang pakiramdam niya.


Ilang minuto bago natapos sa pagsuka si Lilia. Hingal na hingal itong napaupo sa sahig bago sumandal sa pader. Pinanood lang siya ni She. Hinintay na matapos sa kaniyang ginagawa.


“Hindi na ako magpapakalasing,” ani Lilia habang pinupunasan ang kaniyang labi.


Inabutan siya ni She ng isang panyo. “Palagi mo ‘yang sinasabi pero ito ka.”


Napatingin si Lilia sa kaniya at napataas ang kilay, hindi inaasahan ang komento ng kaniyang bodyguard. Natawa siya nang mahina. “Ang tagal mo na sigurong gusto sabihin sa ‘kin ‘yan, ‘no?”


Napaiwas ng tingin si She. “Pasensiya na, ma’am.”


“Lilia. Call me Lilia.”


Natahimik si She. Imbis na sundin ito ay mas pinili na lang niyang hindi magsalita. 


“I wanna go home.” Pilit na tumayo si Lilia mula sa pagkakaupo sa sahig. Tinulungan naman siya ni She hanggang sa makatayo ito nang tuwid.


Malapad na ngumiti si Lilia. “Thank you.”


Nauna itong naglakad palabas ng banyo. Bahagya namang napangiti si She sa sinabi nito. Ito ang unang pagkakataon na pinasalamatan siya ng kaniyang amo. Sa tagal nilang magkasama, at sa tagal niyang bodyguard nito ay ni isang beses, hindi siya nito pinasalamatan. Miski noong nahanap niya ang kwintas na bigay sa kaniya ng kaniyang ina ay hindi siya nakatanggap ng pasasalamat.


Wala namang kaso ‘yon sa kaniya dahil binabayaran siya ng ama nito. Ngunit ang makatanggap pa rin ng pasasalamat sa isang bagay ay sobrang nakakataba ng puso para sa kaniya. At kung iisiping nagmula ‘yon sa kaniyang spoiled na amo ay talagang nakakagulat din. Simple lang din naman ang ginawa niya. Tinulungan niya lang itong tumayo.


Nang makarating sa condo ay dumeretso lang agad si Lilia sa loob ng kaniyang kwarto. At dahil wala naman itong sinabi o inutos ay naghintay lang din si She sa labas ng condo. Naglibot lang siya sa buong establisyamento at nagkape habang kausap ang isa sa mga receptionist.


Bumalik din siya agad matapos magkape para naman makapaghanda na ng miryenda at ng magiging hapunan nila. Mukhang wala namang balak lumabas si Lilia dahil wala itong sinabi kaya mabuti na ring handa na ang pagkain. Kung aalis man sila ay pwede naman niyang i-ref na lang muna ang niluto at bukas na lang iinit.


Pagbalik niya sa loob ng room ay hindi pa rin lumalabas si Lilia. Tiniyak niya munang nasa loob pa rin ng kwarto ang amo bago siya nagsimulang magluto. Mukhang nasagad talaga ito ng inom kanina kaya dere-deretso ang naging tulog nito. Tiyak na gising na naman ito buong magdamag mamaya.


Mukhang kailangan niya ng maraming kape mamaya para hindi siya antukin. Anong oras na rin siya nakatulog kagabi. Sirang-sira na talaga ang body clock niya magmula noong nagtrabaho siya rito. Iba-iba naman kasi ang gising ni Lilia kaya hindi siya pwedeng basta-basta lang matulog.


Adobong manok ang niluto ni She para sa kanilang dinner. Kinuha niya ang kaniyang earbuds bago nagpatugtog. Napapakanta pa siya nang mahina kasabay ng tugtugin. Hindi niya namalayang kanina pa pala siya pinanonood at pinakikinggan ni Lilia.


Napangiti si Lilia habang pinanonood ang kaniyang bodyguard. Ito ang unang beses na nakita niyang ganito si She. Bukod sa palagi itong seryoso ay madalang talaga itong magsalita. Pero ngayon ay para itong at-home na kumakanta pa sa kaniyang kusina. Hindi niya tuloy alam kung paano sasabihing nandito na siya.


Bago pa siya makapag-isip ng sasabihin ay humarap na si She sa kaniya. Bahagya siyang nagitla nang makita si Lilia, hawak pa ang kaldero sa kaniyang kanang kamay. Hindi agad siya naka-react kaya inunahan na siya ni Lilia.


“Shall we eat?” tanong ni Lilia.


“Ahm… opo. Kakaluto ko lang pero pwede ka na pong kumain.”


Tipid na napangiti si Lilia. “You can join me kung hindi ka pa kumakain.”


“Ahm…”


Bago pa siya makasagot ay nakakuha na si Lilia ng dalawang plato para sa kanilang dalawa. Wala na rin siyang nagawa kung hindi ang magsandok ng kanin at maghain ng ulam. Masyadong mabilis ang mga pangyayari para maka-oo o maka-hindi. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari dahil ito ang unang pagkakataon na ayain siya ng kaniyang amo na kumain kasabay siya.


Buong hapunan silang tahimik na dalawa. Panaka-naka ang tingin ni She sa kaniyang amo para tingnan ang reaksyon nito. Ngunit para bang wala lang sa kaniya ito dahil kalmado lang ang ekspresyon niya. Para bang wala lang ito at isang normal na gabi lang para sa kaniya. Samantalang litong-lito naman siya sa nangyayari.


Hindi niya talaga maintindihan kung ano ang nangyayari. Una ay nagpasalamat siya sa kaniya na never pa niyang ginawa noon. At ito siya ngayon at inaya pa siyang kumain kasabay niya. Hindi naman niya magawang magtanong upang humanap ng sagot.


“Salamat nga pala,” ani Lilia.


Kumunot ang noo ni She. “Huh?”


“Salamat sa pagluluto. Dapat ginising mo na lang ako para ako ang magluto.”


Napatango si She nang maintindihan ang nais nitong sabihin. “Wala ‘yon. Kakain din naman ako kaya nagluto na ako nang para sa ‘ting dalawa.”


Muli silang natahimik. Tanging tunog lang ng kutsara’t tinidor ang maririnig sa buong condo. Kung wala lang sila sa ikalimang palapag ng building ay baka pati kuliglig ay rinig nila. 


“Maraming salamat nga rin pala,” bulong ni Lilia na halos hindi narinig ni She.


“Para saan naman po?”


Ilang segundo bago siya nakasagot. “Sa kwintas ni mama. Alam kong hindi ako nakapag-thank you sa ‘yo. I should’ve. Pero siguro masyadong mataas ang pride ko para mag-thank you.” Mahina pa siyang natawa.


“Wala ‘yon. Ginawa ko lang kung anong kaya ko noong time na ‘yon. Mabuti at nahanap ko agad.”


“Alam kong spoiled brat ang tingin mo sa ‘kin.” Hindi nagawang tumanggi ni She. “That’s how my parents raised me. They gave me everything without question. Pero tinuruan pa rin nila akong magpasalamat. So, thank you, really. I owe you one.”


Tipid lang na ngumiti si She bago nagpatuloy sa pagkain. May kung anong mainit na dumampi sa kaniyang dibdib dahil sa sinabi ni Lilia. Hindi niya maintindihan kung ano. Para bang bigla siyang nahirapan huminga pero sa loob-loob niya ay sobrang saya niya.


Post a Comment

0Comments

Post a Comment (0)

#buttons=(Accept !) #days=(20)

Our website uses cookies to enhance your experience. Check Now
Accept !