Chapter 1
Jinie Shirokin High
Oakwell Town, Golden Palace, Arkania
Kasalukuyan
Jas Suarez
"Hoy, Ron-Ron! Bilisan mo naman diyan baka mahuli tayo ng teachers," saway ko sa kaniya. Ang bagal naman kasi niya. Naiinip na 'ko!
"Oo na! Ito na nga, Jah-Jah. Huwag kang mag-alala dahil mag-eenjoy ka mamaya," sabi niya sabay ngisi sa 'kin. Iyan ang gusto ko sa kaniya. Nakaka-excite!
Pinaplano lang naman namin kung paano iinit ang ulo ng principal ng school. Siguro naman ay tama na ang pag-vandalize sa pinakamamahal niyang sasakyan, hindi ba? Balita ko ay regalo pa iyon ng kaniyang asawa.
At isa pa, bagay lang ito sa kaniya! Matapos niyang i-reject ang proposal ng section namin ay kulang pa ang parusang ito. Hindi tuloy kami mapapabilang sa gaganaping patimpalak dito sa school namin. Minsan na nga lang kami maging interesado ay aalisin pa ang section namin. Porket kami ang pinakamababa at pinakamakalokohan! Tingin yata nila ay sisirain namin ang program dahil may mga taga-ibang school din ang sasali.
"Ayan na! Tara, baka mahuli pa nila tayo rito."
Hinila niya ako para magtago sa mga halaman. Malapit lang kami sa entrance ng building namin para madaling tumakbo palayo. Panonoorin namin kung paano umusok ang tainga ni Mr. Irma kapag nakita niya ang pinakamamahal niyang Silver 2017 Subaru Forester.
Palabas na ang principal namin at hinahanap ang susi ng sasakyan sa kulay pula niyang polo at sa itim na pantalon. Mukhang may date siya ngayon pero sorry na lang dahil tiyak na mag-aaway sila ng asawa niya. May pagkamataray pa naman 'yon.
Hindi naman kami nagkamali ng hula. Namula nga ang kaniyang mukha't lumabas ang kaniyang mga ugat sa noo habang nagsisisigaw sa galit. "Sino ang may gawa nito?!"
Tawa naman kami nang tawa ni Ron-Ron na pumasok sa building namin dahil baka abutan pa ng bell. Mahirap na. Siguradong sinisisi na rin niya ang mga staffs na naroon. Mabuti na lang at walang CCTV na pwedeng makakuha sa ginawa namin.
"Mukhang masaya kayo, ah?" tanong ni Kimmey, ang bestfriend ko. Kumpara sa brown at curly kong buhok na pinakulayan ko lang ay natural na blonde naman ang kaniya. Hanggang beywang iyon at parang pina-rebond habang hanggang balikat lang ang sa 'kin.
"Masyado bang halata?" tanong ko. Naupo kami ni Ron-Ron sa bandang likuran.
"Kayo talagang dalawa! Kapag kayo nahuli, 'wag ninyo kaming idadamay," sabi naman ni Gelo, boyfriend ni Kimmey at kaibigan ni Ron-Ron. Kung si Ron-Ron ay kulay itim ang buhok na nakahati sa gitna, kulay brown naman ang kay Gelo na medyo curly.
"Hindi pa kami nahuhuli ni isang beses. At wala kaming balak na magpahuli," sabi ni Ron-Ron habang nakangisi.
Naiiling na binatukan na lang ni Gelo ang kaibigan habang natatawa naman kami ni Kimmey sa kanila.
Nagsimula na kaming magchikahan nang dumating ang teacher namin. Tumahimik ang lahat at nakita ko agad ang kaba sa mukha niya. Paupo na dapat siya pero hinatak ko ang taling hawak ko kaya... oops!
Napuno ng tawanan at hiyawan ang room namin dahil isa lang ang ibig sabihin nito... wala na namang klase! Halos madulas pa siya sa paglakad palayo dahil sa mantika at harinang dumikit sa kaniyang paa at katawan.
"Tara sa canteen, Jah-Jah!" yaya ni Ron-Ron sabay hila sa akin. Tutal gutom na rin lang naman ako ay nagpahatak na lang ako. Iniwan namin sina Kimmey at Gelo dahil paniguradong mas gusto nilang magsolo.
Um-order lang kami ng makakain at naghanap ng mauupuan.
Tumaas ang sulok ng labi niya. Isa lang ang ibig sabihin nito, may naiisip na naman ang isang ito na kalokohan. Ganito siya lagi bago gumawa ng kalokohan. Pero kahit madalas ko na siyang nakikitang nakangisi ay narito pa rin at parang may kumakalikot sa tiyan ko.
Kilala ang section namin sa paggawa ng mga kalokohan kaya hindi na kami ang pinakamalala. Mayroon pang iba sa 'ming mas nakakatakot pa ang mga pranks. At sa totoo lang, ang tumal na ng mga pranks namin ngayon. Ewan ko ba kay Ron-Ron. Kung hindi rin naman dahil sa kaniya ay hindi ako matututong gumawa ng kalokohan. Nasa section one pa nga ako dati.
Hindi ko naman siya sinisisi dahil ako naman ang may gustong gumawa ng mga 'to. Sadyang nakakatuwa lang pala talaga kapag ginagawa mo ang mga bagay na hindi mo pa nagagawa noon. Bata pa naman ako para maging seryoso masyado sa buhay.
"Order lang ako ng juice, ah?" paalam niya.
Tiningnan ko siyang bumili ng juice. Pagbalik niya ay may nakabungguan siyang lalaki. Hindi ko alam kung sino iyon pero pakiramdam ko ay natahimik ang mga tao sa canteen dahil sa nangyari.
Hindi na ako nag-aksaya ng oras at nilapitan ko na sila.
"Sorry, hindi ko sinasadya. Hindi kasi kita nakita," ani Ron-Ron.
"A -- "
Magsasalita pa sana ang lalaki pero hindi ko siya pinatapos.
"Ron-Ron, ano ba naman 'yan! Hindi kasi tumitingin sa daan." Binaling ko ang tingin sa lalaki. "Sorry po ah?"
Pagkatapos ay hinila ko na si Ron-Ron paalis. Hindi ko alam pero parang nag-iba talaga ang hangin sa paligid dahil sa nangyari. Nawala 'yong ingay na hindi naman nangyayari noon kapag gumagawa kami ng kalokohan.
"Sayang! Dapat hinayaan mo muna siyang magalit," pagmamaktol niya, bahagya pang nakanguso dahil sa nangyari.
"Mukhang mananapak na kasi siya kanina kaya hayaan mo na," sabi ko na lang.
Nakaupo kami sa damuhan at tanaw namin ang malawak na soccer field. Malakas ang hangin kahit na medyo mainit. May ilan ding mga estudyante ang nakatambay rito dahil maraming puno ang nagbibigay silong sa 'min.
"Ano kaya ang magandang gawin mamayang uwian?" tanong ko sa kaniya. Alam kong hindi siya mauubusan ng kalokohan sa katawan.
"May basketball practice mamaya at madaming pupunta. Ako na bahala sa gagawin natin."
Mukhang masaya ito. Balita ko kasi ay maraming bagong members at may mga taga-ibang school pa ang papasok sa gym namin.
"Tara na! Baka maunahan tayo ng teacher," sabi niya.
Pagdating namin ay naroon na nga. Umupo na kami pareho. May seating arrangement na ibinigay sa amin pero hindi namin sinusunod.
Hanggang sa matapos ang klase sa Araling Panlipunan ay nagdadaldalan lang kami ni Ron-Ron sa likod kahit sinasaway na kami ng guro namin. Hindi naman nila kami puwedeng paghiwalayin. Masyado na kaming attached sa isa't isa kaya parang imposibleng paghiwalayin pa.
Nakarinig kami ng isang matinis na sigaw pero hindi na rin kami nagulat. Narinig kasi namin kanina na may ilalagay na ipis ang mga kaklase ko sa locker room. At ang may pasimuno? Si Miya, kaklase namin. Pati ilang teachers namin ay trip din niyang asarin. Kaya naman ang section namin ang pinakamababa sa lahat. Puro daw kalokohan ang alam namin.
Well, iyon na ang tingin nila sa 'min kaya susulitin na namin.
"Nakasimangot ka na naman diyan?" puna ni Ron-Ron.
Bigla tuloy akong bumalik sa reyalidad at saka ko lang napagtantong kanina pa pala ako nakatulala at nakasimangot. "Wala lang ako sa mood ngayon," sabi ko na lang at dinukmo ang ulo ko sa mesa.
"Want to have some fun? Balita ko ay may new teacher tayo ngayon," sabi niya.
Napatingin ako sa kaniya. Saktong ang lapit din niya kaya muntikan ko siyang maitulak. Siya naman ay parang wala lang at nilapit pa lalo ang mukha sa 'kin.
"A-Ano naman? Lumayo ka nga! Nakakasuka 'yang mukha mo!" bulalas ko at yumuko ulit. Baka makita niya ang namumula kong mukha. Tiyak na aasarin niya 'ko!
"Grabe! Ang gwapo ko kaya tapos susuka ka lang?"
Sabay kaming natawa sa sinabi niya at saka ko siya binigyan ng isang sapak sa balikat. Napakahangin niya talaga minsan!
Tinuloy na namin ang balak ko sana kaninang pagka-cutting at inakyat na lang namin ang bakod sa likod ng building. May ilang guards kasi ang nagbabantay sa main gate kaya mahirap doon tumakas. Well, that's Jinie Shirokin High for you!
Inakyat ko ang bakod dahil nauna sa akin si Ron-Ron.
"Talon na dali! Sasaluhin kita," sabi niya.
Ginawa ko ang sinabi niya at sinalo niya ako. May tiwala naman ako sa kaniya na hindi niya ako ihuhulog.
Tumakbo na kami at nagpuntang karinderya para bumili ng pagkain. Doon kami nagkulitan. Buti pa rito ay tahimik lang. Iyong tipong wala kang tatakasan. Hindi tulad sa school na may officers pa. Hindi naman kapaki-pakinabang dahil hindi naman nila kami napipigilan.
Nang makauwi ako ay agad akong humilata sa single bed ko. Hindi ganoon kalaki ang silid, tama lang para sa 'kin. Wala akong koleksyon ng kung ano at puro posters lang ng paborito kong palabas ang nakadikit sa pader.
May isa akong maliit na wooden table sa tabi ng kama ko na may picture frame ko noong elementary graduation. May isa pang frame katabi nito kung saan kasama ang mama't papa ko na kinuha rin noong mismong graduation.
Wala akong litrato noong bata pa ako. Nakapagtataka man ay hindi na ako nagtanong pa kung bakit. Sinubukan ko noon pero halata mong iniiwasan talaga nina mama ang usapan lalo na kapag tungkol sa kabataan ko. Para akong nagkakaroon ng nakahahawang sakit na nilalayuan nilang dalawa.
Pilit kong tinatago sa likod ng isip ko lahat ng iyon, pero gaya nitong mag-isa ako at nakatulala ay hindi ko maiwasang hindi tanungin, ano nga ba ang mayroon noon at kahit ako'y hindi maalala ang mga nangyari? Bakit hindi ko maalala noong apat na taong gulang ako? Noong tatlong taon at dalawang taon? Kasi ayon kay Ron-Ron ay may naaalala pa siya sa nangyari sa kaniya kahit hindi masyadong malinaw.
Minsan ko nang tinanong sa sarili ko, nagka-amnesia ba ako? At kung oo, bakit parang ayaw pa ikuwento nina Mama at Papa?
Inabot ko ang cellphone ko sa side table nang mag-vibrate iyon. Bumungad sa 'kin ang pangalan ni Ron-Ron.
Kumunot agad ang noo ko. Hindi naman siya mahilig tumawag. Agad ko itong sinagot dahil mukhang mahalaga ang sasabihin niya.
"Hello?" sagot ko.
"Ano 'ng ginagawa mo?"
"Wala naman, patulog na sana 'ko."
"Napanood mo 'yong balita?"
Tumingin ako sa orasan sa pader at nakitang mag-aalas nuwebe na, ibig sabihin ay tapos na ang balita. "Hindi. Bakit? Ano 'ng mayro'n?"
"May malalang sakit daw ang reyna."
Agad binundol ng kaba ang dibdib ko dahil sa balita niya. "Weh?"
"Oo. Kanina lang nakumpirma..." Ilang saglit pa kaming natahimik hanggang sa muli siyang nagsalita. "Isa lang ang ibig sabihin nito."
Tumango ako kahit hindi niya nakikita. "Tiyak na hindi palalampasin ito ng hari ng Nearon."
Chapter 2
Jas Suarez
Ngayon namin gagawin ang naisip naming kalokohan ni Ron-Ron sa may basketball court. Mukhang ang dami nga talagang mga pumunta upang manood. Sikat kasi ang sports na 'to sa school namin maliban sa Soccer.
"Tara sa locker room nila, Jah. Nasa court na ang mga players at nagpa-practice. Ito na 'yong chance natin para makapasok!" Kulang na lang ay magtatalon siya sa sobrang excitement.
Sumama naman ako sa kaniya at dinala ang pandikit na binili ko kanina. Nilagyan namin nito ang mga bola pati ang loob ng mga jersey shirts na narito. Para naman maging sulit ang pagbili ko ay idinikit ko na rin ito sa mga upuan upang hindi nila matanggal. Mukhang nakatutuwa ang makikita namin mamaya. Mas maganda sana kung sa buhok... wait!
"Ron-Ron, may naisip ako. Paano kung pumunta tayo sa shower room ng boys?" tanong ko.
Bigla namang dumilim ang mukha niya. "Ano ba ang nasa isip mo, Jah? Maninilip?"
Napatawa naman ako dahil sa sinabi niya. As if namang gusto ko! Kahit na gaano pa kalaki ang katawan ng mga varsity players namin, katawan lang ni Ron-Ron ang gusto kong makita.
"Hindi! Lalagyan natin ng pandikit ang mga buhok nila," bulong ko naman sa kaniya.
Saglit pa siyang natahimik at nag-isip dahil medyo mapanganib ang gagawin namin. Kinulit ko pa siya nang kinulit hanggang sa sumuko na siya.
"Sige na nga, pero ako ang maglalagay," sabi niya.
Nangatwiran naman ako. Hindi nakaka-excite kung siya lang!
"Ganito na lang. Ipapasan kita para makaakyat ka tapos sabay tayong tatakbo palabas. Deal?" tanong niya.
Napaisip ako saglit. "Deal!"
Natatawa ko pang nilagyan ang upuan at umalis na. Tumakbo kami patungong shower room at nagtago. May ilang players ang nakalabas na at mukhang nakaligtas sila. Hindi sila ang malalagyan nito sa buhok! Sana nga lang ay may player pang natira sa loob.
Tinantya namin kung may lalabas pa at nang masiguro ay si Ron-Ron ang pumasok sa loob. Tiningnan ko naman siya at lumapit nang sinenyasan niya akong wala ng tao. Dahan-dahan kaming pumasok sa shower room at saka pasimpleng lumapit sa isang cubicle na may tumutulong tubig.
"Ready?" pabulong na tanong niya sa 'kin.
Nag-thumbs up naman ako sa kaniya at saka niya ako pinasan. Unti-unti kong sinilip ang pinto at nakakita ng isang lalaking nakatalikod at naliligo. Mayroon naman siyang shorts na pang-ibaba kaya nakahinga pa ako nang maluwag.
Ganito pala ang katawan ng mga varsity. Ang ganda ng kutis at parang bato.
Sorry, Kuya! Kailangan kong gawin ito dahil nakakatuwang isipin na maaasar ka.
Binuksan ko naman ang lalagyan ng pandikit nang medyo nanginginig pa. Tinapik ko si Ron-Ron dahil sa gulo niya. Tiningnan ko pa siya nang masama. Tinuon ko ulit ang atensyon ko sa hawak ko at napasulyap sa lalaki. Halos mahulog ang puso ko dahil kasalukuyan na siyang nakatingin sa 'kin!
Nanlilisik ang mga mata niya kaya naman tumalon ako paalis sa likod ni Ron-Ron. Hinawakan ko na siya sa kamay sabay takbo.
Nahuli kami, nahuli kami!
"Ano 'ng nangyari, Jah-Jah?" tanong ni Ron-Ron habang tumatakbo pa rin kami.
"R-Ron-Ron! Nahuli ako, nahuli niya ako! Nakakatakot," bulalas ko. Nakita naman namin ang isang kumpulan ng mga tao kaya napabitiw ako sa kaniya.
"Dito tayo." Iyon na lang ang narinig ko mula sa kaniya pero nang tingnan ko kung sino ang humatak sa 'kin ay nanlaki agad ang mga mata ko.
Sinubukan kong kumawala pero masyado siyang malakas. Nang makalayo kami sa mga tao ay tinulak niya ako sa pader. Napapikit na lang ako dahil sa pagkakatama ng likod ko. Unti-unti akong dumilat hanggang sa makita ko ang nagliliyab niyang tingin.
"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo? Akala mo ba matatakasan mo 'ko?"
Wala akong masabi. Natali yata ang dila ko dahil sa kaba. Ano 'ng gagawin ko ngayon? Nahuli niya 'ko!
"Ahm..."
"Magsalita ka! Ano ang ginagawa mo sa shower room ng boys?" madiing tanong niya sa 'kin.
Nakatingin lang ako sa kaniya at sinipat ang kabuoan niya. Kulay asul ang mga bilugang mata niya at mahahaba ang pilik-mata. Matangos ang ilong, mapupulang labi at ang mga pisngi. Medyo tumutulo pa ang tubig sa shorts niya na mukhang hindi na napalitan kanina.
"Tapos ka na bang sipatin ako, Miss? Ngayon, sabihin mo na sa 'kin kung ano ang kailangan mo at ano ang ginagawa mo roon kanina?" Ngumisi siya bago nagpatuloy. "Mukhang pinagnanasahan mo pa 'ko. Satisfied ka na ba sa nakita mo o gusto mo pa ulit? Mukha kasing nag-enjoy ka kanina sa paninilip mo."
Umakyat ang dugo ko sa paa papuntang ulo. Masyadong mayabang ang isang ito! "Huwag ka ngang feeling! FYI, hindi kita sinisilipan, 'no!"
"Pwes! Bakit ka pala nando'n?"
"Nakita mo 'to?" tanong ko sabay taas ng pandikit na hawak ko. "Gusto sana kitang lagyan nito sa buhok pero nagbago na ang isip ko. Gusto ko na palang ipalamon 'to sa 'yo ngayon dahil sa kayabangang dala mo!"
"Gano'n? So, gusto mo pa pala akong gawan ng masama? Alam mo ba kung ano ang puwedeng mangyari sa 'yo kapag sinabi ko 'to sa guidance?"
"Ano naman? At least mabubura ko na 'yang bibig mo para hindi na makapagkalat ng kayabangan!"
Ngumisi lang siya kaya nadagdagan na naman ang init ng ulo ko.
"Tumigil ka sa kakangisi mo. Hindi ako natutuwa sa 'yo!" sigaw ko sa kaniya.
Tumingin naman siya ulit sa 'kin. Kung kanina ay nakakatakot ang mga tingin niya, ngayon naman ay may halong pagkamangha na iyon.
Ha! Baka ako ang unang babaeng bumalewala sa kagwapuhan niya. Nakaapak pa yata ako ng pride!
"Alam mo bang ikaw ang kauna-unahang babaeng sumigaw sa 'kin? Ang kauna-unahang babaeng bumastos sa 'kin?"
Tinaasan ko lang siya ng kilay. "Ano naman ngayon? Hindi ko naman 'yon kawalan. Isa pa, sino ka ba?" panghahamon na tanong ko sa kaniya. Akala mo kasi kung sino.
"Hindi mo 'ko kilala?" tanong niya sa 'kin.
"Hindi nga! At kung malaman ko man, wala akong pakialam. Hindi dapat inaalala ang mga lalaking tulad mo!"
Tinalikuran ko na siya. Kumukulo na talaga ang dugo ko sa kaniya. Ngayon ko na lang naramdaman 'to ulit dahil hindi naman ako naaasar nang ganito dati. Kapag kasi iinit ang ulo ko ay napipigilan agad ni Ron-Ron.
Bago pa man ako makalayo sa kaniya ay isang bisig na naman ang naramdaman kong humila sa 'kin.
Pagkaharap ko sa kaniya ay binigyan ko siya ng matalim na tingin. "Ano?" bulalas ko.
Kumunot ang noo niya. "Wala kang karapatang magalit sa 'kin, Miss. Kailangan mong panagutan 'tong kalokohan mo. Sasama ka sa 'kin."
Hinatak niya ang kamay ko ngunit agad akong nagpumiglas. "Huwag! Please, sorry na, Kuya! Hindi ko na uulitin."
"Sinasabi mo lang iyan ngayon dahil isusumbong kita. Kapag pinatakas kita, uulitin mo lang ang ginawa mo."
"Hindi na! Promise! Hindi na talaga."
Napatigil siya sa paghatak sa 'kin at saka ako nilapitan. Halos maduling ako dahil sa paglapit ng mukha niya sa 'kin.
"Alam mo, kapag may ginawa kang hindi maganda, dapat mong pagbayaran iyon. Hindi mo alam kung ano ang puwedeng maging epekto niyon sa ibang tao," aniya.
Umawang ang bibig ko. Alam ko, gusto ko sanang sabihin. Pero parang natutop lang ang bibig ko.
Alam ko naman iyon, pero masaya ako sa ginagawa ko. Ano ang magagawa niya?
"Pakakawalan kita ngayon, pero kapag may ginawa ka na namang kalokohan at nahuli kita, alam mo na kung ano ang mangyayari."
Muli niya akong tinitigan sa mga mata bago tumalikod sa kinaroroonan ko.
Pinanood ko lang siyang umalis hanggang sa mawala siya sa paningin ko.
Napabuga ako ng hangin. Bakit nagi-guilty ako?
ABSENT NGAYON SI Ron-Ron kaya ito ako at mag-isa, hindi alam kung itutuloy pa ba ang prank na naiisip ko.
Paano kung mahuli ako? E 'di ako lang mag-isa? Sabi niya kasi ay aalagaan niya ang kapatid niyang may sakit, si Paula. Kaya ang boring tuloy ng araw na 'to. Nakadukmo lang ang ulo ko sa upuan at nagde-daydream. Wala na namang klase dahil sa kagagawan ng mga kaklase ko.
"Pakakawalan kita ngayon, pero kapag may ginawa ka na namang kalokohan at nahuli kita, alam mo na kung ano ang mangyayari."
Napailing na lang ako dahil do'n. Hindi pa rin kasi maalis sa isip ko ang sinabi ng estrangherong iyon. Mababaliw na nga ako kagabi kaiisip! Paulit-ulit sa utak ko kung ano ang ginawa niya. Hindi ko mapigilan ang mamula at pang-initan ng pisngi. Napatili na lang ako sa isip ko!
"Mukhang malungkot ka 'ata ngayon, ah?" sabi ni Gelo. Nandito na sila pareho ni Kimmey kaya may kasama na ako.
Tiningnan ko na lang silang dalawa at napasimangot lalo.
Si Kimmey ang sumagot, "Wala kasi ang love of her life niya kaya ganiyan siya ngayon!"
Kinagat ko na lang ang pang-ibabang labi ko. Ang hindi nila alam ay nalulungkot ako dahil sa nangyari kahapon. Kahit naman gumagawa kami ng kalokohan, ayoko pa ring mahuli.
"Ayos lang 'yan! Papasok na 'yon bukas. Hindi ka matitiis n'on!"
Ngumuso na lang ako at 'di na sila sinagot.
Narinig ko na ang bell kaya inayos ko na agad ang gamit ko. Nagsitayuan kami at pumunta na ako sa canteen. Kaunti lang ang tao dahil madalas ay sa soccer field sila kumakain.
"Ate, kanin po tiyaka Chicken Fillet na lang," sabi ko. Loner ako ngayon dahil nag-cutting sina Kimmey at Gelo.
Habang naghahanap ako ng mauupuan ay biglang may lumapit sa 'king mga babae.
"Mukhang nag-iisa ka yata?" puna ni Pugita number one.
Tatlo silang mga babaeng may makakapal na make up. Maiksi rin ang asul nilang palda kumpara sa normal. Nakabukas din ang butones nila hanggang dalawa kaya kita ang mga cleavages nila. Alam ko agad na hindi maganda ang pakay nila itsura pa lang.
"Mukha ba kong may kasama? Duh!" sabi ko. Inirapan ko pa sila.
"Sino ka ba para sagutin ako?" tanong ulit ni Pugita number one, ang tumatayong leader yata nila. Mayroon siyang nunal sa ibaba ng kanang mata niya. Maganda sana siya pero mukhang hanggang itsura lang.
"Jas is the name. Alis nga! Gutom na 'ko," sambit ko. Lalagpasan ko sana sila kaso lang ay may humila ng buhok ko.
"Kapag kinakausap ka, 'wag kang tumatalikod," sabi ni Pugita number two na humila sa buhok ko, ang attacker ng grupo nila. Nakataas ang kilay niya kaya nagmukha siyang mabangis. Napansin ko ring may piercing siya sa dila nang magsalita siya.
"Kung may sasabihin pa kayo, no thanks! Huwag mo ring hawakan ang buhok ko. Mas mahal pa ang shampoo na ginagamit ko kaysa sa buhay ninyo!" Natanggal ko naman agad ang pagkakahawak niya sa buhok ko kaya agad akong umalis. Hindi ko kaya ang ganitong mga eksena.
Ron-Ron ko, nasaan ka na ba kasi?
"Stop!" sabi ni Pugita number one pero hindi ko sila pinansin. Nagugutom na ako!
"She said stop!" Bigla namang hinila ni Pugita number three ang buhok ko paibaba kaya napaupo ako sa sahig. Tumapon tuloy ang laman ng hawak kong tray. Siya naman iyong pinakamaliit sa kanila pero pinakamalakas ang boses.
"Ano ba 'ng problema ninyo?!" sigaw ko.
Nakatingin na ang mga taong may mga mata sa 'min, nagbubulungan na rin ang ibang may bibig dito. Hindi na lang gamitin ang mga iyon sa pagtigil nitong ginagawa ng mga pugitang ito kaysa magbulungan sila na parang mga bubuyog.
"May gana ka pang magtanong?"
"Gutom na ako at mawawalan talaga ako ng gana kapag hindi mo nilayo iyang pagmumukha mo sa 'kin," sabi ko.
Sa mga ganitong sitwasyon ay laging darating si Ron-Ron upang ipagtanggol ako. Mahina ako, oo. Gusto ko lang makita nila ngayong kahit papaano ay kaya kong ipagtanggol ang sarili ko. Hindi iyong lagi akong aasa kay Ron-Ron! Pero mukhang hindi madali.
"Ito lang ang sasabihin ko sa 'yo. Leave. Tyrone. Alone!" sigaw niya sabay sabunot na naman sa 'kin. Ngayon ay may kasama ng kurot.
Gustuhin ko mang lumaban ay hindi ko kaya. Hanggang sagutan lang naman ako. Ang tanging magagawa ko na lang ay manahimik at gamutin ang mga sugat ko mamaya. Isa pa, bakit ko naman gagawin ang sinabi niya eh kaibigan ko si Ron-Ron? Bata pa lang ay kilala ko na siya kaya wala silang karapatan para sabihin sa 'kin ang bagay na 'to.
Pagkatapos nila akong saktan ay pinagpatuloy ko ang pagkain ko. Inubos ko kung anuman ang natira sa tray. Wala naman akong pera para bumili ng panibago. Nagpasalamat na lang ako't hindi nahulog lahat ng ulam at kanin sa tray.
Tiningnan ko nang masama ang mga taong nakatingin sa 'kin - mga taong walang ginawa kundi ang husgahan ako kahit ako ang naagrabyado.
Patuloy ako sa pagkain habang pinipigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Ito ba ang mangyayari sa 'kin tuwing wala si Ron-Ron sa tabi ko? Kailangan ba habang buhay ay kasama ko siya para maging payapa ang mga araw ko? Para kasing hindi ko kaya ang mag-isa sa mga pagkakataong 'to.
Pagkatapos kong kumain ay dumeretso ako sa rooftop. Puro sirang mga upuan lang ang nandito. May ilan ding mga whiteboards na hindi na ginagamit, mga sirang mop at iba't ibang mga bagay na patapon na.
Pagkatapak na pagkatapak ko sa rooftop ay sumigaw ako agad, "Ron-Ron ko! Nasaan ka na ba kasi? Bumalik ka na. Kailangan kita ngayon!" Patuloy na dumadaloy ang mga luha sa pisngi kong kanina pa pinipigilan. Kung may sapat lang sana akong lakas para labanan sila kanina ay hindi ako magmumukhang mahina sa harap ng maraming tao. Hindi rin sana ako umiiyak ngayon.
Habang nakaupo at yakap ang mga tuhod ay patuloy akong umiiyak. Nahigit ko lang ang hininga ko nang may marinig akong nagsalita. "Huwag ka ngang maingay. Tss!" Pamilyar ang boses ng lalaki pero hindi ko siya pinansin.
Nanatili akong nakayuko sa harap ng railings. Naramdaman kong tinitigan niya ako na para bang sinisipat kung sino itong sumisigaw.
"Perverted girl?" tanong niya sa 'kin. Hindi ko pinansin ang pang-iinsulto niya. "T-Teka, umiiyak ka ba?" Hinawi niya ang buhok ko para tingnan ang mukha ko pero tinabig ko lang ang kamay niya.
"Huwag mo 'kong hawakan! Kung aasarin mo lang ako, puwede bang mamaya na lang?" mahinang sambit ko. Nahihikbi na rin ako. Sa tingin ko ay kapag tumingala ako, makikita na niya ang mugto kong mga mata at ang uhog ko.
Akala ko ay aalis na siya dahil naramdaman ko ang paggalaw niya pero mali ako. Umusod lang pala siya palapit sa 'kin at saka ako hinila... palapit sa kaniya. Papalag pa sana 'ko kaya lang ay naramdaman ko ang pagtapik niya sa balikat ko.
Hindi ba chansing na 'to? Dapat na ba 'kong umalis? Pero hindi naman niya ako niyayakap... ayos lang naman 'to, 'di ba?
"Iiyak mo lang 'yan. Estranghero man ako sa paningin mo, puwede mo pa rin naman ako maging kaibigan kahit ngayon lang," sabi niya.
Hindi ko tuloy napigilan ang mapaiyak na naman dahil sa sinabi niya. Hinagod niya ang likod ko na para bang malapit kaming magkaibigan... na para bang matagal na naming kilala ang isa't isa.
Bakit nga ba ako nagpapahawak sa ibang lalaki nang ganito? Pero ang mas nakapagtataka ay kung bakit walang halong pagtutol ang nararamdaman ko ngayon.
Chapter 3
Jas Suarez
Kasalukuyan kaming tahimik habang ginagamot niya ang sugat ko. Hindi niya iyon napansin agad kanina pero ito siya at parang mas galit pa kaysa sa 'kin. Daig pa ang mama at papa ko.
"Sino ba naman kasi ang walang pusong gagawa nito? Ang ayoko talaga sa lahat ay iyong mahilig manakit!" Nakakunot ang noo niya habang nakatingin sa mga sugat ko. "O baka naman may ginawa ka na namang hindi maganda kaya ka sinaktan?" tanong niya sa 'kin, this time, nakataas na ang isang kilay sa dereksyon ko.
Napasimangot na lang ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung nang-aasar lang ba siya o talagang nagdududa lang sa 'kin.
"May ginawa agad na kalokohan? Hindi ko naman kasi inaakalang sasaktan nila ako, sa pagkakatanda ko kasi ay wala pa akong ginagawang kalokohan ngayong araw!" bulalas ko sa kaniya.
Diniinan naman niya ang bulak sa pisngi ko kaya napadaing na lang ako. "Baka naman nakalimutan mo lang. Hindi naman siguro sila mananakit kung wala kang ginagawang masama, 'di ba?"
Napasimangot ako sa isang dahilan na naisip ko. "Sa tingin ko... dahil kay Ron-Ron."
Naningkit ang mga mata niya habang nakatingin sa 'kin. "Kung gano'n, hindi lang ako ang lalaking sinilipan mo?"
Sinamaan ko siya ng tingin. "Hindi nga kasi! Kaibigan ko siya at siya ang katulong ko sa paggawa ng kalokohan. Absent kasi siya ngayon. Gusto nila akong palayuin sa kaniya pero sino ba sila para gawin ko 'yon?"
Blanko lang ang tingin niya sa malayo at para bang biglang naging awkward ang paligid namin. Bakit ba kasi bigla-bigla na lang nag-iiba ang mood niya? May split personality ba siya? Napaiwas na lang din tuloy ako ng tingin.
"Ron-Ron? Ano ba ang tingin mo sa kaniya?" tanong niya.
Napatingin ako sa kaniya na ngayon ay nakatingin na ulit sa 'kin. Napaiwas na naman tuloy ako. Ano ba naman 'to? Normal pa ba ang taong ito? Bakit nakaka-intimidate siya ngayon?
"Sabi ko naman sa 'yo, 'di ba? Kaibigan ko siya at katulong sa paggawa ng kalokohan," sabi ko.
Inilapit niya ang mukha sa 'kin na parang inaalam kung nagsasabi ako ng totoo.
'Hindi ako nagsisinungaling!' Gusto ko sanang isigaw sa kaniya kaya lang ay baka magmukha akong defensive.
Akala ko ay magsasalita siya pero bigla na lang siyang ngumiti sa 'kin at saka tumayo. Ang weird talaga!
"Hindi ko pa alam ang pangalan mo," sambit niya.
Marahas akong napabaling sa kaniya. "Oo nga, 'no?"
"Ako nga pala si Eiji," aniya.
"Jas, 'yan ang pangalan ko," sabi ko. Nakipagkamay naman ako sa kaniya. Nakakatuwang isipin na magkakaroon ako ng instant kaibigan dahil lang sa pagpunta ko rito. Kahit na ba nakakailang ang una naming pagkikita.
"Jas? Jas lang? Hindi ba Jasmine?" tanong niya.
"Oo, eh! Minadali yata ni Mama ang paglalagay sa birth certificate ko. Okay na rin para hindi na mahaba ang isinusulat ko sa exams!" Natawa ako.
"Dahil malungkot ka ngayon, ililibre kita. Pero sa susunod dapat ilibre mo rin ako para quits. May kasalanan ka pang hindi mo nababayaran sa 'kin," sabi niya sabay pinagkrus ang mga braso niya.
Napaisip naman ako sa kasalanang ginawa ko. "Ano na namang kasalanan 'yon? Oi! Baka naman gawa-gawa mo lang 'yon para mailibre kita?"
Nataasan pa tuloy ako ng kilay. "Hindi 'noh! Sinilipan mo nga ako noong nasa shower room ako kaya hindi pa tayo quits." Tinaasan pa niya ako ng kilay. "Ako pa ang gumamot ng sugat mo! Doble pa pala ang babayaran mo," aniya.
Hindi naman nagtagal ay umalis na kami sa rooftop at lumabas ng school habang nagtatawanan. Nakapunta kami sa mga stalls na maraming mga pagkain, souvenirs, at mga laruang tinitinda.
Marami ang tao rito na madalas ay puro turistang nagmula pa sa bansang East Blue, Sky Kingdom o kaya naman ay sa Green Forest.
Habang namimili ay ang dami kong nalaman tungkol kay Eiji at ganoon din naman siya sa 'kin. Varsity pala siya ng school namin at na-delay ang match nila dahil success ang pagsasabutahe namin sa mga gamit nila. Para tuloy ayokong pumunta sa court dahil baka mabugbog ako ng mga kasamahan niya.
Kumakain kami ngayon ng ice cream habang naglalakad.
"May itatanong lang sana ako sa 'yo pero 'wag ka sanang magagalit ah?" tanong ko sa kaniya.
Tiningnan niya lang ako na parang hinihintay ang itatanong ko.
"Bakit paiba-iba ugali mo? Minsan mabait, maingay, tapos minsan nagsusungit ka. Ang madalas mo lang gawin ay maging mahangin," tanong ko sa kaniya.
Napahinto naman siya sa paglalakad at sandaling nag-isip. "Hindi ko rin alam. Feel ko lang gawin 'yon. Isa pa, mas gusto kong ilabas kung ano ang nararamdaman ko kapag gusto ko," simpleng tanong niya.
Natigilan naman ako sa sinabi niya. "Gano'n? H-Hindi ka ba magagalit?"
Tiningnan naman niya ako nang nagtataka.
"Tinanong kita tapos sinabihan kita ng masungit, mayabang blahblah. Hindi ka ba magagalit o maiinis?"
"Oo, naiinis nga ako," sabi niya.
Tiningnan ko naman siya nang seryoso. "Ang gulo mo rin, 'noh?" tanong ko sa kaniya. Nakapameywang ako habang nakatingin sa kaniya.
At ang loko, tinawanan pa ako bago magsalita. "Hindi ako magulo. Tulad ng sabi ko, kung gusto ko lang ilabas. Sa ngayon ay ayoko muna magalit. Ayoko kasing i-spoil ang first date natin," sabi niya.
Napatigil ako at napatulala dahil sa sinabi niya. Date? First date namin 'to?
Napatingin ako sa kaniya habang siya naman ay nakangiting nakatingin sa daan. Ano ba 'ng nangyayari sa 'kin? Don't tell me, nararamdaman ko rin sa kaniya 'to? Hindi kaya tulad kay Tyrone... may crush na rin ako sa kaniya? Isa lang siyang estranghero, 'di ba?
Tyrone Davis
Naglalakad ako ngayon papuntang school. Mabuti na lang at magaling na ang kapatid ko kaya makapapasok na rin ako sa wakas. Miss ko na 'yong mga pranks na ginagawa ko at higit sa lahat ay miss ko na rin ang boses ni Jah-Jah ko. Hindi ko naman kasi inaasahang hindi ako makakapasok kaya nag-text na lang ako sa kaniya.
Sana okay lang siya. Medyo nag-aalala kasi ako. Hindi ko man sigurado kung bakit pero marami ang may ayaw sa kaniya. Siguro dahil na rin sa ginagawa naming mga kalokohan at ilan sila sa mga nabiktima. Ngayon lang talaga ako nawala sa tabi niya para protektahan siya.
"Ron-Ron!" Speaking of Jah-Jah, narinig ko na ang matinis niyang boses sa hindi kalayuan. Papasok pa lang ako ng gate ng school namin, 'yan agad ang bungad niya sa 'kin.
"Kumusta na, Jah-Jah?" tanong ko sa kaniya habang malawak ang pagkakangisi.
Tumalon siya at saka ako binigyan ng yakap kaya naman muntik na kaming bumagsak pareho. Mabuti na lang at hindi siya ganoon kabigat, hanggang dibdib ko lang din kasi ang laki niya.
"Okay lang ako. Grabe! Walang gumawa ng kalokohan kahapon," sabi niya at pagkatapos ay binigyan ako ng isang napakalaking ngiti.
Makita ko lang siyang nakangiti ay buo na ang araw ko!
Isang araw ko lang siyang hindi nakita ay parang hindi na 'ko mapakali. Inasar pa nga ako ng kapatid ko dahil baka raw magkasakit ako kapag hindi pa ako pumasok sa school. OA man pakinggan pero 'di ko na maitatanggi pa.
"Talaga? Sayang naman. Pero nandito na 'ko," sabi ko.
Pumasok na kami sa loob ng room habang nagku-kuwento siya sa lalaking nakilala niya noong isang araw. Ni hindi nga niya naikuwento sa 'kin na nahuli siya ng lalaking balak namin lagyan ng pandikit.
"Alam mo ba kahapon, pumunta kami sa stalls diyan sa malapit? Hindi ko rin inaasahan na date pala namin 'yon. Sorry Ron-Ron, ah? Hindi ikaw ang first date ko!" nakatawang bulalas pa niya.
Ngumiti na lang ako sa kaniya at dumeretso na sa upuan ko. Parang sumikip ang dibdib ko habang nagku-kuwento siya sa 'kin. Hindi ko rin alam kung bakit. Siguro nga ay wala pang karanasan si Jah-Jah tungkol sa mga date pero ang tingin niya sa date na 'yon ay friendly date lang.
Hindi ko maiwasan ang manghina. Hindi pa rin ako nakikipag-date sa kahit na sino dahil gusto ko sanang siya ang mauna. Kaya lang ay nahuli ako.
"Nilibre pa nga niya ako kahapon kaso kailangan na niyang umalis," sabi niya. Bigla siyang napasimangot habang nagku-kuwento. Seryoso ba siya?
Hindi ko napigilan ang sarili ko at binatukan siya. Alam ko namang gusto niya lang na magpalibre sa 'kin.
"Tama na nga ang kaka-emote mo riyan. Sa susunod, ako naman ang makikipag-date sa 'yo kahit hanggang gabi kung gusto mo. Sumakay pa tayo ng roller coaster kahit paulit-ulit," sabi ko.
Mukha namang nagustuhan niya ang suhestiyon ko kaya nagplano na agad siya kung kailan. Hindi na ako masyadong umimik. Ayokong mahalata niyang naiinis ako sa kuwento niya. May pagkaiyakin pa naman 'yan. Ako lang yata ang nakapagpapatahan sa kaniya pero ayon sa kwento niya, mukhang hindi na lang ako.
Kilala ko 'yang si Eiji at minsan ko na 'yang nakasangga sa Basketball. Laro-laro lang 'yon malapit sa lugar namin. Hindi ko naman maipagkakailang magaling siya pero syempre mas magaling ako. Tss!
Nawala lang ako ng isang araw ay ang dami na agad nangyari. Isa pa 'tong mga pugita raw na nang-away sa kanya.
"Okay ka lang ba, Ron-Ron? Parang wala ka sa mood, ah?" tanong niya.
Hindi ko tuloy maiwasan ang mapabuntong-hininga na lang. Hindi ko naman kasi siya matitiis lalo na kapag siya na ang naglambing.
"Okay lang ako, 'wag mo 'kong pansinin," sabi ko na lang.
Simula mag-high school kami ay magkaklase at magkakilala na kami. Sa haba ng panahon ay kilala ko na siya. Alam ko kung wala siya sa mood o naiinis siya. Kaya lang siya, hindi pa niya ako gaanong kakilala. Nakaka-disappoint din kung minsan. Pero ano pa nga ba ang magagawa ko? Baka nga sinasamahan niya lang ako dahil nag-eenjoy siya sa mga pranks namin.
Hindi niya ako sinasamahan dahil gusto niya akong kasama.
Jas Suarez
NAGDI-DISCUSS ANG teacher namin pero walang nakikinig. Wala pa kasi 'yong new teacher namin na nakasagutan ni Miya. Hindi na ako makapaghintay kung ano ang mangyayari sa susunod nilang paghaharap. Para kasi akong nanonood ng isang drama.
Nag-iba rin ang aura ni Ron-Ron kanina pero hindi ko naman alam kung bakit. Kapapasok lang niya pero ito siya't mukhang hindi dala ang kaluluwa.
Kinukutkot ko lang 'yong upuan ko at nag-carve ng kung ano-ano. Sobrang boring!
"Class dismiss," sabi ng aming guro.
Nakita kong nagmamadali si Ron-Ron na lumabas ng room at hindi man lang ako inaya.
"Ron-Ron, wait lang!" sigaw ko. Hinabol ko lang siya hanggang sa makasabay ko siyang maglakad. "May problema ka ba?" tanong ko.
Kakaiba kasi talaga ang kinikilos niya ngayon. Hindi siya 'yong tulad noong makulit at maya't maya ang kalokohan. Hindi ko tuloy maiwasan ang hindi mag-alala.
"Wala naman, nagugutom lang ako."
"Gano'n ba? Tara kain tayo!" yaya ko sa kaniya. Hinila ko na siya papuntang canteen. Ang daming tao ngayon kaya ang hirap sumingit. Mabuti na lang at nandiyan si Ron-Ron kaya may tagabili ako.
"Maupo ka na diyan, ako na lang ang bibili," sabi niya at hinila na ako paupo.
Tinatanaw ko siya kung nakasingit na ba siya. Baka maipit siya o kaya naman...
"Looking for me?" tanong ni Eiji na bigla-bigla na lang lumitaw sa harapan ko.
Napahawak tuloy ako sa dibdib ko dahil sa gulat. "Eiji, ano 'ng ginagawa mo rito?" tanong ko sa kaniya.
"Obviously, kakain," sabi niya sabay pakita ng pagkain niya. Oo nga naman, Jas! Hindi mo ba nakita? At ito na naman siya, iba na naman po ang ugali niya. Mukhang wala na naman siya sa mood at nagsusungit na naman. Meron siguro siya ngayon.
"Pero ano 'ng sabi mo? Hinahanap kita? Asa! Isa pa, may kasama ako," sabi ko at luminga-linga pa sa paligid pero walang Ron-Ron akong nakita.
"Really? Then, sino ang hinahanap mo?" tanong niya pa. Hindi ba obvious? Isa lang naman ang kaibigan kong nabanggit ko sa kaniya.
"Si Ron-Ron..."
Tumingin din siya sa paligid at tiningnan ang paligid.
"Hindi mo naman 'yon kilala eh," sabi ko.
"Kilala ko 'yon. Si Tyrone?"
"Talaga? Saan mo naman nakilala? Isa pa, bakit hindi mo naman sinabi na magkakilala pala kayong dalawa?" sunod-sunod na tanong ko.
Nagkibit-balikat siya at naupo sa harap ko kahit hindi ko sinasabi. Mukhang wala naman si Ron-Ron kaya hinayaan ko na. Mukha ngang may problema siya. Kailangan ko siyang hanapin mamaya.
"Hm... nakalaro ko na siya sa Basketball," simpleng sabi niya.
Kumunot naman ang noo ko sa sinabi niya. Si Ron-Ron? Nagba-Basketball?
"Hindi mo ba alam?" tanong niya.
Umiling na lang ako bilang sagot at pinagpatuloy ang pagkain. Ngayon ko lang napansin na ang dami ko pa palang hindi alam tungkol kay Ron-Ron.
Bakit ngayon ko lang nalaman ang bagay na 'yon? Halos apat na taon na kaming magkaklase. Kung hindi pa dahil dito kay Eiji eh hindi ko pa malalaman. At ito ako, sinasabi sa lahat na kaibigan ko siya, pero ni mga basic na bagay patungkol sa kaniya ay hindi ko alam.
"Aalis na ako. Baka maistorbo ko pa kayong dalawa," sabi niya at tumayo na paalis.
Si Ron-Ron naman ay nag-text. Nauna na raw siya at pinadala na lang sa kaklase ko ang pagkain ko.
Pipigilan ko pa sana si Eiji na umalis kaya lang ay hindi na siya huminto para bumalik. Kaya naman naiwan akong mag-isang kumain. Ang tanging maganda lang na nangyari ay wala ang mga babaeng sumugod sa 'kin kahapon.
Napasimangot na lang ako dahil napagtanto kong ang loner kong tingnan. Ang dami kasing tao sa canteen. Buong barkada o kaya naman dalawahan ang kumakain habang ako, mag-isa lang.
Pagbalik ko sa room ay wala pa si Ron-Ron samantalang late na ako dumating.
"Kimmey, Gelo, si Ron-Ron?" tanong ko sa kanila.
Magkasama na naman silang dalawang. Gaya namin ni Ron-Ron ay magkadikit na ang mga bituka nilang dalawa. Ang pinagkaiba lang ay magjowa na silang dalawa. Hindi naman ako naiinggit. Sakto lang.
"Hindi mo ba alam? Nahuli siya kanina ng Councilor kaya nasa guidance siya ngayon," sabi ni Kimmey. Nakakunot ang noo niya at medyo naniningkit ang mga mata.
Napaiwas na lang ako ng tingin. Ito na naman ako, wala na namang alam tungkol sa sarili kong kaibigan.
At ano raw? Nahuli? Sa tinagal-tagal naming gumagawa ng pranks ay hindi pa kami nahuhuli ni minsan! Madalas nakakalusot siya kahit anong prank pa ang ginagawa niya pero ngayon? Imposible!
"Eh?" nasabi ko na lang.
"Ewan ko lang pero nakita ko kasama ni Ron-Ron 'yong councilor," sabi naman ni Gelo. "Tinanong ko pa nga siya pero hindi naman niya 'ko sinagot. Pumasok lang sa guidance."
Napatahimik na lang ako. Pumasok nga siya, hindi ko naman makasama. Kanina iniwan pa akong mag-isang kumain. Badtrip naman oh!
Ano ba ang problema mo, Ron-Ron? Ano ba ang nagawa ko?
Chapter 4
Jas Suarez
Hindi nagtagal ay bumalik na rin si Ron-Ron sa room namin. Pero ang kinababahala ko ay hindi pa rin niya ako pinapansin.
Napanguso na naman ako habang nakatingin sa kaniya na umuupo sa silya. Minsan lang niya ako bigyan ng silent treatment kaya naman naninibago ako. Kailangan ko siyang makausap!
"Ron-Ron," tawag ko sa kaniya pero kung umakto siya ay parang hindi niya ako narinig.
Tinawag ko ulit ang pangalan niya.
Nilingon naman niya ang ulo niya sa 'kin pero hindi lumapit. "Ano?" Blanko ang mga tingin niya. Bahagya pa akong napaatras dahil sa bigla. Confirm! May problema nga siya.
"Galit ka?" tanong ko. Nilakasan ko na ang loob ko para magtanong. Lagi siyang nasa tabi ko kapag kailangan ko siya kaya gusto ko sanang ganoon din ang gawin ko kapag kailangan niya ako.
"Hindi," aniya. Tumingin na ulit siya sa pisara habang nakasuot ang mga kamay sa bulsa ng pantalon niya. Hindi rin maayos ang pagkakaupo niya na para bang papahiga na sa silya.
Nilapit ko ang upuan ko at kinalabit siya sa kaniyang balikat. "Galit ka eh," sabi ko habang nakanguso. Kinulit ko lang siya nang kinulit hanggang sa bigla siyang humarap sa 'kin nang pabalang.
"Hindi ba obvious? Galit ako! Kaya pwede ba, 'wag mo muna kong kausapin!"
Mas lalo akong napaatras dahil sa biglaan niyang pagsigaw. Unang beses niya akong pagtaasan ng boses ngayon!
Tumalikod siya ulit at hindi ako pinansin. Napatingin ako sa paligid namin nang may ilan sa mga kaklase kong nabigla rin gaya ko.
Naglakad ako palabas ng room namin. Pagkasara ko pa lang ng pinto ay tumakbo kaagad ako papuntang rooftop. Doon ko binuhos ang lahat ng hinanakit ko. Ayokong makita ng mga kaklase ko na nagkakaganito ako dahil kay Ron-Ron. Lalo na sina Kimmey at Gelo. Ayokong mag-alala sila.
"Nakakainis ka Ron-Ron! Badtrip!" sigaw ko. Kapag sumisigaw ako rito ay gumagaan ang pakiramdam ko. Bukod sa nakakawala ng bad vibes ang itsura ng paligid ay wala ring sisita sa 'yo kahit na magsisigaw ka pa.
"Ang ingay!"
Napatingin ako sa hindi kalayuan at sumilip upang makita kung sino ang nagsalita. Si Eiji! Bakit hindi ko agad naisip na narito siya? Pugad niya na yata itong rooftop!
"Ikaw na naman?" inis na sambit niya nang mapagtantong ako lang 'to. Madalas ko na yata siyang nakikita at naiinis ngayon ah?
"Ano na naman ang ginagawa mo rito?" tanong ko.
"Natutulog, obviously! Pero inistorbo mo na naman ako," sabi niya. Lumapit siya sa 'kin at sumandal sa railings. Nagkakamot pa siya ng ulo niya na parang may kuto roon.
"Sorry naman. Lagi kasi akong sumisigaw rito eh," sabi ko at tiyaka nag-tiptoe. Nilagay ko ang mga kamay ko sa likod, bahagyang nahiya sa pinagsisigaw ko. Baka kung ano ang isipin niya at lagi na lang si Ron-Ron ang bukang-bibig ko.
"Wala na akong magagawa dahil gising na 'ko."
Ngumuso ako sa sinabi niya. "Sorry," sabi ko.
"Nakakain ba ang sorry?" tanong niya, namimilosopo pa. Akala niya yata ay nakakatawa siya. Hmp!
"Makapagsalita ka naman parang hindi tayo magkabigan," sabi ko. Sinuntok ko pa ang braso niya pero tiningnan niya lang ako nang blanko. Hindi ko maiwasang hindi maalala si Ron-Ron at ang seryoso niyang mga tingin kanina.
Namumula akong umatras palayo sa kaniya dahil hindi man lang siya nagkomento sa sinabi ko. Para tuloy ako lang ang nag-iisip na magkaibigan na kaming dalawa.
"Gaano kaya kayaman ang royal family? Ang lawak ng sakop nila," sabi ko matapos ang matagal na pananahimik.
Tumayo ako sa railings para mas matanaw ko pa ang kabuuan ng palasyo at ng campus namin. Mabuti at may suot akong jogging pants bago ang palda kaya hindi ako makikitaan. Halos lahat naman ng mga babae sa room namin ay nakaganito. May sarili kasi kaming uniform!
"Bumaba ka nga riyan. Mamaya malaglag ka pa ako ang masisi," sabi niya. Kunwari pa siya eh nag-aalala rin naman sa 'kin. Hindi ko siya pinansin at in-extend pa ang mga kamay ko sa ere.
"I'm the king of the w-world... ahh!" pagtili ko. Namali ako ng tapak kaya naman nadulas ako. Napapikit ako at hinintay ang pagbagsak ko sa lupa pero wala!
"Hanggang kailan ka mananatili riyan? Ang bigat mo," sabi niya.
Napatayo ako bigla dahil ang awkward ng posisyon naming dalawa. Halos nakasandal na pala ako sa dibdib niya habang hawak niya ang beywang ko.
Tiningnan ko siya nang nanlilisik ang mga mata. "Hoy, hindi kaya ako mabigat! Ang gaan-gaan ko nga oh," sabi ko na naman.
Gusto ko sana ibalik 'yong closeness naming dalawa kaya lang ay kung sa ganitong paraan lang naman, 'wag na lang! Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko kung bakit gusto kong mapalapit sa kaniya. Siguro dahil na rin sa nasanay ako sa presensya niya kahit na hindi pa kami gaanong magkakilala. Ayoko namang lumapit lang sa kaniya kapag malungkot lang ako. Gusto ko ay kapag masaya rin ako.
"Tss..." Naglakad na siya paalis.
"Saan ka pupunta?" tanong ko, nakaupo pa rin sa sahig at nakatingala sa kaniya.
"Kailangan ko bang mag-report sa 'yo tungkol sa lahat ng gagawin ko?"
Sabi ko nga ay wala akong karapatang magtanong.
"Sorry."
"Haist!"
Tuluyan na nga siyang umalis. At hanggang ngayon ay ang lakas pa rin ng tibok ng puso ko.
Huminga ako nang malalim.
Bakit ba ang dami kong problema? Galit na nga sa 'kin si Ron-Ron, dadagdag pa 'tong si Eiji, na-badtrip ko rin yata. Ganoon na ba ako kasama? O sadyang nasa akin lang ang malas pagdating sa kaibigan?
Tyrone Davis
Sinundan ko si Jah-Jah sa rooftop dahil doon ko siya nakitang tumakbo pero hindi ko inaasahan ang makikita. Nahulog siya sa railings pero mabuti na lang at kasama niya si Eiji upang saluhin siya.
Kinuyom ko ang kamao ko at umalis nang hindi siya kinakausap. Badtrip na nga ako kanina pero nawala lang noong umiyak siya. Kung hindi pa siya nakasalubong ni Gelo ay hindi ko malalaman. Tapos bumalik na naman pagka-badtrip ko dahil sa nakita.
"Something wrong?" tanong ni Gelo.
He's my tito. Kaso mas matanda ako sa kaniya ng two months. Masyadong komplikado ang family tree namin kaya hindi ko na inalaman kung bakit naging ganoon. Basta ayon sa parents niya ay mag-tito kami.
Kasalukuyan akong nakaupo sa pangalawang baitang ng hagdan habang siya naman ay nakatayo sa kabilang dulo at nakasandal sa hawakan.
"Wala naman," sabi ko. Madalas ko rin siyang nakakausap noong um-absent ako. Siya ang nagsabi kung ano ang ginawa ni Jah-Jah at kung sino-sino ang nakasama niya.
"Kilala na kita kaya wala ka nang matatago sa 'kin."
Bumuntong-hininga ako. Wala namang mawawala kung sasabihan ko siya. "I saw Jah-Jah," panimula ko.
Nanatili lang siyang tahimik habang nakatingin sa soccer field.
"He's with Eiji... again," sabi ko sabay kuyom sa kamao ko. Namuti iyon dahil sa diin. Umiinit talaga ang ulo ko kapag inaalala ang nangyari kanina.
"Hindi ko maintindihan kung bakit," pagpapatuloy ko, "Pero naiinis ako kapag may ibang kasama si Jah-Jah. Siguro dahil ako na ang kasama niya simula noon pa lang. Hindi ako sanay na nakikita siyang may kasamang iba. Simula noon, ako na ang nagtatanggol sa kaniya kapag may nang-aaway sa kaniya. Ako lagi ang nagpapatahan pero iba na ngayon. Ako na ang nagpaiyak sa kaniya."
Mahabang katahimikan ang bumalot sa 'ming dalawa hanggang sa nagsalita na rin siya. "Alam mo isa lang 'yan eh," sabi niya.
Hindi na ako nagsalita at pinakinggan siya. Tiyak na marami akong malalaman at matututunan sa kaniya dahil mas may karanasan siya sa 'kin tungkol sa ganitong sitwasyon. Kimmey and Gelo started from being friends as well.
"Umamin ka nga, Tyrone. Mahal mo ba ang best friend mo?"
Nanlaki ang mga mata ko habang nakatingala sa kaniya. "Ano ba ang pinagsasabi mo?" naiiling na tanong ko. Imposible naman yata 'yon. Siguro nga ay masyado na akong nagiging protective pero iyon lang ang nakasanayan ko.
"Tingnan mo, Tyrone. You're being too protective at minsan may pagka-possessive ka na rin sa kaniya na tipong ayaw mo siyang may kasamang iba."
"May point ka pero kasi imposible," hindi makapaniwalang sabi ko. Para ko lang siyang nakababatang kapatid kaya ko siya pinoprotektahan tulad ni Paula.
"Alam mo, walang imposible. Hindi imposible na magkagusto ka sa kaniya. Una, sabi mo nga ay matagal na kayong magkakilala. Ang dami nang nangyari sa inyo kaya hindi malayong magustuhan mo siya," sabi niya pero ang sunod na sinabi niya ang ikinaalarma ko. "Kung nauna ko lang talagang makilala si Jas ay siya ang magugustuhan ko. At malaki ang posibilidad na ligawan ko pa siya."
Namilog ang mga mata ko at umawang ang bibig. "Talaga?" bulalas ko sa kaniya.
Hindi lang talaga ako makapaniwala. Oo nga at loyal siya kay Kimmey pero hindi ko naman inaasahan na nagkagusto siya kay Jah-Jah. Kung sakali pala ay baka si Jah-Jah pa ang niligawan niya. Kung mas nauna niyang makilala ito kaysa kay Kimmey ay maaaring... ayoko na lang isipin.
"Yeah. Iyan ang una naming pinag-awayan ni Kimmey bago naging kami. Napaamin ko siya na gusto niya rin ako nang sabihin kong liligawan ko si Jas," sabi niya.
Napatulala na lang ako at nakalimutan nang isara pa ang bibig ko.
Nag-isip ako nang mabuti sa mga sinabi niya. Totoo nga kayang gusto ko si Jah-Jah? Ang gulo naman kasi nito oh! Hindi ko naman kasi alam itong pakiramdam na 'to. Bahala na...
Jas Suarez
BUMALIK NA ako sa room at nakita kong nakaupo na rin si Ron-Ron sa dulo. Pumwesto naman ako sa unahan. Hindi ko alam kung paano ko siya kauusapin dahil sa nangyari kanina. Siguro ay kailangan niya lang muna ng oras ngayon para mag-isip at kumalma. Ang hindi ko lang talaga maintindihan ay kung bakit siya nagalit bigla.
"Okay, sana naman makinig kayo kahit ngayon lang," bungad ng adviser namin pero wala ni isa ang tumahimik. Sabi lang naman kasi ay makinig, hindi tumahimik. "We are having a field trip this coming month of February."
Naghiyawan ang mga kaklase ko dahil alam kong ito lang din ang gusto nila, ang gumala. Ang tagal na rin noong huling beses na lumabas ako ng bahay maliban sa pagpunta ng school, kaya naman nakaramdam din ako ng pagkasabik.
"We are having our field trip sa palasyo ng royal family," sabi niya.
Napanganga naman ang lahat sa sinabi ni Ma'am, wala na ni isa ang nagsasalita. Sa unang pagkakataon ay tumahimik na rin ang kaninang maingay na klase.
"Pass this paper hanggang sa likod," sabi niya. Inabot 'yon ng kaklase kong nasa harap at pinasa hanggang sa likod. "Kailangan ninyo syempre ng parent's concent at ipapasa niyo 'yan hanggang Biyernes. Iyon lang ang pinunta ko rito. So, aalis na 'ko." Naglakad na siya palabas pero huminto rin sa may pinto. "By the way, it only costs 71 yuan."
Kahit na ba inanunsyo niyang mura lang ang field trip ay walang natuwa. Nagbulungan lang ang iba. Halo-halong emosyon ang naramdaman ko sa paligid ko pero wala ni isa ang sabik. Mabigat ang pakiramdam ko dahil na rin sa mga tanong sa isip ko.
Bakit may field trip sa palasyo? Hindi ba at bali-balita ngayon ang kalagayan ng Mahal na Reyna? Bakit magpapapasok sila ng mga tao sa loob ng Golden Palace?
NANG MAG-UWIAN ay ang tagal kong naghihintay ng sasakyan. Nandito lang ako sa waiting shed mag-isa. Wala naman kaming driver para magpasundo pa ako. Hindi naman din ako marunong mamasahe sa ibang sakayan, tanging tricycle lang ang alam ko. Tapos wala pang nakapila.
Alas singko pa lang ng hapon pero kumukulimlim na, may bagyo na naman yata. Bakit kasi ganoon? Parang laging malungkot ang langit sa lugar namin. Kailan ka ba sasaya?
"Jah-Jah..."
Halos tumalon ang puso ko nang hawakan niya ako sa balikat. Bigla-bigla naman kasing susulpot ang lalaking 'to! "Grabe! Ginulat mo naman ako," sabi ko habang nakahawak sa dibdib kung nasaan ang puso ko. Nang unti-unting pumasok sa isip ko kung sino ang kumalabit sa 'kin ay napayuko na lang ako.
"Hindi ka pa ba uuwi?" Nilalakad lang kasi ni Ron-Ron ang bahay nila samantalang ang bahay namin ay may kalayuan.
"Wala akong masakyan eh," sabi ko at tumingin sa pilahan ng sasakyan. Iyon namang ibang dumadaan ay puno na. Kahit sabit lang ay hindi na talaga kaya.
"Hatid na kita, Jah," aya niya sa 'kin kaya nagsimula na kaming maglakad. Tahimik lang kaming dalawa pero hindi talaga ako mapakali.
"Pero teka, sa kabila ang daan ng bahay ninyo, 'di ba?"
"Oo nga. Doon na lang ako sasakay malapit sa inyo pauwi."
"Naku! Aksayado sa pamasahe. Tiyaka baka wala ka ring masakyan sa lugar namin. Hayaan mo na 'ko. Ako na lang uuwi mag-isa," sabi ko.
"Hindi, ayokong iwan kang mag-isa. Mamaya ay may makasalubong ka pang masasamang loob dito. Ano pa 'ng mangyari sa 'yo." Ang sweet talaga!
Tumahimik na lang ako at hindi na ulit nagsalita. Nagpatuloy lang kami sa paglalakad. Ang sakit na rin ng paa ko dahil sa heels.
"Teka! Hinto muna tayo, ang sakit na ng paa ko," sabi ko nang makakita kami ng isang upuan sa tabi ng daan. Maraming mga bench ang naroon na puwedeng pagpahingahan. May parke rin sa hindi kalayuan kung saan may mga batang naglalaro. May ilan ding mukhang pauwi na.
"Patingin nga." Kinuha niya ang paa ko at sinipat.
"Tara na't baka gabihin ka sa pag-uwi!" sabi ko nang makaramdam ako ng pagkailang. Tumayo ako pero siya naman ang naupo sa kanyang binti habang nakatalikod sa 'kin. Kumunot tuloy ang noo ko.
"Sumakay ka na sa likod ko," sabi niya pero agad akong umiling.
"Tumayo ka na! Kaya ko namang maglakad mag-isa." Nilagpasan ko lang siya pero hinigit niya ako palapit at pilit na pinasan sa likod niya. Wala na tuloy akong nagawa.
"Kailangan pa kasing pinipilit eh," bulong niya.
Nakakapit ako na parang tuko sa likod niya. Ang lapit tuloy ng mukha ko sa mukha niya. Nakakahiya dahil baka maamoy niya ang hininga ko. Baka amoy bangkay na 'to.
"Sabi ko naman kaya kong maglakad mag-isa," sabi ko pero hindi niya ako binibitiwan.
Naramdaman kong medyo nag-stiffen siya nang magsalita ako. "H-Hayaan mo na, 'wag ka na muna magsalita." Nagpatuloy siya sa paglalakad.
Pinatong ko na lang ang ulo ko sa balikat niya.
"Sorry, Jah-Jah."
"Bakit ka naman nagso-sorry?"
"Pinaiyak kita kanina. Pinangako kong ako ang magpapatahan sa 'yo kapag umiyak ka pero ako pa ang dahilan ngayon kung bakit. Kaya sorry sa ginawa ko."
Napangiti na lang ako dahil doon. "Okay lang 'yon. Napakaiyakin ko kasi kaya ganoon."
"Pero simula ngayon, hindi na kita paiiyakin ulit. Hindi ko na hahayaang umiyak ka sa lungkot. Ako na ang poprotekta sa 'yo."
Pagdating sa bahay ay nagpaalam na siya.
Sa isang araw lang ay ang daming nangyari. Nasigawan niya ako, umiyak ako, pero sa huli, nawala ang mga iyon at nagkabati rin kami. Mananatili na lang iyong memories pagdating ng panahon. Tatawanan na lang namin ang mga ito sa tuwing inaalala namin at mapagtatantong ang babaw naman pala ng mga dahilan ng tampuhan namin.
Chapter 5
Jas Suarez
NAG-AAYOS AKO ng gamit na dadalhin dahil mayamaya lang ay darating na si Ron-Ron. Sari-sariling sasakyan ang dala papuntang palasyo at may parking lot lang na nakalaan para sa mga may dala. Masuwerte na lang kung malapit ang bahay ninyo sa palasyo.
Sa kaso ko, makikisabay lang ako dahil bukod sa wala pa akong sariling sasakyan ay hindi naman ako marunong mag-drive.
"Mag-iingat ka do'n anak, ha?" sabi ni mama. Pink cropped sweater ang suot ko with black high-waisted jeans na tinernohan ng itim na converse shoes. Inayos pa niya ang damit ko kahit ayos naman na.
Ang lapit lang naman ng palasyo pero alalang-alala siya. Noong una nga ay ayaw pa niya akong pasamahin. Pati si Papa ay ayaw akong paalisin kagabi pero dahil hindi ko sila pinatulog kapipilit ay sumuko na rin siya.
"Opo, Mama," sabi ko. Narinig ko na ang dalawang beses na tunog ng busina sa labas. "Sige po mama. Nasa labas na ang sundo ko."
"Sa susunod ay ipakikilala mo na sa 'kin 'yan, ha?" Naniningkit pa ang mga mata ni Mama habang nakatingin sa 'kin.
Umirap lang ako. "Sige na po, Mama. Bye!"
Tumakbo na ako sa labas at nakita si Ron-Ron. T-shirt na puti, itim na pants at white Fila shoes lang ang suot niya pero ang lakas na ng dating. Nakasandal siya sa isang Black Hyundai Avante habang nakapamulsa pa.
"Wow! May kotse ka na?" hindi ko maiwasang itanong. Lumapit ako sa kaniya at inabot naman niya ang dala kong itim na backpack.
"Hiniram ko sa tito ko. Sakay na!" Buti pa siya ay marunong na mag-drive. Sariling sasakyan na lang talaga ang kulang.
"Nandoon na sina Kimmey at Gelo. Tayo na lang daw ang kulang. Ang bagal mo kasi," aniya at nagsimula na sa pagmamaneho.
"Hindi ako mabagal 'noh! Hinihintay nga lang kita eh!"
Nang wala nang nagsalita sa 'ming dalawa ay binuksan ko na lang ang radyo ng sasakyan. Paminsan-minsan ay hindi na rin masama ang tahimik kaming dalawa kapag magkasama.
Dahil sa tugtog ay hindi ko namalayang nakarating na pala kami sa harap ng palasyo. Marami na ang nakapila at sa tingin ko ay nagsisimula na silang magpapasok.
Pinila na ni Ron-Ron ang sasakyan sa parking lot malapit sa gate ng palasyo.
"Guys, umayos na ng pila! Hindi magtatagal ay bubuksan na ang gate," sabi ng adviser namin, si Ms. Flores.
Anim na klase lang ang magkakasama ngayon, ang mga third year sections A hanggang section F. Tapos sa ibang araw naman ang higher year.
Naghiwa-hiwalay na ang bawat sections upang hindi masyadong crowded. Sa harap namin ay may gate na gawa sa malalaking strip stones na may isang metro ang lapad at kalahati ang kapal. May dalawang kawal ang nagbabantay sa magkabilang dulo nito na may hawak na mga sibat. Pagpasok namin ay dilim ang bumungad sa 'min, tama lang upang makita ang daan. Ilang hakbang magmula roon ay bumulaga sa amin ang malawak na palasyo.
Napanganga ako habang pinagmamasdan ang kabuoan ng lugar. Para kaming pumasok sa isang time travel machine at dinala sa nakaraan. Wala akong makitang makabagong estraktura o kahit anong mga makabagong sasakyan.
Magmula sa gate ay bumaba kami sa batong hagdan. Ang mga tahanan na bumungad sa amin ay parang mga simbahan na patulis ang bubong at halos puro bintana ang mga pader.
"Sa pinakamababang parte ng palasyo ay ang mga tahanan ng mga Baron at Baroness. Ito ang mga titulong ibinibigay ng Mahal na Reyna sa mga taong karapat-dapat," pagpapaliwanag ng aming guro. "Maaari din sila na tawaging Lord o Lady. Sila ang mga mapagkakatiwalaang mga pamilya ng ating kamahalan. Maaari itong ipamana sa kanilang mga anak o kaya naman ay kapag ibinigay ito sa 'yo mismo ng nakatataas."
Habang tinuturo ng aming guro ang bawat madadaanan namin ay may humila sa 'kin. Nagtago kami sa isang sulok habang tinatakpan niya ang bibig ko. Nakita ko ring hinahanap ako ni Kimmey sa hindi kalayuan.
"Buti na lang at hindi tayo nahuli..."
"Ron-Ron?" bulalas ko sa kaniya nang tanggalin niya ang pagkakatakip sa bibig ko.
"Tara na, Jah-Jah." Hinila niya ako palayo habang nagmamasid sa paligid.
Kapag nahuli kami ngayon ay tiyak lagot na. Wala na kami sa eskwela na tanging mga guro lang ang magagalit. Baka makita kami ng mga kawal na may mga dalang sibat. Ayoko na lang isipin kung ano ang pwede nilang gawin sa 'min.
"Pero hindi naman natin alam ang pasikot-sikot dito. Mapapagalitan tayo," sabi ko pero hindi naman niya ako pinansin.
Pumasok kami sa isang tahanang walang nagbabantay. Sa lahat ng tiningnan namin ay ito lang ang bahay na walang lock. Para tuloy kaming mga magnanakaw nito.
"Ang dami palang makalumang gamit dito," banggit niya.
Habang ako'y kinakabahan sa puwedeng mangyari sa 'ming dalawa ay iyon siya't nagmamasid na agad sa loob ng silid.
Wala na akong nagawa kung hindi ang makiusisa na rin. Pinagmasdan ko ang mga baso, paso at iba pang mga makalumang bagay. Nakakulong ang bawat isa sa parisukat na salamin. Ayon sa nakasulat, ito ay ang basong ginamit pa ng mga naunang mga hari at reyna ng Golden Palace. Mayroon pang kuwintas, singsing at kung ano-ano pang alahas na sinuot nila sa mahalagang pagdiriwang noon gaya ng kanilang kaarawan.
Napadaan din kami sa mga lumang litratong nakasabit sa dingding. Ang dami ng mga 'to tapos ang tataas na niyong iba kaya hindi ko na maaninaw. Wala kasing ilaw na nagbibigay sa 'min ng liwanag kundi ang ilang mga lampara lang na nakadikit sa pader.
"Jah-Jah, tingnan mo oh. Kamukha mo!" Lumapit ako sa kaniya at tinitigan ang litratong tinuturo niya. Tama siya. Kamukha ko nga 'yong litrato ng isang batang babae na nasa dalawa o tatlong taong gulang.
"Ayon sa nakasulat ay ito si Princess Yun, ang susunod na tagapagmana ng trono. Siya ang nawawalang prinsesa. Madalas siyang laman ng balita noon pero hindi nila ipinapakita sa publiko ang litrato niya." Napatigil siya sa pagtitig sa litrato at napatingin sa likod namin. "Tara na. May parating," bulong niya.
Iyon na lang ang huli kong narinig. Tumakbo ako upang magtago. Hinintay kong mawala ang mga yapak at saka ako lumingon sa likod ko. Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtantong nag-iisa na lamang ako sa madilim na silid na 'to.
Nasa'n na si Ron-Ron?
KUNG SAAN-SAAN na ako napapad pero 'di ko na talaga makita si Ron-Ron. Hindi pa naman ako sanay nang mag-isa sa mga hindi pamilyar na lugar. Sa mga ganitong sitwasyon talaga ay hindi ko kayang napag-iiwanan. Parang ganito ang pakiramdam noong lumiban si Ron-Ron ng isang araw at wala akong ibang kasama kahit sina Kimmey.
"Ron-Ron..."
Ilang ulit ko nang binanggit ang pangalan niya pero wala akong natanggap na sagot. Hindi naman niya naririnig at hindi ko alam kung may makaririnig pa ba sa 'kin dito. Wala man lang kahit guwardiya ritong puwede kong mahingan ng tulong. Bakit sa dinami-rami rin ng puwedeng mapasukan ay ito pang silid na sobrang lawak at sobrang creepy?
Naupo na lang ako sa isang sulok at sumandal sa pader. Niyakap ko ang tuhod ko at saka ibinaon ang mukha roon. Pagod na ako kalalakad. Dapat ay alam na nilang may nawawalang estudyante ngayon pa lang. Pero mukhang ito ang isa sa mga malas na araw ko.
"Excuse me. May problema ka ba?"
Tumingala ako para makita ang taong nagsalita.
Wow! Ito agad ang una kong reaksyon. Para akong nakakita ng isang anghel na handa na akong kunin. Pero huwag naman po sana!
"Ah..."
I'm speechless. Bakit may taong ganito kaganda? Napakaputi ng kutis niya. Kulay asul ang mga mata niya na parang kumikinang sa liwanag na nanggagaling sa lampara. Nang ngumiti siya ay napabuntong-hininga pa ako, napaawang ang bibig ko at hindi na makagalaw sa kinauupuan ko.
"Are you crying?" tanong niya pero tahimik pa rin ako. "I see. Tara at sumama ka sa 'kin."
Dinala niya ako sa isang silid. Maraming bola roon at mga raketa ng tennis at badminton. Mayroon pang arnis at halos hindi ko na matukoy pa ang iba sa kanila.
"By the way, my name is Clairn," pagpapakilala niya. Minuwestra niya ang silid at sinabi, "Welcome to my room!"
"Ako si Jas. At... room mo 'to?" nagtatakang tanong ko habang nililibot ang tingin sa paligid.
"Yeah. I know. Hindi mukhang pambabae pero ito kasi talaga ang hilig ko," sabi niya habang nakanguso. Kahit pagnguso niya ay napakaganda sa paningin ko! "Ano nga pala ang ginagawa mo rito? Moderno ang suot mo kaya sa tingin ko ay hindi ka rito nakatira."
Ngayon ko lang napagtantong nakasuot siya ng simpleng Hanbok, isang makalumang kasuotan na madalas ko lang makita sa mga litrato. Ang kaniyang buhok ay maayos na nakapusod at may ilan siyang gintong palamuti roon. Sa bansang Sky Kingdom lang nagsusuot nitong ganitong damit kaya mukhang hindi siya pangkaraniwang tao lang. Isa pa, nandito siya sa palasyo. Tiyak na isa siyang mataas na tao.
Agad akong tumayo at bahagyang yumuko sa harap niya. "Paumanhin po. Naliligaw kasi ako kaya ako napadpad dito."
Natawa siya sa sinabi ko at pinaupo lang din ako ulit. "Tayo lang namang dalawa ang narito kaya huwag ka na yumuko. So, kasama ka sa mga nag-field trip. Pero bago ka umalis, puwede mo muna ba akong samahan?" tanong niya at bahagya akong pinaningkitan ng mga mata, tila nagmamakaawa na samahan ko siya.
"Naku! Nakakahiya. Ang isang mahirap na tulad ko ay kasama ang isang gaya mo." Mabilis ang pag-iling ko habang nagsasalita.
"Don't worry! Tulad ninyo ay tao lang din naman kami. Umiinom at kumakain din kami araw-araw. Lagi na lang kasi akong nakakulong kaya bihira akong makakilala ng gaya mo. Susulitin ko na!"
Wala na akong nagawa dahil na rin sa pagsusumamo niya. Paano naman ako makakatanggi sa kaniya?
"Do you play ball?" tanong niya habang pinapaikot sa daliri niya ang bola ng soccer.
"Hindi," sabi ko. Yumuko na lang ako.
"Good. I'll teach you how!"
Dumaan kami sa isang pintong gawa sa bato na nasa kabilang dulo ng silid niya. Maraming nakaukit doon na mga disenyo na parang mga carvings na kung tama ang tingin ko ay may korteng dragon.
Para kaming nag-travel at napunta sa isang soccer field. Kinailangan ko pang lumingon sa pintong dinaanan namin at tiningnan kung nawala ang pinto pero naroon pa rin naman. Umiling na lang ako dahil imposible namang mangyari 'yon.
Tinuruan niya ako kung paano sumipa. Sa una ay para lang akong timang na sinisipa ang bola pero hindi naman tinatamaan. Pero kalauna'y nakuha ko naman. Iyon nga lang ay pagod na ako agad dahil na rin sa init na dulot ng araw.
"Alam mo bang matagal ko ng gusto makakilala ng tao mula sa labas ng palasyo?" mahinang sabi niya. Kasalukuyan kaming nakaupo at nakasilong sa gilid habang tinatanaw ang field.
"Siguro ang lungkot dito, 'no? Lagi kayong nakakulong," sabi ko habang bina-bounce ang bola sa tuhod at paa ko nang hindi ginagamitan ng mga kamay.
"Hindi naman. Kasama ko rito sina Xhey at Ana kaya may karamay ako," sabi niya. Gusto ko sanang tanungin kung sino ang mga iyon pero bigla na siyang nagsalita. "Ang galing mo na, Jas! Tara, let's play."
Naglaro kaming dalawa hanggang sa mapagod. Tinuro niya sa 'kin ang mga basic kicks kapag naglalaro para daw kumurba ang bola at hindi lang deretso ang dereksyon kapag sinipa.
"Anong oras na ba? Baka hinahanap na ako!" bulalas ko, bahagyang nakakunot ang noo. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko habang iniisip ang puwedeng maging reaksyon nina Ron-Ron at Kimmey.
"Ihahatid na kita."
Nakihalo ako sa mga kaklase ko habang siya naman ay nakatago lang na kumakaway sa 'kin. Halos mapatalon na lang ako nang may yumakap sa 'kin nang mahigpit. Kung hindi ko lang naamoy ang pamilyar niyang pabango ay baka nasapak ko na siya.
"Saan ka ba nanggaling, Jah-Jah? Kanina pa kita hinahanap."
"Ron-Ron, hindi ako makahinga," sabi ko at bigla niyang niluwagan ang pagkakayakap sa 'kin pero hindi bumitiw nang tuluyan.
"Ayie!"
"Ang sweet ninyo naman, Jas!" Hindi ko namalayan nakatingin na pala ang mga kaklase ko sa 'min. Buti at wala ang teacher namin sa paligid.
Habang namumula ang mukha ko at pilit kumakawala sa pagkakayakap ni Ron-Ron ay ito namang lalaki na 'to ay nag-enjoy pa. Sinapak ko tuloy ang dibdib niya para umalis.
"Tara na nga. Hayaan na lang natin sila!" aniya.
Hinila na niya ako palayo sa mga nagtutuksuhang mga kaklase ko. Napadpad kami sa isang parte ng palasyo kung saan maraming mga puno at sa likod niyon ay isang malawak na kabukiran. May mga magsasaka roon na nagtatanim pero hindi ko na maaninaw ang mga mukha dahil sa layo nila sa kinaroroonan namin.
"Okay ka lang, Jah-Jah? Saan ka ba kasi nanggaling?" Kumunot ang noo niya.
"Sorry, bigla ka kasing nawala. Hindi ko alam kung saan ako pupunta dahil hindi ko alam ang lugar na 'to," sabi ko habang nakanguso.
"Umiyak ka ba?"
Hindi ako nakasagot agad. Hindi ko masabi sa kaniyang paiyak na ako kanina nang biglang dumating si Clairn. Nangako kasi ako sa kaniyang hindi ko ipagkakalat na nakita ko siya. Hindi ko man sigurado kung ano ang posisyon niya sa palasyo ay tiyak akong hindi basta-basta inilalabas ang tungkol sa kanila.
Niyakap ako ni Ron-Ron at kinulong sa bisig niya. "Sorry. Akala ko kasi nakasunod ka sa 'kin. Dapat pala hindi ko binitiwan ang kamay mo," sabi niya. Ramdam ko ang pag-aalala niya tulad dati.
Ang swerte ko dahil si Ron-Ron ang naging kaibigan ko. Si Ron-Ron ang nandito para alagaan ako at higit sa lahat ay masuwerte ako dahil siya ang taong nagustuhan ko. Siya lang ang nakapagpapatibok nang ganito sa puso ko. Siya lang ang taong nagpapaikot ng kung anuman sa tiyan ko. At higit sa lahat, siya lang ang lalaking nagpahalaga sa 'kin nang ganito.
Chapter 6
Jas Suarez
Simula nang mangyari sa 'kin iyon sa loob ng palasyo ay parang nagbago ang lahat. Bukod sa pakikitungo ni Ron-Ron ay nakararamdam ako ng kakaiba sa sarili at sa paligid ko. Nagiging paranoid ako na parang laging may nakasunod sa 'kin pero kapag titingin ako ay wala naman.
Isang beses ay nagtatakbo ako palayo habang pinagpapawisan nang malapot dahil sa sobrang takot. Ang kinalabasan tuloy ay na-sprain ang paa ko.
Sinandal ko ang ulo ko sa balikat ni Ron-Ron at tumingin sa malawak na soccer field. Nakasilong ulit kami sa isang puno at nagpapalipas ng oras bago umuwi. Masyado pa kasing maaga.
Hindi ko pa kayang sabihin sa kaniya ang nararamdaman ko dahil hindi naman ako sigurado kung guniguni ko lang ba talaga sila. Ang sabi ko na lang sa kaniya ay nahulog ako nang umakyat ako sa upuan kagabi.
"Tyrone?" Napatingin kami pareho ni Ron-Ron sa nagsalita at literal na nanlaki ang mga mata ko. Ano ang ginagawa niya rito?
Agad na tumayo si Ron-Ron sa pagkakaupo upang harapin ang bagong dating.
"Chesca?" Hindi ko maintindihan kung nganganga ba si Ron-Ron o ngingiti nang makita si Chesca.
Bigla lang silang nagyakapan sa harap ko. Dahan-dahan lang akong tumayo at pinagmasdan silang dalawa. Doon ko lang napansin na kasama pala ni Chesca si Eiji.
Nang kumawala sila sa pagkakayakap sa isa't isa ay napatingin siya sa gawi ko. "Nandito ka rin pala, Jas. Kumusta?"
Pilit akong ngumiti sa harap niya. "Okay lang naman ako," sagot ko. Binaling ko naman ang tingin ko kay Ron-Ron. "Gusto ko nang umuwi." Bigla akong nawala sa mood at kahit anong ngiti ang gawin ko ay sumisimangot pa rin talaga 'to.
"Hatid na kita sa inyo," sabi ni Ron-Ron.
Agad akong umiling. "'Wag na, may kausap ka iiwan mo lang." Pilit pa akong tumawa pero parang naging singhal lang ang dating niyon.
Sige lang, Jas, ipeke mo pa.
Nadismaya ako dahil bigla siyang nagdalawang isip pagkasabi ko n'on. Si Eiji ang nag-offer na ipasan ako kaya sumakay na ako agad. Wala akong ibang choice kundi sumama sa kaniya. Alam kong hindi papayag si Ron-Ron nang walang maghahatid sa 'kin dahil na rin sa lagay ng paa ko.
Bahala siya ro'n sa Chesca niya! Sumama siya sa first love niya. Wala akong pakialam! Mabuti na lang at pauwi na rin itong si Eiji.
Nang makalayo kami sa field ay agad akong nagsalita, "Ibaba mo na 'ko, wala na tayo sa field. Hindi na nila tayo kita." Pero ayaw niya akong ibaba. "Hoy, sabi ko ibaba mo na 'ko!"
"Narinig kita kaya 'wag kang sumigaw," mahinahong sabi niya pero ramdam ko ang diin. "Hindi kita ibababa hangga't wala ka sa bahay ninyo."
"Pero okay na ako rito, hayaan mo na 'ko," mahinang sabi ko pero ayaw niya makinig talaga.
"Hindi kita hahayaan gaya ng ginawa ng best friend mo."
Napatikom ang bibig ko. Wala akong maisip na pang-rebut!
"Nagseselos ka 'no?" tanong niya bigla.
"Hindi ako nagseselos! Gusto ko lang magkaroon sila ng time ni Chesca," sabi ko pero sa loob ay sobrang kumukulo ang dugo ko. Mukha naman siyang convince kaya 'di na ako ulit nagsalita.
"Saan ba ang bahay ninyo?" Dahil wala naman akong magagawa ay tinuro ko na lang kung saan at doon na lang niya ako binaba.
Tiningnan ko siya kahit na nahihiya ako. Dahil sa kaniya ay nakauwi ako nang buhay. "Salamat sa paghatid," sabi ko.
Napataas naman ang kilay niya dahil sa sinabi ko. "Hindi ako nakukuha ng isang pasasalamat. May kapalit 'yan," sabi niya kaya napatigil ako saglit. "Susunduin kita bukas, dito rin. Magsuot ka ng damit pang-alis, 'yong disente."
At umalis na nga siya.
Disente? Para na niyang sinabing hindi ako disente kung manamit! At saan naman kami pupunta? Inaaya niya ba akong makipag-date?
SUNDAY NGAYON kaya naman naghanda na ako. Magsisimba kasi akong mag-isa. Gustuhin ko mang isama sina Mama at Papa ay may mga trabaho naman sila. Hindi ko nga alam kung bakit wala man lang silang pahinga. Halos buong linggo silang umaalis.
Naglalagay ako ng light make up nang marinig ko ang isang hindi pamilyar na tunog ng sasakyan. Sumilip ako sa bintana ng kuwarto ko at nakita ang kumikinang na black porsche 911 na parang bagong car wash sa sobrang kinang.
Nakasandal si Eiji roon na nakasuot ng isang polo na light blue, dark blue na pants at Oxford dark brown shoes. May sunglasses pa siyang suot habang nakakunot ang noo na parang silaw na silaw.
"Anak, may naghahanap sa 'yo sa labas. Bumaba ka na riyan at huwag mo na siyang paghintayin," sabi ni mama matapos kumatok.
"Opo, 'Ma!" sigaw ko. "Ang aga naman niya," bulong ko sa sarili ko. Kung may ipagagawa siya sa 'kin ay pasensya na lang siya, mas mahalagang magsimba kaysa ano pa man.
Inayos ko ang kulay pula kong sweater at inipit ang harap na parte sa itim kong pants. Naka-white lace up ankle boots din ako at may dalang itim na leather backpack.
Lumabas na ako sa kuwarto ko dahil male-late na ako sa misa. Naabutan ko naman si Mama na nakapameywang sa harap ko. Nakipagtitigan siya sa 'kin. Halos magkasinglaki lang kami ni Mama kaya naman ang hirap umiwas ng tingin.
"Sabihin mo nga anak, sino naman ang lalaking 'yan? Noong field trip ninyo hindi naman siya ang sumundo sa 'yo ah?" tanong sa 'kin ni mama. Akala ko iyon lang ang sasabihin niya pero may kasunod pa pala. "Tell me, playgirl ka ba?"
Nanlaki ang mata ko sa sinabi ni mama. "Of course not, Mama! Sige po, baka naiinip na siya sa baba, at isa pa magsisimba lang kami," paninigurado ko sa kaniya sabay kiss sa cheeks.
"Mag-ingat ka, siguraduhin mo lang na mapagkakatiwalaan 'yan ah? Huwag sasama sa kung sino-sino lang," sabi ni mama na sinundan pa talaga ako sa labas.
"Magandang umaga po," bati ni Eiji sa mama ko.
Bigla namang napasimangot si Mama nang makita siya. Mukhang nagulat din si Eiji sa paglabas ni mama. Ano ang gagawin ko? Lalo akong kinabahan sa paghaharap nilang dalawa. Kahit alam kong wala naman akong ginawang masama ay bakit parang guilty ako?
"Magandang umaga rin," sabi ni mama. "Pwede ba kitang tanungin?"
Pinagpawisan yata ang palad ko sa sinabi ni mama. Baka kung ano ang itanong niya. Para akong girlfriend na kinakabahang ipakilala ang boyfriend ko!
"Ano po 'yon?" tanong ni Eiji.
"Ano ang relasyon mo sa anak ko?" tanong ni mama. Sinabi ko naman na kasi eh! Si Mama talaga oh.
Napansin kong medyo nagitla pa si Eiji dahil sa tanong ni Mama pero kumpara sa 'kin ay mas kalmado siya. Buti pa siya ay nakakakalma ngayon!
"Ah, kaibigan po ako ng anak ninyo," sabi niya sa mama ko.
Tumango-tango si Mama at tumingin sa 'kin matapos makuntento sa sagot ni Eiji. "Mag-ingat kayo kung saan man kayo pupunta. Alagaan mo ang anak ko, ah?"
Nakahinga naman ako nang maluwang dahil do'n. Sa wakas ay makakaalis na kami!
"Bye, 'Ma. Alis na kami!"
Sumakay na ako sa likuran nang pagbuksan ako ni Eiji. Bumangad naman sa 'kin ang isang driver na nakasuot ng tuxedo na naka-shades pa. Napatingin ako kay Eiji na pumasok din sa loob at umupo sa tabi ko.
"Saan ba tayo pupunta?" tanong ko sa kaniya.
"Basta!" Don't tell me ay hindi kami magsisimba?
Tahimik lang kami sa loob ng sasakyan niya. May aircon naman pero pinagpapawisan ako nang malagkit dito. Ano ang gagawin ko? Baka may masama na siyang balak sa 'kin!
"Hoy! Ayos ka lang? Ang lakas ng aircon pero pinagpapawisan ka," sabi niya tapos ay lumapit sa 'kin.
Lumayo naman ako.
Kumunot ang noo niya. "Bakit ka ba lumalayo? Nandidiri ka ba sa 'kin?"
"H-Hindi..."
"Anong hindi eh layo ka nang layo," medyo naiinis na sabi niya sa 'kin. Pinitik niya ang noo ko tapos ay bahagyang natawa. Gusto ko sanang sabihin na ang cute niyang tumawa kung hindi lang kami nasa ganitong sitwasyon.
"Huwag mong sabihing tama ang iniisip ko na iniisip mo?"
Ano raw? Iniisip niya na iniisip ko? "'Wag, bata pa ko," sabi ko. Tinakpan ko ang katawan ko at bahagya pang lumayo sa kaniya hanggang sa napasandal na ako sa pinto ng sasakyan.
Natawa na siya nang tuluyan. Hinahampas na niya 'yong upuan at maluha-luha na.
Tumulo na lang bigla ang luha ko.
Napatigil siya sa pagtawa. "Hey! 'Wag kang umiyak. Hindi ko gagawin 'yang sinasabi mo 'no! Natawa lang ako dahil sa inisip mo. Akala ko tuloy kung ano na," sabi niya.
Parang bumalik 'yong luha ko dahil sa sinabi niya.
"Mali ang iniisip mo. Magsisimba lang tayo. Ang lawak ng imagination mo!" Nagsimula na naman siyang tumawa. "'Wag mo na isipin 'yon. Kunwari ay hindi 'yon nangyari. Magsisimba lang tayo, okay? 'Wag ka na ngang umiyak. Isa pa ay kasama natin si Kuya Hans," aniya sabay tingin sa driver namin ngayon.
"So, friends na tayo?" tanong ko sa kaniya.
Naalala ko kasi 'yong sinabi niya kanina sa mama ko. Ibig sabihin niyon ay tinatanggap na niya talaga ako bilang kaibigan niya. Kung hindi, kakalbuhin ko talaga siya hanggang sa mawalan siya ng buhok.
"Sino naman ang nagsabi?" sarkastikong sabi niya. Tinaasan pa niya ako ng kilay habang nakakrus sa dibdib ang mga braso.
"Ikaw, sabi mo kanina sa mama ko," sabi ko na parang nanghahamon. Sabi ko na nga ba at ide-deny niya pa e! Hirap talagang intindihin ng mga lalaki.
"Ano naman ang gusto mong sabihin ko? Na manliligaw mo ako? ASA!" bulalas niya. Wala naman akong sinasabi. Defensive masyado!
"Kahit na! Puwede namang schoolmate, 'di ba?"
Natahimik naman siya. Siya naman itong lumalayo ang linya ng utak at kung ano-ano ang iniisip.
"Oo nga pero nasabi ko na, wala na 'kong magagawa," sabi niya at tumingin na lang sa harap.
Tiningnan ko lang siya. Ang guwapo niya kapag naka-side view. Mas pansin ang tangos ng ilong niya at ang ganda rin ng pagkakahubog sa panga niya. Ganiyan ka na lang Eiji, ah?
"Basta friends na tayo ah?" sabi ko sa kaniya at nag-cross arms. Humarap na ako at inayos ang upo ko. Feel na feel ko ang pagsakay sa porche niyang itim. Pakiramdam ko tuloy ay ako ang may-ari nitong sasakyan at nakikisakay lang siya.
"Ayoko nga!"
This time ay ako naman ang lumapit sa kaniya. "Sige na!" Niyugyog ko pa siya sa balikat niya, wrong move, ang sama ng tingin niya sa 'kin.
Unti-unti siyang lumapit sa 'kin hanggang sa pinto na lang ang nasa likod ko. Napakagat na lang ako sa labi ko at aksidenteng napindot ang lock ng pinto. Naitukod ko ang siko ko sa pihitan kaya bumukas ang pinto.
"Ah!" sigaw ko.
Naging maagap naman siya at nahawakan ang kamay ko. Hinatak niya ako nang marahas hanggang sa tumama ang mukha ko sa dibdib niya. Halos dinig na naming dalawa ang tibok ng mga puso namin. Sabay pa kaming nahulog sa lapag ng kotse nang biglang inapakan ng driver niya ang brake.
"Aw!" sabay naming daing. Tumayo agad siya dahil nadaganan niya ako. Hinarap naman kami nitong si Kuya Hans at tinanong kung ayos lang kaming dalawa.
"A-Ayos lang po ako," sagot ko.
Marahas akong tiningnan ni Eiji. "You're out of your mind! Bakit mo pinindot 'yong lock?" sigaw niya sa 'kin. Nanlilisik ang mga mata niya na para bang handa akong sugurin anumang oras.
Agad tumulo ang luha ko. "S-Sorry."
Napabuntong-hininga siya. "It's okay. Sorry nasigawan kita..." Lumapit siya sa 'kin.
Nagulat ako nang maramdaman ko ang pagpulupot ng braso niya sa 'kin. Sinimulan niyang tapikin ang likod ko. Siguro nga ay pareho kaming nabigla sa nangyari. Sobrang bilis pa rin ng tibok ng puso ko kaya mas lalo akong naiyak.
Jas, don't forget to wear seatbelt next time.
Chapter 7
Jas Suarez
Dahil sa nangyari ay hindi na niya ako inasar pa ni kinausap man lang. Naging mas awkward din ang paligid namin. O baka ako lang talaga ang naiilang sa 'ming dalawa. Hindi ko alam.
Kumain kami ng tanghalian sa isang restaurant na mukhang mamahalin. Bukod sa nakita ko ang presyo ng pinakamura nilang pagkain ay halos wala ring tao. Kung mayroon man ay dalawa lang na mukha pang mga sosyal dahil sa wine na iniinom, red fitted gown at tuxedo na suot. Nahiya naman ang suot ko sa kanila.
Hindi ko alam kung matatapos ba ang araw na ito nang kasama siya. Nakapagsimba kami kanina nang tahimik lang at hindi nag-iimikan. Kahit noong mag-Ama Namin ay para akong tinulis na kandila. Nakakahiya dahil pasmado pa ang kamay ko kanina dahil sa kaba!
Pagkatapos naming kumain ay dinala niya ako sa isang parke para makapagpababa ng kinain. Ang daming bata! Ang sasarap tirisin ng mga marshmallow nilang pisngi. Ang saya nilang nagtatakbuhan na para bang mga walang problema sa buhay. Sarap siguro maging bata habang-buhay.
"Mahilig ka sa mga bata?" tanong ko sa kaniya.
Naupo kami sa isang swing na hindi ginagamit ng mga bata. Magkatabi kami habang pinapanood silang maghabulan at maglaro sa buhanginan. Hindi ko maiwasang hindi mapangiti, inaalala ang mga panahong ako ang naglalaro doon.
"Hindi," sabi niya.
"Bakit dito mo 'ko dinala?" Tinulak ko ang sarili ko at nagsimulang mag-swing. Naramdaman ko agad ang hampas ng hangin sa mukha ko. Medyo maaraw ngayon pero maraming puno naman ang nagbibigay silong sa 'min.
Nanatili naman siyang nakaupo lang sa swing at nakatingin sa harap. "Baka kasi gusto mo ring maglaro. Para ka kasing bata."
Sabi ko nga at masungit pa rin siya.
Itinigil ko ang pagduyan at saka lumapit sa isang bakanteng seesaw. Sumakay na lang ako roon at hindi gaanong pinansin ang pang-aasar niya.
"Do'n ka sa kabilang dulo, dali! Seesaw tayo!" bulalas ko.
"Para namang may pagpipilian ako. Tss. Napakaisip-bata," sabi niya pero umupo pa rin sa kabila.
Ewan ko ba kung bakit ganito ang sinasabi niya kung puwede naman siyang umangal. Hindi ko na lang pinansin dahil baka magtoyo pa.
"Ang bigat mo! Hindi pa bumababa 'yong paa ko eh pababa ka na agad," sabi ko.
Nakakatuwang isiping may ganito rin siyang side. Medyo childish. Madalas lang talaga kung toyoin.
Unti-unti ay mas nakikilala ko si Eiji sa ganitong paraan. Hindi man siya mag-open ay nakikita ko naman ang totoong siya sa simpleng mga galaw lang niya. Huwag lang talagang mababati at tiyak totoyoin.
"Hindi ako mabigat, sobrang gaan mo lang talaga. Kumain ka kasi nang marami para magkalaman ka naman!"
Tiningnan ko siya nang masama. "Kumakain ako nang marami 'no! Paano mo naman nasabing magaan ako?"
"Pinasan kita kahapon, 'di ba," aniya.
Napasimangot na lang ako. Oo nga pala. Isa sa mga nakakahiyang pangyayari sa buhay ko. Hindi ko alam na sa kaniya pa talaga ako kakapit noong mga oras na 'yon. Mukhang malapit pa naman silang dalawa ni Chesca. Magkaano-ano kaya sila?
"Tanong ko lang, saan ka nakatira?" sabi ko. Gusto ko lang talagang may mapag-usapan kami at makalimutan kung ano ang nangyari kanina. Ayoko namang pag-usapan si Chesca dahil baka kung ano pa ang malaman ko. At isa pa, hindi ako interesado.
"Malapit lang."
Napairap ako sa sagot niya. "Totoo nga kasi! Saan ka nakatira?" pangungulit ko pa.
"Bakit? Dadalawin mo ba 'ko?" tanong niya, nakataas na naman ang kilay sa 'kin.
"Bakit? May sakit ka ba?" pamimilosopo ko sa kaniya.
"May sakit lang ba ang dinadalaw?"
"May sinabi ba 'ko? Tinatanong ko lang naman."
Bumuntong-hininga siya. "Alam mo, wala ng sense 'tong pinag-uusapan natin."
"Buti nahalata mo," sabi ko. Hindi ko na siya ulit kinulit dahil mukhang wala siyang balak na sabihin sa 'kin kung saan siya nakatira. Baka kung ano pa ang isipin niya kapag nagpatuloy ako. Pero dahil sa isinisikreto niya ay mas lalo tuloy akong na-curious.
"Tara, uwi na tayo," yaya ko sa kaniya. Dahan-dahan niyang tinaas ang side niya para makababa ako nang maayos.
"May pupuntahan pa tayo. Tara!" aniya.
Kumunot ang noo ko. "Talaga? Saan?" Hindi ko na maitago pa ang saya sa tono ng pananalita ko.
"Basta, manahimik ka lang diyan."
Napasimangot na lang ako at sumunod sa kaniya. Magkakasakit ba siya kapag naging mahinahon at mabait siya sa pagsasalita? Ang sungit eh.
Habang nasa sasakyan, napadaan kami malapit sa school. Napaawang agad ang bibig ko dahil sa nasaksihan.
Nakita ko sina Ron-Ron at Chesca na naglalakad habang nagtatawanan. Mukhang gaya namin ni Eiji ay may lakad din sila. Mabuti na lang pala at hindi ko inayang magsimba si Ron-Ron ngayon. Parang hindi ko kaya ang rejection niya lalo na at si Chesca ang makakasama niya.
"Iiyak ka na naman?" tanong niya.
Napayuko ako. "Hindi ako umiiyak, napuwing lang." Pinunasan ko ang mga mata ko.
"Hindi mo 'ko maloloko. Sarado ang bintana kaya walang pupuwing sa 'yo." May kinuha siya sa bulsa niya at saka inabot sa 'kin. "Oh..."
Tinitigan ko iyon nang nakakunot ang noo. "Hindi ko kailangan niyan. Hindi naman sinabi ako iiyak," sabi ko nang abutan niya ako ng panyo.
"E 'di gamitin mo kapag iiyak ka na. Sa 'yo na 'yan tutal hindi naman ako gumagamit ng panyo."
"Bahala ka na nga," sabi ko tapos tinanggap din iyon.
"Alam kong nakita mo 'yong kaibigan mo kasama si Chesca."
Napatahimik naman ako. Nang tingnan ko siya, nakatingin lang siya sa labas ng bintana. Nakapatong ang siko niya sa bintana habang nakapangalumbaba siya roon.
"Wala naman akong pakialam sa kanila eh," sabi ko, kahit sa loob ko ay parang pinipiga ang puso ko.
"Pero nasasaktan ka? Paano mo nasabing wala kang pakialam?"
Hindi na ako nagsalita hanggang sa makarating kami sa soccer field ng isang village. Sikat kasi talaga ang sport na ito sa lugar namin kaysa Basketball. Sa school lang talaga namin sikat ang sport na 'yon dahil na rin siguro sa iyon lang ang available at ang tradisyon.
"Ano ang ginagawa natin dito? Mamaya mapatid na naman ako," angal ko. Hindi pa gaanong magaling ang paa ko pero nailalakad ko naman na siya.
"Hindi 'yan. Isa pa, kung hindi ka na ulit maglalaro nito, habang buhay mo nang iiwasan ang paglalaro."
Napaisip naman ako sa sinabi niya. "Sige, pero paano kung mapilay na ako nang tuluyan?" Napanguso ako.
"'Wag mong isipin 'yon. 'Di kita pababayaan," sabi niya na ikinabigla namin pareho.
Naramdaman ko agad ang pagbilis ng tibok ng puso ko. "Ha? Ay ewan! Basta, tara na." Pati tuloy ako ay nailang sa sinabi niya. Ano ba kasi ang pumasok sa utak niya at kung ano-ano ang sinasabi?
Naglaro kami ng soccer at tulad ng inaasahan ko ay magaling siya. Wala naman akong kilalang lalaki na hindi magaling sa sports. Minsan ay kahit unang beses nilang pag-aralan ito ay magaling na sila agad kaysa sa 'ming mga babae.
Pero dahil may experience ako ay hindi naman ako nagpatalo. Sinipa ko ang bola papunta sa kaniya ngunit sa hindi inaasahan ay hindi pala siya nakatingin sa 'kin. Kaya naman natamaan ko siya sa ulo na ikinadaing niya.
Napatakip ako sa bibig. "Naku! Sorry, Eiji. Hindi ka naman pala kasi nakatingin eh," nag-aalalang sabi ko. Lumapit ako sa kaniya at tiningnan ang noong tinamaan pero iniwas niya lang iyon.
"Okay lang naman. Hindi ako nasaktan." Hinimas niya ang noo niya at kinapa kung nagkabukol ba iyon.
"Sure ka?"
Tumango na lang siya sa 'kin at pinagpatuloy ang laro.
Habang sinisipa ang bola ay napalayo ako sa gawi niya. Naiwan siyang nakaupo sa isang bench habang pinapanood ako. Nagtungo naman ako sa goal upang sumipa nang sumipa. Hindi masyadong malakas ang sipa ko dahil na rin sa takot kong mapuwersa ang kaliwa kong paa.
Tama naman siya. Hindi dapat ako matakot na gamitin 'to dahil kapag nagkataon, habang buhay ko nang iindahin 'to.
Nahagip ng mata ko ang isang aninong nakatago sa likod ng puno. Nang titigan ko siya ay bigla na lang iyong nagtago. Kung nangyari ito sa 'kin dati ay hindi ko iyon papansin. Baka guni-guni ko lang naman kasi. Pero dahil halos araw-araw na akong nakararamdam ng kakaiba ay tumakbo ako patungo roon, hindi iniinda ang sakit ng kaliwang paa ko.
Hindi ako makatutulog kapag hindi ko pa inalam kung sino nga ba talaga siya. Hindi na ako puwedeng magkamali dahil hindi ito ang unang beses. Hindi rin ito ang pangalawa. Kailangan matapos na 'tong kahibangan na 'to. Kung may gusto siyang sabihin, sabihin niya nang harapan. Hindi iyong ganitong nananakot siya.
"Jas!" rinig kong tawag ni Eiji pero hindi ko siya pinansin.
Nagpatuloy lang ako sa pagtakbo kahit na kumikirot ulit ang paa ko. Nang makarating kami sa isang eskinita ay napahinto ako. Nakatayo lang siya roon habang nakatalikod sa 'kin.
"Sino ka? Bakit mo 'ko sinusundan?" tanong ko.
Hindi siya sumagot sa tanong ko. Sinipat ko na lang ang kabuoan niya. Halos magkasing tangkad lang kami. Nakasuot siya ng itim na hoodie at itim na pantalon, itim din ang suot na sapatos. Wala talagang pumapasok sa isip ko kung sino ang puwedeng sumunod sa 'kin nang ganito.
"Jas!"
Napatingin ako kay Eiji na sumunod sa 'ming dalawa. Hinihingal siya dahil sa pagtakbo. Huminto siya sa harap ko at saka ipinatong ang mga kamay sa tuhod niya. "Bakit bigla-bigla ka na lang tumatakbo?"
Hindi ko sinagot ang tanong niya. Nang muli kong tingnan ang naka-itim na taong iyon ay wala na siya roon. Nilibot ko ang paningin ko pero wala na akong nakita pang kahit sino.
Napabuntong-hininga na lang ako at saka humawak sa beywang ko. At least ngayon ay alam kong hindi ko na lang iyon guni-guni. Totoo ngang may sumusunod sa 'kin nitong mga nakaraang araw.
"Jas." Hinawakan ako ni Eiji sa balikat kaya napatingin ako sa kaniya – halo-halo ang emosyong nararamdaman.
"Umuwi na tayo," mahinang sabi ko.
Nilagpasan ko siya at iika-ikang naglakad palayo. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin sa kaniya sa mga oras na 'to. Nagdadalawang isip ako kung sasabihin ko sa kaniya kung ano ang nakita ko at kung ano ang mga nangyayari sa 'kin nitong mga nakaraang araw. Gaya ni Ron-Ron ay wala rin siyang alam.
Napatigil ako sa paglalakad nang maramdaman ko ang kamay niya sa braso ko. Napasigaw na lang ako nang bigla niya akong buhatin sa bisig niya.
"Ano ba 'ng ginagawa mo? Ibaba mo nga ako!" bulalas ko.
"Hirap na hirap ka na ngang maglakad, nakuha mo pang tumakbo. Ano ba ang iniisip mo? Talaga bang maluwag na 'yang turnilyo sa utak mo?"
Kinagat ko ang ibaba kong labi. Kahit na ganoon ang sinasabi niya ay alam kong nag-aalala lang naman siya. Hindi ko tuloy maiwasan ang pamulahan dahil sa ayos naming dalawa. Para kaming bagong kasal. Nakakahiya dahil sa ikalawang pagkakataon ay nabuhat na naman niya ako. Paniguradong kalkulado na niya ang bigat ko.
Isiniksik ko na lang ang mukha ko sa dibdib niya at hindi na umangal. Hinayaan ko na lang siyang dalhin ako sa sasakyan bago iuwi sa bahay.
Masyadong mahaba ang araw na 'to. Kailangan kong ipahinga ang utak ko.
Chapter 8
Jas Suarez
Napabuntong-hininga ako. Parang ang haba ng bakasyon ko kahit Sabado at Linggo lang naman ang dumaan. Miss ko na pumasok. Pero mas miss ko si Ron-Ron.
Nakaramdam ako ng bahagyang kirot sa dibdib ko nang maalala siya. Lalo na sa tuwing naiisip ko ang mga ngiti niya noong magkasama sila ni Chesca. Ganoon ba talaga kaliwanag ang mga ngiti niya? O talagang sobrang saya niya lang dahil nakita na niyang muli ang first love niya?
Mag-isa ako sa room habang nakapangalumbaba sa bintana. Idinikit ko ang mesa ko sa pader para matanaw ang labas. Ang aliwalas ng paligid, ang sarap siguro tumambay roon sa field. Ang ganda rin ng langit, asul ito at ang daming mapuputing ulap. Mukhang hindi naman uulan pero ang pakiramdam ko, sobrang bigat, parang may parating na bagyo. Idagdag pa sa isipan ko ang taong nakasalamuha ko – ang taong sinusundan ako.
Kung sa tingin ng marami ay nakakatuwang magkaroon ng stalker, ngayon pa lang ay sinasabi ko nang hindi. Sobrang creepy! Kahit sa loob ng kuwarto ko ay pakiramdam ko hindi ako ligtas. Kulang na lang ay ipako ko ang bintana para siguradong walang makapapasok.
Ang pinto ko ay lagi na ring naka-lock. Sa tuwing may kakatok, bago ko iyon buksan ay tatanungin ko pa muna kung sino. Nawi-weirduhan na sina Mama at Papa pero ayoko namang sabihin sa kanila.
Pakiramdam ko tuloy ay nag-iisa ako. Hindi ko alam kung kanino ko ba dapat ito ikuwento. Ayokong makaabala sa ibang tao kaya mas pinipili ko na lang na sarilinin.
"Good morning, Jas!"
Napabalikwas ako sa kinuupuan ko at saka napatingin kina Kimmey at Gelo na papasok ng room.
"Good morning, Kimmey at Gelo," nauutal na bati ko sa kanilang dalawa.
Nilingon ko ang kasunod nila pero bumagsak lang ang dalawang balikat ko nang hindi si Ron-Ron ang makita kung hindi si Jethro, isa sa mga kaklase ko. Bumalik ako sa pagkakatingin sa labas at bumuntong-hininga.
"Okay ka lang ba?" tanong ni Kimmey nang makaupo sa tabi ko. Hinawakan pa niya ako sa balikat upang ibaling ang atensyon ko sa kaniya.
Tumango ako bago pilit na ngumiti at tumingin sa kanila. "Oo naman," sagot ko.
Pinaningkitan lang ako ng mga mata ni Gelo ngunit walang sinabi. Pinagpatuloy ko lang ang kung ano ang ginagawa ko. Ni hindi ako umalis doon sa bintana nang dumating ang guro namin. Mas lalo lang akong nanlumo nang hindi pumasok si Ron-Ron – kung may ilulumo pa ba 'tong nararamdaman ko. Mukhang magkasama pa rin sila hanggang ngayon. At handa pa talaga siyang mag-skip para sa kaniya.
"HINDI MO YATA kasama 'yong kaibigan mo?" tanong ni Eiji, nakahiga sa sahig habang naka-unan sa dalawa niyang braso.
Nandito kami sa rooftop habang nakaupo ako sa sahig, nakatanaw sa kabuoan ng campus at nagpapahangin. Nakapikit lang siya at paminsan-minsang dumidilat upang tingnan ako. Tapos na kaming mag-lunch at ito kami, nag-uusap na para bang normal na iyong bagay.
"Wala pa nga eh. Mukhang absent pa," sabi ko sa kaniya sabay kagat ng sandwich ko. Medyo nabitin pa ang lunch ko kanina.
"Naaalala mo lang naman ako kapag mag-isa ka."
Napatigil ako sa pagkagat ng sandwich ko at nakakunot-noong tumingin sa kaniya. "You sound disappointed," pang-aasar ko sa kaniya. "Nagtatampo ka ba?" Lumapit ako sa kaniya pero umusod lang siya, hindi pa rin dumidilat.
"No, I'm not."
"Ayie, nagtatampo ka eh," sabi ko sabay kiliti sa tagiliran niya.
Agad siyang napapiksi at pagkatapos ay agad natigilan.
Nanlaki naman ang mga mata ko. May kiliti siya? Ngayon lang ako nakakilala ng lalaking may kiliti!
"Hoy! Tigilan mo 'ko, Jas. Alam ko 'yang mga ganiyang tingin mo!" Tapos hinarang niya 'yong dalawa niyang kamay sa harap habang pinanlalakihan ako ng mga mata. Agad siyang tumayo at saka tumakbo palayo.
Natatawa ko naman siyang hinabol.
"Ano ba! Hindi na nakakatuwa, Jas!" sigaw niya nang bigla ko siyang ma-corner.
Ngumisi ako sa kaniya at dahan-dahang lumapit.
"Ano ba? Oo na, may kiliti ako ro'n pero hindi na ako makahinga. Tigilan mo na," sabi niya.
Agad akong umiling. "Ayoko! Minsan lang ako makakilala ng lalaking may kiliti kaya susulitin ko na!" Ewan ko ba kung bakit pero nag-eenjoy talaga ako kapag ganito kaming dalawa. Masama ba kung masasanay ako sa ganito? Masyado na ba akong ambisyosa para hilinging sana ganito na lang kaming dalawa?
Lumapit ako sa kaniya at kiniliti siya kaya halos mamatay na siya sa katatawa. Hindi naman nagtagal ay nahuli niya ang dalawang kamay ko kaya hindi ko na siya makiliti. Siya naman ang ngumisi sa 'kin at saka ako inatake sa tagiliran ko.
Napatili na lang ako. Ako naman ngayon ang halos mamatay na sa kakakiliti niya.
"Ah! Tama na. Ayoko na. Suko na po," sabi ko habang walang tigil sa katatawa. Grabe! Ang lakas pa naman ng kiliti ko. Tapos siya naman ay sobra kung makakiliti. Bawing-bawi!
Pareho kaming napatigil nang biglang bumukas ang pinto sa rooftop. Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto kung sino ang nagbukas niyon.
Seryoso lang kaming tiningnan ni Ron-Ron. Wala ng ibang reaksyon ang mukha niya. Ano ang ginagawa niya rito?
"Sorry, mukhang naistorbo ko kayo," aniya. "Mauna na 'ko." Binagsak niya ang pinto at tuluyan na kaming napatigil ni Eiji sa kung ano man ang ginagawa namin.
"Ron-Ron!" tawag ko sa kaniya at saka tumayo. Hindi ko na nilingon pa si Eiji para sundan si Ron-Ron. Baka galit siya sa 'kin. Pero bakit naman siya magagalit? At bakit ngayon lang siya pumasok?
Naabutan ko siyang hinahagis ang upuan sa loob ng room namin. Agad ko siyang pinigilan nang ibabato niya sa bintana ang isang silya. Nabitin sa ere ang hawak niya ngunit hindi iyon ibinaba. Humihingal siya na parang ang layo ng tinakbo niya kahit na sa rooftop lang naman siya galing.
"Ano ang ginagawa mo rito?" tanong niya.
Nakahinga ako nang maluwag nang ibaba niya ang silya at naupo roon. Nakatalikod siya sa 'kin kaya hindi ko maaninaw ang mukha niya.
"Malamang, sinundan ka. Bakit ngayon ka lang pumasok? Kanina pa kita hinihintay." Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya at umupo sa silyang nasa harap niya.
"Wala, hinatid ko lang ang kapatid ko."
"Hinatid? Bakit naman inabot ka ng tanghalian?" Panaka-naka akong tumitingin sa kaniya, sinusuri kung talaga bang kalmado na siya. Baka mamaya ay sa 'kin niya ihagis 'yong silya. Mahirap na!
"Hinatid ko sa sakayan ng barko. Aalis siya at babalik sa tita ko."
Tumango-tango ako. "Pa'no 'yan? Mag-isa ka na lang sa bahay niyo," sambit ko, nakanguso habang pinaglalaruan ang kuko ko.
"Ganoon na nga. Pinapasama ako ni tita pero hindi ako pumayag," sabi niya.
"Eh? Bakit naman?" Ang alam ko ay takot siyang mahiwalay sa kapatid niya dahil ayaw mapag-isa ni Ron-Ron.
"Dahil sa isang tao," sabi niya.
Napayuko ako at napaiwas ng tingin sa kaniya. Lumapit ako sa bintana at tumingin sa malayo. Hindi kaya dahil kay Chesca?
"Puwede ko bang malaman kung sino ang taong 'yon?" tanong ko.
Hindi ko alam kung saan ko nakuha ang lakas ng loob para itanong iyon. Sigurado naman akong pagsisisihan ko rin pagkatapos marinig ang isasagot niya. Pero siguro ay mayroon sa dulo ng utak ko na umaasang ako ang dahilang 'yon.
"Wala, hindi mo kilala," sabi niya.
"Siguro si Chesca 'yon, 'noh?"
Mahina siyang natawa sa sinabi ko. Hindi tuloy ako sigurado kung pagsang-ayon 'yon o ano.
"Mauna na 'ko." Tumayo siya sa pagkakaupo kaya napatingin ako sa kaniya. "Please, don't follow me," sabi niya pero dahil makulit ang lahi ko, sinundan ko pa rin siya.
Huminto siya sa unang baitang ng hagdan pababa ng floor namin. "I said, don't follow me."
"Pero gusto kitang sundan. Isa pa, na-miss kita," sabi ko habang nakatingin sa sapatos ko.
Naramdaman kong napatigil siya lalo dahil sa sinabi ko. Sa tingin ko ay may sumusunod sa 'kin at may balak siyang masama. Natatakot ako. Gusto ko sanang idugtong pero bigla siyang nagsalita.
"Bahala ka," sabi niya. "Chesca!"
Napatingin ako dahil sa pagsigaw niya. Halos mapatulala ako nang makita si Chesca na naglalakad na ngayon palapit sa kinaroroonan naming dalawa. Mukhang hindi pa niya ako napansin dahil na kay Ron-Ron lang ang tingin niya.
"Tyrone, tara na?" yaya ni Chesca. Pinulupot pa niya ang braso kay Ron-Ron. "So, saan tayo?"
"Tara sa park."
Para naman akong tangang nakatayo lang sa harap ng room namin at nakatulala. Pero ang nakakatawa ay walang luha ang tumulo sa mga mata ko. Nakatulala lang talaga ako kahit na nagsimula na akong maglakad palayo.
Nang bumalik ako sa rooftop ay hindi ko na makita si Eiji. Baka bumaba na rin siya para umuwi na. Mga dakilang magagaling talaga kami sa pagka-cutting. Dito na muna siguro ako at maglalabas ng sama ng loob. Naiinis kasi akong isipin na magkasama sina Ron-Ron at Chesca ngayon.
"Nakakainis ka, Ron-Ron! Hindi mo ba alam na nagseselos ako?" sigaw ko. Huminga pa ako nang malalim matapos kong ilabas iyon.
"Kung makasigaw ka naman, akala mo walang nakakarinig sa 'yo."
Pabalang akong napatingin sa likod ko at nakita si Eiji na kapapasok lang ng rooftop. May dala na siyang can ng softdrinks at umiinom doon.
Isinara niya ang pinto gamit ang paa niya.
"Narinig mo?" tanong ko.
Tumango naman siya at tumabi sa 'kin sa may railings.
"'Wag mo naman sanang ipagkalat," sabi ko sabay yuko.
Tinaasan niya ako ng kilay. "Ano naman ang mapapala ko kung ipagkakalat ko?"
"Malay mo, gawin mong pang-blackmail sa 'kin." Ganoon naman kasi talaga 'yong mga napapanood ko. Kapag narinig ang sikreto ng isa ay gagawa ng paraan para may ipang-blackmail. Para mapasunod mo ang isang tao.
"Of course not! Hindi ako ganoon, hindi ako cheap," sabi niya.
Napairap na lang ako. Kung iyon ang nasa isip niya, wala akong magagawa.
"So, hindi mo nga ipagkakalat?" Naninigurado lang din.
"Let me see. May gusto ka sa best friend mo?" Parang hindi naman iyon tanong, parang nanghihingi lang talaga siya ng kumpirmasyon.
"Oo na nga! Kailangan pang ulitin?" Nakakainis kasi! Mamaya ay may dumating at marinig pa. Hindi nga siya ang mangba-blackmail, ibang tao naman.
"May deal akong iaalok sa 'yo," sabi niya. Sumandal siya sa railings patagilid at saka ako hinarap. Hinagis niya ang can ng softdrinks sa malapit na basurahan.
"Ano naman 'yon? Kapag iyan kalokohan, ah?" Nakakatakot naman 'yang deal na 'yan kahit hindi ko pa alam kung ano.
"Hindi 'to kalokohan. Hindi naman ako katulad mo 'noh!" Aba't isa na lang babatukan ko na ang isang 'to!
"So, ano na nga 'yon? Dalian mo at uuwi na ako," naiinip na tanong ko. Pabitin pa kasi eh.
"Pagseselosin natin ang bestfriend mo."
Tinaasan ko siya ng dalawang kilay dahil mukhang may kasunod pa.
Lumapit siya sa 'kin at itinapat ang bibig sa tainga ko. "You and I will go on a date."
Literal na nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi niya. Halos mabilaukan na rin ako sa sarili kong laway dahil doon. Bigla ko tuloy siyang naitulak palayo habang siya naman ay nakangisi lang.
"Ano?! Bakit ko naman gagawin 'yon?" tanong ko sa kaniya. Alam kong nakapagsimba na kami pareho pero hindi naman date 'yon!
"Kung gusto mong alamin ang nararamdaman ng bestfriend mo, pagseselosin natin siya. Para malaman 'yon ay kailangan mag-date tayong dalawa."
"Makikipag-date ako..." Tinuro ko ang sarili ko. "... sa 'yo?" Tinuro ko naman siya.
"Exactly!" Tumatango-tango pa siya habang nakangisi, amused sa sarili niyang kalokohan.
Hindi ko alam kung ano ang pinaplano niya kaya agad akong umiling. "Ayoko!" Hindi pa ako baliw para pumayag sa gusto niya. Kami nga ni Ron-Ron ay wala pang first date tapos kaming dalawa, dalawa na?
"Sige, ikaw bahala. Balita ko ay may date sila bukas sa park," sabi niya.
Nagpanting ang tainga ko dahil doon. "Paano mo naman nalaman?" Chismoso yata ang isang 'to. Ako nga na kaibigan ni Ron-Ron ay hindi 'yon alam.
"Connections?" kibit-balikat na sagot niya.
Napaisip naman ako. Isang beses lang naman na date, 'di ba? Kung sakali mang malaman ko ang nararamdaman ni Ron-Ron ay wala ng third date kay Eiji. Sige na, I'll take the risk!
"Oo na, papayag na 'ko," sabi ko. Susubukan ko lang kung magseselos si Ron-Ron.
"See? Papayag ka rin naman pala. Bukas Nine AM. Magsuot ka ng maganda." Then he left.
Napakurap ako nang dalawang beses.
Wait? Iyon na 'yon? Magsuot lang ng maganda?
Bahala na. Uuwi na lang ako mag-isa. Malapit na rin kasing dumilim. Ang daldal naman kasi ng Eiji na 'yon pero minsan ang bagal mag-isip.
And so much for being cheap.
Chapter 9
Jas Suarez
Kasalukuyan akong nag-aayos ng sarili ko para sa date namin ni Eiji. Ewan ko lang pero parang may kakaiba akong nararamdaman ngayon. Parang may kakaibang mangyayari sa date na 'to pero hindi ko naman alam kung ano 'yon.
Pinilig ko na lang ang ulo ko. Napa-paranoid lang siguro ako, kabado sa second date ko. Kumpara naman noong una ay biglaan lang iyon at nilibre niya lang talaga ako. Pero iba na ngayon, may agenda na kami kaya namin 'to ginagawa.
Tiningnan ko ang sarili ko sa full-length mirror ko. I'm wearing a baby pink dress above the knee at may purse rin akong dala. I paired it with a baby pink doll shoes na rin. Naka-messy bun ang buhok ko at may nalalaglag na ilang hibla ng buhok sa pisngi ko pero hindi naman ako mukhang haggard.
Narinig ko ang dalawang katok mula sa pinto. "Anak, may naghahanap sa 'yo sa labas," rinig kong sabi ni mama sa labas ng kuwarto.
Muli ko pang inayos ang buhok ko bago naglakad paalis. "Sige po, Mama! Palabas na 'ko," sabi ko. Huminga ako nang malalim at tiyaka pa lang lumabas. Agad kong nakita si Mama na nakatayo sa harap ng kuwarto ko.
"Sabihin mo nga, anak, nanliligaw ba sa 'yo ang taong 'yon?" kunot-noong tanong niya.
Natawa naman ako sa sinabi niyang taong 'yon. "Mama, hindi po."
"Pangalawang beses na siyang pumupunta rito ah? Nasaan na 'yong isang lalaki? 'Yong unang nagpunta rito?"
Napanguso ako dahil sa sinabi ni mama pero hindi ko siya sinagot. "Kapag po may nanligaw na sa 'kin, sasabihin ko sa inyo. Pero sa ngayon, wala pa. Alis na po ako, bye!" I kissed her cheeks at tumakbo na sa labas. Ayoko nang magtanong pa si mama tungkol kay Eiji dahil hindi ko naman talaga siya manliligaw.
"Jas, puwede ko bang makausap ang mama mo?" tanong ni Eiji pagkalabas ko pa lang ng bahay. Nakasimpleng white t-shirt lang siya at itim na pantalon. Hindi ko rin maiwasang hindi maalala si Ron-Ron dahil sa pagkakahati ng buhok niya sa gitna. Napansin ko ring mayroon siyang hikaw sa kaliwang tainga niya.
Bago pa ako um-oo ay nakita ko na si mama na palapit sa aming dalawa. "Ano naman ang gusto mong sabihin sa 'kin, Iho?" tanong ni mama sa kaniya.
Napakagat ako sa ilalim na labi ko. Ano ba ang nasa isip ni Eiji ngayon?
"Gusto ko lang po magpaalam na liligawan ko si Jas," sabi niya.
Napanganga naman ako dahil sa sinabi niya. Alam kong magpapanggap kaming magde-date pero hindi ko alam na kasama pala ang panliligaw sa sinasabi niya.
"Really?" Naningkit pa ang mga mata ni Mama sa 'kin. "Mag-iingat kayo. Eiji, ingatan mo ang anak ko ah?" sabi ni mama. Pero ang mga tingin niya ay nasa 'kin pa rin na parang sinasabing mag-uusap tayo mamaya.
Tumango naman si Eiji sa kaniya habang nakangiti bago binaling ang atensyon sa 'kin. "So, tara na?" tanong niya pero nakanganga lang ako habang nakatulala. "Jas?"
"Ay! Sorry," sabi ko.
Pumasok na ako sa sasakyan niya na medyo wala pa rin sa sarili. Tiningnan ko pa ulit ang dereksyon ni mama at bahagyang napakunot ang noo nang makita na parang malungkot siya habang nakatanaw sa sasakyan. Nawala lang ang tingin ko kay mama nang pumasok si Eiji sa sasakyan.
Pabalang ko siyang binalingan ng tingin. "Ano ba ang nasa isip mo at sinabi mo 'yon kay mama? Nababaliw ka na ba?"
"Alam mo, hindi magiging effective ang gagawin natin kung hindi ko sasabihin 'yon. Kung sakali mang mabanggit ng mama mo sa harap ni Tyrone ay hindi na tayo mahihirapan," sabi niya.
Tinikom ko ang bibig ko. Hindi ako kumbinsido sa dahilan niya pero mukhang hindi talaga siya papatalo. Ni hindi pa nga nakikilala ni Mama si Ron-Ron eh.
Umayos na lang ako ng pagkakaupo at tumingin sa daan. "Saan naman tayo pupunta?"
"Sa Camp Tower," sagot niya.
Ang Camp Tower ay isang tore na nasa gitna ng plaza at ito ang pinakasentro ng Golden Palace. May taas iyong tatlong daang metro at bukod sa pook pasyalan ay ginagamit din ito sa pagmamasid ng mga sasakyang panghimpapawid. May antena rin ang tuktok nito na ginagamit sa mga radyo.
Marami rin ang pumupunta roon. Maganda kasi ang lugar lalo na ang ambiance, bagay talaga sa mga taong magde-date gaya namin.
Pagdating namin ay bumungad sa amin ang napakaraming tao. Pero dahil sa lawak ng lugar ay hindi naman nagmukhang crowded masyado. Nagpunta kami sa Camp Garden para makapagpahinga. Maraming iba't ibang mga halaman, puno at mga bulaklak dito na pinalilibutan ang isang parke. Naupo kami sa isa sa mga urban benches doon.
Ayon kay Eiji ay sa lugar na 'to pupunta sina Ron-Ron at Chesca. Panay tuloy ang linga ko sa paligid para makita sila.
Biglang bumilis ang tibok ng puso ko, pinagpapawisan habang iniisip ang magiging reaksyon ni Ron-Ron kapag nakita kami ni Eiji na magkasama.
"Sina Tyrone na ba 'yon?" tanong niya habang nakatingin sa likod ko.
Napatingin naman ako roon at inaninag ang kinaroroonan nila. Gaya ng inaasahan ko ay magkasama silang dalawa ni Chesca. Nagtatawanan silang dalawa habang naglalakad, mukhang paalis na sila ng parke.
Tatalikod pa sana ako sa kanilang dalawa pero nakita na kami ni Chesca.
Kumaway siya sa dereksyon namin. "Eiji! Jas!" Hinatak ni Chesca sa kamay si Ron-Ron at saka tumakbo sa dereksyon namin.
"Chesca, kayo pala," sabi ko. Sinubukan kong ngumiti sa dereksyon nila. Sana ay nagtagumpay ako.
"Yhup, sa'n kayo papunta?" tanong niya nang may malawak na ngiti. Hindi ko alam kung natutuwa ba siyang makita kaming magkasama o natutuwa siya dahil date nilang dalawa ito.
Tumingin ako kay Eiji na parang naghahanap ng kakampi.
"Kakain na sana kami ng lunch," sabi ni Eiji. Mabuti pa siya at mukhang kalmado lang.
"Great! Sama na kayo sa 'min. Saan ba kayo kakain?"
Gaya ko ay hindi rin nagsasalita si Ron-Ron sa tabi ni Chesca. Nakatingin lang siya sa malayo na para bang wala siyang pakialam sa kung ano ang nangyayari. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na ayaw niya kaming kasabay ni Eiji sa pagkain.
"Actually, hindi pa namin alam," sabi ni Eiji. Wala naman kasi talaga kaming balak na kumain pa. Ewan ko ba kay Eiji kung bakit ito pa ang naisip na dahilan.
"Okay, I know a restaurant kung saan napakasarap magluto. Tara?" aya niya at nauna nang maglakad sa 'min.
Naramdaman ko ang paghawak ni Eiji sa kamay ko. Pinisil niya iyon kaya napatingin ako sa kaniya. Tinitigan naman niya ang mga mata ko na parang may gustong sabihin. Kailangan na yata naming magpanggap ngayon.
Nakasunod lang kami ni Eiji sa kanilang dalawa. Sobrang lapit nila sa isa't isa habang nagbubulungan na para bang takot silang marinig namin kung anuman ang pinag-uusapan nila. Kami naman ni Eiji ay magkahawak nga ang mga kamay pero daig pa ang social distancing dahil sa layo namin sa isa't isa.
"Here it is!" bulalas ni Chesca habang nakaturo sa The Camp, isang sikat na food park sa lugar na 'to.
Napatingin silang dalawa ni Ron-Ron sa 'min ni Eiji. Sabay pang napadako ang mga mata nila sa magkahawak na kamay namin ni Eiji.
"Ow! A-are you two together? I mean, kayo na ba?" Ayon sa boses niya ay parang hindi siya makapaniwala sa nakikita niya ngayon.
"Nope," sagot ni Eiji. "Malapit na." Inakbayan niya ako.
Hindi naman ako makapagsalita dahil ayokong ipahiya si Eiji sa harap nila. Isa pa, gusto ko ring malaman kung ano ang magiging reaksyon ni Ron-Ron. Ito nga ang dahilan kung bakit namin 'to ginagawa, 'di ba?
"Ow, great! Good luck sa inyong dalawa." Humarap siya kay Ron-Ron bago binalik ang tingin sa 'min. "So, tara na? Mukhang double date ang magaganap ngayon, ah?"
Nagdadalawang-isip ako kung papasok ba ako sa food park na 'to. Wala naman kasi akong dalang malaking pera. May kamahalan kasi ang mga paninda rito.
Nilapit ni Eiji ang bibig sa tainga ko. "Don't worry. It's my treat."
Nakahinga naman ako nang maluwag. Kung hindi dahil kay Eiji ay baka nauwi ako sa paghuhugas ng plato rito. Kailangan kong mag-ipon para mabayaran ko siya. Ayoko pa naman sa lahat ay iyong may utang.
"Ano sa inyo?" tanong ni Chesca.
Hindi ko na tiningnan pa ang menu at sinenyasan si Eiji na siya na ang pumili para sa 'ming dalawa. Tutal ay siya naman ang magbabayad, hahayaan ko na lang siya.
"We'll take Braised Pork Balls in Gravy, Peking Roasted Duck and Sweet and Sour Pork."
Sinamaan ko ng tingin si Eiji dahil sa dami ng in-order niya. Ang isang order pa naman ay may kalakihan. Kaya niya bang ubusin lahat?
In-snoban niya lang ako.
"We'll take two orders of Sweet and Sour Pork na rin," sagot ni Chesca at saka ibinalik ang menu sa waiter.
Nang dumating ang order, na hindi naman ganoon katagal hinintay, kumain lang kami habang si Chesca ang halos dumadaldal. Si Eiji naman ay sasagot lang ng oo o hindi. Kapag ako ang tatanungin ay tatango o ngingiti lang ako pero si Ron-Ron ay parang walang pakialam. Hindi ko pa nga naririnig ang boses niya magmula kanina.
"Eh kayong dalawa? Are you two dating already?" tanong naman ni Eiji.
Bigla akong kinabahan sa sasabihin ni Ron-Ron.
Please, say no! Say no!
"Ahm..." Tumingin si Chesca kay Ron-Ron. Hindi na siya nakapagsalita dahil si Ron-Ron ang sumagot ng mga salitang nagpasakit ng todo sa puso ko.
"Yes, we're dating."
Naramdaman ko ang bahagyang pagsulyap sa 'kin ni Eiji. Pilit naman akong ngumiti sa kanilang dalawa. Huwag ka papahalatang sobra kang nasaktan, Jas! Kapag ginawa mo 'yon ay ikaw ang talo.
"That's nice! You two l-look good together," sabi ko sa kanila. Gusto kong palakpakan ang sarili ko dahil nagawa ko iyong sabihin kahit na bahagya pa akong nautal.
"And the same goes to the both of you," sagot naman ni Chesca. Hindi ko alam kung ako lang iyon pero parang pilit ang naging tawa niya pagkatapos. Hindi ko na lang pinansin.
Nagpatuloy sila sa pagku-kuwentuhan habang ako naman ay pinunasan ang gilid ng labi ko. "Excuse me, guys. Mag-Cr lang ako saglit," sabi ko at saka tumayo.
Pakiramdam ko anytime ay mahihimatay na lang ako dahil hindi ako makahinga. Kaharap ko pa si Ron-Ron kanina kaya hindi ako makakain nang ayos.
Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin nang makarating ako sa CR.
Ito na ba? Ito na ba ang katapusan ng feelings ko para sa kaniya? Ang pag-ibig na hindi ko man lang nasabi sa kaniya? Paano na ko makaka-move on? Sabi nga nila mahirap ang umamin pero wala pa ring mas hihirap sa pag-momove on lalo na kung hindi naman talaga naging kami.
Naghilamos muna ako bago bumalik. Baka isipin nila kung ano na ang ginawa ko sa banyo.
Pagdating ko ay nagku-kwentuhan pa rin sila. Or more like, nagku-kuwento pa rin si Chesca.
Nang makaupo ako, naghanap ako agad ng tyempo para magsalita. "So Tyrone, kumusta na ang buhay-buhay?" Ramdam kong natigilan siya sa sinabi ko pero hindi masyadong nagpahalata. Ito kasi ang unang beses na tawagin ko siya sa buo niyang pangalan. Kahit noong unang beses kaming magkakilala ay Ron-Ron na ang tawag ko sa kaniya.
Dahan-dahan niyang ibinaba ang kutsara't tinidor. "Okay lang naman ako. Masaya kasama si Chesca." Tumingin pa siya sa katabi at saka ngumiti.
Ganoon na lang 'yon? Nakitang muli ang first love tapos maiiwan ang kaibigang sawi? Parang ang daming karayom na tumusok sa dibdib ko.
"That's good to hear," sabi ko. After niyon ay walang nagsalita. Buti na lang at natigil na rin ang bibig ni Chesca hanggang sa matapos na kaming kumain. Akala ko kasi ay hindi talaga siya titigil sa kakadada niya hanggang matapos kami.
Tumigil sina Chesca at Ron-Ron nang makalabas kami sa food park. "Sige, may pupuntahan pa kasi kami ni Tyrone," sabi ni Chesca.
"Sige, mauna na rin kami ni Jas," sabi naman ni Eiji sa kanila. "Maraming salamat sa pag-imbita."
Nang makaalis sila, nagtungo na lang kami ni Eiji sa sasakyan niya. Alam ko namang tapos na ang araw na 'to. Wala na ako sa mood kung sakali mang may plano pa siyang puntahan.
"Are you okay?" Isa pa ang lalaking 'to. Hindi ba siya nakikiramdam?
Hindi ko na lang siya sinagot at tumingin sa labas. Kung hindi naman niya kasi ako inaya ngayon ay hindi ko makikita ang lahat ng iyon sa pagitan nina Chesca at Ron-Ron.
Naramdaman ko ang mainit na likido na dumaloy sa pisngi ko. Agad ko iyong pinunasan sa pag-aakalang hindi niya makikita. Pero dahil kanina pa niya ako tinitingnan ay wala na rin akong nagawa lalo na nang ipulupot niya ang mga braso sa 'kin.
Kumpara noon, hindi na ako humagulgol na parang bata. Niyakap ko na lang siya pabalik at hindi nagsalita.
Chapter 10
Jas Suarez
NAALIMPUNGATAN AKO nang marinig ang cellphone ko sa lamesa. Napaingit na lang ako lalo na nang makita ko sa orasang alas dos pa lang ng umaga. Natulog nga ako nang maaga pero mukhang maaga rin naman akong gagambalain. Sino ba naman ang matinong tao ang tatawag sa 'kin nang ganitong oras?
Pabalang kong sinagot ang tawag. "Who the hell is this! Alam mo bang ang late na – " Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita na ito sa kabilang linya.
"Jah-Jah? Pwede mo ba akong puntahan sa bahay?" pautal-utal nitong sabi.
Narinig ko pa ang pagsinok niya kaya agad akong napaupo nang ayos sa kama ko.
"Ron-Ron? Anong oras na hindi ka pa rin tulog? And wait, lasing ka ba?" tanong ko. Hindi ko maiwasang hindi mag-alala sa kaniya dahil anong oras na. Sana ay nasa bahay lang siya at hindi kung saan-saan nag-iinom.
"Puntahan mo 'ko – "
Napatingin ako sa cellphone ko nang mamatay iyon. Mukhang napindot niya ang end call. Ano ang gagawin ko? Pupuntahan ko ba? Kaso ay baka mag-alala si Mama. Ayoko naman siyang gisingin dahil tiyak na hindi niya ako papayagang umalis ng bahay nang ganitong oras.
Saglit pa akong napatulala at saka dali-daling nagsuot ng jacket. Nag-iwan ako ng note sa refrigerator at saka pa lang ako lumabas ng bahay. Kinuha ko ang kinakalawang naming bike upang mabilis na makapunta kina Ron-Ron. Mabuti na lang at buo pa 'to. Kaya lang ay nakakahiya namang dalhin sa school dahil mukhang bulok. At isa pa, may dalawang gulong ito sa magkabilang parte dahil hindi naman ako marunong mag-bike.
Pagdating ko ay agad akong bumaba sa bike at itinabi iyon sa bakod nila. Medyo bukas ang pinto ng bahay na ikinakunot ng noo ko. Hindi ba siya natatakot na baka may pumasok na magnanakaw? Pero pagkapasok na pagkapasok ko pa lang sa loob ay hindi ko na babalakin na magnakaw pa.
Halos hindi ko na makilala ito dahil sa mga dumi, ang amoy ay hindi na rin kaaya-aya. Nagkalat ang balat ng mga chichirya at bote ng alak sa sala. Nang sumilip ako sa kusina ay halos gabundok ang hugasin. Nang magtungo ako sa kuwarto niya ay nakita ko siyang nakahiga sa sahig habang hawak ang isang bote ng alak.
Nilapitan ko siya at lumuhod sa tabi niya. "Hoy, Ron-Ron, gising. Doon ka na sa kama mo matulog." Kinalabit ko na siya at inalog pero hindi man lang siya sumagot kaya naglinis muna ako ng bahay niya, tutal ay hindi na ako makakatulog nito. Mabuti na lang at maaga akong natulog.
"Ano ba naman 'yan! Bahay pa bang matatawag 'to?" sabi ko habang naglilinis. Napapakamot na lang ako ng ulo sa tuwing makakakita ng panibagong tambak ng basura. Parang hindi nauubusan ng kalat, kung tutuusin ay kanina pa ako naglilinis.
Niligpit ko ang mga kalat sa sala at hinugasan pati ang mga plato. Kung may washing machine lang siya ay baka pati mga damit niya nilabhan ko na. Hindi naman kasi ako marunong magkusot gaya niya. Nilabas ko sa bakuran niya ang dalawang sako ng kalat dahil doon kinukuha iyon ng collector.
Nang matapos ako, saglit akong naupo sa sala para habulin ang hininga ko. Sa bahay nga namin ay hindi ako naglilinis pero ito ako ngayon at naglilinis ng bahay ng ibang tao.
Tumayo ako at nagtungo ulit sa kwarto niya. Iyon na lang kasi ang hindi ko nalilinis pati ang terrace. Nang humakbang ako upang hindi matapakan si Ron-Ron ay napapiksi ako. Bigla niya kasing hinawakan ang paa ko. Muntik ko pa tuloy siyang masipa. Umupo ako sa sahig para mas makita niya ako.
"Jah-Jah?" Tiningnan niya ako na parang kinikilala pa rin. Inilapit pa niya ang mukha sa 'kin kaya medyo napaiwas ako.
Ang baho na niya at amoy siyang alak kaya naman tinulak ko siya sa dibdib pero hindi pa rin natinag.
"Nananaginip pa rin ba 'ko?" tanong niya.
Bahagya siyang nakayakap sa 'kin at nakatingin sa mukha ko, sinisipat iyon. Hindi ako komportable sa puwesto namin. Yakap-yakap niya kasi ako sa beywang kaya kahit ilayo ko ang mukha ko ay wala pa ring silbi. Hindi ako makatingin nang deretso sa kaniya. Kikiligin na sana ako kung hindi lang talaga siya maamoy!
"H-Hindi ka nananaginip. Bitiwan mo 'ko at maligo ka muna!" sabi ko at pilit siyang tinutulak. "Ano ba Ron-Ron! Ang baho mo!" Pero ayaw talaga niya kaya naman kinagat ko na ang braso niya para magising siya. Baka kailangan niya lang talaga mahimasmasan.
"Aray!" bulalas niya. Ayaw kasing makikinig eh!
Lumayo na ako sa kaniya at saka tumayo. Lumapit ako sa kabinet niya at kumuha ng tuwalya. Hinagis ko 'yon sa mukha niya gamit ang buong lakas ko.
"Maligo ka. Pati sarili mo hindi mo magawang malinis! Magkasing amoy na kayo ng bahay mo!" bulalas ko.
Hindi pa rin linis ang kuwarto niya kaya sinipa ko na siya palabas. Nasa labas kasi ang banyo nila. Isang palapag lang din ang bahay kaya ang dalawang kwarto ay abot agad ng mga mata ko. Tanging kuwarto niya lang din at banyo ang may pinto. Magkarugtong na ang sala, kainan at ang kusina.
Matapos kong maglinis ay nahiga ako sa kama niya. Napagod kasi talaga ako pero hindi naman ako nakatulog. Nakapikit lang ako habang hinihintay siyang bumalik dito sa kuwarto niya. Mayamaya ay narinig ko na ang pagbukas ng pinto kaya dumilat na ako pero pinikit ko lang ulit. Rumampa ba naman siya sa harap ko nang walang pang-itaas eh!
"Natutulog ka na ba riyan?" tanong niya sa 'kin. Naramdaman kong lumundo ang gilid ng kama kaya bumilis bigla ang tibok ng puso ko.
"Hindi! Magbihis ka na nga at linisin ang terrace mo," utos ko sa kaniya at saka siya sinipa paalis sa sarili niyang kama. Agad naman siyang tumayo at nagbihis pero nagulat ako nang bigla siyang tumabi sa 'kin sa kama.
"Hoy! Lilinisin mo pa 'yong terrace," sigaw ko, 'di pinapansin ang kakaibang tambol sa dibdib ko. 'Di na yata tumigil 'tong puso ko magmula kanina.
"Bukas na! Inaantok pa ako at ang sakit pa ng ulo ko." Hinatak niya ang kumot niya at saka humarap sa 'kin.
Napaupo na lang ako sa kama at tumingin kahit saan, 'wag lang sa kaniya!
"Kung gano'n, uuwi na 'ko. Mukhang ayos naman na 'yang lagay mo at hindi ka na lasing!" Akmang tatayo na sana ako pero niyakap naman niya ako nang mahigpit dahilan para mapahiga ako sa tabi niya. Nakatalikod ako sa kaniya habang dinantay pa talaga niya ang binti sa 'kin para hindi ako makagalaw.
"Bukas ka na umuwi," sabi niya. "I mean mamaya pala."
"Ayoko nga! Uuwi na lang ako. Nagsinungaling pa ako kay mama para lang sa wala," nakangusong litanya ko. Pilit akong tumatayo pero mas lalo lang niyang hinigpitan ang pagkakayakap. Sa huli, tumigil na rin ako sa ginagawa ko dahil ako lang ang napapagod.
Eh gusto ko naman kasi talaga ang yakap niya in the first place!
"Sino ba kasi ang may sabing magsinungaling ka?"
"Ha! Kasi naman ikaw, may acting ka pang nalalaman diyan. Akala ko tuloy kung napaano ka na."
Hinarap niya ako sa kaniya. "Weh? Sabihin mo nga," sabi niya, "Nag-alala ka 'noh? Kasi alam mong wala akong kasama ngayon."
Pakiramdam ko ay lalong pumula ang pisngi ko, kung may ipupula pa ba siya.
"H-Hindi 'noh!" bulalas ko. Muli akong tumalikod sa kaniya at kinagat ang ilalim ng labi ko.
"Weh? Ikaw pa eh patay na patay ka nga sa 'kin." Natunugan ko ang pagtawa sa tono ng boses niya.
"Hay naku! Lasing ka nga," sabi ko na lang dahil hindi ko kayang i-deny. Hindi ko alam kung ano ang sumapi sa kaniya ngayon pero ayokong sirain itong moment namin. Baka ito na ang huling beses na magagawa namin 'to.
"Hindi ah! Nakainom ako pero hindi naman ganoon karami," sabi niya, pahina nang pahina ang tono.
Hindi na ako nagsalita pa dahil nakaramdam ako ng antok. Hindi ko maintindihan kung ano ang tumatakbo sa isip niya. Pareho na kaming may mga kasintahan, kahit 'di talaga totoo 'yong sa 'min ni Eiji. Pero kung makaasta siya ay parang kami ang magjowa. Pakiramdam ko tuloy ay nagtataksil ako kay Eiji.
NAGISING AKO NANG marinig ang tilaok ng manok sa kapit-bahay. Kinapa ko ang kama at hindi naramdaman doon si Ron-Ron. Nilibot ko ang paningin ko at saka pa lang napagdesisyunang tumayo. Lumabas ako ng kUwarto at naabutan siyang nagluluto ng agahan.
"Good Morning, Jah-Jah! Kain ka na," sabi niya sa 'kin at hinain na sa hapag ang kakainin namin. "Bilisan mong kumain para makapasok na tayo."
Napatingin ako sa kaniya at sa suot ko. "Teka lang, wala naman akong uniform. Paano ako papasok?" Wala akong dalang damit kahit pambahay lang.
"Don't worry, may uniform ka rito," sabi niya sa kaniya.
Kahit nagtataka ay hindi ko na tinanong kung bakit may uniform ako rito. Baka noong mga panahong nagpapatago pa ako ng damit sa bag niya dahil maliit lagi ang dala ko.
Nauna akong maligo kaysa sa kaniya dahil may kabagalan ako sa pag-aayos. Hindi naman siya umangal dahil maaga pa naman. Wala rin naman kaming pakialam kung mahuli kami sa klase. Pasalamat na lang sila dahil pumapasok pa kami.
"Bilisan mo, baka ma-late na tayo," sabi ko sa kaniya habang sinusuot ang sapatos ng kapatid niya. Ibabalik ko rin 'to, pangako!
"Ikaw na lang ang hinihintay ko kanina pa," aniya.
Nang tingnan ko siya ay nakaupo na lang pala siya sa sofa at nanonood ng balita.
Kinuha niya ang bag niya at saka kami pumuntang school. Hindi na ako nag-abalang manghiram ng bag dahil wala naman akong ilalagay. Manghihiram na lang ako sa mamaya ng ballpen at papel kung kailangan talaga. 'Di naman ako notes person. Props nga lang din ang bag niya eh.
NANG MAKARATING KAMI sa school ay naramdaman ko na naman ang awkwardness. I don't know, baka ako na naman ang may problema. Baka ako na naman ang ginagawang big deal ang mga bagay-bagay. Kaya naman nang magsimula ang klase, 'di ko na ulit siya kinausap. Ganoon din naman siya.
Hindi ko alam pero naiilang ako kapag kasama ko ngayon si Ron-Ron sa school. Pero sa tingin ko naman ay tama lang ang ginagawa ko. Ayoko namang makisawsaw sa relasyon nila ni Chesca dahil alam ko namang talo na ako simula't sapol pa lang. Alam ko namang hanggang kaibigan lang ako.
Dumeretso ako sa rooftop nang mag-lunch. Ang nakapagtataka ay wala si Eiji. Wala nga pala akong number niya kaya 'di ko naman maitanong kung nasaan siya. Kumain tuloy ako nang mag-isa roon at nagpahinga. Ano kaya ang nangyari sa isang 'yon?
Nang makababa ako ay dumeretso ako sa room. Wala pang masyadong tao at tanging sina Julianna at Rosan lang ang naroon kaya naman nag-earphones na lang ako. Pero bago ko pa man mailagay sa tainga iyon ay narinig ko na ang pinag-uusapan nilang dalawa.
"Oo, nasa balita na naman nga kagabi eh. Kumusta na kaya ang Mahal na Reyna, 'no?" tanong ni Julianna.
"Bakit kaya 'di na lang siya magpagamot sa ibang bansa? Magaling yata sa mga ganoong sakit ang East Blue," ani Rosan.
"Usap-usapan lang 'to, ah? Pero ang sabi nila, 'di raw magpapagamot ang reyna hangga't hindi nakokoronahan ang prinsesa."
"What? Baliw ba siya?" Tinampal ni Julianne ang bibig ng kaibigan. Napatingin pa sila sa 'kin pero agad akong umiwas, nagkunwaring wala akong narinig. Nasa tainga ko na ang earphones ko pero pinatay ko ang tugtog.
"Bibig mo!"
"Sorry! Bakit naman kasi 'di na lang siya magpagaling at saka siya ang maghanap nang personal sa anak niya, 'di ba?"
"Baka naman may dahilan ang reyna."
"Ewan ko! Ako kasi ang kinakabahan sa mga desisyon niya eh. Pati sina mama naririnig kong pinag-uusapan 'yon. Paano kung biglang sumugod ang Nearon sa 'tin? Kahit ayaw natin ng gulo, madadamay tayo."
Binuksan ko na ang tugtog kaya hindi ko na sila narinig pa. Miski ako ay kinabahan. Kailangan ko na sigurong makinig ng balita magmula ngayon. Isipin ko pa lang na magkakaroon ng digmaan o kung ano pa man sa lugar namin ay kinikilabutan na 'ko.
Pinag-aaralan sa History kung gaano kasikat ang Nearon pagdating sa pakikipaglaban. Nag-iisa silang nasyon sa isla namin na tumatayo sa sarili nilang mga paa. Kumbaga ay wala silang kaalyadong ibang bansa.
Ang Golden Palace kung saan kami nakatira ay kaalyado ang mga bansang East Blue, Green Forest at Sky Kingdom. Tinatawag na Arkania ang nasyon na ito.
Kung ang Golden Palace ay Reyna ang nagpapatakbo, ang East Blue naman ay ang Duke at Duchess. Ang Green Forest ay ang Emperor at Empress habang ang Sky Kingdom ay ang God at Goddess. Our king is already dead at hindi naman na nagpakasal ulit ang reyna.
Emperor at Empress ang may pinakamataas na ranggo, sunod ang King at Queen, tapos Duke and Duchess, saka pa lang ang God and Goddess. God and Goddess are not really a royal family pero isa sila sa pinakamataas. They are a family of assassins na pinagkakatiwalaan din ng reyna kaya binigyan ng titulong ito. Wala na akong masyadong alam tungkol sa kanila.
Ang Nearon naman ay pinamumunuan ng isang hari at isang reyna. Ayon sa mga libro, pareho ang ranggo nila. Hindi mas mataas ang hari sa reyna and vice versa. Kaya kung ako ang tatanungin ay parang dalawang bansa silang nagsanib puwersa gamit ang kasal.
Ang kinatatakot ko, namin, ay parehong militar family ang pinagmulan ng Hari at Reyna noon bago naging royalties. Lahat ng kawal nila, mga prinsipe, pati yata mga katulong nila ay sanay na makipaglaban. Ano naman ang magagawa namin sa kanila? Ano ang magiging panlaban namin kung nagkataon?
Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit gusto nila kaming sakupin pero isa lang ang alam ko, kailangan na mahanap ang nawawalang prinsesa para tigilan ang mangyayaring gulo. Kapag wala ng namumuno sa Golden Palace, siguradong maraming bansa ang nanaising sakupin ito.
◘ This is a paid story ◘
Continue reading here ⇒ Arkania's Seventh Princess
