Arkania's Assassin Goddess

Precious Jasmin
0

 


Chapter 1

Ang pagpaslang

"Iyan na ba ang pasya mo, Clairn?" tanong ng lalaking kumupkop sa akin.

Hindi ako nagsalita. Hindi ko sinagot ang tanong niya dahil alam kong alam na niya ang sagot. Pinagmasdan ko lang silang dalawang mag-asawa na nakatayo sa aking harapan, handang mamatay para sa aming nasyon. Isang bagay na hindi ko maintindihan.

Bakit hindi sila lumalaban? Bakit nakatayo lang sila at hinahayaan ako sa ginagawa ko? Patibong ba 'to para mahuli ko? Pero kung oo, bakit hinayaan nila akong patayin ang lahat ng myembro ng Kuran Clan bago nila tapusin ang buhay ko?

"Naiintindihan ko kung bakit mo ito ginagawa. Kung ito lang ang magliligtas sa buong Arkania ay tatanggapin namin," ani Gref sa akin, ang asawa ng kumupkop sa akin.

Itinaas ko ang espada na puno na ng bahid ng dugo ng mga assassin sa aming kaharian. Hindi magtatagal ay mababahiran na rin ito ng kanilang dugo— dugo ng dalawang taong nagbigay pahirap sa buhay ko.

Nagawa kong makapasok sa silid ng pinuno dahil sa aking kakayanan. Sila ang nagturo sa akin kung paano humawak ng espada. Sila ang nagturo sa akin kung paano kumitil ng buhay pitong taon pa lamang ako. Kaya siguro hindi na rin sila nagulat nang dumating ang araw na ito. Ang araw na sila naman ang papatayin ko gamit ang mga bagay na itinuro nila sa akin.

Ang isang bagay na habang-buhay nilang pagsisisihan.

"Alam kong darating ang araw kung saan sasali ka sa Black Knights," sabi ng tumayo kong ama na si Cloud Kuran. May bahid pa ng ngiti sa kaniyang mga labi na para bang matagal na niyang hinihintay ang pagkakataong ito.

"Naging madilim ang buhay mo nang dahil sa clan. Patawarin mo kami, anak," sabi naman ng tumayo kong ina na si Gref Kuran.

Napahigpit ang hawak ko sa espada. Kailangan na nilang tumigil sa pagsasalita. Kung hindi nila iyon gagawin, mawawalan ng saysay ang ginagawa ko.

"Masaya kaming mamamatay sa kamay mo, Clairn. Matalino kang bata. Alam mo kung ano ang makabubuti sa buong Arkania," pagpapatuloy pa niya.

"Tumigil ka na, please," bulong ko.

Ngumiti silang pareho sa akin, naiintindihan kung ano ang gusto kong iparating.

Bakit ganito sila magsalita ngayon? Bakit parang ako pa ang dapat sisihin sa mga nangyayari? Bakit nakararamdam ako ng konsensya sa loob ko na hindi naman dapat mangyari?

Sila ang may maitim na balak sa lugar na ito. Sila ang may balak na puksain ang reyna ng Arkania, ang kaibigan kong si Jas. Kaya hindi ko dapat maramdaman ito.

Gamit ang espadang hawak ko ay ginilitan ko sila ng leeg pareho. Sabay na bumagsak ang katawan nila sa sahig nang matapos iyon. Bumaha agad ng dugo sa lapag nang dahil sa natamo nilang sugat sa leeg.

Napapikit ako at nagsimulang maglakad patungo sa pinto.

Ngayon... ang asawa at anak ko na lang ang kailangan kong patayin para matapos na ang lahat ng ito.

Dali-dali akong nagtago sa dilim nang bumukas ang pinto ng silid. Tanaw ko mula rito ang pagpasok ni Gab, ang aking asawa.

Tulad ng inaasahan ko, gulat siya sa kaniyang nakita. Napatakbo siya at napaupo sa tabi ng mga magulang namin, hindi malaman kung ano ang gagawin. Kung hahawakan ba niya o sisigaw para humingi ng tulong.

Nabitiwan pa niya ang espadang hawak na may bahid na rin ng dugo. Mukhang sinubukan niya ring harapin ang mga assassin na nakapasok sa kaharian namin nang dahil sa 'kin.

Napapikit na lang ako dahil hindi ko iyon kayang tingnan. Hindi ito ang tamang oras para magpakita ng awa at kahinaan lalo na sa harap niya.

"A-Amang Cloud... Ina... sinong—"

Hindi na niya natapos ang sinasabi dahil napaiyak na lang siya nang tuluyan, isang bagay na hindi ko inaasahang makikita ko sa isang tulad niya.

"Alam kong nandito ka pa. Lumabas ka na at harapin ako. Sino ka at bakit mo ito ginagawa?" bulalas na tanong niya.

Unti-unti kong inihakbang ang mga paa ko upang tumapat sa liwanag na nanggagaling sa bilog na buwan. Hindi na ako nag-abalang punasan ang bahid ng dugo sa pisngi ko nang maramdamang may tumutulo roon. Kung dugo iyon ng mga napatay ko o sa akin, hindi ko alam.

Nagawi ang tingin niya sa pwesto ko. Imbis na matakot ako, mas tinibayan ko pa ang loob ko upang matapos ko ang misyon na ito.

"C-clairn..." Nanlalaki ang kaniyang mga mata habang nakatingin sa akin. Naglakbay pa ang tingin niya sa kabuoan ko na para bang hindi pa rin makapaniwala.

Tinitigan ko lang siya habang nakaluhod sa harap ko, yakap si Inang Gref at nanlalaki ang mga matang nakatingin sa akin.

"P-paano? Bakit?" tanong niya, hindi alam kung ano ang unang itatanong.

Napatingin siya sa hawak kong espada. Ang espadang puno ng dugo at ang espadang pumatay sa mga tumayo kong mga magulang. Napayuko siya sa harap ko.

Itinutok ko ang dulo ng espada sa kaniyang leeg. Napatingala naman siya sa akin at sa hindi malamang dahilan ay napangiti pa siya.

Ito na naman sila, hanggang sa huli ay pinararamdam pa rin nila sa 'kin na ako ang may kasalanan ng lahat at mali ang nagiging mga pasya ko.

Nahigpitan ko ang pagkakahawak sa espada.

Dapat ay nagagalit na siya sa akin. Dapat sinisisi na niya ako at tinatanong kung bakit ko ito ginagawa! Iyon dapat ang normal na reaksyon niya. Pero ito siya at patuloy pa rin akong pinahihirapan kahit na sa huling oras na nalalabi sa buhay niya.

"Ibang-iba ka na sa Clairn na nakilala ko," panimula niya. "Wala ng emosyon ang mga mata mo, ang mga matang nakapagpahulog sa akin, ang mga matang minahal ko."

Hinigpitan ko pang muli ang pagkakahawak ko sa espada. Kung may ihihigpit pa nga ba ito.

Minahal? Hindi ka marunong magmahal, Gab. Hindi marunong magmahal ang angkan ng mga Kuran.

Imbis na sabihin iyon sa kaniya ay pinili ko na lang na itikom ang bibig ko. Less talk, less mistake.

"Pero alam kong hindi ka pa rin nagbabago. May dahilan ka kaya mo nagagawa ito, hindi ba? At mapapahamak ka kapag sinabi mo. Kaya naiintindihan ko kung bakit mo ito ginagawa. Hindi kita sinisisi."

"Tumigil ka na," pagbabanta ko at mas lalo pang nilapitan ang espada sa leeg niya. Nagsimula iyong dumugo ngunit hindi man lang siya pumiksi o nagpakita ng kahit anong bahid ng sakit.

Ngumiti siyang muli sa akin nang dahil sa sinabi ko. May panibagong luha ang pumatak sa pisngi niya kaya itinaas ko na ang espada, handa nang kitilin ang buhay ng lalaking nagpababa sa pagkababae ko.

"May gusto lang akong sabihin sa iyo bago mo ito gawin. Isang pabor lang bago ako mamatay, mahal kong asawa."

Tiningnan ko lang siya, hinihintay ang susunod niyang sasabihin. Hindi ko alam kung magagawa ko ba iyon pero gusto ko pa ring marinig kung ano.

"Si Chloe..."

Napatigil ako sa paghinga saglit dahil sa sinabi niya.

"Kasama siya ngayon ni Hansel. Alagaan mo sana siya," sabi niya pagkatapos ay biglang natawa. "Kahit na alam kong gagawin mo naman talaga iyon kahit na hindi ko sabihin. Ngayon... makakapagpahinga na ako. Mag-iingat ka, mahal kong diyosa."

Isang malakas na pagwasiwas ang ginawa ko sa espada. Pikit-mata ko iyong ginawa kaya tanging pagtalsik na lamang ng malapot na likido ang naramdaman kong tumama sa mukha ko. Kasunod niyon ay ang pagbagsak ng lupaypay niyang katawan sa sahig.

Huminga ako nang malalim at pinigilan ang emosyong nagpupumilit kumawala sa dibdib ko. Bilang isang assassin ay tinuruan kaming huwag magpakita ng kahit anong emosyon lalo na kung nasa gitna kami ng isang misyon at iyon ang ginagawa ko ngayon. Iyon lang ang tanging magagawa ko ngayon.

Kailangan naming patayin ang mga taong kailangang patayin.

Pinunasan ko ang pisngi ko nang maramdaman ko ang pagtalansik ng dugo rito. Inilagay ko ang espada sa lalagyan nito at saka naglakad patungong silid ng aking anak.

Siya na lang ang kailangan kong patayin para makawala na ako sa pagkakatali ko sa Black Knights.

Chapter 2

Kabiguan

Mabigat ang bawat hakbang ko palabas ng silid. Para bang gusto kong isuka ang puso ko dahil sa bigat na nararamdaman ko sa dibdib. Pero kahit anong hirap at bigat ang nararamdaman ko, kailangan kong tapusin ang misyon.

Kailangan kong patayin ang lahat ng may dugong Kuran, kasama ang aking anak.

Kailangan ko rin siyang patayin. Iyon ang misyon na ibinigay sa akin. Kailangan kong patayin ang lahat sa clan namin na pwedeng magbanta sa kapayapaan ng aming nasyon. At upang matapos ang misyon ko, Black Knights na lamang ang nasa listahan ko para matapos na ang lahat.

Hindi ko mapapatay ang sarili ko kung alam kong may nabubuhay pang tulad ko sa mundong ibabaw.

Napahinto ako sa tapat ng isang pinto habang naglalakad sa pasilyo nang may marinig akong hikbi roon. Sandali ko pang pinakinggan ang tunog upang makasigurado ako.

Sa likod ng pinto na ito ay ang aking anak. Siya na lamang ang kailangan kong patayin upang matapos na ang lahat ng ito. May dugong Kuran na nananalaytay sa kaniyang dugo, ibig sabihin ay malaki ang posibilidad na maging gaya ko siya. Malaki ang posibilidad na maghiganti siya at sundan ang yapak ng mga Kuran.

Hinawakan ko ang pinto at hinaplos ito.

Sobrang sikip ng dibdib ko. Sobrang sakit ng puso ko na gusto ko na iyong tanggalin. Hindi ko yata kaya. Hindi ko kayang patayin ang sarili kong anak. Hindi ko kaya...

"Kamahalan..."

Napatigil ako nang marinig ang pamilyar na boses ni Hansel sa aking likuran. Hindi siya gaya namin. Hindi siya isang assassin kaya walang saysay kung papatayin ko rin siya. Isa lang siyang hamak na katulong ng pamilyang Kuran. Pero dahil may alam siya, wala akong ibang magagawa.

Bago ko pa siya masugod ay napaluhod na ako. Kinapa ko agad ang binti ko at nakitang may kutsilyo na nakatusok doon.

Tinanggal ko iyon sa pagkakatusok. Mukhang alam na niya na ako ang may pakana nitong lahat. Sabagay, hindi naman mahirap alamin lalo na at gusto ko rin naman talagang may makaalam na iba.

"Chloe, dali!" sigaw ni Hansel.

Lumabas sa silid ang anak kong iyak nang iyak. Bago pa siya makalapit kay Hansel ay nahawakan ko na ang braso niya at hinatak palapit sa akin. Tinapat ko ang kutsilyo sa leeg niya at bahagyang hiniwa iyon. Mas lalong lumakas ang iyak niya nang dahil sa ginawa ko.

"Mama! Mama!"

Napapikit ako dahil sa sigaw niya. Hindi dahil sa nakabibingaw ito, kung hindi dahil sa kutsilyong patuloy na itinatarak sa puso ko dulot ng patuloy na pagpalahaw niya.

"Noong una pa lang, alam ko nang imposibleng may makapasok sa Sky Kingdom," ani Hansel. "Sa sobrang higpit ng bantay rito at sa gagaling ng mga assassins, tanging ang mga malalakas lamang ang makakapasok dito."

Napatingin ako kay Hansel na nakatingin na sa akin ngayon.

"Kaya inalam ko agad kung sino-sino ang posibleng gumawa nito. At mukhang mali ako. Hindi lang malalakas ang makapapasok dito kung hindi pati na rin ang mga gaya mo, ang kapamilya ng mga Kuran. Sa katunayan, nagulat pa ako nang malaman kong ikaw iyon, kamahalan. Hindi ko inaasahan na sasaliwa ka sa pamilyang kumupkop at nag-aruga sa iyo. Pero ngayong nakikita ko na mismo sa harap ko, masasabi kong... kailangan ko na lang tanggapin na ang hinahangaan kong assassin ay hindi ganoon kaperpekto tulad ng nasa isip ko noon."

Patuloy pa rin sa pag-iyak si Chloe habang yakap ko siya sa likod. Nakatutok pa rin ang kutsilyo sa leeg niya kaya hindi siya makaalis sa pagkakahawak ko.

Napatingin siya kay Chloe. "Sa tagal kitang kilala, kamahalan, alam kong hindi mo iyan magagawa. Mahal na mahal mo ang anak mo na kaya mong itapon ang sarili mo sa isang lumilipad na pana para lang mailigtas siya."

Dahil sa sinabi niya, tuluyan ko nang nahigpitan ang pagkakahawak ko sa kutsilyo. Ginugulo ka lang niya, Clairn. Huwag kang makikinig sa kaniya! Gusto lang niyang pigilan ka sa mga plano mo.

Ngunit napatigil ako sa gagawin ko nang maramdaman ko ang maliliit na mga kamay ni Chloe na humaplos sa kamay kong may hawak na kutsilyo.

"Mama! Mama, si Papa! Mama!"

Humarap siya sa akin na para bang hindi siya natatakot sa akin kahit na tinapatan ko na siya ng kutsilyo at puno na ng dugo ang buong katawan ko. Kinagat ko ang ibabang labi ko pero wala rin iyong naging silbi. Napaiyak na lang ako at napayakap sa anak ko.

"Patawarin mo si Mama, anak. Patawarin mo ako!" paghagulgol ko sa kaniya.

Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kaniya na ako ang pumatay sa papa niya. Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa kaniya na kumampi ako sa mga kalaban para mapatay silang lahat.

Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko.

"Chloe, Chloe, anak," sabi ko habang tinitingnan siya sa mga mata. Inipit ko ang mukha niya sa pagitan ng mga palad ko upang mas mapagmasdan ko siya. "Kailangan ninyong umalis dito. Pumunta ka kina Tita Jas mo para maging ligtas ka."

"Mama, gusto ko sa 'yo, Mama!"

Mas lalo akong napaiyak. Nilapit ko siya sa akin at mas hinigpitan ang yakap ko sa kaniya. Oh please! Ang hirap niyang pakawalan.

Hinarap ko si Hansel dahil alam kong siya na lang ang makagagawa nito. "Hansel, dalhin mo siya sa palasyo ng mahal na reyna. Hindi magtatagal ay darating na ang iba kaya kailangan ninyo nang umalis."

"Paano ka, kamahalan?"

"Magiging ayos lang ako. Alalahanin ninyo muna ang mga sarili ninyo. Tiyak na pinapahanap na nila kayo. Susubukan kong iligaw sila."

Ibinigay ko sa kaniya si Chloe pero hindi pa rin ako binibitiwan ng anak ko. Hinalikan ko siyang muli bilang pagpapaalam. "Mag-iingat ka, anak."

"Mama! Mama!" sigaw pa rin niya.

Tinanggal ko na ang pagkakahawak niya sa akin at saka kumaway sa kaniya. Ngumiti pa ako sa dereksyon niya upang sabihing magiging ayos lang ang lahat.

Alam kong sa mga oras na ito, hindi ako nagtagumpay sa misyon ko. Kailangan kong magtago sa pamilya ko, sa batas at lalong-lalo na sa Black Knights. Tiyak na hahanapin nila ako dahil hindi ko napatay ang lahat tulad ng nakasaad sa misyon ko.

Pero ano ang magagawa ko? Hindi ko kayang patayin ang sarili kong anak. Akala ko ay kaya ko. Akala ko ay handa na ako. Puro pala iyon akala.

Patawarin mo sana si Mama, Chloe. Alam kong mahirap malayo sa mga magulang mo lalo na kung may nagbabanta sa buhay mo, naranasan ko iyon. Pero sisiguraduhin kong lalaki ang anak ko nang hindi na niya kailangang magtago kahit kanino. Hindi ko hahayaan ang sinumang makapanakit sa kaniya.

Alam kong pagbabayaran ko rin ang mga kasalanan ko sa hinaharap pero sa ngayon, gusto ko munang makita ang anak kong lumaki at maging matagumpay sa buhay. Pagkatapos n'on, tatanggapin ko na ang parusang ipapataw sa akin.

Wala akong pinagsisihan. Para sa nasyon ang ginawa ko pero kahit na ganoon, lahat ng kasalanan ay kailangang pagbayaran. Alam kong sa gagawin ko ay mas lalo lang bibigat ang kaparusahan ko pero sa isa lang naman iyon mauuwi.

Sa kamatayan...

Iyon lang naman ang tanging paraan para mapagbayaran ang ginawa ko. Patatagalin ko lang.

Chapter 3

Clairn Novich Kuran

Takbo ako nang takbo upang masiguradong wala nang humahabol sa akin.

Tinalon ko na ang mga matataas na pader, dinaanan ko na ang mga mapuputik na lugar sa Arkania. Ni hindi ko na alam kung nasaan ako pero patuloy pa rin ako sa pagtakbo.

Alam kong hinahanap ako ng Black Knights ngayon para patayin. Nagawa ko na ang gusto nila kaya wala na silang pakay pa sa akin. Isa lang akong puppet na ginamit nila sa paglalaro. At isa pa, hindi ko natapos ang misyon. Kahit anong pagdadahilan ko na bata lang si Chloe ay hindi nila iyon patatakasin.

Hindi rin magtatagal ay malalaman din nila ang tungkol sa anak kong pinatakas ko. Kaya hindi ko hahayaang may gawin silang masama kay Chloe. Uunahan ko na sila at hindi ko sila hahayaan sa gusto nilang mangyari.

Simula sa araw na ito, hindi na ako myembro ng Black Knights o ng kahit ano pang grupo. Mag-isa na lamang ako. Wala na akong aasahan sa mga tao ngayon at hinding-hindi na ako magtitiwala sa kahit na sino.

Ayos lang naman sa akin ang ganito, hindi man ako sanay nang mag-isa ay alam kong mabubuhay ako. Kailangan ko lang itago kung sino ako at magiging ayos din ang lahat.

Isa sa mga itinuro sa akin ay ang mapag-isa. Dahil hindi naman sa lahat ng oras ay may kasama ako sa mga misyon. Minsan ay kailangan mo itong gawin nang mag-isa. Ikaw ang magpapasya at ikaw ang gagawa. Responsibilidad mo ang sarili mo.

Nang masigurado kong wala nang humahabol sa akin ay nagtago ako sa isang pader na gawa sa pinagpatong-patong na adobe.

Tiningnan ko pang muli ang buong paligid upang makasigurado at saka ako huminga nang malalim dahil sa pagod na nararamdaman. Napahilamos ako sa mukha ko at saka lang napagtantong ang dami pa palang dugo sa mga kamay ko.

Napayuko na lamang ako at saka napatulala.

Hindi ako nagsisisi sa ginawa kong pagpatay sa kanila. Para iyon sa kaligtasan ng buong Arkania dahil ang clan naman namin ang nagsimula ng planong iyon.

Tiyak na pagsisisihan ko kung pati si Chloe ay pinatay ko. Hindi mapapahinga ang kaluluwa ko kapag tinapos ko na rin pati ang buhay ko. Tiyak na hindi kami magkakasama ng anak ko sa kabilang buhay para makahingi ako ng tawad dahil siya sa langit, ako sa impyerno.

Tumingin ako sa ma-bituing kalangitan at huminga ulit nang malalim.

Kumusta na kaya ang anak ko? Nailigtas kaya siya ni Hansel at nasa palasyo na ba siya nina King Tyrone at Queen Jas?

Hindi ko pa rin maiwasan ang mag-alala para sa anak ko. Ang hirap pala kasi talagang mahiwalay sa mahal mo sa buhay lalo na at hindi mo alam kung ano na ang ginagawa niya.

Paano kung hindi nila nagawang makapunta kina King Tyrone? Paano kung nahuli sila ng mga myembro ng Black Knights bago pa sila makarating?

Ayoko ng isipin pa ang pwedeng mangyari. Sa ngayon, kailangan ko na lang magtiwala kay Hansel na hindi niya hahayaang masaktan ang anak ko. Napalapit na siya kay Chloe at halos siya na ang lagi nitong kasama nitong mga nakaraang taon kaya hindi na dapat ako mabahala.

Kahit na alam kong galit pa rin siya sa ginawa ko.

Tumayo ako para maghanap ng isang palatubigan. Naramdaman ko kasi ang lagkit sa mukha ko dulot ng mga dugo ng mga napatay ko. Kumikirot pa rin ang sugat na natamo ko sa binti lalo na at malayo-layo rin ang tinakbo ko.

Mabuti na lang at hindi iyon ganoon kalalim dahil hindi naman lumaki si Hansel nang nakikipalaban. Nabigla lang talaga ako dahil hindi ko inaasahang mayroon siyang lakas ng loob para atakihin ako gamit ang kutsilyo.

Habang naghihilamos ay naramdaman ko ang pagpatak ng luha sa pisngi ko. Mas binilisan ko pa ang paghilamos para matabunan iyon.

Ang isang assassin ay hindi dapat nagpapakita ng kahinaan kahit na sa sarili mo lang. Ilang ulit ko rin itong sinasabi sa sarili ko pero kahit itatak ko na ito sa memorya ay hindi ganoon kadaling tanggalin ang emosyon.

Napasalampak na lamang ako sa lupa at yumuko sa tuhod ko.

Hindi ko maiwasang hindi maalala ang mga ngiti na ibinigay sa akin ni Gab. Ang mga huli niyang habilin sa akin na halos hindi ko naman ginawa dahil pinagtangkaan ko ang anak ko.

Minahal ko siya kaya hindi ko masisisi ang sarili ko kung iiyak ako ngayon. Habang buhay ko mang dalhin ang pagsisisi sa pagpatay ko sa kaniya ay kailangan ko pa ring magpatuloy para sa anak namin. Alam kong ito na lang ang huli bagay na hihilingin niya sa 'kin. Alam kong mahal niya ang anak namin kahit na hindi naman talaga niya ako minahal.

Muli akong tumayo at nagtatakbo. Kailangan ko pang makalayo sa lugar na ito para masiguradong hindi na nila ako mahahanap.

Wala na akong balak na bumalik pa sa kanila. Ginamit man nila ako sa plano nila, hindi ko maipagkakailang ginamit ko rin sila para magkaroon ng dahilan. Ito ang kabayaran sa pagsali ko sa kanila.

"Iyon siya!"

Binundol ako nang panibagong kaba nang makita ko silang hinahabol ako. Sabi ko na nga ba, hindi ako makakawala agad sa kanila. Gaya ng inaasahan, mga assassins din sila gaya ko. Hindi na dapat ako magulat pa.

Mas lalo ko pang binilisan ang takbo ko. Hindi ko na sila nilingon at tinuon na lamang ang atensyon sa pagtakas. Ang paghabol pa lang nila sa akin ay dahilan na para mas lalo pa akong tumakas. Tiyak na papatayin nga nila ako.

Nang makarating ako sa hindi mataong lugar ay mas lalo akong kinabahan. Hindi na kasi madaling magtago sa mga ganito dahil wala ng ibang tao.

"Bwisit!" mahinang singhal ko.

Naghanap agad ako ng mapagtataguan. Napamura na lang ako nang wala akong makita kaya nagpatuloy na lamang ako sa pagtakbo.

Habang mabilis akong tumatakbo ay ramdam ko na ang pagod. Hindi ko alam kung nasaan na ako pero patuloy pa rin ako sa pagsuyod sa madilim na daan.

Nang biglang may humila sa akin at tinakpan ang bibig ko...

"Hmph!"

Aapila na sana ako kung hindi lang nagdatingan ang mga lalaking naka-itim. Wala na akong nagawa kung hindi ang mas magtago pa sa madilim na lugar.

Naamoy ko ang isang mabangong amoy. Napakalalaki ng amoy niya kaya hindi ko maiwasang mas lalo pang damhin ito. Para siyang bulaklak pero matapang. Matamis pero matapang na amoy.

Parang gusto ko na lang manatili sa yakap niya at huwag nang humiwalay.

Parang gusto kong dito na lang manatili... sa kaniyang yakap.

Chapter 4

Ang estrangherong tagapagligtas

Point of View: Third Person

Tila ba nalunod na si Clairn sa pag-amoy sa binata. Matapos ang kaniyang mga pinagdaanan ay para bang ngayon lamang siya nakaamoy ng kapayapaan at kapanatagan ng loob. Para bang gusto na niyang manatili na lamang doon at kalimutan na ang lahat ng mga nangyari.

Ngunit hindi nagtagal ay napatigil siya sa ginagawang pag-amoy. Nahaluan ang mahalimuyak na amoy na iyon ng kaniyang espadang puno ng dugo –ang dugo ng kaniyang kasalanan.

Para bang nawala siya sa kaniyang sarili at wala nang makikitang emosyon sa kaniyang mga mata. Tila nilamon na siya ng trauma, ang traumang habang buhay niyang dadalhin kahit sa kaniyang pagkamatay.

Nang masiguro ng binata-ng wala na ang mga humahabol kay Clairn ay nakahinga siya nang maluwag. Dahan-dahan niyang pinakawalan ang babae mula sa pagkakahawak at pinagkatitigan.

"Ayos ka lang, binibini?" tanong niya. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang lingunin siya ni Clairn.

"Papatayin ko kayong lahat!" tuluyang bulalas ni Clairn.

Tila ba nawala na siya sa kaniyang sarili nang dahil sa nangyari. Mabilis na ang pagtibok ng kaniyang puso at patuloy na sa pagnginig ang kaniyang mga kamay na nakahawak sa espada.

Hawak pa rin niya ang espada na kanina pa niya dala. Masama ang tingin niya sa binata na para bang isang maling kilos lang niya ay sasaktan niya ito, at ang masaklap pa ay patayin ito.

Ngunit imbis na matakot sa kaniya ang kaharap ay lumapit pa siya rito nang may halong pag-aalala. Matapos makita ang duguang suot na itim na coat, natakot siya para sa kalagayan ng babae. May punit na rin ang suot nito sa bandang braso at sa laylayan ng suot na naglalakbay hanggang sa kaniyang binti. May dumadaloy na dugo roon na alam niyang nanggagaling sa dalaga.

"Wala na sila, binibini. Ayos na ang lahat." Sinubukan niyang pakalmahin ang boses hanggang sa kaya niya.

Bago pa man makapagsalita si Clairn ay panibagong lalaki na ang agad dumating at itinutok ang hawak na espada kay Clairn. Ang isang kamay naman ay nakalahad sa lalaki na para bang pinaaatras mula kay Clairn.

Hindi naman agad nakapagsalita ang dalawa dahil sa bigla. Pinanood lang nila ang bagong dating.

"Ayos ka lang ba, mahal na prinsipe?" tanong nito ngunit ang mga mata ay hindi umaalis sa babaeng kaharap.

"Huminahon ka, Rhonwen. Ibaba mo ang espada mo," utos ng binata na tinawag niyang prinsipe.

"Pero..."

Napatingin sila pareho kay Clairn nang bitiwan niya ang espadang hawak. Naalarma si Rhonwen sa ginawa ng dalaga kaya itinutok niya nang mas maigi ang hawak na espada.

Bahagya siyang yumuko upang magbigay-galang.

"Paumanhin, kamahalan. At saka... maraming salamat. Utang na loob ko sa iyo ang buhay ko," tila wala pa rin sa sariling sabi niya.

Mariin siyang nakapikit at paulit-ulit na humihinga nang nang malalim. Nanginginig pa ang kaniyang mga kamay dahil sa nangyari.

Hindi niya na alam kung ano ang sunod na gagawin at sasabihin. Hindi niya alam kung ano ang nangyari sa kaniya at bigla siyang nawala sa sarili. Hindi rin naging maganda ang asta niya sa taong nagligtas sa kaniya.

"Kamahalan, kailangan mo na pong bumalik," ani Rhonwen. "Malalim na ang gabi at baka magtaka ang mahal na hari kung wala ka pa." Ibinaba na niya ang hawak ngunit matalim pa rin ang pagkakatitig sa babae.

Muling tiningnan ng prinsipe si Clairn na nakayuko pa rin sa harap nila. "Hanggang sa muli, binibini. Mag-iingat ka," pagpapaalam nito.

"Sa susunod nating pagkikita, gagawin ko ang lahat upang mabayaran ang kabutihang ginawa mo."

Ngumiti lamang ang prinsipe dahil sa sinabi niya dahil alam niyang malabong magkita pa ulit sila. Sa lawak ng kanilang nasasakupan ay imposible na, dagdag pa na isa siyang prinsipe at ang kaniyang ginawang pagtakas ay tiyak na hindi palalampasin ng mahal na hari.

Yumuko si Clairn at pinulot ang espada na may bahid pa ng dugo. Muli siyang yumuko sa prinsipe upang pagpapaalam. Tumakbo siya sa malapit na pader at saka umakyat at tumalon.

Kailangan niyang lumayo at magtago mula sa mga humahabol sa kaniya. Kailangan niyang gawin ang lahat para walang makakilala sa kung sino talaga siya. Kapag nalaman nila ang ginawa niyang pagpaslang sa buong angkan ng Kuran, hindi sila magdadalawang-isip na dakpin siya at ikulong. Tiyak na ang buong Arkania na ang humahanap sa kaniya.

Sa oras na may makaalam sa tunay niyang pagkatayo ay ang katapusan niya. Hangga't hindi niya nakikitang muli ang kaniyang anak ay hindi pa siya handang mamatay. Kailangan niyang gawin ang lahat para masiguradong ligtas ang kaniyang anak at hindi na puntiryahin pa ng Black Knights. At ang tanging paraan lang ay ang puksain ang grupong iyon.

Naiwang nakatingin ang dalawang binata sa pader na tinalunan ni Clairn.

"Sino siya?" tanong ng prinsipe.

"Hindi ko po alam, Kamahalan. Ngayon ko lang din siya nakita at sa tingin ko ay hindi siya sumali sa paligsahan noong nakaraan."

"Gusto kong hanapin mo siya, Rhonwen. Gusto ko siyang makausap tungkol sa isang bagay," utos ng prinsipe.

"Masusunod po, Kamahalan."

Hindi nagtagal ay naglakad na rin sila papunta sa kanilang mga kabayo. Kailangan na nilang makabalik sa palasyo bago pa malaman ng Amang Hari ang ginawa niyang pagtakas. Alam niyang hindi na naman ito makatatakas sa susunod kung sakaling mahuli siya ngayon.

Hindi niya kayang manatili sa palasyo kahit na isang araw lang.

SANDALING NAPAHINTO SI Clairn at umupo sa likod ng isang malaking pader. Hindi na niya kayang tumakbo pa dahil sa pagod. Mukhang hindi naman na siya hinahabol ng mga lalaking naka-itim kaya nakahinga na rin siya nang maluwag.

Pinagmasdan niya ang mga kamay na may bahid ng dugo. Dugo iyon ng mga napatay niya at dugo iyon ng kaniyang namayapa at pinakamamahal na asawa.

Napayakap na lamang siya sa duguang kamay matapos ay humagulgol.

Hindi niya alam kung saan magsisimula. Wala nang natira sa kaniya ngayon. Wala na rin ang kanang kamay niya para bigyan siya ng payo. Para bang bago siyang silang sa mundong ito at hindi alam kung saan pupunta. Para siyang isang batang nawawala at hindi alam kung saan hahanapin ang kaniyang ina.

Kung maibabalik lang sana niya ang nakaraan. Hindi na dapat siya sumali sa grupong iyon at hindi na dapat niya nalaman ang plano ng kaniyang pamilya.

Nang maalala niya ang mga mukha ng taong humahabol sa kaniya ay bigla na naman siyang nakaramdam ng poot. Kahit na ginamit niya lang naman talaga ang mga ito ay hindi pa rin niya maiwasang magalit sa mga ito.

Naikuyom niya ang nanginginig na kamao sa kaniyang damit at saka pinalis ang kaniyang luha.

Hindi ito ang tamang oras para magpakita ng kahinaan. Bilang isang assassin, kailangan niyang maging matatag. Ang pagpapakita ng emosyon ay isang tanda ng kahinaan. Miski ang maging emosyonal sa harapan ng kaniyang sarili ay hindi katanggap-tanggap.

Nang may nakita siyang isang gumagalang lalaki ay agad siyang nagtago sa likod ng puno ng acacia. Nang maramdaman niya ang tuluyang paglapit nito ay agad niya itong pinalo sa likod ng ulo gamit ang kaniyang kamay upang mawalan ng malay. Hinatak niya ito sa isang liblib na lugar at saka sinimulang hubaran.

Kinuha niya ang kasuotan nito na isang kulay lila at panlalaking hanbok. Iniwan na niya ang panloob nitong banji pants dahil mayroon naman na siyang suot. Tanging ang balabal na lamang ang kaniyang kinuha at ipinalit. Umaabot ang haba ng hanbok sa ilalim ng kaniyang tuhod.

Matapos iyon ay binihisan niya ang lalaki ng damit na suot niya kanina.

"Paumanhin, ginoo," bulong niya sa lalaki.

Inayos niya ang kaniyang sarili bago lumabas sa pinagtataguan. Bahagya niyang itinaas at tinali ang kaniyang mahaba at itim na itim na buhok upang magmukha siyang lalaki. Ibinaba niya na lamang ang bangs niya upang hindi masyadong mahalata ang kaniyang mukha.

Humanap siya ng isang ilog at saka roon uminom. Pagkatapos niyon ay hinugasan niya ang espada niya hanggang sa mawala ang dumi. Ngunit kahit anong kuskos ang gawin niya ay hindi pa rin maalis ang kakaibang hagod nito sa kaniyang ilong. Amoy na amoy pa rin niya ang masangsang na amoy ng dugo. Nanggigigil man ay wala na siyang nagawa kung hindi ang hayaan na lang ito.

Nang matapos iyon, naglakad siya papunta sa pamilihan upang bumili sana ng makakain. Ngunit nang maalala niyang wala siyang pera ay napaupo na lang siya sa isang gilid, huminga nang malalim at saka tiniis ang gutom na nararamdaman.

"Hindi naman siguro ako mamamatay nang hindi kumakain ng isang hapunan," bulong niya sa kaniyang sarili.

Humiga siya sa gilid ng kalsada na bahagyang nahaharangan ng isang maliit na puno, at saka niya itinago ang espada sa kaniyang likuran kung saan walang kahit sinong makakakita.

Bukas na bukas, sisimulan niya ang pagpuksa sa buong Black Knights. Ngunit bago iyon ay kailangan niyang mangalap ng impormasyon patungkol sa pinuno nito. Dahil miski nang myembro pa lamang siya ay hindi pa rin pwedeng makita ang mukha ng pinuno.

Mas lalo tuloy niyang gusto na malaman kung sino ang nasa likod ng misteryosong grupo na ito.

Chapter 5

Pagbagsak

Point of View: Clairn Novich Kuran

Napangiwi ako nang maramdaman ang sinag ng araw na tumatama sa mukha ko. Hinawi ko ang kung anumang dumadampi sa pisngi ko. Nang hindi tumigil ang makating bagay na iyon ay napaingit na lamang ako.

"Ginoo, gumising ka na. Umaga na," ani isang batang hindi ko kilala.

Napadilat ako nang marinig ko ang boses ng batang babae na iyon. Napaupo ako sa kinahihigaan ko at saka nakita ang isang batang gumigising sa akin.

Napahinga ako nang maluwag.

Malawak ang pagkakangiti niya sa akin habang may inaabot na isang tinapay sa maliliit niyang mga kamay.

Nakasuot siya ng cute na cute na hanbok na kulay rosas. Kahit na medyo madungis ang itsura niya at may musang pa sa pisngi ay ang cute pa rin niya. Hindi ko tuloy maiwasang hindi maisip si Chloe sa kaniya. Sa sobrang harot din niya ay lagi siyang umuuwi nang napakadumi ng damit.

"Sa iyo na lang, Ginoo," muli niyang sambit gamit ang napakatinis at maliit niyang boses. "Nakakain na ako ng isang tinapay kanina kaya iyo na lang ito."

Napatingin ako sa isang maliit na piraso ng tinapay na inaalok niya. Matapos ay napangiti ako nang dahil sa bagay na ginawa ng batang ito. Pagkagising ko pa lang ay ito na ang bumungad sa akin.

Ang gandang bungad...

Kahit na ba napagkamalan niya akong lalaki ay ayos na rin. At least, epektibo ang disguise na ginawa ko para hindi ako agad makilala ng ibang tao. Mahirap na.

"Maraming salamat, Bata. Ano ang pangalan mo?" tanong ko sa kaniya at saka kinuha ang inaalok niyang tinapay. Hinati ko iyon at ibinigay pa rin sa kaniya ang kalahati niyon.

"Ako po si Chloe. Ikaw ginoo, ano ang pangalan mo?"

Nawala ang ngiti sa mukha ko nang dahil sa sinabi niya. "C-Chloe ang pangalan mo?"

Tumango-tango siya nang maraming beses. "Iyon daw po ang pangalan ko sabi ng mga umampon sa akin."

"Ah... ako nga pala si Clairn. Hindi ako isang ginoo, isa akong binibini. Maraming salamat sa tinapay. Ano ang gusto mo bilang kapalit?" tanong ko habang nakangiti sa kaniya.

Napahawak siya sa baba niya na para bang nag-iisip. "Hmm... samahan mo akong gumala, binibini. Kung ayos lang po. Sorry po kasi akala ko lalaki ka."

Nahihiyang tumawa siya at kinamot ang kaniyang batok. Napaka-cute na bata!

Natawa ako dahil sa sinabi niya. "Syempre naman, Chloe. Ikaw pa ba?"

Natawa rin siya nang dahil sa sinabi ko. Napakalutong ng tawa niya na hindi ko rin maiwasang hindi matawa.

Hinila na niya ang kamay ko kaya naman tumayo na ako. Tinago kong mabuti ang espada ko upang hindi niya makita. Ayokong makita niya iyon at matakot siya.

"Bakit nga pala panlalaki ang damit mo, binibini?" Tatalon-talon pa siya habang tinatahak namin ang daan papunta sa kung saan niya gusto. Nakatingala pa siya sa 'kin kaya kinailangan ko pang iangat siya sa lupa nang mapatid siya.

"Hm..." Napakamot ako sa batok ko at naghanap ng sagot. Hindi ko naman pwedeng sabihin na ninakaw ko ito.

"Gusto mo rin bang sumali sa paligsahan gaya ng mga babae sa lugar namin?"

"Paligsahan?" tanong ko, nakakunot ang noo. Hindi ko 'ata alam ang isang iyon. Saka, nasaan na nga ba ako at hindi ko alam ang tungkol doon?

"Opo, binibini. Magkakaroon daw ulit ng paligsahan sa isang araw para sa mga babae na gustong maging swordsman," aniya.

"Ibig mong sabihin, iyong mga swordsman sa loob ng palasyo?"

"Opo. Si Ate Vaness ay kasali roon. Paglaki ko ay gusto ko ring maging gaya niya. Ang galing niya kasing makipaglaban." Iwinasiwas pa niya ang libreng kamay sa ere na parang may pinapalo sa hangin.

Napaisip ako dahil sa sinabi niya. Mayroon palang ganoon sa lugar na ito. Pero nasaan nga ba ako ngayon? Wala na ba ako sa Arkania?

"Chloe?"

"Po?"

"Ano ang pangalan ng lugar na 'to?"

"Goryo po, binibini. Nasa nasyon tayo ng magiting na Nearon. Bakit mo po natanong? Hindi ka po ba tagarito?"

Napatulala ako nang dahil sa sinabi niya. Hindi ko alam na nakapasok na pala ako sa nasyon ng Nearon. Masyado akong na-focus sa pagtakas nang hindi ko namalayang dito na pala ako napadpad.

Magkadikit ang kaharian ng Sky Kingdom at ang nasyon ng Nearon. Tanging gubat ang naghahati sa dalawang lugar kaya nakapagtatakang napadpad ako agad dito.

Ganoon na ba kalayo ang nalakbay ko? Kaya ba nakita ko ang prinsipe kagabi? Prinsipe ba siya ng Nearon? Pero hindi, nakita ko na ang prinsipe at alam kong hindi siya iyon. Nakapagtataka tuloy.

Napatigil ako nang may biglang humarang sa aming dalawa ni Chloe. Nagtago agad si Chloe sa likod ko nang biglang dumami ang mga lalaking naka-itim sa harapan namin.

Nahanap nila ako agad! Napakakulit talaga nila. Ano ba ang kailangan nila sa akin kung nagawa ko naman na ang misyon na inatas nila sa 'kin?

"Palibutan niyo siya at huwag hayaang tumakas!" utos ng lalaking nasa unahan. Mga nakamaskara na sila ngayon kaya hindi ko makilala ang mga mukha nila. Kulay puti ito na natatakpan ang buong mukha maliban sa mga mata.

"Ano ba ang kailangan ninyo sa 'kin?" tanong ko kahit alam ko na kahit papaano.

"Ang buhay mo, kamahalan."

"Hindi pa ba kayo nakuntento?"

"Hindi. Makukontento lang kami kapag napatay namin kayong lahat."

Nang itutok niya sa amin ni Chloe ang espada ay wala na akong nagawa. Kinuha ko rin ang espada ko at tinutok iyon sa kanila. Wala naman akong ibang pagpipilian kung hindi ang harapin sila ngayon. Tutal ay balak ko naman na silang ubusin, bakit hindi ko umpisahan ngayon.

Yumuko ako nang bahagya at saka binulungan ang nanginginig nang si Chloe. "Kailangan mong tumakas kapag sinabi ko. Naiintindihan mo ba?"

"Pero paano ka po, binibini?"

Napatingin ako sa kaniya. "Humingi ka ng tulong kapag nakatakas ka."

"Pero..."

"Makinig ka, Chloe. Hindi ko hahayaang mamatay ngayon dito. Hindi ko na hahayaang mamatay ang kahit na sino nang dahil sa akin."

Nang sumugod ang isang lalaki sa akin ay agad ko siyang sinangga gamit ang espada ko. Sumugod ako sa kanila upang mapaatras sila ngunit hindi iyon naging madali. Masyado mataas ang kompiyansa nila dahil marami sila.

Ibig sabihin... minamaliit nila ako.

Gamit ang natutuhan ko kay Emperor Xian ay sumugod ako sa kanila. Naging madali ang pagkilos ko nang dahil sa suot ko ngayon at dahil natapalan ko na ang mga nauna kong sugat. Huwag nga lang silang bubuka ngayon dahil mahirap na. Tiyak na panibagong sugat ang matatamo ko dahil Black Knights ang kalaban ko.

Naging abala ako sa pakikipagtalo sa kanila. Nakipagpalitan ako sa kanila ng espada hanggang sa naging kalahati na lang ang bilang nila. Sa kabilang banda naman ay nagsimula na akong makaramdam ng pagod dahil sa nangyari kahapon. Sinubukan kong huminga nang malalim nang paulit-ulit upang mawala iyon.

Napatingin ako kay Chloe na tatakbo na sana upang humingi ng tulong. Ngunit nakita ko ang isang lalaki na papalapit sa kaniya.

Inambahan niya ito ng espada kaya naman tumalon ako palapit sa kanila. Iniharang ko ang katawan ko sa espada kaya ako ang tinamaan sa likod.

Napapikit ako nang dahil sa sakit na gumuhit sa likod ko. Napahawak ako kay Chloe na iyak na nang iyak habang nakatingin sa akin. Ngumiti ako sa kaniya para hindi siya mag-alala.

"Tumakbo ka na, Chloe. Mag-iingat ka," bulong ko sa kaniya.

Humarap ako sa lalaking sumaksak sa akin at itinaas ang espada ko upang sanggahin ang panibagong atake niya. Nabitiwan ko ang espada nang dahil sa bigat nang espada niya at dahil na rin sa sakit. Pero hindi ko sila hahayaan na saktan si Chloe.

Nang masigurado kong nakaalis na si Chloe ay bahagya akong lumayo sa kaniya. Napahawak ako sa tagiliran ko nang maramdaman ko ang unti-unting pagsakit nito. Isang malapot na likido ang nadama ko nang hawakan iyon.

"Sumuko ka na, kamahalan. Napatay mo nga ang kalahati sa mga tauhan ko ngunit wala ka ng espada ngayon. Nakatakdang mamatay ang buo ninyong angkan. At kabilang ka sa kanila."

Natawa ako nang dahil sa sinabi niya. "Paumanhin. Pero bago niyo ako patayin, may isang sikreto lang akong gustong sabihin sa inyo," sabi ko, bahagyang nangingisi sa kaniya.

"Ano iyon?" tanong niya.

Mas lalong lumaki ang ngisi ko nang dahil sa pinapakita niyang yabang. Sa sobrang pagmamalaki niya sa sarili niya... mas lalo akong nagkaroon ng motibong patayin siya.

Pumunit ako sa damit ko ng tela at saka itinali sa tagiliran ko. Hinigpitan ko iyon upang hindi magpatuloy ang pagdurugo.

"Swordsmanship is not my specialty," hindi ko mapigilang bulalas. "Sa totoo niyan, mas kilala ako sa husay ko sa fist combat."

Iniatras ko ang kanang paa ko at saka hinarang ang dalawa kong nakakuyom na kamao sa harapan ko.

Natawa siya nang dahil sa sinabi ko. "Swordsmanship, combative, kahit ano pa man iyan. Wala pa ring magbabago," aniya.

Sinugod nila ako agad gamit ang kanilang espada. Ngunit naging maagap ako at sinipa iyon palayo sa kaniya. Umikot ako at saka binigyan siya ng isang turning side sa sikmura. Tumalon ako sa isa sa kanila, iniipit ko ang binti ko sa leeg ng isa at saka ko siya itinapon sa sahig.

Patuloy ako sa pakikipaglaban sa kanila nang bigla na namang kumirot ang sugat ko. Napaluhod ako sa sahig at saka napahawak sa tagiliran ko. Mukhang masyadong malalim ang tama ko rito na hindi na kaya pa ng tela.

Ngunit hindi pa man ako nakatatayong muli ay panibagong saksak na naman ang natanggap ko sa braso ko. Napasigaw ako sa sakit na nararamdaman.

Nang makahanap ako ng isang espada ay pinulot ko na iyon. Gagamitin ko na lamang itong panangga sa kanila kahit papaano. Sa sobrang dami nila ay hindi ko sila kaya kung walang espada.

Ayoko mang tanggapin ang sinabi ng isa sa kanila ay hindi ko sila kayang patayin gamit lang ang mga kamao ko. Kailangan ko agad makaisip ng plano.

Isa pa, hindi sila mga ordinaryong mga kawal lang. Mga assassins din sila at pare-pareho lang kami ng mga napagdaanan at natutunan. Kung ipagpapatuloy ko ang ganito ay hindi ako magtatagal. Kailangan kong lumaban para mabuhay. Kailangan ko pang tuparin ang responsibilidad ko sa anak ko.

Ngunit sadyang sadista ang tadhana. Sadyang tuso ang tadhana dahil hindi siya laging sumasang-ayon sa gusto ko.

Isang saksak na naman ang natanggap ko sa dibdib kaya napaubo ako ng dugo. Mabuti na lang at lumiko iyon at hindi derektang tumama sa puso ko.

Imbis na manatili roon ay tumalon akong muli palayo sa kanila. Tatakbo na sana ako nang maramdaman kong may tumusok naman sa binti ko. Nadapa ako at ngumudngod pa ang mukha ko sa maalikabok na lupa. Napaubo ako nang makalanghap ako ng buhangin sa ilong.

Bwisit! May kasama pa pala silang mga archers pero hindi ko makita kung nasaan sila. Bwisit talaga!

Ang dami kong tama sa katawan. Nang dahil sa dami ay hindi ko alam kung ano ang hahawakan ko para hindi magpatuloy sa pagdurugo. Ni hindi ko na rin alam kung nasaan ang mga iyon dahil buong katawan ko na ang sumasakit.

Napaubo na lang ako ng dugo at hindi na gumalaw.

Napakahina ko pa pala para protektahan ang anak ko. Hindi pa ako pwedeng mamatay! Pero siguro nga, tadhana na ang nagsasabing kailangan ko nang mamatay.

Kung hindi naman talaga ako umalis noon ay hindi rin ako makatatakas sa kanila. Pinahaba lang nila ang buhay ko ng isang gabi.

Siguro, kailangan ko na lang tanggapin na hindi ko na makikita ang anak kong lumaki at maging matagumpay. Hindi ko na makikita kung sino ang first love at first heartache niya. Sa langit ko na lang siguro iyon mapagmamasdan. Gusto ko pa naman sana siyang panoorin na ikasal.

Napabuntong-hininga na lang ako.

Pagsisisi. Ito pa talaga ang naiisip ko bago ako mamatay.

Kung sa langit nga ba ang tuloy ko.

Napangiti ako nang maramdaman kong malapit na akong mawalan ng malay.

Gab, ang asawa ko. Hindi magtatagal ay magsasama rin tayong dalawa ulit. Hindi na tayo makapaglalaro nina Chloe dahil maiiwan ko na rin siya rito. Pasensiya na kung hindi ko na mababantayan dito ang anak natin. Hindi ako isang responsableng ina. Hindi pa...

Hinayaan ko na ang sarili kong hatakin ng antok. Sa sobrang sakit ng mga sugat ko ay hindi ko na sila maramdaman.

Ngunit pagkatapos nito, magiging ayos na ang lahat.

Chapter 6

Ikaanim na Kabanata
Pagbangon
Point of View: Clairn Novich Kuran
Dahan-dahan kong idinilat ang mga mata ko. Tiningnan ko ang paligid at napagtantong nasa isang silid ako.
Saglit pa akong napatulala at agad napabalikwas nang upo. Nang dahil sa ginawa ko ay 'saka ko lang naramdaman ang sakit ng buo kong katawan. Agad akong napahiga ulit at napahawak sa tagiliran ko habang umiingit sa sakit. Nang medyo mawala na ang sakit ay 'saka ko ulit inilibot ang paningin ko.
Hindi ako pamilyar sa lugar. Para akong nasa loob ng isang tahanan ng may kayang pamilya. Ang dami kasing gamit sa loob at halata mong mamahalin ang mga babasaging kagamitan. Ang ilan pa sa mga iyon ay kulay ginto.
Hindi na rin panlalaki ang suot ko at mukhang nabihisan na rin ako. Kulay asul ang hanbok na suot ko ngunit wala akong balabal pang-itaas. Ang tanging tumatakip lang sa parteng iyon ay isang puting tela. Nang silipin ko ang panloob ko ay napansin kong may benda ang buong itaas ng katawan ko.
"Gising ka na, binibini," bati ng isang lalaking hindi ko kilala.
Ito na naman ang binibini. Hindi na matapos-tapos. Hindi na ako isang binibini. May asawa na ako. Pero imbis na punahin ay hinayaan ko na lang. Hindi naman nila alam. Ayon sa suot niya, isa siyang manggagamot sa lugar na ito. Pero hindi tulad ng doctor sa amin na halos may edad na, parang kasing edad ko lang ang isang ito. Kulay puti ang kaniyang suot, tanda na isa siyang manggagamot. May mga benda rin sa kaniyang likuran at ilang mga maliliit na bote.
"Sino ka?" tanong ko sa kaniya. Inilibot ko ang tingin ko. "Nasaan ako?"
"Huminahon ka, binibini. Nasa ligtas kang lugar ngayon."
Napalunok ako dahil sa tuyo ang lalamunan ko. Gusto ko sanang manghingi ng maiinom. Siguro naman ay bibigyan nila ako. Niligtas nga nila ako mula sa kamatayan, hindi ba nila ako mapagbibigyan sa isang simpleng tubig lang?
Hindi nagtagal, may isang babaeng pumasok. Sa tingin ko ay kasing edad ko lang din siya at ayon sa kulay ng suot niya ay isa siyang katulong. Kulay rosas ang kaniyang mahabang damit na umaabot sa kaniyang paa.
"May kailangan ka po ba, binibini?" tanong niya sa akin habang bahagyang nakayuko pa rin.
"Ahmm... pwede ba akong makahingi ng tubig?" tanong ko.
Bahagya siyang yumuko at 'saka ako dinalhan ng tubig. Para bang ngayon lang ako nagkaroon ng lakas para tumayo dahil kanina pa tuyo ang lalamunan ko. Sinipat ko ang braso ko, may benda rin iyon. Ngayon ko lang din napansin na pati ang binti ko ay may benda. Para tuloy akong naglalakad na mummy.
Muli kong nilibot ang paningin sa paligid. Hindi talaga pamilyar. Iba talaga ang hatid sa 'kin ng mga hindi pamilyar na lugar. Nakatatakot. Nakababahala. Para bang wala na ako sa mundo ng mga tao at nandito na ako sa langit. Pero ano ang ginagawa ko sa langit?
"Nasaan ako?" tanong ko sa babae. Nakayuko pa rin siya sa isang gilid at nakatayo na para bang walang balak umalis hangga't hindi ko sinasabi.
"Nasa isang silid ka sa loob ng palasyo, binibini."
Napanganga ako nang dahil sa sinabi niya. "Palasyo? Hindi ako pwedeng manatili rito," sabi ko, natataranta man ay hindi ko pa rin pinahalata sa kanila.
Sinubukan kong tumayo. Kahit na masakit pa rin sa binti ay kaya ko naman ang lumakad. Paniguradong bukas lang ay magaling na ang katawan ko. Hindi man tuluyan ay sapat na para makatakas ako.
"Hindi po maaari, binibini. Mahigpit na ipinagbabawal sa amin ang palabasin ka rito hangga't hindi dumarating ang prinsipe," aniya, kalmado lamang ang boses at parang walang pakialam kung umalis man ako o hindi. Pinigilan din ako ng lalaking doctor sa pagtayo kaya kinunutan ko sila ng noo. "Prinsipe? Siya ba ang nagligtas sa akin?"
"Hindi ko po alam, binibini. Pero dala ka po ni Chief Rhonwen dito na matalik na kaibigan at kanang kamay ng prinsipe."
Hindi ko na siya pinakinggan pa. Kailangan kong makaalis dito dahil baka mahanap na naman ako ng mga Black Knight. Hindi ko alam kung kakampi ko ba talaga ang prinsipe na iyon o hindi.
Niligtas man niya ako ay nakasisiguro akong may dahilan iyon. Tiyak na gaya ko, may kinalaman din siya sa Black Knights. Hindi niya ako itatago sa grupong iyon nang wala lang. Hindi niya ililigtas ang isang estranghera na gaya ko kung hindi niya kilala ang grupo na iyon.
Nang makalabas ako sa silid ay panay pa rin ang pagpigil nila sa akin. Hindi naman ako nagpatalo at pilit pa ring naglakad palayo sa kanila. Ano ba ang pakialam nila sa taong hindi naman nila kilala? "Binibini, pakiusap. Kami ang mananagot kapag hindi ka nanatili sa iyong silid," ani babaeng katiwala.
"Kailangan ko nang umalis. Kailangan kong malaman kung ayos lang ba si Chloe," sambit ko. Humawak ako sa hamba ng pintuan upang gawing suporta.
"Pero, binibini..."
"Mukhang hindi ka marunong makinig sa mga tao sa paligid mo, binibini," ani isang pamilyar na boses.
Sabay-sabay kaming napatingin sa bagong dating at saka yumuko. Tama nga ako, siya iyong prinsipe na nagligtas sa akin noong gabing iyon. Mukhang siya na naman ang nagligtas sa akin sa pagkakataong ito. Mukhang konektado talaga siya sa grupo. Kung kaaway man o kakampi, kailangan kong malaman.
"Mahal na prinsipe..."
"Dalhin niyo na siya sa loob," utos nito. Madiin ang bawat pagbigkas sa mga letra, maotoridad, na para bang kapag hindi mo sinunod ay pupugutan niya ako ng ulo rito mismo sa kinatatayuan ko.
"Pero..." Pinigilan niya ako bago pa ako makapagsalita.
"Ang sabi mo ay gagawin mo ang kahit anong gusto ko kapag nagkita tayong muli. Sa tingin ko ay ito na ang tamang pagkakataon para gawin iyon, binibini."
Tiningnan ko siya sa mga mata at nakita kong pursigido na nga siyang gawin akong alila niya o kung ano pa man. Wala na rin naman akong magagawa kung makatakas man ako sa kaniya. Mahirap makapasok sa palasyo. At kung gaano kahirap pumasok, ganoon din kahirap ang lumabas.
Tutal narito lang din naman ako, mangangalap na lamang ako ng impormasyon sa kaniya. Pagkatapos ay saka ako magpaplanong tumakas.
Pero kung mananatili ako rito sa palasyo, hindi ko alam kung kailan ako mahahanap ng mga Black Knight. Hindi ko rin makikita kung ayos lang ang lagay ng anak ko.
Ano na ang dapat kong gawin?
Nagpaalalay na ako sa kanang kamay niya raw na si Rhonwen. Muli kaming pumasok sa loob hanggang sa makaupo sa hinigaan ko kanina. Iniwan nila kaming dalawa dahil may kailangan yata kaming pag-usapan. Wala namang sabi-sabi na lumabas ang tatlo.
Iniwan na nila kaming dalawa sa loob. Hindi ko alam kung matapang ba siya o sadyang tanga lang. Hinayaan niyang maiwan siya rito kasama ang babaeng parang kailan lang ay tinutukan siya ng espada upang patayin. Pero sabagay, wala akong espada ngayon na kinuha nila o naiwan sa pinangyarihan. Ano ang ikatatakot niya?
Hindi ko na rin tuloy nakausap iyong doctor kanina tungkol sa kung may nakita ba siya sa katawan ko na hindi niya dapat ipagsabi. Wala ba silang babaeng doctor o napagkamalan na naman akong lalaki? Ang daming mga tanong sa utak ko na handa ko na sanang itanong ngunit naunahan niya ako.
"Bakit hindi ka muna magpahinga bago ka lumabas?" tanong niya.
Napatingin ako sa kaniya. "Hahayaan mo akong lumabas?"
"Ng silid. Pero kailangan mong manatili sa loob ng palasyo."
Hindi ko mapigilang hindi mapairap sa sinabi niya. Masyado siyang paasa. Ang buong akala ko pa naman ay hahayaan niya akong lumabas ng palasyo. Pero ano pa ba ang aasahan ko.
"Kalimutan mo na. Hindi ko kailangang lumabas kung hindi lang din sa palasyo," sabi ko, bahagyang pabalang ang naging pagsagot.
"Ngayong nakita na kitang nang malapitan, masasabi kong maganda ka. Pero kailangan mo pa ring magpahinga dahil sa itim sa ilalim ng mga mata mo," pambobola niya.
"Wala akong pakialam. Ang itsura ko ang pinakahuling dapat kong alalahanin ngayon."
Hindi ko alam pero nag-iinit ang ulo ko dahil sa mga sinasabi niya. Napakaseryoso ng mga tingin niya pero puro naman nakakainis na bagay ang lumalabas sa bibig niya. Isang kawalan ng respeto pero kabilang din ako sa royal family. Isa akong diyosa ng Arkania.
"Hindi mo naman kailangang gawin iyon, binibini. Lahat ng babae ay dapat magmukhang maganda at presentable lalo na sa harap ng isang prinsipe."
"Ano ang akala mo sa 'kin? Entertainer? At isa pa, huwag mo na akong tawaging binibini. May asawa na ako." At hindi siya matutuwa kung tinatawag mo akong binibini.
"Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin. At hindi mo na rin kailangang magsinungaling sa akin. Sa ganda mong iyan, tiyak na hindi ka pa nakapipili ng lalaking dapat na para sa iyo."
Sinamaan ko siya ng tingin. Nakakainsulto kasi ang mga sinasabi niya kahit na hindi naman dapat ako mainsulto.
"Totoo ang sinasabi ko. Hindi ako nagsisinungaling tungkol doon. Ano naman ang mapapala ko sa pagsisinungaling ukol doon?"
"Kung ganoon, maaari ko bang makita ang asawa mo?"
Napatulala ako sa kawalan. "Hindi pwede..." hindi na pwede. Natawa siya dahil sa sinabi ko.
"Sabi ko naman sa 'yo, hindi mo na kailangang magsinungaling."
Kung gusto mo talaga siya makita, pwede kitang dalhin sa kaniya. Nakakainis! Hindi na lang ako nagsalita at saka tumingin sa kawalan. Kailangan kong gumawa ng paraan para makalabas ako sa palasyo nang hindi niya napapansin. Kailangan kong makalabas para maging madali ang paghahanap ko sa kanila.
"Kung nag-iisip ka ng paraan upang makalabas, kalimutan mo na," aniya.
Napatingin ako sa kaniya dahil sa sinabi niya. "At bakit naman? Hindi dapat ako manatili sa lugar na ito."
"Sinasabi ko na sa iyo. Imposible ang gagawin mo. Isa pa, nangako ka kaya tuparin mo."
"Tutuparin ko. Pero mas may importanteng bagay pa akong dapat gawin kaysa manatili rito at paglingkuran ka. Hayaan mo muna akong gawin iyon bago ko gawin lahat ng gusto mo," pagkukumbinsi ko sa kaniya. Napatitig siya sa akin dahil na rin siguro sa sinabi ko. Mukha na kasi akong desparada para lang makaalis dito. Kahit na madali na iyon para sa akin basta ba ay wala na siya rito sa harap ko.
"Gusto mo bang makaalis?" Tumango ako sa kaniya. Tumango-tango rin siya dahil sa pagtango ko.
"Sagutin mo ang tanong ko..."
Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. Isang tanong lang ang kailangan kong sagutin para makaalis?
"Ano iyon?"
"Bakit ka hinahabol at gustong patayin ng mga Black Knight?"
Napakuyom ang kamao ko dahil sa naging tanong niya. Ito na nga ba ang sinasabi ko. Mukhang may kinalaman talaga siya sa grupong iyon.
Hindi dapat ako maging padalos-dalos sa sasabihin ko lalo na at hindi ko pa siya kilala. Hindi ko alam kung kaaway rin ba niya ang mga Black Knight o baka naman isa siya sa pinuno nila. Hindi dapat ako mahulog sa bitag niya.
Bago pa ako makapagsalita ay inunahan na niya ako. "Matagal na naming minamanmanan ang grupong iyon at hinahanap namin kung ano ba talaga ang motibo ng grupo nila."
"At ano ang nahanap niyo?"
"Wala pa kaming nakukuhang sapat na ebidensiya ngunit pinapatay nila ang mga pamilyang may kinalaman sa ilegal na transaksyon sa ibang bansa."
Kumunot ang noo ko. "Ilegal na transaksyon?"
"Ngayon, sagutin mo ang tanong ko. Bakit ka nila hinahabol at gustong patayin? Pwede kitang matulungan kung tutulungan mo rin ako sa paghahanap sa kanila."
Napakagat ako sa ilalim na labi ko. "Hindi ko rin alam kung bakit nila ako gustong patayin," pag-amin ko. Sa mga oras na ito, isa lang ang nasa isip ko.
Kailangan niya ng tulong ko. Kailangan ko ng tulong niya.
"Tutulungan kitang malaman kung ano ang motibo nila. Tutulong ako sa paghahanap sa kanila. Pero..." Tumingin ako sa mga mata niya upang malaman niyang pursigido na ako sa plano ko.
"... hindi iyon ang gusto kong mangyari. Pagkatapos niyong masagot ang tanong na gusto niyong malaman, hayaan niyo akong patayin silang lahat. Gusto kong ako mismo ang papatay sa mga walang kwenta nilang buhay."

Chapter 7

Pilat

Point of View: Clairn Novich Kuran

Nakipagtitigan pa siya sa akin saglit. Ngumiti naman siya matapos iyon at saka niya hinawakan ang tutktok ng ulo ko na parang isang tuta. Kakaiba naman ang dulot nito sa dibdib ko na hindi ko maipaliwanag.

"Naiintindihan ko, binibini. Tatanggapin ko ang tulong mo at tutulungan kita. Hindi kita pipigilan basta malaman ko ang lahat ng gusto kong malaman."

"Tsk. Sinabi nang huwag mo akong tawaging binibini. Gusto mong putulin ko na lang iyang dila mo?" pagbabanta ko sa kaniya.

Imbis na magalit ay natawa pa siya. "Hindi na nga. Ano ba ang pangalan mo para hindi na binibini ang itawag ko sa iyo?"

"Clairn, Clairn ang itawag mo sa akin."

"Clairn... masyadong pambabae para sa iyo," sabi niya, bahagya pang nangingisi na parang pinipigilan lang.

Sinamaan ko siya ng tingin pero muli, tinawanan niya lang ako. Okay, titigil na ako. Ayoko masyadong subukin ang pasensya niya. Isa pa rin siyang prinsipe kahit na gaano pa siya nakakainis. Ayokong ang buong Nearon ang makalaban ko. Masyado nang pasakit ang Black Knights, ang isang buong kaharian ang huling nais ko ngayon.

"Pagkagising mo mamaya ay ipakikilala kita sa mga kaibigan ko at sasabihin ko sa iyo kung ano ang posisyon mo. Kailangan maging maayos ka na nang tuluyan bago kita gawing opisyal na katuwang ko," aniya.

Humiga na ako sa kama. Iniayos pa niya ang kumot at saka ulit hinawakan ang ulo ko. Upang tingnan kung may sakit ako? Hindi ko alam ang sagot.

"Magpahinga ka na, Clairn."

Napatitig lang ako sa itaas nang makaalis siya. Hindi na kasi ako makatulog pero alam kong kailangan ko niyon. Ilang gabi na kasi akong hindi natutulog. Kung matulog man ay mababaw lang dahil sa takot na biglang may umatake sa kahabaan ng tulog ko.

Alam kong hindi pa tuluyang magaling ang mga sugat ko. Itong tama kasi sa tagiliran ko ang pinakamalalim... sa tingin ko. Hindi naman na mahapdi ang braso at binti ko kaya sa tingin ko ay hindi magtatagal, makakalabas na rin ako.

Kaya kung may aatake man sa 'kin habang wala akong malay, dapat ay kanina pa iyon. Dahil mula ngayon, hindi ko na ibababa pa ang depensa ko kahit kanino. Lalo na at wala akong mapagkakatiwalaan ngayon.

Ang sabi niya, magiging katuwang niya raw ako.

Hindi kaya gawin niya akong swordsman niya? Hindi naman ako bihasa sa paggamit ng espada at ayoko ring gamitin ang combative ko. Sa tuwing ginagawa ko kasi iyon, naaalala ko lang si Gab na siyang nagturo sa 'kin.

Sa tingin ko, kailangan kong paghusayan ang paghawak ng espada para masanay na rin ako. Kailangan kong itago sa lahat kung ano ang kaya kong gawin at kung sino ako. Makatutulong iyon sa paghahanap at sa pagtatago ko. Kailangan ay maunahan ko sila.

Napatingin ako sa kaliwang kamay ko at nakita ang gintong singsing na tanda ng pag-iisang dibdib namin ni Gab. Mabuti na lang at hindi ko ito hinuhubad.

Matapos ang mga nagawa ko, ito na lang ang paalala sa 'kin nang dapat kong gawin. Ito ang paalala na kailangan ko pa ring pagbayaran ang mga kasalanan ko sa hinaharap. Ito na lang ang nagbibigay lakas sa 'kin para magpatuloy.

SUMILIP AKO SA labas ng silid upang maiwasan sana ang kahit na sino. Ayoko kasing may nakasunod sa akin sa kung saan man ako magpunta. Kahit kabilang ako sa royal family, walang katiwala o kahit anong kanang kamay ang nakasunod sa 'kin. Hindi naman ako baldado at kaya kong protektahan ang sarili ko sa kahit sino.

Hindi rin naman ako tatakas dahil sa ngayon, alam ko na kung ano ang dapat kong gawin. Gusto ko lang makausap iyong doctor kanina. Hindi ko na nasabi iyon kay Prinsipe Alryzen dahil mukhang nagmamadali na rin siya.

Si Prinisipe Alryzen ang prinsipe ng Goryo. Hindi ko na naitanong ang iba pang tungkol sa kaniya dahil wala naman ako sa lugar para magtanong. Saka tiyak na malalaman nilang hindi ako tagarito kung pati pangalan ng mga namumuno ay hindi ko alam. Hindi rin naman ako interesado sa kaniya kaya hindi na ako nag-abala pa.

"Saan ka pupunta, binibini?" tanong ni Krenniza, ang maid na nagbabantay sa akin.

Napahinto ako sa paglalakad at saka siya hinarap nang malapad ang ngiti sa mukha.

"Ahm... maglalakad-lakad lang? Hindi mo na ako kailangan samahan. Kaya ko na," sagot ko.

"Hindi maaari, binibini. Mahigpit na ipinagbabawal ng mahal na prinsipe na mawala ka sa paningin ko."

Muli akong nakaramdam ng sakit sa ulo. Sa pagkakataong ito, alam kong hindi na dahil sa nangyari sa 'kin kung hindi dahil na sa prinsipe. At talagang pinasunod pa niya sa 'kin ang katiwalang ito. Hindi ba niya alam na kung nagkataon, maaari ko siyang patayin?

Napahinga ako nang malalim at saka siya nilapitan. Inakbayan ko siya at saka malamanyang nagsalita. "Sabi ko naman sa 'yo, kaya ko na..."

"Pero..."

"Kung itong sugat ko ang inaalala mo, magaling na siya. Kumpara sa mga natanggap ko noon, kamot lang ito kaya huwag ka na mag-alala."

"Sino ang may sabing nag-aalala ako? Sinusunod ko lang ang utos ng prinsipe," sabi niya habang nakayuko pa rin. Nahimigan ko rin ang pagkauyam sa tono ng pananalita niya na para bang napipikon na rin siya sa inaasta ko.

Napatitig ako sa kaniya. Hindi ko inaasahan ito sa kaniya. "Okay, hahayaan kitang sumama pero kapag kausap ko na siya ay hindi ka dapat makinig."

"Wala akong pakialam kung sino ang kakausapin mo at kung ano ang pag-usapan ninyo. Kailangan lang kitang bantayan, binibini."

Tuluyan na akong natawa dahil sa sinabi niya. Hindi lang kasi ako makapaniwalang ganito ang ugali niya. Napakabait at ang galang niya sa harap ng prinsipe pero nagbago siya nang ako na lang ang kausap niya.

Well, medyo magalang pa rin ang kilos niya pero hindi ko masasabi sa mga salita niya.

"I like you already, kid. Just call me Clairn. Isa pa, hindi na ako isang binibini. I'm not lying when I told you that I'm married already," sabi ko, mahihimigan ang pagkaaliw sa tono.

Napatingin siya sa akin nang nanlalaki ang mga mata. "A-Ang accent mo, binibini..."

"Shh..." pagtigil ko sa kaniya. "Sikreto lang natin pero kabilang ako sa royal family. But that will be our little secret."

"Talaga po? Hindi ako makapaniwala. Pasensiya na sa pagiging pamilyar ko sa inyo," aniya, muling napayuko sa harap ko.

"Sa ngayon, may tiwala ako sa iyong hindi mo ipagsasabi kahit na sa prinsipe."

"Pero... hindi ko kayang magsinungaling sa prinsipe. Kahit kabilang ka sa isang royal family, mas mataas pa rin ang mahal na prinsipe. Hindi ko man alam kung ano ang posisyon mo, sa ikalawang prinsipe ako naglilingkod. Maliban na lang kung ikaw ang mahal na reyna."

Tinapik ko ang balikat nito. "Hindi mo naman sasabihin sa kaniya kung hindi ka niya tatanungin, 'di ba? Kaya huwag mo ipahahalatang may alam ka." Kinindatan ko siya at saka ako naglakad palayo sa kaniya.

Alam kong isa ito sa pwedeng maglagay sa akin sa kapahamakan pero alam ko kung mapagkakatiwalaan ko ang isang tao o hindi.

Sa kaso ni Krenniza, alam kong magagawa ko iyon. Hindi man niya ako matulungan, alam kong maitatago niya ang sikreto ko dahil hindi ko kayang itago lang iyon sa sarili ko.

At isa pa, paano naman maiisip ng prinsipe na ipagsasabi ko ang tungkol sa akin sa isang katiwala lang?

"Akala ko ba ay sasama ka?" tanong ko nang mapansing hindi siya sumusunod sa akin.

"Ah... opo, binibini, este, Clairn," aniya.

Natawa ako ulit bago naglakad palayo.

Hindi ko alam kung saan magsisimula pero hindi naman ganoon kalaki siguro ang palasyo para hindi siya makita. Kung saan maraming pasyente, tiyak nandoon siya. Kung wala man, kung nasaan ang prinsipe ay tiyak nandoon siya.

"Alam mo ba kung nasaan ang prinsipe sa mga ganitong oras?" tanong ko kay Kren.

"Ang prinsipe po ba ang gusto mong makausap?"

"Huwag ka na nga mag-po, ano ba! At saka, hindi ang prinsipe ang gusto kong makausap. Iyong doctor na gumamot sa akin. May gusto lang ako itanong sa kaniya tungkol sa mga sugat ko."

"Bakit? Masakit pa ba ang sugat mo?" tanong niya, nakasunod pa rin sa likod ko.

"Hindi na pero... baka may nakita siyang hindi niya dapat makita."

Narinig ko ang mahinang pagtawa niya kaya napatingin ako sa kaniya. "Sa tingin ko ay wala siyang pakialam kung makita man niya iyon. Masyado siyang malamig para sa isang tao."

"Malamig? Ibig sabihin, wala siyang pakialam kung makita niya akong nakahubad?"

Tumango siya sa sinabi ko. "Ganoon nga siya."

"Mabuti naman. Pero hindi iyon ang gusto kong malamang nakita niya."

Bago pa siya makapagsalita ay nakita ko na agad ang prinsipe. Hindi naman pala mahirap hanapin. Kung saan mo naaamoy ang kayabangan, nandoon siya.

Dahan-dahan akong lumapit sa kanila at huminga pa nang malalim. Hindi kasi siya nag-iisa, kasama niya iyong doctor at tatlo pang lalaki na sa tingin ko ay matataas din ang tungkulin.

Iyong isa sa kanila ay seryoso ring nakikipagkwentuhan sa kanila. Naalala ko siya. Siya iyong tumutok sa akin ng espada noong una naming pagkikita. Si Rhonwen.

Umubo ako nang bahagya upang makuha ko ang atensyon nila.

"Oh!" bulalas ng lalaking pinaka-hyper sa kanila. Mukhang bahagya siyang nabigla sa paglapit ko. Siya iyong kanina pa tawa nang tawa at hindi man lang maalis ang mga ngiti sa labi.

"Ano ang nais ng isang magandang binibini sa amin?" tanong naman niyong isang mukhang manyak kung makangisi. Siya ang katawanan ng lalaking hyper.

Tiningnan lang ako ng doctor at saka tumingin sa malayo habang nakatitig naman sa akin iyong lalaking mukhang maangas. Hindi ko pinasadahan ng tingin ang prinsipe dahil hindi naman siya ang pinunta ko.

"Ah, masyado mo ba akong na-miss kaya pumunta ka pa rito, binibini?" tanong ng epal na prinsipe. Pero syempre hindi ko sinabi sa kaniya iyon.

"Hindi. Bakit naman kita hahanapin, mahal na prinsipe?" tanong ko sa medyo sarkastikong pananalita.

"Kung ganoon, sino naman ang pinunta mo? Si Rhonwen?" tanong niya sabay tingin sa lalaking nakatitig sa akin nang maangas.

Para bang naalala pa niya ang pagtingin ko nang masama sa prinsipe niya at galit pa rin siya sa akin. Mukhang nagtatanim ng galit ang isang ito. Kailangan kong mag-ingat. Tss.

"Gusto sana kitang makausap," sabi ko sabay tingin sa lalaking nakatingin lang sa malayo. Hindi ko pa alam ang pangalan niya kaya hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko.

Napatingin din ang iba sa kaniya dahil sa sinabi ko. Hindi siguro nila alam na ginamot ako ng lalaking ito.

"Wow! Mukhang ikaw ang tipo ng isang ito, Warlo. Ipakilala mo naman kami," sabi ng lalaking sobrang tuwa nang dahil sa sinabi ko.

Tipo? Hindi ko tipo ang isang tahimik na lalaki. Mas gusto ko iyong masaya kasama at matutuwa ako. Masyado nang madilim ang personalidad ko para sa gaya niya.

Napatingin naman sa akin ang doctor at walang sabi-sabing tumayo. Hindi man lang tinanong kung tungkol saan ang itatanong ko. Pero mukhang wala naman din siyang pakialam talaga at gusto lang makaalis sa lugar na iyon.

"Sandali, hindi pa kita pinapayagang lumabas. Ano ang ginagawa mo rito?" singit na naman ng epal na prinsipe.

Peke akong ngumiti sa kaniya. "Gusto ko lang siyang pasalamatan sa paggamot sa akin. May problema ba roon, mahal na prinsipe?"

Mukha naman siyang napahiyang umiwas ng tingin. "Bahala ka. Gawin mo ang gusto mo," aniya.

Bahagya akong yumuko sa kaniya at saka sinundan ang doctor na bigla na lang umalis nang hindi nagpapaalam. Hindi man lang ako hinintay. Ano ba ang problema ng isang ito?

Medyo malayo ang pinuntahan niya kaya malayo-layo rin ang nilakad ko. Napahawak ako sa binti ko nang kumirot iyon. Mukhang may tinamaan na vital ang archer na iyon. Magaling.

"Dito na lang tayo. Ano ang gusto mong sabihin?" tanong niya.

"Akala ko may balak ka pang libutin ang buong palasyo bago ka tumigil." Hindi ko na naman napigilan ang pagiging sarkastiko ko.

Hindi naman siya nagsalita kaya napahinga ako nang maluwag.

Bahagyang lumayo sa amin si Krenniza. Tulad ng sabi niya ay wala naman yata talaga siyang balak makinig sa pag-uusapan namin. Ngunit sa pagkakataong ito ay mukhang inaatake na rin siya ng kuryosidad.

"May gusto lang akong itanong sa iyo," pagsisimula ko.

"Tungkol saan?"

"Ikaw ba ang gumamot sa mga sugat ko?"

Napatingin siya sa akin bago umupo sa damuhan at tumingin sa malayo. Sa harap namin ay isang malawak na palatubigan. Marami ang puno sa paligid namin na mula kulay dilaw hanggang luntian kaya hindi derektang tumatama sa amin ang sinag ng araw.

Umupo ako sa hindi kalayuan sa tabi niya. Pakiramdam ko ay ayaw niya nang tinatabihan siya kaya medyo lumayo ako. Mukha kasing siya iyong tipo na ayaw nang nahahawakan.

"Allergy ka ba sa 'kin? Bakit ang layo mo?" tanong niya imbis na sagutin ang tanong ko.

"Ah... akala ko kasi ay ayaw mo nang may tumatabi sa iyo."

"Hindi... I don't mind."

Ayon sa tono ng pananalita niya ay para bang hindi siya isang simpleng doctor lang. Pakiramdam ko ay galing siya sa isang magandang pamilya. O baka gaya ko ay hindi rin siya tagarito.

"Oo. Ako nga ang gumamot sa iyo at tumahi ng sugat mo sa tagiliran."

Napayuko naman ako. Naikuyom ko ang kamao ko sa damit ko dahil sa sinabi niya. "I see..."

Napangiti ako sa sarili ko. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa sinabi niya o mahihiya.

"Pwede rin ba akong magtanong sa iyo?"

Napatingin ako sa kaniya nang sabihin niya iyon. Hindi ko alam na magtatanong din siya pero ayos lang naman sa akin.

"Ano iyon?"

Saglit siyang tumahimik bago ako tiningnan sa mga mata. Bahagya pa akong napaatras dahil sa titig niya pero sinubukan kong tumingin pa rin sa mga iyon.

Kulay asul ang singkit niyang mga mata. Matangos ang ilong niya at mapupula ang manipis niyang labi. Pati ang kutis niya, parang babae. Kung hindi lang sa kurba ng panga niya ay mapagkakamalan ko siyang babae. Pahaba kasi ang mukha niya at nadedepina ang mga panga niya.

"Saan mo nakuha ang mga peklat mo sa katawan?"

Napatulala ako sa tanong niya. Hindi ko inaasahang iyon ang itatanong niya. Akala ko ay hindi siya mababahala dahil sa doctor siya. Hindi ba dapat ay sanay na siyang makakita ng ganito sa katawan ng isang pasyente?

Malapad lang akong ngumiti sa kaniya. "Hindi na naman siguro normal para sa iyo ang makakita nito, 'di ba?" tanong ko sa kaniya.

Sinubukan ko pang tumawa para maiwasan ang tingin niya pero mukhang wala lang sa kaniya. Kaya lang ay hindi ko alam kung mapagkakatiwalaan ko ba siya. Ang hirap basahin ng mga mata niya.

"Hindi nga normal para sa akin iyan," aniya. "Pero hindi normal para sa akin na makita ang mga iyan sa katawan ng isang babae."

Napayuko ako dahil sa sinabi niya. Pakiramdam ko ay kahit na ang lamig ng simoy ng hangin, pinagpapawisan pa rin ako.

"Ayos lang kahit hindi mo sabihin sa akin kung sino ka ba talaga," pagpapatuloy niya. "Pero gusto kong malaman kung saan mo nakuha ang mga iyan. Para sa katawan ng isang tao, masyadong malalalim ang mga sugat na iyan."

Napaawang ang bibig ko dahil sa sinabi niya. Hindi nagtagal ay tuluyan na talaga akong natawa. Napahawak pa ako sa tiyan ko dahil sa tuwa na nararamdaman ko.

Kumunot ang noo niya sa akin na mas lalo pang nakapagpamangha sa akin. "Ano ang nakakatawa? Tinatawanan mo ba 'ko?" tanong niya, medyo iritable na.

"Hindi... hindi... kasi naman.. kung makapagsalita ka, akala mo naman hindi ako tao."

Pinunasan ko ang gilid ng mata ko nang may kaunting luha roon. Nakakatuwa lang na ganoon ang tingin niya matapos makita ang mga peklat ko.

Kung alam lang niya...

"Tapos ka na tumawa? Ano ngayon ang nakakatawa?" iritableng tanong pa rin niya.

Ngumiti ako nang malawak sa kaniya. Lumapit ako sa kaniya at saka siya inakbayan. Akala ko ba ay malamig siya para sa isang tao, Krenniza? Mukhang mali ka.

Seryoso na naman niya akong tiningnan at saka tinanggal ang pagkakaakbay ko. Ngunit hindi ko iyon tinanggal bagkus ay hinigpitan ko pa.

"Sa mga tulad kong pinanganak sa pamilya ng mga assassin, normal na ang ganito," sambit ko.

Masyado siyang inosente para sa isang doctor. Hindi naman niya ako sasaktan... hindi... hindi niya ako kayang saktan.

"Galing ka sa pamilya ng mga assassin?"

Tumango ako sa kaniya at saka umayos ng upo. Dahil masakit pa ang binti ko ay iniunat ko iyon sa harap ko at tumingin sa malayo.

"Tama ka, hindi ko masasabi kung sino ako pero masasabi ko kung ano talaga ang ginagawa ko. Isa akong anak ng assassin. Sa madaling salita, pumapatay ako ng kapwa ko tao. Kung tao pa nga ba ang maitatawag mo sa akin," sabi ko, natatawa sa sariling sinabi.

Nakangiti akong tumingin sa malayo at saka huminga ulit nang malalim.

Hindi ko alam kung ilang beses na akong humihinga nang malalim. Pakiramdam ko kasi ay iyon na lang ang tanging paraan para maalis ko ang bigat sa dibdib ko.

Kung titingnan ko ngayon, alam kong mag-isa na lang ako. Wala akong mapagkakatiwalaan sa paligid ko. Pero hindi ko rin naman maitatago habang-buhay kung sino ako. Kailangan ko na lang makagawa agad ng paraan para mahanap ang mga Black Knight. Kailangan maunahan ko sila bago pa nila ako mahanap.

Pero saan ako magsisimula? At papaano?

Chapter 8

Pagkakaiba

Point of View: Clairn Novich Kuran

"Ah~ Gusto kong maging isang puno," sabi ni Warlo. Napatingin ako sa kaniya dahil sa pagka-random niya. Sa dinamirami ng pwedeng sabihin sa ‘kin ay ito pa.

"Puno? Bakit naman sa dinami-rami ng bagay ay puno pa?" tanong ko, nakakunot ang noo dahil sa pagtataka.

"Wala kasi silang ginagawa. Nagpapatangay lang sa hangin. Gusto ko lang umupo buong mag-hapon, magdamag,” sagot niya, pahina nang pahina ang boses hanggang sa huling salita.

Mahina akong natawa. "May punto ka naman. Pero para sa isang manggagamot na gaya mo, hindi ko inaasahang tamad ka pala. Marami kasing inaaral ang mga manggagamot at halos kinakain nito ang oras nila."

Hindi na siya nagsalita kaya nahiga na lamang ako sa damuhan. Wala rin naman akong masabi kaya nanahimik na lang ako. Mukhang hindi rin naman siya madaldal na tao. Gaya ko ay gusto niya lang din ng tahimik na paligid paminsan-minsan, malayo sa maingay at magulong reyalidad.

Pumikit na lamang ako atsaka dinama ang ihip ng hangin. Napakalamig nito sa mukha kaya nakakaantok. Para bang inaalis nito ang lahat ng pagod at pasanin ko.

Sana nga ay kaya nitong tangayin lahat ng pasanin ko at dalhin sa malayong lugar kung saan walang ibang makakakita. Kung saan hindi ko na ‘to maaalala pa.

"Hindi ka ba nababahala sa mga peklat mo?" pagpuputol niya sa katahimikan na namamagitan sa ‘min.

Napadilat ako at tumingin sa langit. Ito na naman siya, napaka-random ng mga sinasabi. Kahit na ngayon lang kami nagkausap ay parang kilala ko na siya at kilala na niya ako.

"Bakit naman ako mababahala?" tanong ko pabalik. Normal na sa akin ang ganito kaya hindi na dapat ako mabahala. Hindi ko alam kung ano ang nakababahala sa maraming peklat na gaya nito.

"Alam mo na, kapag may peklat ka na kahit isa lang, hindi ka na raw makakahanap ng mapapangasawa," bulong niya, sapat lang para marinig ko.

Ganito na yata talaga siya magsalita, parang walang pakialam at parang tamad na tamad sa buhay. Parang ayaw na ayaw niyang nasasayang ang laway niya.

Natawa ako sa sinabi niya. "Hindi ko na kailangan ng isa pang asawa," sabi ko sabay pikit ulit.

Gusto kong matulog.

"May asawa ka na?" tanong niya. Naramdaman ko ang pagtingin niya sa akin kaya ngumisi ako sa kaniya pero hindi ko sinagot ang tanong niya. Alam na niya iyon! At isa pa, baka matanong pa niya kung nasaan ito at bakit hindi ko kasama. Hindi ko alam kung ano ang isasagot kung sakali.

"Kailangan mo akong tuluyang makaalis sa lugar na 'to. Lalo na ngayon at alam mo na kung ano talaga ako," pag-iiba ko sa usapan.

"Alam ko 'yon. Pero ang prinsipe pa rin ang tanging makapagpapaalis sa 'yo. Pero ito ang tatandaan mo..." Tumigil siya saglit bago ako harapin. "...kapag may hindi magandang mangyayari lalo na sa prinsipe nang dahil sa 'yo, ako ang makakalaban mo."

Napadilat ako nang may maramdaman akong presensiya sa paligid. Napatingin ako kay Warlo na mukhang hindi naman iyon naramdaman dahil nakapangalumbaba lang siya sa tabi ko habang nakatingin sa ‘kin. Ngunit dama kong seryoso siya sa banta niya. Kailangan kong mag-ingat lalo na at wala ako sa teritoryo ko ngayon.

Mabilis akong umupo sa damuhan at saka sinipat ang paligid. "Sino ang nandiyan?" tanong ko sabay tingin sa likod ng isang puno sa hindi kalayuan sa ‘min.

"Sino ang kausap mo?" tanong ni Warlo.

Napatingin din siya sa puno na tinitingnan ko. Ako na ang tumayo para makita kung sino ang nakikinig sa usapan naming dalawa.

Hindi ako sigurado kung narinig niya ang lahat pero sa tingin ko ay kadarating lang niya. Hindi ko naman kasi naramdaman ang presensiya niya kanina. Maliban na lang kung magaling siyang magatago at ngayon lang napagpasyahang magpakita.

Nang maharap ko ang taong iyon ay napairap na lamang ako. Tumayo siya nang tuwid at saka umakto na para bang wala siyang ginagawa at hindi niya sinusubukang makinig sa usapan namin.

"Ano ang ginagawa mo rito?" tanong ko sa kaniya bago bumalik sa tabi ni Warlo. Bigla tuloy akong sinaniban ni Warlo sa pagiging tamad at walang pakialam niya nang makita ko ang prinsipe.

"Bakit? Bawal na ba ang pumunta rito? Palasyo ito ng Amang Hari– ang aking ama."

Hindi ko na siya sinagot pa dahil wala na namang sense ang pakikipag-usap sa kaniya. Baka kung ano pa ang masabi ko at makalimutan kong prinsipe siya at isa lang akong walang estado na babae.

"Tapos na ba kayong mag-usap? Kailangan mo pang magpahinga, Clairn," sabi niya nang hindi ko siya sinagot.

"Ayos na ako kaya huwag kang mag-alala, mahal na prinsipe," sabi ko.

"Mag-alala? Sino naman ang may sabing nag-aalala ako sa iyo? Hindi ba nga at ipakikilala kita sa mga kaibigan ko bilang bagong katuwang ko? Kaya dapat ay nagpapahinga ka ngayon!" bulalas niya sa akin habang nakakunot pa ang noo. Mukhang iritang-irita siya sa kung anong bagay na siya lang ang nakaaalam.

"Nagpapahinga naman ako pero bigla ka lang sumulpot. Iwan mo na lang ako rito at dito na ako matutulog.” Muli akong pumikit para matulog at hindi na siya pinansin pa.

"Narinig mo ba iyon, Warlo? Magpapahinga na siya kaya umalis na tayo!" bulalas niya sa doctor niya.

"Eh? Nakakatamad tumayo. Hayaan mo na lang ako rito. Hindi ko naman siya guguluhin.” Bumalik na rin siya sa pagkakahiga sa tabi ko at hindi na rin pinansin ang prinsipe.

"Ano? Hindi ka na makikinig sa prinsipe?" tanong niya pero hindi na nagsalita si Warlo. "Uy! Gumising ka nga riyan. Kinakausap pa kita!" bulalas niya. Ramdam ko na ang pagkapikon sa tono ng pananalita niya pero unti-unti na akong nilalamon ng antok para pansinin pa siya.

Nang wala na naman siyang matanggap na sagot ay padabog siyang umalis. Tiningnan ko siyang umalis na parang batang nagtatampo. Hindi ko maiwasang hindi matawa. Hindi ako makapaniwalang isa siyang prinsipe.

"Matutulog ako, Warlo. Kung gusto mo nang umalis ay hayaan mo na lang ako," sabi ko at saka pumikit.

"Warlo! Warlo!"

Napatingin ako sa lalaking humahangos na dumating sa kinaroroonan namin. Natandaan ko siya na kasama nina Warlo kanina na nag-uusap. Iyong mukhang manyak. Nakalimutan ko na ang pangalan niya.

"Oh?" Hindi inalintana ni Warlo ang paghangos ng kaibigan. Tamad niya lang na binuksan ang isang mata niya upang tingnan ito.

"Ang mama mo! Kailangan ka ng mama mo ngayon," bulalas nito.

Hindi pa man niya naiku-kuwento ang totoong problema ay bigla na lamang nawala si Warlo sa tabi ko. Nakita ko na lang siyang tumatakbo na palayo.

Napakabilis naman tumakbo ng isang iyon!

"Uy!" Bago pa man makalayo ang lalaking ito ay hinila ko na siya. "Ano ang nangyayari?" tanong ko, nagtataka sa biglang pagtakbo ni Warlo. Para sa isang tamad na gaya niya, ang bilis niyang tumakbo.

"Sumama ka na lang. Hindi ko na masasabi dahil mahabang kwento!"

Wala na akong nagawa kundi and sumunod na lang sa kaniya na tumakbo. Halos madapa na nga siya dahil sa pagod pero patuloy pa rin siya. Nawala na sa paningin ko si Warlo pero mukhang alam naman ng isang ito kung saan siya nagpunta.

Hindi naman nagtagal ay nakarating kami sa isang bahay na agad namang pinasukan nitong kaibigan ni Warlo.

Pumasok kami sa isang cultural house sa palasyo na gawa halos sa kahoy at walang kahit anong bakal o semento. Tanging ang bigat lang ng mga kahoy na ito ang nagsisilbing pundasyon upang panlaban sa lindol at iba pang natural na kalamidad. Kalkulado ang bigat nito at ang dami upang hindi bumagsak o gumuho.

Ang bansang Albanya ay isa sa mga lugar na nananatili pa rin ang kultura. Kumpara sa bansang Arkania na halos moderno na ang lahat maliban sa mga palasyo at emperyo, ang Albanya ay isa sa mayaman pa rin sa kultura. Maraming mga lugar dito na halos ilang daang taon nang nakatayo lalo na rito sa Kaharian ng Nearon.

"'Ma, 'ma, ano ang nararamdaman mo? Ano ang masakit?" tanong ni Warlo sa kaniyang ina.

Sa unang pagkakataon ay nakita ko kung paano siya mataranta. Ngayon ko lang din napagmasdan ang ekspresyon ng kaniyang mukha na alam kong hindi ko araw-araw na makikita. Bahagyang nanlalaki ang singkit niyang mga mata at hindi rin ito mapakali, hindi alam kung saan titingin.

Bahagya kaming lumapit para makita ang nangyayari. Para sa isang doctor, masyadong natataranta si Warlo. Pero naiintindihan ko naman dahil ang kaniyang ina na ang pinag-uusapan dito.

Tipid na ngumiti ang kaniyang ina. "Ayos lang ako, Warlo. Nahilo na naman kasi ako kanina pero ayos na ang pakiramdam ko ngayon. Kailangan ko na lang siguro ng pahinga ngayon.”

Ramdam ko ang panghihina sa kaniyang boses kahit na ba nakangiti siya. At para sa isang ina, masyado siyang maganda. Kung hindi lang sa pamumutla niya ay masasabi ko iyon kaagad. Maputi siya at nakuha ni Warlo sa kaniya ang tangos ng kaniyang ilong at ang manipis nitong mga labi.

"Bakit naman kasi lumalabas kayo ina nang walang kasama? Sabi ko naman, 'di ba? Isama niyo si Emerald o kahit sino sa mga tauhan kung gusto niyong magpahangin." Halata pa rin ang pag-aalala sa pananalita ni Warlo ngunit kahit papaano ay kalmado na ito kumpara kanina.

Kung kanina ay parang bored na bored siya sa buhay, ngayon naman ay sobrang pagkataranta ang makikita sa mukha niya. Mukhang mahal na mahal niya ang kaniyang ina.

Naupo siya sa tabi ng kaniyang ina at hinawakan ang mga kamay nito.

Mahinang natawa ang babae dahil sa anak. Hinimas niya ang kamay ni Warlo bago magsalita, "Huwag kang mag-alala. Ayos na ako kaya huwag kang mag-alala."

Malalim na lang na napahinga si Warlo dahil sa sinabi nito.

Napayuko na lang ako dahil mukhang ayos naman na ang babae. Masyado lang nag-alala si Warlo rito.

"Sino naman ang magandang binibining ito?"

Napatingin ako sa kaniya nang sabihin niya iyon. Sa akin siya nakatingin kaya napatingin din sina Warlo sa akin.

Sinubukan kong ngumiti sa harap niya. "Ako po si Clairn. Magandang araw po sa inyo," sabi ko.

Ngayon lang yata ako nakangiti nang tunay ngayong araw. Hindi ko alam pero kapag nakikita ko siya ay naaalala ko si ina. Napakabanad ng kaniyang mga ngiti na para bang pinapaalala sa ‘kin nito ang init na hatid ng isang tahanan.

"Kaibigan ko siya, ina," ani Warlo.

Medyo hindi ko inaasahan ang sinabi niya pero hindi na ako nagkomento pa. Kung kaibigan naman talaga ang tingin niya sa akin ay ayos lang. Wala namang masama roon. Isang label lang naman ang salitang kaibigan.

"Ganoon ba?” Muli siyang humarap sa ‘kin suot pa rin ang matamis niyang mga ngiti. “Masaya akong makilala ka, binibini. Pasensiya na kung sa ganitong paraan tayo nagkita. Gusto pa sana kitang makilala sa ibang pagkakataon.”

Agad akong umiling. "Wala po iyon. Magpahinga na po muna kayo at sisiguraduhin kong makababalik ako rito para mas makapag-usap pa tayo." Ngumiti ako sa dereksyon niya at bahagyang yumuko.

Ngumiti rin siya sa akin at sinenyasan akong lumapit. Ginawa ko naman iyon. Hindi ko alam kung bakit niya hinaplos ang pisngi ko pero mukhang natutuwa siya sa presensiya ko.

Nginitian ko na lang siya at saglit pang nanatili. Ramdam ko ang titig ni Warlo sa ‘kin mula pa kanina pero hindi ko na masyadong pinagtuonan ng pansin.

“Narito ang mahal na prinsipe,” sambit ni Rhonwen sa labas ng silid.

Hindi naman nagtagal ay bumukas ang pinto ng silid. Iniluwa nito ang prinsipe na mababakasan din ng pag-aalala.

Agaran siyang lumapit sa kinaroroonan namin at sinabi, “Nabalitaan ko ang nangyari sa ‘yo. Ayos ka lang ba?”

“Mahal na prinsipe, hindi ka na dapat nag-abala pa. Ayos lang ang lagay ko.”

Napabuntonghininga ang prinsipe at bahagyang humarap kay Warlo.

“Ayos na ang lagay niya, mahal na prinsipe. Nahilo lang siya kanina dahil ayon kay Emerald ay nalingat lang siya saglit. Pinagsabihan ko na rin siya kanina.”

Hindi naman na kami nagtagal doon. Lumabas na kami dahil kailangan na niyang magpahinga. Paulit-ulit naman na tiniyak ni Warlo na hindi mawawala sa paningin ni Emerald ang kaniyang ina upang hindi na maulit pa ang nangyari.

Bago kami lumabas ay napagmasdan ko pa kung gaano kalapit ang mahal na prinsipe sa ina ni Warlo. Hindi ko tuloy maiwasang hindi mapaisip sa dahilan kung bakit. Dahil lang ba sa may sakit ito? Dahil ba ina rin siya ng kaibigan niya? O may mas malalim pang dahilan?

Chapter 9

Ikasiyam na Kabanata
Hinala
Point of View: Clairn Novich Kuran
Nang makalabas kami sa silid ay saka ko lang nalaman na matagal nang may sakit ang ina ni Warlo. Kasalukuyan siyang naghahanap ng lunas sa sakit nito pero hindi pa rin niya nagagawa.
Ang kaniyang ina rin ang isa sa mga dahilan kung bakit pinili niyang paging isang manggagamot at hindi isang swordsman. Gusto ko pa sanang magtanong tungkol sa pagiging swordsman niya pero hindi ko na nagawa.
"Hindi ko pa nga alam kung ano ang sakit niya,” aniya.
“Hindi naman iyon dahil sa katandaan dahil bata pa si ina.” Pinili naming maupo sa isang pavilion hindi kalayuan sa tambayan nilang magkakaibigan. Isa itong maliit na silong na may apat na poste upang pundasyon. Patusok ang korte ng bubong nito at bahagyang mababa upang hindi maanggihan tuwing umuulan.
"Kung ganoon, ano naman kaya iyon? Bukod sa madalas na pagkahilo, ano pa ba ang sintomas?"
Hindi ako isang doctor pero marami rin akong alam tungkol sa mga sakit. Pinag-aralan ko iyon noon dahil kailangan namin iyon sa assassination. Kailangan naming malaman kung saan ang mga vital spots ng isang tao upang maging epektibo ang pag-atake namin. Gusto ko lang din makatulong kay Warlo kung sakali dahil mukhang ang ina na lang niya ang kasama niya ngayon.
"Madalas din sumikip ang dibdib niya at hindi makahinga. Iyon ang pinakakinatatakutan ako dahil baka may sakit siya sa puso."
Napaisip naman ako. Kung hindi siya siguradong sakit iyon sa puso, baka naman sa baga siya may problema? Hindi ba at nahihirapan siyang huminga?
"Ano sa tingin mo, Clairn? Matutulungan mo ba 'kong alamin ang sakit ni ina?" tanong ni Warlo habang nakatitig sa akin. Saglit akong natigilan dahil iyon ang nasa isip ko ngayon. Magsasalita na sana ako ngunit may sumingit sa pag-uusap naming dalawa.
"Ano naman ang malay ni Clairn sa mga sakit? Don't tell me, doctor ka rin?" tanong ng lalaking hanggang ngayon ay pikon na pikon pa rin ako. Hindi ko nga napansin na kanina pa namin siya kasama dahil sa paksa namin ni Warlo. Napakamot tuloy ako sa ulo ko dahil sa kaniya. Ang seryoso ng pinag-uusapan namin tapos sisingit siya bigla.
"Ahm..." Nangapa ako ng sasabihin ko. Tiningnan ko si Warlo para humingi ng tulong. Ayoko namang ipagkalat sa buong palasyo na isa akong assassin!
"Naging kaklase ko siya noong nag-aaral pa ako pero huminto siya. Personal na dahilan," maikling paliwanag ni Warlo.
Nakahinga ako nang malalim. Siguro ganoon na lang ang gagawin kong dahilan simula ngayon. Sasabihin ko na lang na may problema rin ako pang-pinansyal. Hindi naman na iyon mahirap paniwalaan dahil marami ang mahihirap kahit saan ako magpunta.
"Gano'n ba?” Hinarap niya ako, bahagyang nakataas ang noo na tila nagmamalaki. “Kung sakali pala ay isa ka ring doctor ngayon, Clairn. Gusto mo bang magpatuloy sa pag-aaral?"
Tumaas ang kilay ko dahil sa sinabi niya. Mukhang hindi maganda ang kutob ko sa alok niya. Hindi rin maganda sa pandinig ko ang gusto niyang iparating. Nang mapansin niya ang pag-aalinlangan ko ay nanlaki ang mga mata niya pero kalaunan ay natawa na lang nang malakas.
"Hindi ako tulad ng iniisip mo! Hindi ako ganoon. Nagmamagandang loob lang ako, Clairn. Ano ka ba! Mukha ba akong nagbabayad ng mga babae?"
Napasinghal pa siya matapos ang sinabi. Nang hindi ko siya sagutin ay napahawak siya sa dibdib niya na para bang nasasaktan.
"Grabe ka sa 'kin, binibini! Hindi ako ganoon!"
Bahagya na lamang akong natawa dahil sa kaniya. Inirapan siya at saka muling kinausap si Warlo. Hindi ako interesadong maging doctor o mag-aral. Wala na akong rason para humanap pa ng mga pagkakaabalahan ko sa buhay dahil hindi na iyon mahalaga. Tanging anak ko na lang ang mahalaga sa akin ngayon. Kung wala ang anak ko, wala nang silbi ang buhay ko. At hangga't buhay pa ang buong Black Knights, hindi pa ako pwedeng mawala.

NANG MALAMAN KO ang tungkol sa ina ni Warlo ay madalas ko na itong dalawin. Hindi naman iyon alintana ng kanyang ina bagkus ay mukhang natuwa pa siya sa ginagawa ko. Madalang kasi siyang madalaw ni Warlo dahil na rin sa trabaho niya sa palasyo. Bukod pa na nag-aaral ito ng medisina hanggang ngayon patungkol sa lagay ng ina. Miski si Warlo ay wala namang sinabi tungkol sa ginagawa ko. Alam kong kung saan sasaya ang kanyang ina ay doon na rin siya.
Hindi ko mapigilang hindi maalala si ina sa kanya. Halos pareho sila ng katangian. Palagi siyang nakangiti habang nagku-kwento sa 'kin tungkol sa kung ano-anong mga bagay. Kahit pa tungkol iyon kay Warlo, sa kanya at sa asawa niya. Ang kanyang tagapagsilbi na si Emerald ay malapit din sa kanya. Hindi nila alintana ang batas na nagsasaad patungkol sa posisyon niya. Hindi iyon naging hadlang upang maging malapit sila sa isa't isa. Halos ituring na nga niyang anak si Emerald at wala siyang pakialam sa sinasabi ng iba. Iniwan ko silang nag-uusap dahil pinatawag ako ng prinsipe. Hindi ko alam kung ano na naman ang kailangan niya ngunit dahil isa siyang mataas na tao rito ay kailangan kong sumunod.
Wala rin naman akong ibang magagawa dahil bukod dito, siya rin ang nagligtas sa buhay ko. Nang matanaw ko na ang battlefield ay natanaw ko rin ang maangas na pagkakatayo roon ng prinsipe. Hindi ko maiwasang hindi mapairap dahil ayoko talaga sa gaya niya. Alam kong prinsipe siya pero hindi na niya kailangan pang kumilos nang ganoon. Bigla naman akong naguluhan nang makita ko rin si Rhonwen, ang kanang kamay niya. Alam kong hindi na nakabibigla na lagi siyang nakabuntot sa prinsipe pero may hawak siyang espada sa kanan niyang kamay at iwinawasiwas niya iyon sa ere. Bigla akong kinabahan sa hindi malamang dahilan. Pero mas nangibabaw ang pagkasabik sa sistema ko. Mukhang alam ko na kung ano ang mangyayari pero hindi ko muna ipinahalata iyon sa kanila.
"Buti naman at nandito ka na,” aniya.
“Talagang pinaghihintay mo ang isang prinsipeng gaya ko. Kailangan mo yata ng maayos na guro sa pananatili mo rito.”
"May kinailangan lang akong gawin. Pasensya na," sabi ko na lang. Ayoko talagang makipag-away sa kanya ngayon kaya bahagya akong yumuko sa harap niya.
"Kung ganoon, simulan na natin. Isa lang naman ang gusto kong gawin mo." Tumingin siya kay Rhonwen at saka sinabi, "Gusto kong talunin mo si Rhonwen sa isang duel gamit lamang ang isang espada."
Napataas ang kilay ko. "At para naman saan ito?"
"Gaya ng sabi ko noong una pa lang, na lagi mong kinakalimutan, magiging isa ka na sa mga katuwang ko. Ikaw ang sasama sa 'kin at kay Rhonwen sa tuwing lumalabas kami ng palasyo."
Hindi ako nagsalita dahil wala na akong magagawa. Ako pa naman ang nagsabing gagawin ko ang lahat para mabayaran ko ang pagligtas niya sa 'kin noon. Hindi talaga dapat ako nangangako kapag galit ako o ano pa mang negatibong pakiramdam ang nararamdaman ko.
"Pumusisyon na kayong dalawa."
Kumuha ako ng espada mula sa estante at hinarap si Rhonwen. Seryoso lang siya na nakatingin sa 'kin na para bang kanina pa siya naiinip kahihintay. Mukhang hindi ito magiging madali. Noong una ko pa lang na tingin sa kanya ay alam kong iba na siya sa lahat ng nakilala ko. Mukhang wala siyang pakialam kung babae ang makakalaban niya basta ay masunod niya ang gusto ng prinsipe na pinaglilingkuran niya. Isa sa mga taong pinakaayoko. Masyadong dedikado ang tulad niya na maaari na siyang mabulag. Wala siyang sariling desisyon at nabubuhay na lang para sa ibang tao. Pero syempre, iyon lang ang unang tingin ko sa kaniya. Maaaring mali ako sa parteng iyon. Isa lang ang paraan para malaman, mas kailangan ko siyang kilalanin.
"Simulan na!"
Sa isang kurap ko lang ay nawala na si Rhonwen sa harap ko. Agad kong hinarang ang espada sa harap ko hanggang sa narinig ko na lang ang malakas na pagtama ng espada naming dalawa. Napaatras ako sa lakas ng paghampas at pagtama ng mga espada namin ngunit agad naman akong nakabawi. Dali-dali akong tumalon palayo sa kanya. Hindi ako nagpahuli at umatake na rin ako. Ngunit gaya ng inaasahan ay nasangga niya rin iyon. Nagpatuloy kaming pareho sa ganoon nang ilang minuto. Hanggang sa nainip na siguro siya at mas binilisan pa ang pag-atake. Napangisi na lang ako dahil sa reaksyon niya. Ito na ang hinihintay ko. Mas binilisan ko rin ang pag-ilag ko ngunit nilimitahan ang mga galaw at kilos. Huminga ako nang malalim hanggang makakita ako ng pagpatak ng pawis sa noo niya. Kung ikukumpara ay wala ito sa mga naging duel namin ng asawa ko. Mas mabilis si Gab kaysa sa kaniya, mas maliksi at mas malakas.
"Game over," sabi ko nang maitutok ko sa kaniya ang espada ko at nang mabitiwan niya ang kanya. Nakalikha ng ingay ang pagtama ng espada niya sa sahig hudyat na natalo ko siya. Habol-hiningang napatingin siya sa 'kin. Nakita ko rin ang nanlalaking mga mata ng prinsipe habang nakatingin sa 'ming dalawa. Hindi ko siya masisisi dahil kanang kamay niya ang pinanonood niya ngayon at isang babae. Sanay na ako sa ganitong reaksyon nila sa tuwing may natatalo akong lalaki. Inilayo ko na ang espada sa leeg niya at saka siya tinulungang tumayo nang maayos. Hindi ko makita ang gulat kay Rhonwen nang matalo ko siya. Hindi ko alam kung maiinsulto ba ako o hindi. Mukhang hindi kasi babae ang tingin niya sa 'kin noong una pa lang. O baka naman may iba siyang dahilan kaya ganito ang reaksyon niya. Hindi ko alam.
"P-Paanong..." Mukhang hindi na alam ng prinsipe kung ano ang sasabihin sa naging laban namin.
"Simple lang, natalo ko siya," sabi ko, nagkikibit-balikat. Hindi naman ako nagyayabang, depende na lang kung paano niya pakikitunguhan ang sinabi ko. Kung tutuusin ay magaling naman talaga si Rhonwen. Mukha ngang hindi pa iyon ang limitasyon niya bilang swordsman. Talagang mas marami lang akong karanasan kaysa sa kaniya. Mas matanda ako kay Rhonwen ng tatlong taon pero alam kong hindi lang iyon ang batayan ng lakas namin. Bata pa lamang ako ay espada na ang hawak ko. Pakikipaglaban na ang kinalakihan ko. Kaya hindi na ako magtataka kung ganito ang mangyayari.
Kung myembro si Rhonwen ng Black Knights ay may pagkakataon siya na talunin ako. Pero dahil sa palasyo siya lumaki ay hindi na nakagugulat pa. "Magaling ka, Rhonwen. Pero masyado kang mabilis mapagod. Hindi ka rin pasensyoso. Mabilis kang mawala sa pokus kaya ganito ang kinalabasan." Nakita ko ang ngisi sa kaniyang mga labi. Ito na yata ang unang beses na nakita ko siyang nagpakita ng ibang reaksyon maliban sa seryoso at galit niyang mga tingin. Akala ko pa naman ay pinaglihi siya sa sama ng loob.
"Alam kong hindi ka ordinaryong babae. Noong nakita kitang duguan at may hawak na espada ay alam kong may kakaiba na sa 'yo. Lalo na nang malaman kong hinahabol ka ng Black Knights. Mas lalong lumaki ang suspetsya ko sa 'yo."
Napatigil ako sa kinatatayuan ko at hindi alam kung ano ang ire-react ko sa harap niya. May alam siya tungkol sa mga Black Knight at alam niyang ako ang pakay nila. Mukhang kailangan kong kabahan sa isang ito. Sabi ko na nga ba at hindi maganda ang kutob ko sa isang ito. Paniguradong alam na rin ng prinsipe kung anuman ang alam niya.
“At paano mo naman nasabing may pakay nga sila sa ‘kin? Maaaring nadawit lang ako sa kung ano ang ginagawa nila. Isa lang akong hamak na manlalakbay,” paghahamon ko sa kaniya.
"Hindi ko alam kung ano ang kailangan nila sa 'yo. Pero dahil hinahabol ka nila at gustong patayin, alam kong may kasalanan ka sa kanila. Ano nga ba iyon? O ang mas tamang tanong, sino ka nga ba?"
Matalim niya akong tiningnan at bakas sa mukha niya na may alam siya tungkol sa pagkatao ko. Hindi agad ako nakasagot dahil ayokong ipaalam sa kanya kung ano ang mayroon sa 'min ng Black Knights. At hindi ko rin sigurado kung kakampi nga ba siya o kalaban ng grupong iyon. Ang tanging magagawa ko lang sa isang ito ay iwan siya sa sarili niyang mga ispekulasyon. Hindi ko siya bibigyan ng kasiyahan sa mga gusto niyang malaman.

Chapter 10

Ikasampung Kabanata
Pagmamalasakit
Point of View: Clair Novich Kuran
"Teka nga,” pagsingit ng prinsipe, “Sandali... ano ba ang nangyayari? Rhonwen, ano ba ang sinasabi mo? Paanong mayroon siyang koneksyon sa Black knights?"
Napatingin ako sa kaniya. Mukhang hindi lang si Rhonwen ang may alam tungkol sa grupong 'yon. Ayon sa reaksyon ng prinsipe, mukhang hindi niya ako pinanghinalaan na konektado ako sa grupo. Pero mukhang hindi rin iyon magtatagal dahil sa talas ng pag-iisip ni Rhonwen. Ano nga ba ang mayroon sa kanilang dalawa? Hanggang saan ang nalalaman nila? Hindi basta-basta tumatanggap ang Black Knights ng mga myembro na kabilang sa royal families dahil magiging mapanganib iyon sa mismong grupo. Ang grupong iyon ay salungat sa mga nais ng mga nakatataas. Isa silang legal na grupong lumalaban sa mga royal. Kaya nga sumali ako sa grupo nila, dahil alam kong makatutulong sila para pigilan ang plano ng buong angkan namin. At ngayong nalaman kong may alam ang prinsipe at si Rhonwen tungkol sa kanila ay mas lalo akong kinabahan. Ako lang ba ang nag-iisang royal family member na tinanggap ng grupo o may iba pa? Isa ba sa kanilang dalawa ang kasama sa grupong iyon? Dahil kung oo, magiging mahirap na laban ang makahaharap ko. Kailangan ko agad silang alisin sa landas ko bago pa ako mahuli. Prinsipe Alryzen, ang ikalawang prinsipe ng Nearon. Malabong siya ang kabilang sa grupo. Si Rhonwen naman ang kanang kamay ng ikalawang prinsipe na nanggaling sa angkan ng mga Atienza, ang pamilyang nagmula sa angkan ng mga blacksmith. Malaki ang pagkakataong siya ang kabilang sa grupo. Kung bilang kakampi ng grupo o isang espiya, iyon ang kailangan kong alamin. Bakit sila ang nakabangga ko nang mga oras na iyon para tulungan ako? Isa ba sila sa mga humahabol sa 'kin at gusto akong patayin? O gaya ko, gusto rin nilang patumbahin ang Black Knights? Ano ko nga ba sila? Kalaban o mga kakampi?
"Binibini, ito na po ang hapunan ninyo." Nawala ako sa pag-iisip nang malalim nang marinig ang boses ni Krenniza. Napatingin ako sa kaniya na nakayuko at sa harap niya ay ang isang tray na puno ng pagkain.
Napangiti na lamang ako. "Hindi ako gutom, Krenniza."
"Ngunit hindi ka na po nakapagtanghalian," sambit niya, mahihimigan ang pag-aalala sa tono ng pananalita.
"Hindi talaga ako nagugutom ngayon. Sasabihan na lang kita kapag gusto ko nang kumain." Tumayo ako mula sa kama ko at lumabas ng kwarto.
Nais kong magpahangin at mag-isip. Matagal ko nang hindi nagagawa iyon magmula nang malaman ko ang isang sikretong nagpabago sa buo kong pagkatao. Masyado akong maraming inakong responsibilidad na nawalan na ako ng oras para sa sarili ko. Ni pag-aayos ng sarili ay hindi ko na nagagawa dahil doon. Hindi na rin ako nakakasama sa mga pagpupulong kasama sina Xhey at mga kaibigan ko. Kumusta na kaya ang mga kaibigan kong iyon? Kapapanganak pa naman ng Reyna Jas sa ikalawa nilang anak ng Haring Tyrone. Hindi ko tuloy nalaman kung lalaki ba o babae ito. Ang balita ko rin bago ako tumakas ay ikakasal na raw si Xhey upang ipasa sa kaniya ang korona bilang Empress. Si Ana kaya, ano na ang plano niya ngayong nagkasakit ang kaniyang ina? Tatanggapin na kaya niya ang pagiging Duchess o ibibigay ito sa tita niya? Napatingin ako sa mabituing kalangitan. Bilog na bilog din ang buwan na nagbibigay ng liwanag sa buong kapaligiran. Malamig ang hangin na tumatama sa aking balat. Napakasarap sa pakiramdam. Sana ganito na lang palagi. Pero hindi maaari... Hindi magtatagal ay kailangan ko ring harapin ang darating sa buhay ko. Alam kong hindi magtatagal ay mahahanap at mahahanap din ako ng Black Knights. Alam kong gagawin nila ang lahat para mapatay ako. Ginamit lang naman nila ako para patayin ang buo kong pamilya at alam ko iyon. Pero hindi ako papayag na patayin nila. Ako ang magdidikta kung kailan ako mamamatay. Kailangan pa ako ng anak ko ngayon. Kailangan ko pang malaman kung ayos lang ba ang aking anak. Iyon na lamang ang nais ko at handa na akong tanggapin kung anumang parusa ang ibigay sa 'kin. Kailangan ko ring tanggalin ang buong Black Knights. Ayokong mayroon pa sila mabiktima na gaya ko. Ayoko ring mabuhay ang anak ko nang may nagbabanta sa kaniyang buhay. Kaya naman hindi ako titigil hangga't hindi ko sila naiisa-isa. Ipinikit ko ang aking mga mata at sumumpa. Gagawin ko ang lahat para mapatumba sila. Kailangan kong gawin ang lahat para maging payapa ang pamumuhay ng anak ko. Kaming dalawa na lamang ang nabubuhay sa Kuran Clan. Alam kong hindi magtatagal ay malalaman nilang may pinatakas ako sa pamilyang iyon, at iyon ang kailangan kong pigilan. "Hinding-hindi ninyo mahahawakan ang anak ko. Sinusumpa ko na mawawala rin kayong lahat sa landas niya. Hindi ako titigil." Pumatak ang luha sa mga mata ko ngunit hindi ako nag-abalang punasan iyon. Hindi naman masamang magpakita ng emosyon paminsan-minsan lalo na sa sarili ko. Hindi na ako kabilang sa Kuran Clan at hindi na ako isang assassin kaya wala nang makapipigil sa ‘kin. Dahil ito na lang ang magagawa ko para ipaalam sa sarili ko na buhay pa ako.
“ISA ANG GRUPONG Black Knights sa mga binabantayan naming grupo,” ani Prinsipe.
“Isa lamang sila sa mga grupong nais naming tanggalin. Matagal na naming minamanmanan ang grupong iyon at hinahanap namin kung ano ba talaga ang motibo nila. Kahit na sabihing legal sila at tanggap ng ibang nasyon, iba sa amin. Naniniwala kaming sa likod ng pinakikita nila sa publiko ay may tinatago pa silang mas malalim at mas mapanganib."
Hindi mawala sa isip ko ang mga sinabi ng prinsipe tungkol sa Black Knights. Alam ko ang tungkol sa kanila dahil naging kabilang ako sa grupong ito. Hindi ako makapaniwala hanggang ngayon na naging parte ako ng isa sa mga pinakamasasamang tao sa mundong ito. Kung ganoon... masama na rin ba ako gaya nila? Well, kailangan pa bang itanong 'yan, Clairn? Syempre, oo ang magiging sagot. Muling sumagi ang naging pag-uusap namin ng prinsipe tungkol sa grupong iyon.
"Noong makita mo kami sa lugar na iyon kung saan hinahabol ka ng mga tauhan nila, sila talaga ang pakay namin. Nabalitaan agad namin ang tungkol sa kanila mula sa mga taong-bayan dahil sikat sila sa ilang parte ng Kaharian ng Nearon."
"Hindi na ako magugulat. Imposible ngang mayroong isang prinsipe sa lugar na iyon," sagot ko.
Mahina siyang natawa. "Walang may alam ng mukha ko kaya naman hindi na ako nababahala. Talagang wala lang sikretong hindi mabubunyag kapag si Rhonwen ang kasama ko."
"Talagang sinisi mo pa si Rhonwen." Hindi na siya sumagot at tinuloy na lang ang pagku-kwento. "Kailangan naming maikulong ang buong grupong iyon nang hindi na sila makapanggulo pa. Lalo na rito sa nasyon ng Amang Hari."
Hindi ko mapigilang hindi matawa. As in tawa talaga na napahawak na ako sa tiyan ko. Hindi ko lang talaga napigilan matapos marinig ang sinabi niya. Kumunot na ang noo niya dahil sa pagtawa ko pero hindi ko talaga maiwasang hindi matawa dahil sa sinabi niyang iyon.
"Ano ba ang tinatawa mo? Nababaliw ka na ba?"
"S-Sorry. Hindi ko lang talaga mapigilan..." Kinalma ko muna ang sarili ko at saka ko siya tiningnan nang seryoso.
Bahagya siyang napaatras.
"Hindi pagpapakulong ang sagot sa pagtigil sa mga ginagawa nila, mahal na prinsipe." Nakita ko ang pagtataka at takot sa mga mata niya. Siguro ay hindi na niya ako makikilala ngayon dahil sa tingin ko pero tuluyan na talaga akong kinakain ng galit ko sa grupong iyon. "Ang tanging makapipigil lang sa kanila ay ang pagpatay sa kanilang lahat." Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya at tiningnan siya nang deretso sa mga mata. "Mukhang nakalimutan mo na ang deal nating dalawa, mahal na prinsipe?"
"D-Deal? Anong deal?" Napangisi ako sa kaniya dahil ang dali niyang kontrolin.
"Tutulungan ko kayo sa paghahanap sa grupong iyon. Gawin ninyo ang gusto niyo sa kanilang lahat." "At ang kapalit?" Napangiti ako dahil mukhang nakuha niya kung ano ang gusto ko. "Ako ang bahala sa pinuno nila. Wala kayong pakialam kung ano man ang gagawin ko sa kaniya... kahit patayin ko siya."
Napailing na lang ako dahil mukhang sumobra ang pananakot ko sa kaniya. Buong araw kasi siyang hindi nagpakita sa 'kin at ito ako ngayon, nagsasanay na lang sa battlefield dahil sa sobrang bored ko. Hindi ko sinadyang takutin siya noong mga oras na iyon. Bigla na lang talagang may sumanib sa 'kin na kung ano para sabihin iyon. Minsan ay natatakot na lang ako sa sarili ko dahil baka bigla na naman akong mawala sa sarili at kung ano pa ang magawa ko. Hindi magiging maganda iyon. Isa lang ang pumasok sa isip ko na dahilan kung bakit nagawa ko iyon. Kaunti na lang ay tatakasan na ako ng katinuan.
"Kanina ka pa rito?" tanong ni Warlo na halos kararating lang. Kanina ko pa siya nakitang papalapit sa 'kin pero hindi ako nagpahalata.
"Medyo lang." Tinapat ko sa kaniya ang isang espada at sinabi, "Gusto mong makipaglaban?"
Napatawa na lang siya sa sinabi ko. "Kahit na marunong akong humawak at makipaglaban, alam kong wala akong laban sa 'yo."
"Susubukan mo lang naman, 'di ba?" Nagkibit-balikat pa ako dahil wala naman akong balak na ipahamak siya. Gusto ko lang malaman kung may alam siya sa ganitong bagay o baka puro mga libro lang ang hawak niya mula pagkabata. Sa huli ay napangiti rin siya at tinanggap ang espada na inalok ko sa kaniya. Nagsimula kaming maglaban na dalawa. Hindi ko sineryoso masyado dahil halata sa kaniya na hindi talaga siya para sa pakikipaglaban. Although may galaw siya, mukhang takot lang talaga siyang makapanakit ng iba. Hindi gaya ko. Kalaunan ay pareho kaming sumalampak sa lupa habang nakatingin sa papalubog na araw. Halata mong napagod siya sa ginawa namin na halos maligo na siya sa sarili niyang pawis. Malalim na rin ang paghinga niya na parang tumakbo nang napakalayo. Inabutan ko siya ng pamunas at ng tubig na tinanggap naman niya bago kami nauwi sa katahimikan. Iba kasi ang katahimikan kapag mag-isa lang ako at kapag may kasama ako. Sa kaniya ko lang yata nahahanap 'to. Kapag kasi ang prinsipe na ang nakausap ko ay laging nauuwi sa bangayan.
"Balita ko ay makakasama ka na ni Rhonwen at ng prinsipe sa mga magiging plano nila," pagbubukas niya ng paksa.
"Oo nga. Pero buong araw akong hindi kinausap ng prinsipe. Hindi ko alam sa kaibigan mo na 'yan kung ano talaga ang gusto."
Mahina siyang suminghal at saka nagsalita. "Gano'n lang talaga ang mahal na prinsipe. Minsan hindi ko rin alam ang tumatakbo sa isip niya pero mukhang desidido na talaga siyang isama ka."
"Masasanay rin siguro ako." Naramdaman kong naging balisa siya kaya naman tinanong ko na kung ano ang problema. Hindi ko alam kung dahil malakas lang ba ang pakiramdam ko o talagang madali lang siyang basahin pero hindi ko na masyadong pinansin.
Mas ayos na rin itong nararamdaman ko ang nararamdaman niya para maging madali ang pagbasa ko sa kaniya. Hindi ko man maintindihan at alam ang sagot ay para bang gusto ko pa siyang makilala nang mas malalim.
"Nababahala lang kasi ako,” aniya.
“Kung sasama ka sa prinsipe upang makipagsapalaran, tiyak na maraming labanan kang makakaharap."
Mahina akong napatawa. "So, nag-aalala ka na sa 'kin ngayon?"
"Oo.”
Bahagya akong napatingin sa kaniya dahil sa mabilisan niyang pagsagot.
“Bilang doctor mo, hindi ako mapapakali kung sakali. Ang mga sugat mo..."
Hindi ko siya pinatapos magsalita at bahagyang tinapik na lang ang ulo niya. "Huwag kang mag-alala. Marami na akong napagdaanan para ngayon pa matakot. Wala pang ni isang armas ang nakakitil sa buhay ko o nakapagpahina sa 'kin. Kung tutuusin ay ito pa ang nagpapalakas sa 'kin."
Umupo siya nang tuwid at saka ako tiningnan nang seryoso.
"Sige, sabihin na nating walang armas o kahit anong patalim ang papatay sa 'yo. Pero hindi mo masasabi kung kailan bibigay ang katawan mo."
Umupo rin ako gaya niya at saka siya pinakinggan.
"You are indeed invincible, but your body is still fragile. Nagagamot kita, oo. Pero hindi ko naibabalik sa dati ang katawan mo. One wrong move... your body will break at wala akong magagawa para magamot iyon."
Napayuko na lang ako. Tama siya. Alam ko ang katotohanan na 'to. Hindi naman ako ignorante para hindi malaman ang bagay na ito noong una pa lang. Hindi ako imortal, tao lang din ako. At ang katawan ko, nararamdaman kong unti-unti na itong nawawarak. Parang isang salamin na unti-unting nagkakalamat. Ginagamot nga ako ni Warlo pero hindi naman ito bumabalik sa dati. Tinatapalan niya lang ang salamin pero hindi niya ito naibabalik sa dati. Kaunting basag pa at tuluyan na nga akong masisira. At wala nang makabubuo pa sa 'kin. Hinawakan ko siya sa balikat. "Hindi pa ako mamamatay. Gaya nga ng sinasabi ng mga matatanda, matagal mamatay ang mga masasamang damo." Tumayo na ako at nagpagpag ng damit ko. "Hindi pa ako mamamatay hangga't hindi ko nahuhuli ang buong Black Knights at hangga’t hindi ko nagagawa kung ano ang gusto ko." Naglakad na ako palayo at iniwan siya roong nag-iisa nang hindi nagpapaalam. Wala na rin naman akong balak na magpaalam. Ayokong mapalapit sa kaniya, o kahit na kanino pa man sa kanila dahil mahirap nang iwan ang mga gaya nila kapag nangyari iyon. Hangga't maaari ay kailangan kong ilayo ang loob ko sa kanila at isipin lang ang mga bagay na nararapat gaya ng Black Knights. Sa mundo kung saan bilang na ang mga araw, wala na akong oras para makipagkaibigan pa.

◘ This is a paid story ◘


Continue reading here ⇒ Arkania's Assassin Gooddess

Post a Comment

0Comments

Post a Comment (0)

#buttons=(Accept !) #days=(20)

Our website uses cookies to enhance your experience. Check Now
Accept !