Chapter 1
The Queen
Shawnna Gaile Arcinue
"What? Anong klaseng batas na naman ba ang sinasabi mo!" pasigaw na tanong ni Jennica. Kasabay niyon ay ang pagtilapon niya sa batong pader dahilan upang masira ito.
Itinaas ko ang kanang kamay ko upang patigilin si Luke. Alam ko namang ipinagtatanggol niya lang ako pero ayoko naman kasi nang may masaktan pa nang dahil sa batas na ipatutupad ko. Alam kong mapanganib pero ako lang naman at hindi sila. Ako lang ang may karapatang tumapak sa mundo ng mga tao.
Nakita kong tutol din ang ilan sa mga narito ngunit hindi pa nagsasalita. Hindi pa naman kasi ako tapos magsalita kaya bakit kailangan nilang sumabat agad? Masyado silang mainipin!
Humawak ako sa batong lamesa sa harap naming lahat. Narito kami sa silid kung saan ginaganap ang mga pagtitipong gaya ng pagpapatupad ng batas at pagbibigay ng parusa sa mga kauri namin. Nakaupo kami ng mga katiwala ko sa isang pahabang lamesa. Gawa iyon sa kulay tsokolateng bato na nakadikit mismo sa sahig. Ganoon din ang mga kinauupuan namin.
Ako ang nasa dulo dahil ako ang nasa pinakamataas na posisyon. Si Luke na aking kanang kamay ay nasa kanang bahagi ng upuan ko. Ang labing dalawa pang mga myembro ay tahimik na nakikinig. Ang ilan ay nagbibigay ng mga suhestiyon samantalang ang iba ay nagtatago ng mga ngiti dahil sa pag-alis ko.
"Walang problema sa 'kin na pumunta ka sa mundo ng mga tao, Lady Shawnna. Pero ano na lamang ang mangyayari sa mundo natin kung aalis ka? Hindi mo gugustuhin kung ano ang mangyayari," nag-aalalang tanong naman ni Rafael, isa sa mga pinagkakatiwalaan ko.
Agad akong napangisi. Mabuti naman at may nagtanong nito.
"Napag-usapan na namin ito ng aking kanang kamay." Saglit kong tinapunan si Luke ng tingin bago ibinalik sa kanila. "Aalis lang ako at doon mamamalagi sa mundong ibabaw, ngunit hindi ibig sabihin ay tatalikuran ko na ang pagiging pinuno ko rito. Ako ang reyna. Kaya wala kayong dapat na ipag-alala," sabi ko sa kanila habang seryoso na ang ekspresyon ng mukha.
"K-kung ganoon, sino na ang mamamahala rito upang sabihan ka sa mga problema?" tanong ni Jennica na mukhang nakabawi na sa pagtilapon mula sa upuan. Pinagpagan niya ang kaniyang itim na roba, ang kasuotang nakalaan para sa aming lahat. Sinamaan niya ng tingin si Luke dahil sa ginawa nito pero hindi na ito pinansin pa ng huli.
"Tungkol doon, aking itatalaga ang kanang kamay ko upang pamunuan ang mundo natin. Lucas Sevilla, ang pinagkakatiwalaan ko sa lahat. Alam kong hindi niya ako bibiguin."
Yumuko naman si Luke nang banggitin ko ang pangalan niya. Nginitian ko siya dahil alam kong 'di niya ako bibiguin. Ilang dekada ko na siyang kasama at palagi siyang nasa tabi ko, tinutulungan ako sa lahat ng tungkuling dapat kong gawin.
Naging payapa ang mundo namin nang ilang dekada. At dahil sa sobrang pagkabagot ay ayoko nang manatili pa rito. Gusto ko namang maglakbay. Gusto ko sanang bitiwan ang tungkulin ngunit wala pa akong tagapagmana. Sa akin iniwan ni Ama ang pamumuno kaya kailangang anak ko ang susunod sa aking mga yapak.
Ang problema, wala naman akong asawa, paano ako magkaka-anak?
"SIGURADO KA NA ba talaga sa plano mo, Lady Shawnna?" tanong ni Luke.
Narito kami sa isang espesyal na silid kung saan ko gagawin ang ritwal upang makapunta sa mundo ng mga tao. Madilim sa buong paligid, walang mga nakadikit sa bawat pader na kulay itim. Tanging estatwa lamang ng isang pigura na may sungay ang nasa harapan namin. Halos kasinglaki namin ito na may lima't kalahating talampakan. Kulay itim iyon at medyo malabo ang pagkakaukit sa mukha.
"Ngayon lang ako naging sigurado sa kahit anong pasya ko, Luke. Huwag kang mag-alala, lagi naman akong mag-iingat sa mundo ng mga tao," sabi ko sa kaniya habang nakangiti. Ayoko kasing mag-alala siya sa 'kin sa gagawin ko. Gusto ko lang naman maglakbay at kalimutan panandalian ang trabaho ko.
"Pero hindi pa rin ako mapakali. Paano kung magkaroon ng aberya? Paano kung may makaalam sa sikreto mo at ipagkalat iyon? Malalagay sa panganib ang buhay mo, Lady Shawnna. Hindi dapat mangyari 'yon," may halong pag-aalalang sabi naman niya sa 'kin.
Bahagya akong napatawa. "Hindi nila ako kayang galawin, Luke. Hindi ako isang ordinaryong tao. At hindi ako isang ordinaryong nilalang. I am a queen."
Bumuntong-hininga siya. "Alam ko, Lady Shawnna. Hindi ko lang maiwasan ang malungkot ngayong aalis ka na. Hindi na kita makikita at mababantayan dahil kailangan naman ako rito," sabi niya, nakayuko na sa gilid ko.
Tinapik ko ang balikat niya. "Huwag kang mag-alala. Babalik naman ako. Hindi naman ako habang buhay mananatili roon. Maglalakbay lang ako, parang bakasyon, tulad ng sinasabi ng mga tao."
Muli niyang binaling sa 'kin ang tingin. "Pero mag-iingat ka roon, Lady Shawnna. Kapag may masamang nangyari, huwag kang magdadalawang isip na sabihan ako. Ako pa rin naman ang iyong kanang kamay, hindi ba?"
Natawa na lang ako dahil para siyang bata kung umasta. Parang hindi siya matanda sa 'kin nang ilang henerasyon.
"Oo naman, Luke! Pwede naman tayong mag-usap madalas kapag wala tayong ginagawa," sabi ko para hindi na siya gaanong mag-alala pa. "Kailangan ko nang umalis. Marami pa akong kailangang ayusin sa magiging tahanan ko sa mundo ng mga tao. Mag-iingat ka lagi rito."
"Mag-iingat ka rin, Lady Shawnna."
Agad akong pumikit at ginawa ang ritwal upang makapunta sa mundo ng mga tao. Hindi tulad ng teleportasyon ay may ritwal na kailangang gawin upang makapunta sa ibang mundo. Naging mas madali pa ito dahil isa akong reyna. Hindi ko na kailangan pa ng pahintulot dahil sa 'kin din naman hihingi nito. Ito ang naging dahilan kung bakit hindi nakapupunta basta-basta ang ilan sa mga kauri ko sa mga mundong gusto nila.
We have rules, after all.
Our consciousness will travel. At doon ako papasok sa isang katawan ng isang tao. Isang tao na hindi nag-eexist. Posible iyon sa tulong ni Luke.
Hindi magtatagal ay maaari ding mag-travel ang buo kong katawan. It's just a matter of time. Kailangan ko lang itago itong mahahabang sungay ko at itim na pakpak. Then, it's done. I can completely travel — with my powers and all that.
Nang matapos ang ritwal ay dumilat ako at nakita ang sarili ko sa loob ng isang maliit na bahay. Sa tingin ko ay apartment ito kung tawagin. Matagal na akong nagmamatyag sa mundong ito kaya marami na akong natutunan. Ang laki na nga ng pinagbago ng mundong ito isang daang taon na ang nakalilipas. Ang bilis ng mga pagbabago rito.
But finally, narito na ako sa mundo ng mga tao, ang Hearth.
Napatingin ako sa pinto nang marinig ko ang sunod-sunod na pagkatok doon.
"Hoy, Shawnna! Magbayad ka na ng upa mo. Ilang buwan ka nang hindi nakakapagbayad! Bilisan mo o gusto mong palayasin kita rito sa pamamahay ko?"
Uminit ang ulo ko dahil sa kawalang respeto ng taong sumisigaw. Hinanda ko na ang sarili ko upang parusahan siya pero naalala kong hindi na nga pala ako si Lady Shawnna sa mundong ito. Isa na lang akong ordinaryong Shawnna magmula ngayon. Hindi ko dapat kalimutan iyon.
Binuksan ko ang pinto at nakita ang isang babaeng may katandaan. Naka-duster ito na maraming disenyong bulaklak at makapal ang lipstick na pula sa labi. May kung anong abubot ang nakalagay sa ulo niya na sa tingin ko ay pampakulot ng buhok.
Kunot-noo ko siyang tiningnan.
"Ano? Tititigan mo na lang ako hanggang sa may lumabas na pera sa harap mo? Bilisan mo na at magbayad!" sigaw na naman niya sa 'kin.
Pumikit ako at nagtimpi. Kailangan kong alalahanin kung sino ako. Mga tao lang sila, Shaw. Wala silang alam.
"P-Pwede ho bang bukas na lang? Hindi pa po kasi ako nakakahanap ng trabaho rito sa mundo ninyo," sabi ko. Agad kong natikom ang bibig ko. Minsan talaga ay may sariling utak 'tong bunganga ko.
"Aba't maka-mundo ka naman diyan! Ano ang akala mo sa 'kin, demonyo?"
Lalong nag-init ang ulo ko sa sinabi niya.
"Pero kung sabagay, magkaiba nga pala talaga ang mundo nating dalawa. Ako tao, ikaw demonyo!"
Imbis na magalit ay napangisi na lang ako. Bakit ang galing manghula ng matandang ito? Hindi naman ako nasabihan na ganito pala sila katalino.
"Bukas ho talaga ay magbabayad na ako. At iwasan ninyo ho ang pagbigkas sa salitang demonyo. Baka magulat na lang ho kayo at sinakmal na kayo ng isa," sabi ko at saka ngumiti sa kaniya nang pagkatamis-tamis.
Minsan lang ako ngumiti, pero kapag ngumiti ako ay marami ang natatakot sa 'kin. Gaya na lang ng matandang ito na parang nakakita ng demonyo. Tumpak! Nakakita ka nga.
Agad kong sinara ang pinto nang hindi siya hinihintay magsalita. Narinig ko ang pagyapak niya palayo kaya nilibot ko ang tingin sa buong bahay. Ang weird pala talaga ng pakiramdam kapag nasa loob ka na. Ibang-iba ang pakiramdam kapag nasa kwartong 'to. Masyadong maliwanag at sobrang makalat. Agad akong naglinis, na hindi ko alam na gagawin ko sa tanang buhay ko.
Kasama na rin sa ritwal ang paggawa ko ng sarili kong pagkakakilanlan sa mundong ito. Wala akong kakilala. Bagong tao lang ako at ayon sa card na nakita ko habang naglilinis ay ako si Shawnna Gaile Arcinue, isang grade seven student sa St. Marcel National High School.
Teka? Masyado naman yata akong bata sa mundong ito? Bakit hindi man lang ako ginawang college, o kaya naman grade ten man lang? May mali ba sa ginawa kong ritwal?
Pero sabagay, wala namang magbabago, basta tao pa rin ako.
Sinubukan kong palutangin ang bagay na nasa harap ko at hindi naman ako nabigo. Iyon nga lang, pakiramdam ko ay nanghihina agad ako. Para akong nahihilo at tila umiikot ang tiyan ko. Huli ko itong naramdaman noong nilunod ko ang sarili ko sa tambak na trabaho at hindi ginamit ang aking dugo.
Isa kasi sa kailangan kong gawin ay ang gumawa ng low class demons gamit lamang ang aking dugo. Sila ang mga nagtatrabaho sa mundo namin, iyong mga mabababaw na trabaho lang kaya hindi sila ganoon kalakas. Hindi naman iyon sapilitan pero malaki naman ang nagiging epekto sa 'kin kapag hindi ko nagawa. Kailangan kong magbawas ng dugo para mapalitan iyon ng bago dahil maaari akong magkasakit. Nawawala kasi ako sa sarili ko kapag nangyari iyon at hindi magugustuhan ninuman kung ano ang pwede kong gawin.
Kailangan ko rin sigurong bawasan ang paggamit ko ng kapangyarihan sa mundong ito dahil hindi magiging maganda ang kalalabasan nito.
Tiningnan ko ang orasan at kumunot ang noo ko. Hindi ko alam kung paano magbasa ng relo. Bibili na nga lang ako n'ong numero na. Iyon naman kasi ang madalas kong makita noong nasa mundo pa ako ng mga demonyo.
And yes, I am a demon, the Demon Queen to be exact.
Hindi tulad sa mga librong nababasa ay hindi naman kami masasama. Hindi ko ba alam sa mga utak ng tao at naisip nilang kalaban kami ng kabutihan. Sa katunayan nga ay para kaming mga anghel na tinutulungan sila kapag may hiling sila. Kami kaya ang naglalagay ng mga bulalakaw sa langit. Hindi iyon simpleng meteor lang na naligaw sa mundong 'to. Kami ang naghuhulog niyon mula sa itaas.
At dahil trabaho namin iyon ay ginagawa pa rin namin, kahit na nilalait kami ng ilan sa mga tao. Kaya nga nandito ako sa mundo nila. Isa sa mga dahilan ay gusto kong ipaalam sa kanila na mababait kami.
Ang problema ko nga lang ay paano? Paano ko sasabihin sa kanila kung hindi rin naman talaga sila naniniwalang nabubuhay nga kami? Iyon lang ang pinaniniwalaan ng ilan para sabihin sa mga bata. Panakot lang naman nila kami.
Gumawa kaya ako ng libro patungkol sa mga tulad ko? Pero hindi naman ako marunong magsulat ng mga kwento kaya paano ko naman gagawin iyon?
Napasabunot na lang ako sa buhok ko. Hindi ko na alam! Basta't itutuon ko na lang muna ang atensyon ko sa paglalakbay sa mundong ito. Hahayaan ko na muna ang mga naiisip nila tungkol sa 'min. Gaya na lang ng ang daming taon na iyong pinaniniwalaan pero wala namang umaangal sa mga kalahi ko. Ako nga lang yata talaga ang may problema tungkol sa kung ano kami sa paningin nila.
Sino ba naman kasi ang matutuwa kapag sinabihan ka na masamang nilalang, hindi ba?
Chapter 2
School
Shawnna Gaile Arcinue
Six AM ako gumising dahil ayon sa schedule ko, Seven AM ang simula ng klase.
Para kaming mga paniki at bampira, sa gabi kami madalas na gising at sa umaga kung matulog. Kaya naman halos papikit-pikit akong bumangon. Sa tingin ko ay kailangan kong sanayin ang sarili ko sa bagong oras ng pagtulog at paggising.
Pinagmasdan ko ang sarili ko sa tinatawag nilang salamin at napagtantong mukha na nga talaga akong tao ngayon sa ayos ko. Imbis na ang mahaba at itim na balabal ang suot ko ay naka-school uniform na ako.
Kulay asul ang palda naming kita ang tuhod, lagpas siko naman ang haba ng sleeves ng puting pang-itaas at ang ribbon na nakalagay sa leeg ko ay hindi ko maitali nang maayos.
Hindi ako sanay!
Hinayaan ko na lang iyong nakasabit sa 'kin at saka nagsuot ng itim na sapatos. Tiningnan ko ang laman ng kulay itim kong bag at nakita ang mga papel doon. May mga libro rin at isang notebook na makapal.
Unang araw ko sa klase kaya naman kailangang maaga ako. Ayoko namang isipin nilang isa akong pasaway na estudyante.
Itinaas ko ang kanang kamay ko, handa na para mag-teleport, nang mapagtanto kong isa nga pala akong tao. Agad kong binaba ang kamay ko at nagsimulang maglakad. Nasa utak ko na kung saan ang daan kaya naman hindi na ako nahirapan. Sobrang lapit lang naman kasi.
Nakita ko ang mga estudyanteng gaya ko na kararating lang. Tulad ko ay kulay asul rin ang suot nilang uniporme. Sa mga lalaki naman ay berde na pantalon. Hinanap ko ang logo ng St. Marcel at nakitang nasa laylayan iyon ng damit sa kaliwa. Sa pagkakaalam ko kasi ay dapat sa dibdib iyon.
Nang madaanan ko ang gwardya ay bahagya pa akong natigilan, nagdadalawang isip kung babatiin ko ba. Sa huli, ngumiti ako at saka siya binati ng magandang umaga. Hanggang sa makarating ako sa gym – kung saan gaganapin ang orientation – ay nakangiti ako sa mga estudyante na nadadaanan ko. Lahat sila parang natatakot sa 'kin.
Nang may nadaanan akong CR habang papunta sa gym ay pumasok muna ako. Mabuti na lang at walang ibang tao roon kung hindi ako lang.
Sinubukan kong ngumiti habang nakatingin sa harap at napagtanto kong nakakatakot nga talaga akong ngumiti lalo na kapag pinipilit ko. Sumeryoso naman ako ng tingin sa harap, mas ayos kaysa sa nauna kong ginawa.
"Sa tingin ko hindi na lang ako ngingiti masyado dahil mukha akong clown na hindi matae," bulong ko na lang sa sarili ko at saka muling lumabas ng CR.
Nagderetso ako at saka nakihalo sa mga tulad kong freshmen. Hindi ko inaasahang ganito pala ang pakiramdam. Sobrang nakakabagot nga talaga ang mga ganito. Akala ko naman ay masaya. Akala lang pala.
Itinuro sa amin ang magiging room namin at nakita ko na ang mga magiging kaklase ko sa mga susunod buwan. Sa dulo ako ng room naupo para makita ko ang lahat ng uri ng mga tao.
Hindi ko maiwasan ang mapaisip. Kung ako pala ang makikihalo sa kanila ay baka hindi ako makasunod. Marami kasi sa kanila ang napakadaldal at ang iba naman ay napakatalino. Hindi ko alam kung saan ako nabibilang na grupo kaya naman tumahimik na lang muna ako. Sanay naman na akong mag-isa lang – or not?
Naalala ko tuloy si Luke na laging nakasunod sa 'kin. Dati ay naiirita ako sa pagsunod-sunod niya pero ngayon naman hindi ko inaasahang hahanapin ko rin pala. Ngayon alam ko na kung ano ang pakiramdam kapag mag-isa ka lang. Hindi maganda ang pakiramdam.
"Uy! Alam mo ba iyong balita? May bago na naman 'atang biktima si Ms. Pangil."
"Oo nga. Kinilabutan nga ako noong narinig ko na naman iyong pangalan niya sa TV kagabi."
"Grabe! Nakakatakot kaya. Hindi ako nakatulog nang maayos dahil do'n!"
Ms. Pangil? Ang weird naman ng name niya. Sino naman kaya itong pinag-uusapan ng mga kaklase ko? Kung masamang loob man ang tinutukoy nila, hindi naman yata angkop ang Ms. Pangil.
Hindi ko na nagawang magtanong dahil may pumasok na kalbong sa tingin ko ay ang guro namin.
"Good morning, class."
"Good morning, Sir."
Para akong batang namangha nang marinig ko ang mga kaklase ko. Wala lang. Natutuwa lang akong kabilang na ako sa mga nagsasabi nito.
"My name is Mr. Raemon Mendoza and I will be your adviser for this school. Let's have a blast, 7-2!" biglang sigaw ng bading pala naming guro.
Nagsigawan din ang mga kaklase ko pero hindi na ako nakisigaw. Kaya na nila iyan.
Napapailing na lang ako dahil sa mga bagay na hindi ko inaasahan. Tulad nitong guro naming akala ko maskulado, sirena pala. Napakalaki kasi ng katawan niya na parang regular sa gym.
Isa-isa kaming nagpakilala sa harap at this time, hindi na talaga ako ngumiti. Baka naman kasi matakot na naman sila sa 'kin. Kaya as much as possible, huwag na lang. Hindi rin naman masama kung maging seryoso akong tipo ng tao.
"Sir! May gusto lang po akong itanong," ani kaklase kong maingay, si Janus.
"Ano naman iyon?"
"Nabalitaan ninyo po ba iyong tungkol kay Ms. Pangil?" tanong niya kaya muling nag-ingay ang mga kaklase ko. Base sa reaksyon nila ay ako na lang ang hindi nakakakilala sa kaniya.
"Quiet, class!" bulalas ni Sir. "Of course, I heard. Sino ba naman ang hindi makakakilala sa kaniya, hindi ba? Ang dami na niyang napatay. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin siya nahuhuli."
"Sir, hindi po ba parang nakakatakot naman?"
"Oo nga naman, Sir. Hatid-sundo na tuloy ako ng parents ko dahil sa nangyayari."
"Hindi naman natin maiiwasan ang mga ganoon. Tulad ng sabi sa balita at kanina sa orientation, kailangang doble ingat tayong lahat. Kung maaari nga ay triple. Huwag kayong maglalakad mag-isa lalo na kapag gabi na. Magpasundo kayo kung maaari." Hindi ko yata narinig kanina ito no'ng orientation dahil masyado akong occupied sa pagsipat ng paligid.
"Sir, ano ba kasi talaga iyon? Bakit marami ang nagsasabing hindi naman siya tao? Totoo po ba iyong mga kakaibang nilalang?" Yes, dear. And one of them is your classmate.
"No one knows, Iho. Pero hindi totoo ang mga kakaibang nilalang na tinutukoy mo. Ayon naman sa balita, isa lang siyang psychopath na pumapatay."
Natapos ang klase namin sa kaniya nang si Ms. Pangil lang ang pinag-uusapan namin. Nakatuon din doon ang atensyon ko dahil na-curious ako. Psychopath? Grabe naman kung ganoon. Pero bakit parang kakaiba ang pakiramdam ko sa isang ito? Bakit parang hindi lang simpleng psychopath ang Ms. Pangil na iyon? Hindi ba at madali lang nilang mahuhuli ang psychopath na iyon kung sakali dahil hindi naman gaya sa mga libro na scripted, mga simpleng tao lang din sila na nawala sa katinuan.
And why do I have this urge to know who this Ms. Pangil is?
NANG MAG-BREAK TIME namin ay dumeretso ako sa canteen. Tulad ng inaasahan ko ay rito sila kumakain. Masyadong crowded. Ayoko ng ganito. Gusto ko ay mag-isa lang ako at ayoko nang may nakatingin sa 'kin kapag kakain ako. Iyon na ang nakasanayan ko sa mundo namin.
Um-order na ako ng pagkain ko at saka umakyat sa hagdan na nakita ko sa isang gilid. Doon na lang ako kakain sa kung saan patungo ang hagdan na ito. Basta walang ibang tao kung hindi ako lang. On second thought, not a human but a demon.
Agad akong naupo sa isang gilid nang makarating ako sa parte ng school na ito na walang laman kung hindi nag-iisang upuan at sira pa. Open space ito at hindi ako pwedeng magkamali, ito ang rooftop. Wala ngang nagpupunta rito dahil wala namang pwedeng ibang gawin kung hindi ang tingnan ang tanawin.
"What are you doing here?" tanong bigla ng isang babaeng kadarating lang.
Sinipat ko siya at mukhang kaedad ko lang siya – what the hell am I saying? Kaedad? I mean, para rin siyang Grade Seven gaya ko. She's looking at me like I'm the most boring thing in the world. Ano ba ang problema niya?
Tiningnan ko ang pagkain ko at saka ibinalik ang tingin sa kaniya. "Obviously?" sarkastiko kong sabi sa kaniya pero hindi na niya ako pinansin. Seriously? Parang timang naman ang taong ito.
Hindi ko na lang din siya pinansin at pinagpatuloy na lang ang pagkain ko. Kung wala siyang pakialam sa 'kin ay ganoon din ako sa kaniya. Mukhang hindi naman siya friendly kaya hindi rin ako magiging friendly sa kaniya.
Ilang minuto pa at busog na ako. May natira pang pagkain sa binili ko kaya itatapon ko na lang. Pero bago pa ako tumayo at umalis ay nakita ko siyang nakaupo sa isang sulok at nakahawak sa tiyan niya na parang namimilipit sa sakit.
Muli akong napatingin sa pagkain na hawak ko, na itatapon ko sana.
Napairap na lang ako sa loob ko dahil sa kung anong naiisip ko. I'll just play the good girl here.
"Here." Sabay abot ng pagkain ko sa kaniya.
Napatigil siya sandali at saka dahan-dahan akong tiningnan. Imbis na ang pagkain ang tingnan niya ay ako ang tinapunan niya ng tingin. Iyon na naman ang mga tingin niya. Parang bored na bored siya sa pagtingin sa 'kin.
"Walang lason iyan kaya kainin mo na," sabi ko.
Ilang sandali pa ay tumayo siya at saka nagmamadaling umalis sa rooftop. Hindi na naman niya ako pinansin! Ano ba ang problema ng taong iyon? Mukha na nga siyang dukha at pinapakain na, ayaw pa niya. Ewan ko ba sa taong iyon! Isang weirdo pa ang makikita ko sa lugar na ito.
Sa mga nababasa kong libro ng mga tao noon, isang lalaki ang nakikita ng mga bida at doon magkakatuluyan sila sa huli. Akala ko pa naman ay makakahanap na ako ng lalaking tutulong sa 'kin para magkaroon ng tagapagmana.
Napabuntong-hininga na lang ako at iniwan ang pagkain ko. Malay mo bumalik siya at nahihiya lang kunin sa 'kin.
Bumaba na ako ulit, still wearing my poker face, at saka dumeretso sa room namin. May mangilan-ilan na ang naroon at nagdadaldalan pero nakaramdam ako ng pagod at antok. Hindi naman kasi ako sanay nang gising sa umaga.
Sa hindi malamang dahilan ay bigla na lang ako nakatulog habang nakaupo at nakadukmo sa lamesa.
"MS. ARCINUE? MS. ARCINUE!"
Napadilat ako nang dahan-dahan dahil sa narinig kong tumatawag sa 'kin. Bigla na naman akong nainis dahil ang ayoko sa lahat ay iyong ginigising ako sa oras ng pahinga ko.
"Ano ba 'ng kailangan mo? Nakita mong nagpapahinga ako! Hindi mo ba nakikita?" sigaw ko sa taong nanggising sa 'kin at saka siya tiningnan nang masama.
Nakita ko ang takot sa mukha ng taong kaharap ko. Ilang segundo pa at nilibot ko ang tingin sa paligid. Saka ko lang napagtantong nakatingin na pala silang lahat sa 'kin na mukhang nagulat at natakot din sa naging reaksyon ko.
Nahihiyang napakamot ako sa batok ko. "S-Sorry po! Ang ganda kasi ng panaginip ko, Sir. Matapos ko raw matalo iyong demonyong nakaharap ko ay knock out rin ako at sa sobrang pagod ko ay nakatulog ako. Ayun!" Sinubukan ko pang tumawa pero nabigo rin ako.
"O-Okay. You may sit down. Next time, ayokong makikitang natutulog ka sa klase ko."
"Yes, Sir. Sorry po talaga."
Napaupo na lang ulit ako sa silya ko at saka umiling. Ngayon lang ako nag-sorry nang ganito sa tanang buhay ko dahil kahit na ako ang may kasalanan ay sila pa rin ang nagso-sorry sa 'kin. Hayy! Kailangan ko na talagang masanay.
Matapos ang araw ko sa school ay umuwi na ako. Pero bago iyon ay may lumapit sa 'king isang maliit na babaeng sa tingin ko ay isa ring grade seven na gaya ko.
"Hello po! Gusto ko lang po sana itanong kung interesado kang sumali sa dance club? Nagre-recruit po kasi kami." May ibinigay siya sa 'king poster na sa tingin ko ay poster ng sinasabi niyang dance club.
"Ahm... pag-iisipan ko muna. Bukas ko na lang sasabihin kung papayag ba ako o kung hindi," sabi ko na lang kahit wala naman talaga akong balak na sumali.
"Ganoon ba? Sige, ako nga pala si Ria. Sana sumali ka, kailangan kasi namin ng bagong mga myembro," muli niyang sabi at saka nagpaalam sa 'kin.
Tinitigan ko ang poster na ibinigay niya at saka napaisip. Paano kaya kung sumali ako? Tutal alam ko naman sa sarili kong marunong ako. Pwede itong maging hakbang para sa plano kong maki-blend in sa mga tao. Baka rito na ako matuto kung paano makisalamuha sa ibang tao. Mukhang failed na kasi ako umaga pa lang.
"Why not, right?" tanong ko sa sarili ko at saka itinago ang papel sa bag ko.
Chapter 3
Joseph
Shawnna Gaile Arcinue
Panibagong araw na naman ang gugugulin ko sa school kaya maaga akong gumising. Hindi ko kasi alam kung saan sisimulan ang paglalakbay ko kaya naman naisip kong manatili na muna sa school pansamantala.
Kung ma-iinvolve din ako kay Ms. Pangil ay mas mabuti dahil magkakaroon ng kabuluhan ang buhay ko. Napanood ko kasi siya sa TV kagabi at nalaman kong ang dami na pala talaga niyang napapatay. Ayoko naman ng ganoon dahil kahit papaano ay tao pa rin ang pinapatay niya. Wala na akong pakialam kung tao nga ba siya o hindi. Mas inaalala ko ay kung baka kalahi ko siya, mananagot talaga siya sa 'kin.
"Lagot ka sa 'kin, Ms. Pangil. Mata lang ang walang latay," sabi ko sa harap ng salamin. Plano ko kasing maglakad mamaya pauwi pero hahayaan ko munang dumilim para mas effective.
Lumabas na ako ng apartment ko at ni-lock ang pinto. Buti na lang at nakapagbayad na ako sa matandang iyon kung hindi ay baka kinalabog na naman niya ang pinto ko. Kailangan ko rin palang maghanap ng trabaho para magkaroon ng pera. Sa pagkakaalala ko kasi ay sa pera umiikot ang mundong ito. Walang mangyayari sa 'kin kung wala akong pera. Ayoko namang gamitin na naman ang kapangyarihan ko para lang gumawa ng papel na 'yon.
"Ano kayang trabaho ang makukuha ko sa edad kong ito?" bulong ko sa sarili ko. Napatingin ako sa paligid ko, nagbabaka sakaling makakita ako ng naghahanap ng trabahador.
Habang nililibot ko ang tingin ko ay nakaamoy ako ng isang mabangong aroma. Hindi ko alam kung ano iyon kaya naman sinundan ko. Para akong aso na amoy nang amoy sa paligid pero hinayaan ko na. Hindi naman ako napapansin ng ibang tao sa ginagawa ko.
"Dabb's Coffee shop?" basa ko sa isang tindahan kung saan ko naaamoy ang mabangong aroma na iyon. Hindi ba ang coffee ay isang uri ng inumin? Kung tama ang pagkakaalala ko.
Pumasok ako at narinig ang chimes na nagmumula sa pinto.
Napatingin sa akin ang isang empleyado at agad na ngumiti. "Good morning, Ma'am! Welcome to Dabb's Coffee Shop," sabi niya.
Napatingin ako sa nameplate niya at nabasang siya si Sue. Napatingin ako sa itaas kung nasaan ang listahan ng mga kape na ibinebenta nila. Nakakita rin ako ng ilang mga tinapay na kasama rin sa ipinagbibili. Napakunot ang noo ko dahil sa mahal ng mga iyon.
"Pwede ba akong magtanong kung naghahanap kayo ng pwedeng magtrabaho sa shop ninyo?" tanong ko na lang dahil wala naman akong pera na pambili.
Para naman siyang natauhan at agad na pumalakpak ng isang beses. "Tamang-tama! Sandali lang at tatawagin ko ang manager namin, a?" tanong niya sa 'kin kaya naman tumango ako sa kaniya.
Pumasok siya sa isang pinto na may nakalagay na For Authorized Staffs Only. Sa tingin ko ay nandoon ang manager na tinutukoy niya.
Naupo muna ako sa isang silya na nasa harap ng cashier table. Mayroon kasi roon na mataas na upuan. Mabuti na lang at kahit papaano ay biniyayaan ako ng height.
Muli akong napatingin sa pinto nang bumukas iyon.
"Pwede kang pumasok dito para kausapin si manager," sabi niya sa 'kin nang malawak ang pagkakangiti. Agad akong tumayo para pumasok sa loob.
Pagpasok ko ay agad akong napatingin sa taong kaharap ko ngayon – or should I say, nilalang na kaharap ko ngayon.
"Queen Shawnna, it's been decades since we've seen each other," ani Joseph sabay yuko sa harapan ko, isang kakaibang nilalang din na gaya ko – a werewolf.
"Joseph, hindi ko inaasahang nandito ka," sabi ko at saka siya pinaayos ng tayo. Hindi ako isang reyna ngayon. Ako ay isang ordinaryong tao lang sa mundong 'to.
Nalaman ko sa kaniyang ang mundo ng tao ang kanilang tirahan ngayon matapos ang nangyaring pagwasak sa mundo nila noon. Sa mundo nila ay werewolves at vampires ang naninirahan pero hati ang mundo sa dalawa para maiwasan ang gulo. Hindi ko na alam kung ano ang balita sa kanila matapos ang trahedya.
"Maupo ka, Mahal kong Reyna," aniya.
"Huwag mo na akong tawagin na ganiyan, Joseph. Isa na akong ordinaryong nilalang gaya mo. Wala naman tayo sa kaharian ko kaya kalimutan mo na," sabi ko sa kaniya at saka naupo sa kaharap niyang silya.
"Pero nakasanayan ko na rin kasi iyon. Ayoko namang mawalan ng respeto sa iyo," sabi niya sabay yuko na naman sa 'kin.
Napailing na lang ako. "Ikaw ang bahala pero pwede mo namang akong tawagin kahit na Shawnna na lang," pagpilit ko sa kaniya. Kung siya ang magiging manager ko ay baka magtaka sila kung bakit magalang siya sa isang empleyadong gaya ko. To think na isa lang akong grade seven student.
Yeah, I know right.
"Ano nga pala ang ginagawa mo rito sa coffee shop ko, S-Shawnna? Ang sabi ng empleyado ko ay gusto mong magtrabaho rito?" sabi niya. Mukhang naiilang siya na tawagin ako sa pangalan lang pero kailangan niyang masanay. Ayokong mabuking nang maaga.
"Tungkol pala roon, gusto ko sanang magtrabaho dahil ayokong gamitin ang kakayahan ko para magkaroon ng mga bagay na kailangan ko rito."
"Gusto ko sanang itanong sa 'yo. Ano naman ang plano mo at gusto mong manirahan sa mundong ito? Nakausap ko si Luke at nais mo raw pong maglakbay. Bakit naman sa mundo pa ng mga tao? Pwede namang sa mundo ng mga duwende o kaya naman ng mga diwata," suhestiyon niya.
"Matagal ko nang gustong magpunta sa lugar na ito, Joseph. Bagot na bagot na rin kasi ako sa mundo namin kaya ito ako."
"Hindi ba at mapanganib ang ginagawa mo, Shawnna?"
"Alam ko namang mapanganib, kaya nga hangga't maaari ay gusto kong maging normal. Hindi ako gagamit ng kahit anong kapangyarihan maliban na lang kung kailangan ko talaga."
"Kung ganoon, pwede naman po kitang tulungan. Dito ka na lang magtrabaho para hindi ka na mahirapan."
"Talaga? Malaking tulong talaga ito, Joseph. Maraming salamat!"
"Walang anuman po, Mahal na Reyna."
Tiningnan ko naman siya nang masama dahil iyon na naman ang tawag niya sa 'kin.
Humingi agad siya ng tawad at saka kami lumabas para sabihin kung ano ang magiging trabaho ko. Kinausap naman niya si Sue at mukhang gusto pa akong gawin ni Joseph na cashier girl kaysa waitress.
"Okay lang naman kahit ako ang maging waitress. Hindi mo siya kailangang tanggalin sa nakagawian niya," singit ko sa kanila.
"Pero mahal na – aherm – mahirap ang trabaho ng mga waitress kaysa cashier," sabi naman niya sa 'kin.
Napabuntong-hininga na lang ako dahil sa sinabi niya. Sinabi ko na ngang gusto ko maging normal na nilalang pero mukhang hindi naman niya ako naintindihan.
"Ayos lang. Pwede ko namang pag-aralan kung paano, hindi ba, Joseph?" Binigyan ko siya nang isang nakamamatay na tingin para hindi na siya makaangal pa.
"Ah, tama. Masusunod," aniya.
Napailing na lang ako sa loob ko. Hindi ko sana gustong gamitin ang pagiging pinuno ko pero kasi naman, kung hindi siya titigil ay mas lalong manghihinala ang mga tao sa paligid. Ayokong magpaka-VIP, 'no! E 'di hindi na naging normal pa iyon.
Inihabilin pa niya ako kay Sue bago siya tuluyang bumalik sa kwarto niya. Nginitian ako ni Sue kaya tumango lang ako sa kaniya. Ayoko namang matakot siya sa ngiti ko, baka mag-resign pa siya nang wala sa oras.
"Huwag mo na pansinin iyong boss mo masyado, a? Pareho lang tayong trabahador dito kaya huwag ka mag-alala," sabi ko sa kaniya dahil mukhang magkakaroon ako ng isang VIP treatment.
"Nagtataka nga ako kung bakit ganoon ang pakikitungo niya sa 'yo. Magkakilala ba kayo?" tanong niya sa 'kin.
"Parang ganoon na nga. Hindi ko akalain na sa kaniya pala itong coffee shop na ito. What a coincidence!"
Nagkwentuhan pa kaming dalawa at nalaman kong mas matanda siya sa 'kin ng limang taon. Ibig sabihin ay grade twelve na siya at disi-otso anyos. Gusto ko sanang sabihing ilang daang taon na ako pero huwag na lang. Pagtatawanan niya lang ako panigurado.
Isinuot ko na rin ang uniporme nila rito na parang apron lang din naman. May nakalagay roon na Dabb's Coffee Shop at ang simbolo nila. Agad kong nilapitan ang isang costumer na kapapasok lang at hiningi ang kanilang order. Again, hindi ako ngumiti. Baka hindi na sila bumalik kapag ginawa ko iyon.
Napatapik ako sa noo ko nang makita ko ang orasan. Bakit nga ba nakalimutan kong nag-aaral nga pala ako? Nasanay kasi ako na ganito sa mundo namin. Kapag may panibagong problema ay doon ko itutuon ang atensyon ko. Nakakalimutan ko tuloy ang mga nauna kong problema.
"Sue, kailangan ko na umalis. Pakisabi na lang sa boss mo na kailangan kong pumasok. Bukas ko na lang siya kauusapin. Pasensiya na," sabi ko sa kaniya at saka inilapag ang apron sa isang gilid. Hindi ko na narinig ang sinabi niya dahil nagmamadali na akong lumabas.
Late na ako sa una at pangalawa kong subjects.
Pagkarating ko ay mukhang break na naman kaya tumambay na muna ako sa canteen. Hindi na ako kumain dahil busog pa naman ako. Tiningnan ko lang ang mga tao sa paligid at saka nagmasid nang may biglang naupo sa harap ko.
"Ate, remember me?" tanong niya habang nakangiti nang malapad. If I'm not mistaken, she's Ria. Iyong nag-alok sa akin na sumali sa dance club kahapon.
"Ah, yes. Of course. Hindi kita nakalimutan," sabi ko sa kaniya at saka tumango-tango.
"So, ano? Sasali ka na ba? Kanina pa kita hinahanap pero mukhang kapapasok mo lang."
"Yes, late kasi ako ng gising?" patanong na sabi ko sa kaniya kaya natawa siya. "And yes, gusto kong sumali." Tiningnan ko siya sa mata nang malalim. I expected her to get scared pero mas lalo lang lumapad ang pagkakangiti niya.
"That's great! Mamayang uwian ay magkakaroon ng meeting. Sabay-sabay ang uwian ng lahat kaya naman sa tingin ko ay free ka. Saglit lang naman iyon. Parang registration pa lang at kaunting sayaw," sabi niya sabay kindat. Medyo malakas ang boses niya kaya naman napapatingin ang ilang tao sa tabi namin.
"Ah okay. I'll take note of that. And please, lower down your voice," sabi ko sa kaniya na ikinatawa niya nang malakas. Mukhang hindi niya naintindihan ang gusto kong mangyari.
"You know, Ate, you remind me of someone. Kaibigan ko siya at ganiyan din siya makitungo. Cold... and a little scary," seryosong sabi niya pero agad din namang natawa dahil sa sinabi.
"Ahm... okay."
Narinig ko na ang bell hudyat na tapos na ang break kaya naman tumayo na ako.
"Kailangan ko na umalis para sa susunod kong subject. Kita na lang tayo mamaya," sabi ko at hindi na ulit hinintay ang sasabihin pa sana niya.
Tumakbo na ako patungo sa second floor at saka dumeretso sa room namin. Nakita kong medyo nagulat ang mga kaklase ko na makita ako at may ilang feeling close na sumigaw, "Aga natin Shawnna, a? Aga natin para sa pangatlong subject." Isa sa mga maiingay kong kaklase.
"Na-late kasi ako ng gising kaya kapapasok ko lang," pagsisinungaling ko.
Natawa siya sa 'kin at saka ako nilapitan at inakbayan. Medyo napatingin pa ako sa kamay niya na nakaakbay sa 'kin.
"Ayos lang iyan, bro. Wala pa naman tayong ginagawa," sabi niya sabay tawa na naman. "Ako nga pala si Brixther, nice to meet you!"
Kinuha ko ang kamay na nakalahad sa harap ko at nakipag-shake hands. "Shawnna. Kahit na alam ko namang kilala mo na ako," sabi ko na ikinatawa na naman niya. Hindi naman siya masiyahin, 'no?
"Yes, mabilis kasi akong makaalala ng mga pangalan lalo na kapag interesado ako," sabi niya sabay kindat sa 'kin.
Napangisi ako.
"I guess you're interested in me, then," sabi ko na medyo ikinagulat pa niya.
"Woah! Hindi ko inaasahan na sasabihin mo iyan pero masyado ba akong halata?" natatawa niyang sabi na ikinailing ko.
"Not really. Kilala ko lang kasi ang mga tulad mong lalaki," sabi ko.
"Aw, girl. I like you already," bulong niya sa 'kin pero umalis na ako. Naalala kong masyado pa siyang bata para sa mga ganito. Ayokong makasira ng future dahil sa kalandian ko. I like older guys.
Pagkaupo ko sa silya ay napahinga ako nang malalim. Inaantok na naman kasi ako. Ayoko namang matulog dahil si Mr. Sanchez na naman ang guro namin, iyong nakahuli sa 'king natutulog. Baka mapalabas na ako ng room kapag nagkataon.
Napansin kong may nakatingin sa 'kin at nang tingan ko ay iyong kaklase kong tahimik din pala. Kumunot ang noo ko dahil hindi ko alam kung bakit siya nakatingin pero hinayaan ko na lang. I'm not really interested with innocent guys. Hindi na ako bata para sa kanila.
Chapter 4
The Police
Shawnna Gaile Arcinue
"Have you heard? May bago na namang biktima si Ms. Pangil. May nakita na naman sa leeg ng bangkay na parang kagat ng bampira!" bulalas Brixther sa amin.
"Again? Nakakailan na iyan, ah? Hindi pa ba nahuhuli?" sabi naman ni Rachel na barkada ni Brixther.
"Malamang! Makakapatay pa ba iyon kung nahuli na?" pambabara naman ni Rochelle na kambal ni Rachel, barkada rin ni Brixther.
Hindi ko alam kung bakit nakasama ako sa kanila pero hindi naman siguro masamang sumabay sa kanila paminsan-minsan tuwing lunch. At isa pa, ayoko namang tanggihan ang alok kanina ni Brixther na sumama sa kanila. Baka ito na ang simula ng pagkilala ko sa mga tao.
"Ikaw Shawnna, ano ang masasabi mo kay Ms. Pangil?" tanong naman ni Brixther sa 'kin, trying to make me join their conversation. Wala naman sigurong masama kung sasabihin ko kung ano ang sa tingin ko, hindi ba?
"Weird name... and interesting," sabi ko habang nakatitig sa iniinom ko.
"Interesting? Hindi ka ba natatakot sa kaniya?" tanong ulit niya. Ow, kung alam mo lang, my dear. There are so many creatures that are scarier than that psychopath!
"Nope," I said, popping the letter P. "Naisip ko lang, kung isa siyang psychopath na pumapatay, why is she still alive?" tanong ko at saka tumingin sa kanilang tatlo. "Hindi ba dapat, mahuli na siya agad? She's just human like us, after all."
"You have a point. Pero sa tingin ko, matalino itong si Ms. Pangil kaya madaling makatakas, e."
"You're right, Brixther. Interesting nga pero nakakatakot pa rin," ani Rachel na hinimas pa ang braso dahil sa kilabot.
"Sana nga mahuli na siya para naman mabawasan na ang mga namamatay," ani Rochelle, nakapangalumbaba na sa lamesa na para bang ang topic namin ay hindi kailanman mapupukaw ang interes niya.
But my opinion's not the same.
"At least nababalanse niya ang pagrami ng populasyon sa mundo. Hindi naman pwedeng buo na lang nang buo ang mga tao," I said aloud, unconsciously.
Agad napatingin sa 'kin ang tatlo. Nakita kong napangisi si Brixther dahil sa salitang ginamit ko habang nanlalaki naman ang mga mata ng kambal.
Nagkibit-balikat ako. "What? Totoo naman, 'di ba?" tanong ko na parang wala akong kakaibang nasabi.
"Damn!" pabulong na bulalas ni Brixther habang malapad na naman ang pagkakangiti at inihihilamos ang kamay sa mukha.
Hindi na naman sila nagsalita at kumain na lang. Mangha namang tumitig sa 'kin si Brixther – walang pakialam kung nakikita ko ang bulgar niyang pagtitig. Hindi ko na lang pinansin at saka inubos ang inumin ko.
Inaayos ko na ang gamit ko para sa uwian. Sasabay raw sina Brixther sa 'kin pero sinabi ko sa kanilang may meeting kami para sa dance club. Hindi nakatakas sa 'kin ang pagkadismaya sa mukha ni Brix pero hinayaan ko na lang.
What have I done to this kid? Kasalanan ko 'to, e.
Pagkalabas ko pa lang ng room ay nakita ko na agad si Ria na hinihintay ako. Nang makita niya ako ay agad siyang napangiti at lumapit sa 'kin. Parang lagi siyang hyper kung titingnan mo. Parang hindi napapagod sa katatalon-talon niya.
"Tara na?" tanong niya sa 'kin.
"Sige, tara!"
Habang naglalakad kami papunta sa dance studio ay naisipan kong itanong kung ilang taon na siya. Naalala ko kasing tinawag niya akong ate kanina kaya pakiramdam ko ay elementary ang isang ito. Ang tanong ay kung ano ang ginagawa niya rito sa Sidon International High School na paaralan?
"Ria, right?"
"Yes, Ate!" Iyan na naman ang high pitched na boses niya.
"Ilan taon ka na?"
"Twelve! Ikaw, Ate?" tanong niya na parang nahihiya pa. 653 na ako, bata.
"Thirteen. Mas matanda pala ako sa iyo ng isang taon kaya hahayaan kitang tawagin akong ate."
"Ay gano'n po ba? Sorry kung ganito ako umasta. Isip-bata kasi talaga ako kahit ano ang gawin ko."
"Okay lang. Sa tingin ko naman ay masasanay din ako sa iyo."
Natawa siya sa sinabi ko pero hindi na rin naman nagkomento pa.
Ilang sandali pa ay narating na namin ang studio at nakitang naroon na ang karamihan sa mga kasali. Hindi ganoon karaming myembro pero hindi rin naman kaunti. Sakto lang para sa isang dosena.
Pinagsulat lang kami ni Carmen sa isang papel, siya raw iyong magiging instructor namin sa buong taon. Isa rin siyang guro pero ayaw niyang magpatawag ng miss o ma'am. Gusto niya raw ay ate pero hindi ko siya tatawaging ganoon kahit na grade ten na siya. Mas matanda pa nga yata ako sa lola ng lola niya.
"Hindi na muna tayo magpa-practice ngayon dahil masyado pang maaga pero starting next week, kailangan na nating magsimula para sa intrams. Isang oras lang naman ang practice natin araw-araw dahil bawal tayong gabihin. Alam ninyo naman siguro ang tungkol kay Ms. Pangil, hindi ba?"
Ito na naman sila kay Ms. Pangil. Lagi na lang siyang nadadamay sa usapan. Kung kumakain lang iyon ngayon, paniguradong nabilaukan na iyon at namatay. Kahit sino ang makasama ko at kahit saan yata ako pumunta ay siya ang topic. Mas lalo tuloy akong na-curious sa kaniya.
Hindi naman nagtagal ay pinauwi na rin kami. Sumasakay pa raw sa jeep si Ria pauwi kaya naman hindi na ako sumabay sa kaniya. Dadaan na lang ako sa coffee shop dahil hindi ko naman nasabihan si Joseph kanina. Baka kung ano na naman ang isipin niya.
Nang makarating ako ay agad kong nakita ang cashier pero hindi ito si Sue. Kumunot ang noo ko.
"Good afternoon, Ma'am. Welcome to Dabb's Coffee Shop!" bati niya rin sa 'kin habang may malawak na mga ngiti sa labi.
Tinanguan ko siya at nagtuloy sa kwarto ni Joseph nang pigilan niya ako. "Ma'am, for authorized staffs lang po ang kwarto na iyan."
Imbis na sagutin siya ay tinawag ko si Joseph gamit ang isip ko. Agad naman siyang lumabas sa kwarto at medyo yumuko sa 'kin nang hindi napapansin nitong lalaking cashier.
"Nandito ka na pala. Ken, siya si Shawnna, isa siyang waitress. Hindi mo siya nakilala kanina dahil umalis siya para pumasok sa eskwela," ani Joseph.
"Ay gano'n ba? Hindi mo naman kasi sinabi agad kaya akala ko kung sino. Ken Holmes nga pala. Hindi ko kamag-anak si Sherlock, ah? Coincidence lang na magkaapelyido kami," nakangiting bati niya at pagpapakilala sa 'kin.
"Shawnna Arcinue. Sorry kung hindi ako nakapagpakilala kanina, akala ko kasi nasabi na ni Joseph sa 'yo ang tungkol sa 'kin," sabi ko sabay baling kay Joseph.
"Sorry, Shawnna."
"Ayos lang, Boss! Ano ka ba!" sabi ko naman sa kaniya.
Hindi ko talaga maiwasan ang bossy kong boses kung minsan. Nasanay na rin kasi ako. Kailangan ko sigurong pagtuonan ng pansin ang pananalita ko.
"Sige, balik na tayo sa trabaho natin dahil mukhang ganitong oras maraming costumers," sabi ko na lang para naman hindi na kami mahalata pa.
Agad kong sinuot ang apron at saka lumapit sa ilang costumers na kalalapit lang. Sa buong pagtatrabaho ko ay nalaman kong madalas na take out lang ang mga kape at cakes. Madalang lang ang nagi-stay para dito kumain.
"Shawnna, Ken, malapit na tayong magsara."
Napatingin ako sa orasan nang sabihin iyan ni Joseph. Alas sais pa lang naman kaya bakit ang agang magsara?
"Salamat, Boss!" agad na sabi ni Ken, 'di man lang umangal.
"Bakit ang aga naman nating magsasara, Boss?" tanong ko.
"Hindi mo ba nababalitaan ang tungkol kay Ms. Pangil? Ayaw mo naman sigurong makasalubong siya sa daan lalo na kung madilim na, hindi ba?" tanong ni Ken.
"Tama si Ken, Shawnna. At isa pa, tiyak na wala nang pupunta nang ganitong oras sa shop dahil ayaw rin nilang makasalubong ang baliw na iyon," sabi ni Joseph pero ayon sa tono nang pananalita niya ay mukhang may alam siya tungkol sa Ms. Pangil na iyon.
Naningkit ang mga mata ko. "Ganoon ba? Bago lang kasi ako sa lugar na ito kaya hindi ko pa alam ang tungkol sa kaniya," palusot ko kahit na dalawang araw ko nang naririnig ang pangalan na iyon.
"Gusto mo bang sumabay sa 'kin pauwi?" tanong sa 'kin ni Ken pero may gusto sana akong itanong kay Joseph.
"Hindi na. Diyan lang naman ako sa malapit nakatira. Naga-apartment lang naman ako," sabi ko sa kaniya.
"Sige. Kung ganoon ay mauna na ako. Bye, Shawnna! Bye, Boss!" masiglang paalam niya sa 'min. Nakangiti pa rin siya hanggang sa makalabas siya. Nakita ko pang sumakay siya sa motor na nakaparada sa harap kaya kumaway ako nang makita ko siyang nakatingin sa loob. Kumaway rin naman siya bago umalis.
"Joseph," tawag ko sa kaniya.
"Mahal na Reyna?"
Napairap na lang ako pero hindi na pinansin pa ang pagbanggit niya. "May alam ka ba tungkol sa Ms. Pangil na iyon?"
Napatingin siya sa 'kin dahil sa naging tanong ko.
"Sa katunayan niyan, Mahal na Reyna, kilalang-kilala ko siya."
Muling nabaling sa kaniya ang atensyon ko dahil sa sinabi niya. "Kung ganoon, alam mo ba kung bakit siya pumapatay?"
Tumango lang siya bilang sagot.
"At bakit hindi mo siya pigilan?" tanong ko, nakakunot ang mga noo.
"Dahil hindi niya ako hinahayaang makausap siya. Paumanhin, Mahal na Reyna."
"Maaari mo ba akong dalhin sa kaniya?"
"Kung ganoon nga lang sana kadali iyon ay gagawin ko pero..." Umiling-iling siya.
"Kung gano'n ay ako na lamang ang hahanap ng paraan para makausap siya dahil marami akong tanong mula sa mga pinaggagagawa niya."
"Ngunit..."
Tiningnan ko siya.
Napatigil siya sa pagsasalita dahil doon. Buo na ang pasya ko kaya wala nang makakapigil sa 'kin. Isa sa mga trabaho ko ay ang panatilihing balanse ang mga mundo namin. Oo nga at mayroong mga kakaibang nilalang na nakatira dito sa Hearth pero hindi ibig sabihin ay pwede na nilang gawin kung ano ang gusto nila. Ang mundong ito ay mundo ng mga tao, wala silang karapatan upang guluhin ito.
Kung may gulo mang mangyari ay dapat mga tao lang din ang nagsimula.
"Anong klase siyang nilalang, Joseph?" Malalim ang boses ko nang magsalita ako. Mukha kasing hindi ko siya makukumbinsing sabihin kung hindi ko siya tatakutin. Pasensiya na lang siya dahil pursigido ako sa isang ito.
"Isa siyang b-bampira, Mahal na Reyna."
"Sabi ko na nga ba at hindi siya isang baliw," sabi ko at saka siya tinalikuran.
"Saan ka pupunta, Mahal na Reyna?" tanong niya nang maglakad ako palabas ng shop niya.
Huminto ako saglit bago siya sagutin. "Pupuntahan ko kung sinuman ang gumagawa nito. Hindi ko hahayaang makapanggulo sila nang dahil lang sa nangyari sa mundo ninyo. Sang-ayon ka ba sa sinasabi ko?"
Tumango siya bilang tugon. "Sang-ayon ako, Mahal na Reyna. Ngunit nais kong hilingin, huwag mo po siyang papatayin," sabi naman niya sa 'kin kaya natawa ako nang malakas. Buti na lang at wala nang mga tao sa loob.
"At bakit mo naman nasabing may balak akong patayin siya?" tanong ko habang nakangisi sa kaniya.
"H-Hindi ko po alam pero..."
"Hindi ko siya papatayin, Joseph. Siya na lamang ang nag-iisang bampira kaya hindi ko siya kayang patayin. Gusto ko lang siyang kumbinsihin na itigil na ang pagpatay. Alam mo namang iyon ang isa sa mga ayaw naming mga demonyo, hindi ba?"
Muli siyang tumango bilang tugon.
"Huwag ka na ngang mag-alala riyan, Joseph. Pangako, hindi ko siya papatayin o sasaktan. Kakausapin ko lang naman siya."
Hindi ko talaga sila maintindihan. Ganito na ba talaga ang tingin nila sa 'ming mga demonyo? Mga walang puso?
Kailan ba nila nabalitaan na may pinaslang kami na mga nilalang na walang ginagawang masama? Kami ang taga-hatol sa kanila kaya kami ang pumapatay pero kaya lang namin ginagawa iyon ay dahil may kasalanan sila! Tss.
Isang deretso lang ang daan papunta sa apartment ko pero lumiko ako sa kaliwa dahil nakakita ako ng isang tunnel. Hinintay kong magdilim doon dahil may napanood ako sa balita na madalas sa mga ganitong liblib na lugar pumupunta ang Ms. Pangil na iyon.
Ilang oras pa akong naghintay hanggang sa halos wala na akong makita dahil sa sobrang dilim. Buti na lang at hindi ako tao.
"Sino 'yan?" Napatingin ako sa nagtanong at nakita ang isang hindi pamilyar na lalaking may hawak na flashlight. Ayon sa suot niyang damit, isa siyang pulis.
"Ahm, isang inosenteng mamamayan na naghihintay kay Ms. Pangil?" tugon ko sa kaniya, hindi sigurado sa dapat kong isagot.
Nang makalapit siya sa 'kin ay saka ko lang nakita ang mukha niya. Mukha pa siyang bata para sa isang pulis. Maputi, matangos ang ilong at singkit ang mga mata. Mapupula rin ang kaniyang mga labi at may kaunting bigote na.
"Ms. Pangil? Alam mo ba kung ano ang sinasabi mo? Malalagay ka lang sa panganib, bata," sabi naman niya sa 'kin. Makabata naman ang isang ito ay akala mo kung sino.
Huminto siya sa harap ko nang may kunot sa kaniyang noo.
Tumawa ako nang pilit. "Na-curious kasi ako kung sino siya at kung ano ang itsura niya kaya naman nagbaka sakali akong makikita ko siya rito."
"Pero hindi pa rin maganda ang ideya na ginagawa mo. Paano kung makita mo nga siya? Mamamatay ka naman pagkatapos." Medyo tumaas ang boses niya.
Ito namang mamang pulis na ito, napakasungit!
"Hindi ako mamamatay, promise! Hindi ko naman siya nakita, hindi ba?" sabi ko na lang. Gusto ko na kasing umalis para hindi na niya ako matanong pa.
"Tara at sumakay ka na sa sasakyan ko. Iuuwi na kita, bata," sabi niya naman pero hindi ako sumama sa kaniya nang maglakad siya paalis.
"Sabi ng mommy ko, huwag daw ako sasama sa isang estranghero. Hindi kita kilala kaya bakit ako sasama sa 'yo?" Gusto kong batukan ang sarili ko pero wala na akong magagawa. Nasabi ko na!
Muling napatingin sa 'kin ang pulis na medyo natatawa dahil sa sinabi ko. "Ako si SPO2 Vicente Santos, isa akong pulis kaya hindi ako gagawa ng kahit anong makapapahamak sa mga mamamayan dahil iyan ang trabaho ko."
Chapter 5
Vampires
Shawnna Gaile Arcinue
Napilitan akong sumakay sa sasakyan niya kaya naman ito ako at nakatingin sa labas ng bintana. Katabi ko lang siya na tahimik na nagmamaneho. Ang lapit naman kasi ng bahay ko kaya bakit kailangan pang ihatid?
"Iyan lang sa tabi ang apartment ko," sabi ko habang nakaturo sa kaliwang bahagi ng daan.
Itinabi niya ang sasakyan niyang pang-pulis at saka huminto.
Aalis na sana ako nang bigla niya akong hawakan sa braso.
"Huwag na huwag ka nang pupunta sa tunnel na iyon mag-isa, Bata. Lalo na kung gabing-gabi na dahil mapanganib."
Tiningnan ko naman siya sa mata at saka nagsalita. "Kung titigilan mo ang pagtawag sa 'kin ng bata ay gagawin ko iyon. Hindi na ako bata, Tanda."
Natawa naman siya dahil sa sinabi ko at binitiwan ang pagkakahawak sa braso ko.
"Ano ang magagawa ko kung isa ka lang bata sa paningin ko?"
"Ano ang magagawa ko kung gusto ko talagang makita at makausap si Ms. Pangil?"
Napatigil siya sa pagtawa at seryosong tumingin sa mga mata ko. Ang ganda pala ng mga mata nitong pulis na ito. Kulay asul kasi iyon pero hindi naman ganoon katingkad. Sabi ko na nga ba at may lahi ang isang ito.
"Mapanganib ang binabalak mo, Bata. Seryoso ako. Kung gusto mo siyang makita at makausap, kailangan kasama mo 'ko."
"E 'di samahan mo ako. Wala namang kaso iyon sa 'kin. Ang gusto ko lang ay malaman kung ano ang dahilan niya sa pagpatay ng mga inosenteng tao."
"Inosenteng tao? Paano mo naman nasabing inosente ang mga pinapaslang niya?"
Napatingin ako sa kaniya dahil mukhang may alam siya. Kung sabagay, isa siyang pulis kaya hindi na ako magtatakha pa.
"Alam mo kung ano siya?"
Tumango siya bago magsalita. "Isa siyang bampira, Bata. Hindi kita tinatakot pero totoo ang mga bampira. Kung hindi mo titigilan ang binabalak mo ay ikaw rin ang mapapahamak. Kaya binabalaan na kita."
Sinubukan kong basahin ang isip niya. Ginalugad ito. Hindi tulad ng mga bampira ay kaya kong basahin kahit na ang mga naisip niya noong mga nakaraang araw. Ang mga bampira kasi ay nababasa lamang ang kasulukuyan nilang iniisip ngunit iba ako.
Hindi ko mapigilan ang mapatakip sa bibig ko upang pigilan ang pagtawa ko. Ang mga lalaki nga naman! Hindi na ako magtataka dahil wala akong kilalang lalaking hindi nanonood ng porn. Hindi ko mapigilan ang matawa sa naisip ko.
Kumunot ang noo niya dahil sa ginawa ko. "Hindi ka naniniwala, Bata?"
Napatigil ako sa pagtawa at seryoso siyang tiningnan pabalik sa kaniyang mga mata. Hindi ko alam kung ano ang ginawa ko pero nakita kong bahagya siyang napaatras dahil sa pagtitig ko.
"Hindi mo alam kung ano pa ang mga kakaibang bagay sa mundong ito, SPO2 Vicente Santos." Binagalan ko pa ang pagbigkas sa pangalan niya bago nagpatuloy, "Ang bampirang iyon? Kung hindi buo ang pasya ninyo tungkol sa nilalang na iyon, kayo rin ang mapapahamak. Psychopaths? Kung iyan ang patuloy ninyong paniniwalaan, hinding-hindi ninyo siya mahuhuli."
Bago pa siya makasagot ay lumabas na ako ng sasakyan niya. Hindi ko na naman mapigilan ang sarili ko. Baka hindi ko mapigilan at maisiwalat ko pang isa akong reyna. Pagtatawanan lang ako ng nilalang na iyon dahil baka isipin niyang isa rin akong baliw.
Napahilata na lamang ako sa higaan ko at bumuntong-hininga. Wala naman akong ginawa pero napagod ako. Pero naalala kong ginamit ko na naman nga pala ang kapangyarihan ko kaya ako nagkakaganito.
Ilang araw ko na bang hindi nagagamit ang aking dugo? Kung magpapatuloy ito ay ako rin ang mapapahamak.
Habang malalim ang pag-iisip ay hindi ko namalayang nakatulog na ako, suot pa rin ang aking uniporme.
"OUCH!" DAING KO nang mahulog ako sa kama. Napahawak ako sa balakang ko dahil sa impact na dulot nito. "Bakit ako nasaktan?"
Tumayo ako upang mag-ayos na nang mapagtantong alas sais na ng umaga. Pagdaan ko sa full length mirror ko ay napahinto ako. Tinitigan ko ang kulay ko at sobrang putla na nito. Ang lalim din ng mga mata ko na parang ilang linggo akong walang tulog.
Bigla akong kinabahan.
Ito na nga ba ang sinasabi ko. Kailangan ko na talagang magamit ang dugo ko. Bakit ba kasi kailangan ko pang gawin iyon? Buti pa ang mga tao. Kapag nabawasan sila ng dugo ay maaari nilang ikamatay. Samantalang ako naman ay kailangan kong mag-ubos.
Mag-donate kaya ako ng dugo sa hospital? Huwag na lang pala. Hindi safe ang dugo ko kapag tao ang gumamit. Baka kumalat pa ang mga may dugong demonyo sa mundong ito. Lagot ako.
Ilang minuto lang ay natapos na ako sa pag-aayos. Kumuha ako ng lipstick sa tabing mesa at saka ako naglagay para mabawasan ang pamumutla ko. Hindi na ako nag-make up dahil hindi naman ako marunong. Baka imbis na maitago ang eyebags ko ay mas lalo lang magmukhang sinapak ang mukha ko.
Pagkasara ko ng pinto, handa na sana ako para umalis nang mapansin ko ang isang pamilyar na sasakyang nakaparada sa harap ng apartment ko. Ang apartment kasi rito ay isang hilera lang at walang pangalawag palapag kaya agad kong nalamang ako ang pakay niya.
Napairap ako nang makita kong lumabas ang lalaking iyon mula sa kaniyang sasakyan.
"Magandang umaga, Bata."
"Magandang umaga, Tanda. Pero ano naman ang ginagawa mo rito?"
"Pasok na. Ihahatid kita sa eskwelahan mo."
"At bakit ko naman iyon gagawin, ha, SPO2 Vicente Santos?"
"Dahil sabi ko?" patanong niyang sagot at saka tinuro ang sarili niya. May ngisi rin sa labi niya na para bang nang-aasar.
Tinitigan ko siya nang may ngisi rin sa labi ko. "May gusto ka ba sa 'kin, Tanda?"
Nanigas siyang bigla dahil sa naging tanong ko pero kalauna'y natawa rin nang malakas. Napapatingin tuloy ang ilang mga nakakakita sa kaniya.
"Hoy, Bata! Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Ilan taon ka pa lang? Twelve? Thirteen? Pero ako, twenty-seven na ako. Kaya paano mo nasasabing may gusto ako sa batang katulad mo?" tanong niya habang natatawa pa rin.
Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niya at medyo nairita.
Huminga siya nang malalim. "Look, Bata. Ihahatid ka lang naman. Nagmamalasakit lang ako sa 'yo dahil sa mga kakaiba mong binabalak. Huwag kang mag-isip ng kung ano riyan."
"No, thanks. Kaya kong maglakad papasok. Bye!" paalam ko na lang.
Bago pa ako makaalis ay naramdaman ko na ang paghawak niya sa braso ko. Tiningnan ko naman siya sa mata at nakita kong seryoso na ang mga tingin niya. Tumingin muna siya sa paligid niya bago magsalita ulit.
"Naniniwala ako sa mga bampira dahil nakakita na ako ng mga gaya nila. At alam kong hindi ka rin isang ordinaryong tao."
Napatigil ako dahil sa sinabi niya. Kita ko sa mga mata niyang sigurado siya sa sinasabi niya. Hindi ako nagsalita.
"Hindi ko sinasabing isa ka ring bampira pero alam kong may kakaiba kang kapangyarihan. You just read my mind last night."
Halos mapalunok ako dahil sa tinuran niya. Paano naman niya nalaman? Don't tell me, hindi siya isang tao? Bakit hindi ko maramdaman?
"Kakaibang kapangyarihan? You mean, parang salamangkero?"
"Kung iyan ang itatawag mo. Pero alam kong ikaw ang makakatulong sa 'kin para mahuli si Ms. Pangil."
Napairap ako at saka tinanggal ang mga kamay niya sa braso ko. Bigla kasi akong nainis dahil sa sinabi niya.
"At paano ka nakakasiguradong tutulungan kita? I'll capture her alone at hindi ko siya sasaktan gaya ng ginawa ng mga katulad mong tao sa lahi nila noon. Para sa ano? Souvenirs? Ibinenta ninyo ang mga parte ng katawan nila na sa tingin ninyo ay mapapakinabangan ng marami?" Medyo tumaas ang tono ng boses ko sa kaniya pero hindi ako sumigaw. Baka kasi may makarinig sa usapan naming dalawa.
Itinuloy ko ang sinasabi ko, "Hindi na ako bata, Tanda. Hindi mo gugustuhing malaman kung ilang taon na ako. Marami na akong nasaksihan na hindi mo rin gugustuhing malaman. Ililigtas ko si Ms. Pangil mula sa kasakiman ng mundong ito. Kung salungat naman ang nasa isip mo, Tanda, hindi ako magdadalawang-isip na patayin ka ngayon pa lang," sabi ko sa kaniya.
Napatitig siya sa 'kin dahil sa sinabi ko pero hindi nagsalita.
Iniwan ko na siya roon, kumukulo pa rin ang dugo ko dahil sa naging pag-uusap namin. Hindi ko alam kung ang mga tao ang may gawa niyon pero hinulaan ko lang naman. Hindi ko alam kung tama ang hula ko dahil sa reaksyon niya pero kailangan ko ring malaman kung totoo nga. Sobrang gusto kong makilala ang mga tao pero ayon sa natitirang lahi ng mga lobo ay mga tao ang gumawa niyon.
Dumaan ako sa coffee shop at nakita si Sue. Binati niya ako pero dere-deretso lang ako sa kwarto ni Joseph. Nakita ko siyang nakaupo at may pinagkakaabalahang mga papel sa lamesa niya. Nang makita ako ay tumayo siya at bahagyang yumuko.
Hindi ko siya pinansin, nanlilisik na ang mga mata ko ngayon dahil sa galit. Nakatingin lang ako sa kawalan at pilit pinapakalma ang sarili.
"Anong problema, Mahal na Reyna?"
"Isang pulis. Naiinis ako sa kaniya! Ang kulit niya. Gusto niyang mahuli si Ms. Pangil. Para ano? Patayin at ibenta?" tanong ko gamit ang malalim pero nakamamatay kong boses.
"Pulis? Nais niyo bang patayin ko na siya?" biglang tanong niya na mas lalong ikinagalit ko.
Agad ko siyang hinawakan sa leeg at idiniin sa pader. Nakalikha iyon nang malakas na kalabog kaya naman narinig namin ang sunod-sunod na mga katok ni Sue sa labas. Nasira din ang pader kung saan tumama ang katawan ni Joseph.
"Boss! Ayos lang ba kayo riyan? Ano 'yong narinig ko?" natatarantang tanong ni Sue mula sa labas. Hindi ko tinanggal ang nanlilisik kong tingin kay Joseph dahil kumukulo na talaga miski ang ulo ko.
"A-Ayos lang kami rito, Sue. Huwag kang mag-alala!" sigaw niya sa empleyado niya.
"S-Sige po..."
Muli niya akong tiningnan at kita ko ang takot sa mga mata niya habang nakatingin sa 'kin. Ang dami kong gustong sabihin pero hindi ko alam kung saan mag-uumpisa.
"Patawarin mo ako, Mahal na Reyna. H-Hindi ko sinasadyang sabihin iyon."
"Sabihin mo nga, Joseph. Tinutulungan mo ba si Ms. Pangil sa mga pagpatay?" tanong ko na ikinabigla niya. "Come to think of it, kapag nagiging werewolf ka, nagkakaroon ka rin ng pangil gaya ng mga bampira. Right, Joseph?" tanong ko na mas lalong ikinalaki ng mga mata niya.
"No! Hindi, Mahal na Reyna. I would never do that. Kasama sa batas namin ang pagbabawal pumatay sa mga mortal. Hindi ko kayang labagin iyon dahil kamatayan ko lang ang naghihintay sa 'kin kung sakali."
"Then!" Napapitlag siya dahil sa pagsigaw ko. "Don't you ever talk about killing. Kahit na hindi pa tao ang tinutukoy mo. Anything about killing, huwag na huwag kong maririnig iyan mula sa 'yo."
Tango naman siya nang tango kaya binitiwan ko na siya at iniwan.
Medyo kumalma naman na ako kaya lumabas na ako ng coffee shop just to see the familiar car again.
Ow please! Kailan ba ako titigilan ng nilalang na ito? Kaunti na lang talaga at ipadadala ko na siya sa mundo namin para ipakatay.
"What are you still doing here, Tanda?" tanong ko sa kaniya.
Nakasandal siya sa harap ng kotse niya kaya marami ang tao ang napapatingin sa kaniya. Bukod sa ubod siya ng gwapo ay nakapagtatakang may isang pulis na naghihintay sa harap ng shop na ito.
"Tulad ng sabi ko, ihahatid kita sa school niyo." Napatingin naman siya sa shop bago nagsalita ulit. "Mahilig ka sa kape? Nasaan na ang binili mo?"
Napansin ko ang hawak niyang plastik na sa tingin ko ay may laman ding kape galing sa shop namin. Pumasok pala siya sa loob.
"Not really. Dito ako nagtatrabaho," tipid na sagot ko at saka nagtungo sa kabilang bahagi ng sasakyan niya. Mukhang hindi naman ako titigilan ng isang ito kaya sasakay na lang ako. Tutal bigla akong napagod dahil sa naging pag-uusap namin ni Joseph.
"Sasakay ka rin naman pala," bulong niya na narinig ko rin naman.
"Saying something, Tanda?"
"Nothing, Bata."
Muli akong napairap.
Tahimik lang kami hanggang sa makarating kami sa harap ng school namin. Ang ilan sa mga schoolmate ko ay nakatingin sa sasakyan namin na nagtataka. Hindi ko na lang pinansin.
Masyado bang nakakagulat na makakita ng isang sasakyang pang-pulis? Ihahatid lang naman ako.
"Mamayang uwian, susunduin kita."
Napatingin na talaga ako sa kaniya na para bang hindi makapaniwala sa sinasabi at ginagawa niya. "Baliw ka na ba talaga? Isa kang pulis, do your job."
"And one of my jobs is to capture Ms. Pangil," aniya.
Muli na namang kumulo ang dugo ko pero inunahan niya akong magsalita. "Hindi ko siya papatayin, Bata. Gusto ko lang tigilan na niya kung ano man ang ginagawa niya. Kung hindi siya ikukulong, sa tingin mo ba titigil siya?" tanong niya sa 'kin.
"Let me handle it, Tanda. Sinisigurado ko sa 'yong kapag nakausap ko siya ay titigilan na niya kung ano man ang ginagawa niya. I know her kind. Hindi nila gustong pumatay ng mga tao kaya alam kong may dahilan kung bakit siya pumapatay," sabi ko.
"I know," aniya.
Chapter 6
Weakness
(A/N: Warning! Rated SPG. Medyo brutal. Bawal sa bata.)
Buong maghapon ay tulala lang ako sa klase namin. Iniisip ko pa rin kung paano ako magkakaroon ng ugnayan kay Ms. Pangil para makausap ko siya. Kung hindi ako gagawa ng paraan ay walang mangyayari. Kung tutunganga lang ako ay patuloy ko lang 'tong poproblemahin.
Paano na ang bakasyon ko?
Nagsimula akong gumupit ng mga papel para sa disenyo ng room namin. Iyon na lang kasi ang pinagawa sa 'kin dahil wala naman akong alam sa tinatawag nilang art. Kung art lang din naman, ang gusto ko ay puro itim. Ang ganda kaya ng kulay itim!
Kaya lang gusto raw nila ng makulay. Masyado raw emo ang puro itim lang. Dahil marami sila at mag-isa lang ako, 'di ko na rin pinilit.
Habang naggugupit ay napapatulala ako. Hindi ko alam pero parang nanghihina na naman ako. Nakita ko ang panginginig ng kamay ko pero hindi ko na lang masyadong pinansin. Tinuon ko na lang ulit ang atensyon sa paggupit.
"Ouch," bulong ko nang magupit ako ng gunting. Tinitigan ko pa ang kulay itim na likidong lumabas doon.
"Okay ka lang, Shawnna? Dahan-dahan naman kasi," tanong ni Brix sabay lapit sa 'kin. Hinawakan niya ang kamay kong nagupit at saka akmang sisipsipin ang dugo ko pero pinigilan ko siya.
"Huwag!" Natigilan pa kami pareho dahil sa inasta ko. "Kadiri ka, Brix!" sigaw ko na lang para hindi niya mapansin ang pagkataranta ko. Isang patak lang ng dugo ko, makakapatay ako ng tao.
"Grabe ka naman sa 'kin, Shawnna. Ikaw na nga tinutulungan," sabi niya. Napanguso pa siya sabay iwas ng tingin.
Nangapa ako ng sasabihin sa kaniya. "Baka kasi maimpeksyon pa ako dahil sa laway mo," sabi ko na ikinatawa ng mga kaklase namin.
Umakto naman siya na parang iiyak at hinawakan ang sariling dibdib. "Sinaktan mo na naman ako! Ano ang akala mo sa laway ko, laway ng mga demonyo?" tanong niya. Tumawa pa ang buong klase ngunit nanatiling seryoso ang mukha ko.
Para akong tinulis sa kinauupuan ko dahil doon. Agad akong lumabas ng room dahil naramdaman ko na naman ang kakaibang pag-ikot ng sikmura ko.
Bakit laging demonyo ang halimbawa nila? Alam kong hindi maganda ang tingin nila sa 'min pero ang marinig ito nang harap-harapan ay sobra na!
Imbis na dumeretso sa clinic ay lumabas na ako ng school namin gamit ang mataas na pader. Kailangan ko munang puntahan si Joseph o kaya naman ay umuwi muna.
Bakit kasi ngayon pa umandar 'tong pagkamahina ko!
"Bata!"
Napalingon agad ako sa tumawag sa 'kin at nakita si Tanda na tumatakbo palapit.
Hindi pa ba siya umaalis simula kanina? Dalawang subjects na namin ang dumaan, ah? Don't tell me, hihintayin niya ang uwian namin nang nakatayo lang sa harap ng sasakyan niya?
"A-Ano pang ginagawa mo rito, Tanda?" tanong ko nang makalapit siya sa 'kin nang tuluyan.
Imbis na sagutin ang tanong ko ay nagtanong din siya, "Okay ka lang ba, Bata? Bakit namumutla ka? Ang lalim pa ng mga mata mo. Mukha kang adik," aniya.
Napairap ako. "Tama na ang lait. Dalhin mo na lang ako sa apartment mo," sabi ko sabay lakad palapit sa sasakyan niya ngunit parang isang malakas na kidlat ang dumaloy sa binti ko at bigla itong nanghina.
Napaupo ako sa kalsada at ininda ang sakit ng paa ko. Namanhid kasi iyon at hindi ko maigalaw.
"Hoy, Bata! Ano bang nangyayari sa 'yo?" tanong niya sa 'kin sabay alalay patayo.
Nang hindi ko siya sagutin at panay lang ang daing ko ay binuhat na niya ako papunta sa sasakyan niya. Gusto kong sumigaw dahil sa sakit pero hindi ko naman magawa. Nag-iiba kasi ang boses ko kapag ganito ang nangyayari sa 'kin.
Agad niyang pinaandar ang sasakyan niya nang maayos na akong nakaupo sa passenger seat. Tahimik na ako pero napapaungol ako dahil sa pagkamanhid ng paa ko. Maya't maya ay tila may mga karayom ang tumutusok doon. Mga karayom na kasinlaki ng hinlalaki ko.
"Bata, magsalita ka naman. Nag-aalala na ako. Ano ba kasi ang nangyayari sa 'yo at sa pader ka pa nagdaan kung meron namang gate?" tanong niya pero hindi ko ulit siya sinagot dahil sa pamimilipit ko.
Nang makarating kami sa apartment ay agad siyang lumabas ng sasakyan para pagbuksan ako. Muli niya akong binuhat papasok sa apartment ko nang makasalubong namin ang landlady ko.
"Ano 'ng nangyari sa 'yo, Shawnna? At sino itong mamang pulis na ito?" tanong niya sa 'min pero hindi namin siya pinansin at pumasok na sa loob.
Agad niya akong inihiga sa kama at doon inilabas lahat ng gusto kong isigaw kanina. Ipinantakip ko ang unan sa mukha ko para hindi ganoong dinig sa labas. Hindi naman soundproof ang apartment na ito.
Habang ginagawa ko iyon ay pinanood lang ako ni Vicente. Nakakunot ang kaniyang noo at paminsan-minsang napapapitlag sa kinatatayuan niya. Hindi ko naman masabi kung ano ang nangyayari dahil gusto ko muna alisin ang pagkamanhid ng paa ko. At isa lang ang paraan na naisip ko.
Pumunta ako sa kusina para kumuha ng kutsilyo.
"Ano 'ng gagawin mo sa kutsilyo, Bata?" tanong niya, nakakunot pa rin ang noo ngunit bahagya nang nanlalaki ang mga mata.
Hindi ko ulit siya sinagot at agad hiniwaan ang braso ko. Hindi ako nakuntento at hiniwaan ko pati na rin ang namamanhid kong mga paa para dumaloy ang dugo ko.
"Ano ba ang ginagawa mo, Bata? Nababaliw ka na ba!" Agad niyang kinuha ang kutsilyo sa kamay ko pero tinabig ko lang siya.
"Diyan ka lang! Kung hindi mo kayang panoorin ang ginagawa ko ay umalis ka na sa harap ko. Ito lang ang paraan para guminhawa ang pakiramdam ko!" bulalas ko sa kaniya at pinagpatuloy ang paghiwa sa balat ko na unti-unti rin namang sumasara.
Hindi umalis si Tanda bagkus ay pinanood niya lamang ako, na ayon sa kaniya ay kahibangan ko.
Nakita ko ring nanlaki na nang tuluyan ang mga mata niya nang mapansing sumasara ang mga hiwa na ginawa ko.
Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin. Puno na ako ng dugo sa buong katawan pero walang bukas na sugat akong nakita. Unti-unting bumabalik ang kulay ko sa dati. Kung kanina'y namumutla ako, ngayon ay para akong nilagyan ng make up sa sobrang tingkad ng kulay ng balat ko. Sobrang pula na rin ng mga labi ko at naging matingkad na pula imbis na kulay itim.
Hindi pa ako nakuntento at sinugatan pati ang mukha ko. Unti-unti ko pang iginuhit ang kutsilyo sa pisngi ko pababa sa panga ko.
"Tigilan mo na, Bata!" sigaw ni tanda sabay hablot ng kutsilyo. Hindi na niya iyon ibinigay pa sa 'kin at itinapon sa basurahan na tila diring-diri. Napasabunot siya sa buhok niya at maya't mayang umuusal ng mura.
"Naniniwala ka sa bampira kaya kailangan mo ring maniwalang totoo ako, Tanda."
Napalingon siya sa 'kin. Inaasahan kong kamumuhian niya ako pero nakita kong mas lamang ang pag-aalala sa kaniyang mga mata. "Ayos ka lang ba, Bata? Ano ba kasing kabaliwan iyang naiisip mo?!" pasigaw na tanong niya habang mahigpit na hawak ang magkabilang balikat ko.
Napangisi naman ako sa inaasta niya. "Ngayon mo sabihin, Tanda. Wala ka ba talagang gusto sa 'kin?"
Napabitiw siya sa 'kin dahil sa sinabi ko at medyo natigilan. "Baliw! Kahit na ano pa ang sabihin mo, bata pa rin ang tingin ko sa 'yo. Sabihin mo nga sa 'kin, Bata, sino ang hindi mag-aalala kung makakita ka ng isang baliw na bigla na lang hinihiwa ang sarili niya?" tanong niya at pinagpipilitan pa talaga ang bansag niya sa 'king bata.
"Hindi ako baliw. Ganito lang talaga ako. Kailangan kong gamitin ang dugo ko."
"Para saan?"
"Hindi mo na kailangang malaman, Tanda."
"Pero gusto kong malaman. Ano ka ba kasi talaga?" tanong niya.
"Kung sasabihin ko sa 'yo, maaari ko iyong ikapahamak. At higit sa lahat, hindi na magiging sikreto iyon kung sasabihin ko sa taong kakikilala ko pa lang naman."
Medyo natigilan ulit siya pero hindi inalis ang tingin niya sa 'kin na parang gusto pang magpumilit pero kalauna'y umiling na lang. Alam ko namang naiintindihan niya kung ano ang gusto kong sabihin sa kaniya. Hangga't maaari ay gusto kong itago kung ano nga ba talaga ako. Kung sigurado na akong mapagkakatiwalaan ko siya ay nasa kaniya na kung interesado pa ba siyang malaman.
"Kailangan ko na talagang makausap ang bampira na iyon dahil siya lang din ang makakatulong sa kaso ko," sabi ko.
"Paano ka naman niya matutulungan?"
"Kailangan niya ng dugo, hindi ba? Kaya ko iyong ibigay sa kaniya. Bilang kapalit naman ay natulungan niya rin ako para hindi ulit mangyari 'yong kanina."
"Kung kailangan mo palang maglabas ng dugo, bakit hindi mo na lang i-donate sa hospital para may matulungan ka pa?"
Natawa naman ako sa suhestiyon niya dahil pareho lang kami ng naisip noon. "Alam mo, Tanda, imbis na makatulong ako sa ganoong bagay ay ako pa ang magiging dahilan ng mabilis nilang pagkamatay," sabi ko sabay upo sa kama ko.
Nakita kong kumunot ang noo niya dahil sa sinabi ko.
Bumuntong-hininga ako. "Listen, ang dugo na nananalaytay sa katawan ko ay hindi dugo ng isang tao. Ang dugo ko ay espesyal. Para lamang ito sa malalakas na nilalang na gaya ko tulad na lang ni Ms. Pangil. Kung tao lang ang gagamit nito ay ikamamatay rin niya. Kung malakas naman ang katawan ng taong iyon ay matatagalan niya at magkakaroon pa siya ng kakaibang kakayahan. Pero alam mo kung saan din ang kahahantungan niya? Sa impyerno..."
Nakita kong medyo nanlaki ang mga mata niya dahil sa sinabi ko habang nakatingin sa natuyong dugo na nasa braso at paa ko. Sinimulan ko na iyong punasan at saka nagbihis ng pambahay. Hindi ko na pinansin kung nakatingin ba siya sa 'kin habang nagbibihis o hindi. Wala namang kaso iyon sa akin.
"Nasabi ko ba sa 'yong lalaki ako, Bata? Bakit kailangan mong magbihis sa harap ko?"
Napatingin ako sa kaniya pero ulo lang ang hinarap ko. "Bakit? May masama ba? Bata pa naman ako at matanda ka na. Don't tell me, nag-iisip ka ng kung anong kababalaghan diyan sa isip mo?" tanong ko. Tinaas-baba ko ang kilay ko sa dereksyon niya.
Nakita ko ang paggalaw ng adam's apple niya na para bang lumunok siya. "Pero hindi ka bata..." Pahina nang pahina ang tono ng boses niya.
Napangisi ako matapos tumalikod sa kaniya. "So, napansin mo pala. Mukha lang akong bata dahil baby face ako," Natawa ako. "Pero hindi naman nagbago ang hugis ng katawan ko."
Kahit naka-bra lang ako at short ay humarap ako sa kaniya. Mas lalo akong napangisi dahil nakita ko ang maliliit na butil ng pawis na pumatak sa mukha niya.
"Ano? I can hear your heartbeat from here. Bakit ka kinakabahan, SPO2 Vicente Santos?" patuloy kong panunukso sa kaniya.
Mabilis siyang tumalikod at nagtungo sa kusina ng apartment ko. "Bilisan mong magbihis dahil kailangan pa nating makausap si Ms. Pangil."
Tiningnan ko naman ang labas at tirik na tirik pa ang araw. Imposibleng lumabas si Ms. Pangil nang ganitong oras kahit na hindi naman siya takot sa araw kaya bakit kailangan naming magmadali?
Napangisi ako nang makaisip ako ng kapilyahan.
"Tirik pa ang araw, Tanda. Wala akong nababalitaang bampirang hindi takot sa araw," pagsisinungaling ko. "Pero, alam mo bang may isang bagay na pwedeng gawin kahit tirik na ang araw?" tanong ko habang nakaupo ulit sa kama ko, hindi pa rin nagbibihis.
Nakita kong sumilip siya mula sa kusina at nakakunot-noong nagtanong, "Ano?"
Gamit ang mabilis kong reflexes ay pumunta ako ng kusina at hinila siya papuntang kama. Pumatong ako sa kaniya habang hawak pa rin ang dalawa niyang kamay na unti-unti kong nilagay sa ulunan niya.
"Gumawa ng baby?" patanong na sagot ko.
Muli kong nakita ang paglunok niya at ang maliliit na butil ng pawis sa noo at patilya niya. Napangisi naman ako habang tinititigan siya. Wala naman talaga akong balak na gawin ito dahil hindi ko siya type. Ayokong magkaroon ng tagapagmana sa isang tao dahil gusto ko ng pure blood.
Napalingon ako sa labi niyang nakaawang. Hindi ko maiwasang mapaawang din ang mga labi ko. Naramdaman ko ang kakaibang bilis ng tibok ng puso ko. At sa hindi malamang dahilan ay unti-unti kong inilapit ang mukha ko sa mukha niya. Titigil sana ako pero nakita ko ang pagpikit ng mga mata niya na para bang naghihintay. Napapikit ako at napamura na lang sa isip ko.
I kissed him.
Noong una ay pinagdampi ko lamang ang mga labi namin ngunit kalauna'y unti-unti ko rin itong iginalaw. Agad naman siyang sumunod sa ginagawa ko hanggang sa para na kaming uhaw sa isa't isa.
Hindi na ako nagulat sa inasta niya. He watches porn. Imposibleng hindi niya alam kung paano humalik.
Tinanggal ko ang uniporme niya at medyo nahirapan ako. What the hell is this clothe?
I heard him chuckle kaya tiningnan ko siya nang masama. Itinaas naman niya ang dalawang kamay niya at saka siya na ang nagtanggal.
We continued what we're doing. Para kaming nalulunod sa isa't isa sa hindi malamang dahilan. Wala namang masama sa ginagawa namin, 'di ba? Pareho na kaming matanda para rito. We're not kids anymore. Alam ko na rin naman ang ginagawa ko kahit na bata lang ang tingin sa 'kin ng mga tao. Hindi naman kasi nila alam kung ano ang totoo.
At wala akong balak na sabihin sa kanila kung sino ako.
Chapter 7
Ms. Pangil
Shawnna Gaile Arcinue
I was about to take off his pants when we heard a knock on the door. Noong una ay hindi ko pinansin pero nang magsunod-sunod ang pagkatok ay napaungol ako nang malakas at halos balibagin na ang pinto ng kahit anong madampot ko.
"Sandali! Ito na nga oh!" sigaw ko sa kung sino mang istorbo na iyon.
Dali-dali akong umalis mula sa pagkakapatong sa kaniya at agad nagbihis. Walang sabi-sabing binuksan ko ang pinto at napataas ang kilay nang makita si Joseph na parang estatwang nakatayo sa harap ng pinto ko. Medyo iniharang ko ang katawan ko sa siwang ng pinto dahil nagbibihis pa si Tanda.
"Ano ang kailangan mo?" tanong ko, bahagyang tumaas ang tono.
Medyo natigilan pa siya at nag-isip ng sasabihin. "Nalaman ko kasi kay Aling Pearl na umuwi ka raw dito kasama ang isang pulis. Mukhang hindi maganda ang pakiramdam mo kaya naman nagpunta ako. Ano 'ng nangyari?" nag-aalalang tanong niya.
Napahilot ako sa noo ko dahil sa dahilan niya.
"I'm fine. Hinatid lang ako kanina ni mamang pulis dahil siya ang nakakita sa 'king tumakas sa school. Nakatulog ako sa sasakyan niya kaya buhat niya akong ipinasok sa apartment. Tingin ko nakalimutan kong i-lock."
That's a lie. Kahit na medyo may katotohanan naman ang iba kong dahilan. Hindi naman niya malalaman.
"Ganoon ba?" Napapakamot-batok pa siya. "Bakit nasa labas pa rin ang kotse? Nandyan pa ba siya sa loob?" Pilit siyang dumungaw sa loob pero hinarangan ko lang siya.
"Paalis na rin siya. Nag-uusap lang kami."
Tumango naman siya. "Sige, babalik na lamang ako sa shop. Sa susunod, i-lock mo na ang apartment mo lalo na kapag nasa loob ka. Akala ko kasi ay umaatake na naman ang sakit mo," sabi niya pertaining to my blood issue.
"Ayos lang ako. Hihingi naman ako ng tulong kung alam kong hindi ko na kaya. As of now, kaya ko pa naman at kita mo naman, I'm healthy as usual!" sabi ko habang nakangisi.
Nakahinga ako nang maluwang nang magpaalam siya sa 'kin. Doon ko lang isinara ang pinto. Ilang segundo pa akong nakaharap doon at huminga nang malalim nang paulit-ulit.
Nang makaharap ako sa kaniya ay nakita kong nakabihis na siya habang nakaupo sa kama at hindi makatingin man lang sa 'kin. Para tuloy akong isang hangin na nasa harap niya at hindi niya nakikita. Humawak ako sa magkabilang beywang ko at saka siya tinaasan ng kilay.
"Ano naman 'yang trip mo, Tanda?"
"What? It's just normal. After that almost... almost... whatever! Normal lang naman na ganito ang maging asta ko. Hindi ka ba naiilang?" tanong niya nang hindi pa rin makatingin sa mga mata ko.
"Mailang? You already saw me naked tapos ngayon ka pa maiilang kung kailan may suot na ako? Huwag ka ngang magpatawa, Tanda!"
Nagderetso ako sa kusina at hindi na siya pinansin pa. Mukhang isa lang din siyang walang kwentang lalaki. Kung sakali mang natapos namin iyong... iyong bagay na 'yon ay sa tingin ko hindi na niya ako susundan pa nang susundan. Ganoon naman kasi ang mga lalaki kahit anong klaseng nilalang pa sila!
Napahawak ako sa lababo at saka napabuntong-hininga nang maramdaman ko ang isang yakap mula sa likod ko.
"Sorry," aniya.
"Sorry para saan?" tanong ko sa kaniya, nagtataka sa ikinikilos niya. Naguguluhan ako kung bakit niya ako niyayakap. Gusto ko sanang isiping may gusto na siya sa 'kin pero naisip kong hindi pa naman namin kilala ang isa't isa kaya bakit niya naman ako magugustuhan?
"That thing a while ago. Hindi ko sinasadya. Ano naman kasi ang sumapi sa 'yo kanina at ginawa mo 'yon?" bulong niya malapit sa tainga ko.
"Nagbibiro lang naman talaga ako. Pagti-tripan lang sana kita pero - " Hindi ko na tinapos ang sinasabi ko dahil alam kong alam na niya kung ano ang tinutukoy ko.
Natawa siya sa sinagot ko. "It's okay. Tara na at maghanda. Malapit nang dumilim," aniya.
"Akala ko ba naiilang ka? Ano 'tong payakap-yakap effect mo?" tanong ko matapos niyang humiwalay sa pagkakayakap. Humarap ako sa kaniya.
"Baka kasi galit ka sa'kin."
"Hindi ako galit, a!"
"Oh really? Para saan naman ang pa-walk out mo kanina?"
Nangapa ako ng sasabihin ko. "Wala lang! Iinom lang sana ako pero n-naalala ko, hindi nga pala kami umiinom ng tubig."
Napatigil siya sa sinabi ko at saka ako tinitigan.
"What?" tanong ko. "Ganoon naman talaga ang mga gaya ko. Hindi mo na ba ako gusto dahil nalaman mong hindi ako tao?"
Natawa siya. "At sino namang may sabing may gusto ako sa 'yo kahit na tao ka?" tanong niya.
Sinamaan ko siya ng tingin pero tinawanan niya lang ako. Hindi man lang siya natakot dahil sa mga tingin ko. Kung normal na tao lang ang makakakita ng mga ito, kahit na sinong nakakakilala sa 'kin ay paniguradong masisindak. Pero siya, tinatawanan lang niya ako!
What the hell is wrong with this man?
"Alam mo, kung alam mo lang talaga kung ano ako, hindi mo ako matatawanan nang ganiyang-ganiyan na lang."
Kinunutan niya ako ng noo. "Bakit? Ano ka ba kasi talaga? Are you some kind of a queen?" tanong niya na ikinangisi ko.
"Kung iyan ang maitatawag mo."
Nagtungo na ako sa kwarto dahil nakita kong malapit na ngang dumilim. Nagpalit na ako ng panlamig dahil wala na akong ibang maisuot. Napansin kong wala siyang balak umuwi at magpalit kaya naman binigyan ko siya ng isang jacket.
"Sino nga pala iyong kaninang kumatok?" tanong niya habang sinusuot ang ibinigay ko.
"Si Joseph," sagot ko.
Lumabas na kami ng apartment ko. Muntik ko na makalimutang i-lock ang apartment, buti na lang at naalala ko ang sinabi ni Joseph kanina.
"Sino 'yon?"
Sumakay na muna ako sa sasakyan niya. Pinagbuksan pa nga niya ako kaya tinaasan ko lang siya ng kilay.
Kinindatan niya lang ako na parang isang manyak.
"Just... someone I know," sagot ko nang makasakay siya sa driver's seat. Ikinabit na namin ang seatbelt bago niya binuhay ang sasakyan.
"Someone you know? Kamag-anak mo ba?" tanong niya ulit.
Ayoko sanang pag-usapan si Joseph dahil baka hindi ko mapigilan ang dila ko. Alam ko namang may privacy pa rin siya at ayoko namang sabihin kay tanda kung anong nilalang si bossing.
"Nope! Basta kakilala ko lang. Bakit ba ang dami mong tanong?"
"I'm just curious."
Napatingin ako sa kaniya at napansing nakakunot pa rin ang noo niya.
"You're just jealous."
Bahagya siyang napatingin sa 'kin pero binalik din ulit ang tingin sa daan. "Jealous? Hindi ako nagseselos. Na-curious lang ako sa kung sino iyon dahil mukhang sisirain na ang pinto ng apartment mo para lang makapasok."
"Sabi mo, e," sabi ko na lang.
"I said, I'm not jealous, Bata."
"Oo na nga lang," sabi ko, natatawa dahil sa pagiging defensive niya.
Nagitla ako nang bigla niyang apakan ang preno at itinabi ang sasakyan sa isang gilid. Marahas siyang tumingin sa 'kin.
Matapang ko rin siyang tiningnan sa mga mata pero siya ang unang umiwas.
"Okay, fine! I am. Now tell me, sino iyong lalaking iyon?" tanong niya.
Mangha naman akong napangisi dahil sa sinabi niyang iyon. Hindi ko inaasahang sasabihin niya ang mga katagang ito kaya naman may kung anong bagay akong naramdaman sa bandang tiyan ko.
Bakit natutuwa ako sa inaasta niya?
"He's Joseph. Sinabi ko na, 'di ba?" sabi ko na mas lalong ikinakunot ng noo niya. Ang sarap pala niyang asarin, 'no?
"At kaano-ano mo siya?"
"Kaibigan?" patanong na sagot ko.
"Lang?"
Tango lang ang naging sagot ko sa kaniya.
Napasabunot na lang siya sa buhok niya dahil mukhang naaasar siya sa ginagawa ko. "Kaibigan mo lang? May nangyari na ba sa inyo?"
Nanlaki naman ang mata ko dahil sa naging tanong niya. "What the hell, Tanda! Ano ba ang pinagsasabi mo riyan? Nababaliw ka na ba? Bakit ko naman gagawin 'yon sa kaibigan ko?"
Imbis na sagutin ako ay binuhay na lang niya ulit ang sasakyan at nagtungo sa tunnel. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa manibela kaya kitang-kita ko ang mga ugat niya mula roon. Maya't maya rin ang paggalaw ng panga niya na tila pinagngingitngit ang mga ngipin.
Hindi na ako umimik dahil baka ibangga na lang niya ang sasakyan dahil sa pang-aasar ko.
"Hindi ka ba natatakot, Tanda?"
"Bakit naman ako matatakot?"
"Dahil hindi tao ang pwede nating makaharap?"
"Sinasanay kaming mga pulis upang maging malakas ang pisikal naming pangangatawan. Isa pa, pinalalakas din namin ang loob namin para wala kaming katakutan."
"Pero kahit ano namang gawin mo, hindi pa rin maipagkakailang may kinatatakutan pa rin ang mga tao."
"Huwag ka ngang ganiyan magsalita!" bulalas niya at saka bumulong, "Hindi ako makapaniwalang nagkagusto ako sa kakaibang nilalang."
Napangiti ako dahil sa sinabi niya. Bubulong pa kasi eh rinig ko naman.
Napatingin siya sa 'kin kaya naapakan niya bigla ang preno ng sasakyan.
"Ano ba! Tanda, ayoko pang mamatay! Marami pa akong gustong gawin," sigaw ko.
"D-Did you just smile?" tanong niya.
Pabalang ko siyang tiningnan. "What? Ngumingiti naman ako sa 'yo, a? Bakit ngayon ka pa nagulat?"
"No. Iba iyong ngiti mo kanina. H-Hindi nakakatakot."
Binatukan ko naman siya dahil sa pang-iinsulto niya. "Nakakatakot ba talaga akong ngumiti?" malumanay na tanong ko.
"Hindi naman sa gano'n..."
"Hindi, e. Simula noong pumasok ako sa St. Marcel, natatakot sila kapag nginingitian ko sila. Wala na tuloy akong ibang nagawa kung hindi ang magseryoso."
Inihinto niyang muli ang sasakyan at saka ako hinarap. Hinila niya ako palapit sa kaniya at tinitigan ang mga mata ko.
"Hindi ka nakakatakot, Shawnna. Kailangan mo lang maging totoo. Ngumiti ka nang totoo. Ngumiti ka dahil masaya ka."
Medyo nabigla ako dahil tinawag niya ako sa pangalan ko pero hindi ko na masyadong pinagtuonan ng pansin.
"Pero wala naman akong dahilan para ngumiti. Hindi naman ako masaya. Paano ako ngingiti?"
Napabuntong-hininga siya at hinawakan ang kanang pisngi ko. "Hindi ba pwedeng ako ang maging dahilan?"
NANG MAKARATING kami sa tunnel ay inihinto ni Tanda ang sasakyan sa isang gilid. Agad akong bumaba at sinuri ang lugar. Madilim ang paligid. Sa magkabilang gilid ng daan ay mataas na batong may mga sanga ng puno at ligaw na dahon.
Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa marating namin ang loob ng tunnel. Sa tingin ko ay malaki ang porsyentong magpunta rito si Ms. Pangil dahil liblib at sobrang dilim lalo na kapag gabi. May nagsasabi rin sa loob ko na maaaring ito ang lungga niya.
Ang nakapagtataka ay bakit hindi pa rin siya hinuhuli gayong napakadaling ma-corner ni Ms. Pangil kapag hinintay nila sa magkabilang dulo ng tunnel.
Napatigil ako sa kinatatayuan ko nang may marinig akong kaluskos. Nagkatinginan kaming dalawa ni Vicente.
Sinugatan ko ulit ang sarili ko, ang tanging naiisip kong paraan para mapalabas si Ms. Pangil. Hindi naman kami nabigo at narinig na namin siya.
Isang kaluskos ang nakapagpatigil sa 'min sa paglalakad, para itong tsinelas na kinakaladkad. Hanggang sa may narinig akong bumagsak na timba sa hindi kalayuan. Dahan-dahan kaming naglakad palapit sa tunog na iyon.
Inilabas ni Vicente ang baril niya. Hinayaan ko na basta ay binalaan ko siyang hindi namin papatayin si Ms. Pangil.
Habang papalapit kami ay unti-unti kong naaaninag ang isang bulto ng tao na nakaalalay sa isang timba gamit ang kaniyang isang paa. Unti-unti ring gumulong palapit sa 'kin iyong narinig kong tumumbang timba kanina.
Saglit akong pumikit at huminga nang malalim bago unti-unting dumilat. Kahit na wala akong hawak na flashlight gaya ni Tanda ay naaaninag ko na ang paligid.
Nagkalat ang mga walang lamang timba sa paligid. Napansin ko ring pataas ang daan kaya madaling gumugulong ang timba patungo sa 'min mula sa pwesto ng bultong nasa harap namin.
Inihinto ko ang paggulong ng timba gamit ang paa ko. Naramdaman ko ring napatigil ang taong kaharap ko nang mapansin kami ni Tanda.
"Ikaw ba si Ms. Pangil?" tanong ko sa kaniya. Nasagot naman ang tanong ko nang makitang inilabas niya ang mga pangil niya. Hindi na rin ako nagulat nang makitang buhaghag ang kaniyang buhok at bahagyang natatabingan ang mukha.
Narinig ko ang pagkasa ni tanda ng baril kaya sinamaan ko siya nang tingin. Nagkibit-balikat siya.
Hinayaan ko na dahil iniwas naman niya ang nguso ng baril sa dereksyon ni Ms. Pangil.
Muli kong itinuon ang atensyon kay Ms. Pangil. "Pwede ba kitang makausap? Iyong maayos?" Unti-unti naman akong lumapit sa kaniya pero bigla niya akong inakmaan. Naitaas ko na lang bigla ang dalawa kong kamay.
"Woah! Easy there, buddy. Gusto lang naman kitang makausap. Kung ayaw mo ng usap na matino, sige ganito na lang kahit malayo tayo sa isa't isa," sabi ko. Naghintay pa ako ng ilang segundo pero mukhang wala talaga siyang balak na magsalita.
Napabuntong-hininga ako. "Bakit ka pumapatay ng mga inosenteng tao?" tanong ko pero hindi pa rin siya sumasagot.
"Mukhang hindi naman nagsasalita ang isang ito," sabi ni Tanda.
"Hindi pwedeng hindi siya magsalita," saad ko. Mukhang kailangan ko siyang masindak para mapagsalita kaya naman wala na akong naisip na ibang paraan. Inilabas ko na ang alas ko.
Unti-unting naging pula ang mga mata ko. Nanlilisik ang mga iyon nang tingnan ko si Ms. Pangil. Lumabas ang mga itim na ugat sa paligid ng mga mata ko at dahan-dahan iyong tumitibok. Bahagya ring tumubo ang dalawang sungay ko sa noo at namula ang buong mukha ko.
Naramdaman kong napaatras si tanda sa tabi ko. Ganoon din ang naging reaksyon ni Ms. Pangil at mukhang nakilala na kung sino ako. Ganiyan nga! Masindak kayo sa reyna!
"Ngayon, siguro naman sasagutin mo na ang tanong ko. Bakit ka pumapatay ng mga inosenteng tao?"
Chapter 8
The Queen is back
Shawnna Gaile Arcinue
"Inosente?" tanong niya. Ramdam ko ang poot sa tono ng kaniyang boses kaya tumahimik ako upang makinig. "Kahit kailan, hindi sila naging inosente sa paningin ko."
Napatango ako dahil sa sinabi niya. Mukhang alam ko na ang sagot sa tanong ko.
"Sinisisi mo sila. Ganoon ba?" tanong ko at ibinalik na ang mga mata sa dati.
Itinayo ko ang timba sa harap ko at saka doon umupo. Mukhang mahaba-habang usapan ang mangyayari sa aming dalawa nito. Inutusan ko si tanda na maupo rin na ginawa naman niya. Tumabi siya sa 'kin habang nakataas pa rin ang baril. Talk about braveness.
Bravo, Tanda! Bravo!
"Wala namang dapat na sisihing iba kung hindi sila lang. Sila ang umubos sa mga tulad ko!" nakasigaw pa ring tugon niya. Nanlisik lalo ang mga mata niya nang mapansin si Vicente sa tabi ko pero wala naman siyang ibang ginawang hindi maganda.
"Nasisiguro mo bang mga tao nga ang gumawa nito sa 'yo? Sa mga kauri mo?" tanong ko. Hindi naman kasi ako makapaniwala. Normal na tao lang sila samantalang ang lalakas ng mga bampira. Imposibleng ang tao ang uubos sa kanilang lahi.
"Sinasabi mo bang nagkakamali ako? Sigurado ako! Naging bihag din nila ako kaya alam ko. Ang amoy ng mga dugo nila, kilalang-kilala ko. Amoy na amoy ko! Ang dugo na nananalaytay sa kanila, sa mga katulad niyang kasama mo!" aniya sabay duro kay Vicente.
Mukhang hindi na nasindak pa si Tanda dahil kalmado na rin siya. Nakikinig lang sa kung ano ang sasabihin ni Ms. Pangil. Ito lang naman sa tingin ko ang kailangan niya – ang mapaglalabasan ng sama ng loob.
"Vampire hunters," bulong ni Vicente sa tabi ko. Narinig din iyon ni Ms. Pangil kaya naman sinugod niya si Tanda.
Bago pa man niya mahawakan si Tanda ay agad umalingawngaw ang isang malakas na putok ng baril. Hindi lang iyon, kasunod niyon ay ang sunod-sunod na tunog ng sirena ng pulis – katulad ng tunog ng sasakyan ni Tanda.
Tiningnan ko si Tanda at kasalukuyan na siyang may hawak ng iCom – iyong ginagamit ng mga pulis na parang telepono.
"Target here. Simulan ninyo na," sabi niya, seryoso ang tono ng boses habang nakadikit ang iCom sa kaniyang labi. Hindi siya makatingin sa 'kin nang deretso.
"Ano 'ng ibig sabihin nito, Tanda!" sigaw ko sa kaniya, nanlilisik ang mga mata habang nililibot ang tingin sa paligid.
"I'm doing my job, Shawnna."
"Hindi mo 'to sinabi sa 'kin. How dare you!" bulalas ko pero hindi na niya ako sinagot pa.
Ilang minuto pa ang nakalipas at naramdaman ko agad ang presensiya ng mga tao sa itaas ng tunnel, lahat sila ay nakatutok ang mga baril kay Ms. Pangil. Galing sila sa likod namin kung saan kami pumasok ni Tanda. Ngayon ko lang din napansin ang mga hagdan dito sa loob ng buong tunnel.
Ayon naman sa hugis ng kanilang mga hawak na baril ay hindi ito ordinaryo. Sa tingin ko ay iyon ang mga baril na may injections sa loob na pwedeng makapag-paralyze sa mga bampira. Hindi ako maaapektuhan niyon pero alam kong masakit pa rin ito para sa aming mga demonyo.
Tss! Such a pain in the ass.
"Fire!" rinig kong sigaw ng isa sa kanila.
Hindi na ako nagdalawang-isip pa. Agad akong nag-teleport kay Ms. Pangil at niyakap siya. Ibinagsak ko siya sa sahig at dinaganan upang ako ang tamaan ng mga bala.
Tunog lamang ng baril ang maririnig namin sa tunnel na iyon. Samantalang ramdam ko naman ang sakit ng bawat pagbaon sa akin ng mga bala sa likod ko.
"Cease fire! Cease fire!" rinig kong sigaw ni Tanda sa kanilang lahat pero nakita ko ang umaagos na dugo sa sahig. Hindi ako gumalaw dahil imposibleng mabuhay pa ang isang tao sa ganitong lagay.
Hanggang huli talaga ay pagiging tao pa rin ang iniisip ko. Gusto ko tuloy batukan ang sarili ko!
"Ialis mo na ako rito. Bilis!" bulong ko kay Ms. Pangil na agad naman niyang sinunod. Gamit ang kaniyang liksi na hindi niya nagamit kanina dahil sa gulat, napunta kami sa isang tago at abandunadong gusali, malayo sa mga sakim na pulis na iyon.
Agad akong tumayo at medyo lumayo sa kaniya. Naramdaman ko na naman ito. Ang kakaibang daloy ng panibago kong dugo. Ito na siguro ang pinakamasarap na pakiramdam sa lahat para sa 'kin. Para akong nasa langit!
"Argh!" Pinigilan ko ang mapasigaw dahil hindi ako sigurado kung may mga tao nga bang nagpupunta rito.
Ilang minuto pa akong nagpigil ng sigaw hanggang sa lumabas na ang mga pakpak ko. Ang mga pakpak na matagal ko nang itinatago. Ang pakpak na lumalabas lamang kapag ginusto ko. Ang mukha ko ay namula rin, lumabas ang sungay ko sa pinakamahaba nitong anyo at ang mga mata ko ay namula rin.
Nang matapos ay umupo ako sa isang gilid at pumikit. Masyado akong nasasabik kaya kailangan kong pakalmahin ang sarili ko. Tumataas din ang tensyon sa loob ko na para bang may gustong kumawala roon. Paulit-ulit akong huminga nang malalim upang pakalmahin ang mabilis na tibok ng puso ko.
Isa pa iyong ginawa ni Tanda kanina. Hindi ako makapaniwala sa kaniya! Gusto ko siyang saktan pero hindi ko naman magawa. Ang akala ko pa naman kasi ay iba siya sa mga taong kasama niya kanina. Hindi ko na talaga alam!
"Hindi ka tao," biglang sabi ni Ms. Pangil sa tabi ko. Nakayuko pa rin siya kaya hindi ko siya makilala pero parang pamilyar ang boses niya ngayong kalmado na ito. "Y-You're Queen Shawnna, right?" tanong niya.
Napakasikat ko naman pala talaga at nakilala pa niya ako.
"What if I tell you I am?" tanong ko sa kaniya habang nakangisi pero hindi pa rin niya ako tinitingnan sa mga mata.
"T-Then, thank you."
"You should come with me." Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa at sinabi na ang pakay ko sa kaniya.
"I can't. I'm sorry." At bigla na lang siyang nawala sa paningin ko. Hindi ko na rin siya maramdaman kaya hindi ko na siya sinundan. Hindi ko naman siya mapipilit lalo na't nangyari ito ngayon. Panira talaga ng plano si Tanda! Bwisit!
Napasalampak na lamang ako sa isang gilid dahil hindi man lang niya ako hinayaang magpaliwanag. Gusto ko lang naman siyang tulungan pero mukhang mahihirapan rin naman ako dahil nakita niya ako kanina. Kasama ko si Tanda. Sa tingin ko ay iyon ang dahilan. Baka akala niya nakikipagtulungan ako sa mga tao para mahuli siya.
That'll never happen.
Alam kong may rason si Tanda kaya niya ginawa iyon pero naiinis pa rin ako sa kaniya. Dapat sinabi niya sa 'kin ang plano niya.
Tapos may plano pa yata silang i-massacre si Ms. Pangil. Kahit na ba pang-paralyze lang iyon ay may mga bumaril din kay Ms. Pangil gamit ang tunay na baril. Kaya ganoon na lang ang nangyari sa 'kin. Gusto ko na lang magpasalamat dahil tinulungan nila ako.
Umuwi na ako. Hinayaan ko na si Ms. Pangil dahil may tamang oras naman para ipaliwanag ko sa kaniya ang gusto kong sabihin. Kailangan ko ring gumawa ng paraan para maiwasan si Tanda dahil ayoko na siyang isama sa kahit anong plano ko.
Kailangan kong tulungan si Ms. Pangil pero dahil kay Tanda ay hindi ko magagawa iyon. Mga tao talaga! Kahit na ano 'ng gawin mo, ganoon pa rin talaga sila. Gagawin ang lahat para sa mga sarili nila. Gusto lang talaga niyang ma-promote o kung ano. Iyon naman kasi ang mga trabaho nila. Pero hindi ko talaga siya masisi nang buo dahil alam kong nag-aalala lang siya sa kapakanan ng mga tao sa paligid niya.
"What the hell happened to you!"
Pagbukas ko pa lang ng pinto ng apartment, si Joseph na agad ang bumungad sa harap ko. Nagulat pa ako dahil hindi ko inaasahang makakapasok siya sa loob. Mukhang nagulat din kasi siya sa lagay ko. Kahit wala na ang mga sugat ko sa katawan, nandito pa rin ang mga dugong hindi ko pa rin natatanggal.
"Ano 'ng ginagawa mo rito?" tanong ko pero hindi niya ako pinansin at agad akong nilapitan.
"Ano 'ng nangyari sa 'yo, Mahal na Reyna? Nalaman ba nila kung ano ka? Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong niya pero hindi ko rin siya sinagot.
"Sagutin mo muna ang tanong ko, Joseph. Ano 'ng ginagawa mo rito? Anong oras na?" tanong ko sabay tingin sa orasang nakasabit sa pader.
Medyo napatigil pa siya at parang pinagtatagpi-tagpi pa ang dapat sabihin sa utak niya. "May naramdaman kasi akong kakaiba. Na parang may mangyayaring hindi maganda kaya pumunta ako rito para malaman kung ayos ka lang. At mukhang tama ang pakiramdam ko dahil ganiyan ang lagay mo. Ano ba 'ng nangyari?" tanong niya.
"Huwag kang mag-alala, ayos lang naman ako. Hindi naman nila nalaman kung ano ako dahil kasama ko si Ms. Pangil. Malamang, ang sasabihin nila ay kinuha na naman ako ni Ms. Pangil at pinatay. Ganiyan naman ang mga tao!" sigaw ko nang maalala ko na naman ang ginawa ni tanda kanina.
Nakakainis lang kasi! Paborito ko pa naman ang mga tao. Pero hindi ko pa rin maiwasang hindi mainis sa mga sakim na gaya nila.
"Nakita mo na si Ms. Pangil?" tanong niya sa 'kin.
Pumunta ako sa banyo upang linisin ang mga dugo sa braso ko. Sumunod naman siya sa 'kin at huminto sa may pinto.
"Oo. Sasabihin ko sanang tutulungan ko siya pero mukhang hindi siya nagtitiwala sa 'kin. Kasama ko kasi ang mortal kanina kaya baka akala niya nakikipagtulungan ako sa kanila."
"Hindi ka niya nakilala?"
"Nakilala niya ako pero bigla na lang siyang umalis. Parang pamilyar nga siya pero hindi ko lang maalala kung saan ko siya nakita," sabi ko naman at medyo tumigil sa pagpunas ng mga dugo sa katawan ko. Medyo nag-isip pa ako kung saan ko siya nakita pero hindi ko talaga maalala.
"Sa St. Marcel din siya nag-aaral gaya mo. Baka doon mo siya nakita," aniya.
Napatingin naman ako sa kaniya dahil mukhang kilala niya talaga si Ms. Pangil.
"Sabihin mo nga, Joseph. Kaano-ano mo ba talaga si Ms. Pangil?" tanong ko pero napaiwas lang siya ng tingin.
"H-Hindi ko talaga masasabi, Mahal na Reyna. Iyon din kasi ang gusto niya. Ayaw niya raw akong mapahamak."
Nagkibit-balikat na lang ako at hinayaan siya. Baka nga wala ako sa lugar para alamin ang mga ganitong bagay. Buhay naman nila iyan kaya labas na ako. Ang tanging gusto ko lang naman ay tulungan si Ms. Pangil upang tulungan niya rin ako. Isa pa, ayoko ng ginagawa niyang pagpatay. Kumukulo ang dugo ko!
Matapos kong magpunas ng katawan ay dumeretso ako sa drawer ko upang magbihis. Napatigil ako nang may bigla akong maalala. May nakita akong weird na babae noon sa rooftop. Siya kaya iyon o baka naman si Ms. Pangil II lang? Or fan ni Ms. Pangil?
Napailing na lang ako sa naisip ko. Imposible naman kasi. Wala pa raw nabubuhay na nakakita kay Ms. Pangil. Iyong iba ngang pulis na nakakita sa kaniya ay wala na ngayon, iyon pa kayang ordinaryong tao lang?
"Ano nang plano mo ngayon, Mahal na Reyna?" tanong ni Joseph. Pumunta kami sa maliit na sofa ng apartment ko at doon naupo.
"Wala. Hahayaan ko na lang muna ang tadhana," sabi ko na medyo ipinagtaka niya.
"Hindi mo siya hahanapin?" tanong niya.
Napairap na lang ako sa kaniya bago magsalita, "Alam mo, Joseph, hindi si Ms. Pangil ang ipinunta ko sa mundong ito. Nagpunta ako rito para makilala ang mga tao at higit sa lahat ay mapuntahan ko ang buong mundo. Bakit ko siya hahanapin kung ayaw niyang magpahanap?" tanong ko sa kaniya.
"So, hahayaan mo na lang siyang makapatay?"
"Ikaw kaya ang maghanap sa kaniya at pigilan siya! Ikaw nga nakakakilala roon sa bampira na iyon."
"Kung magagawa ko nga lang sana iyon. Pero mas malakas ka sa 'kin at marami kang kayang gawin."
"Pero hindi iyon ang pakay ko. End of topic."
Matapos n'on ay wala nang nagsalita. Nakatulala lang kami pareho at walang ginagawa. Gusto ko na sanang matulog pero mukhang wala siyang balak na umuwi muna. O baka naman may gusto siyang itanong pero nahihiya lang siya?
"May kailangan ka pa ba?" tanong ko.
"Ahm... gusto ko lang sana itanong," panimula niya. "Iyong pulis ba na iyon ang dahilan kung bakit hindi mo nakausap nang maayos si Ms. Pangil?" tanong niya.
Tango lang ang naging tugon ko sa kaniya. Mukhang iniisip na naman niya ang tungkol sa sinabi niya noon na pagpatay sa pulis na iyon. Gusto ko na sanang magbago ng isip pero naalala kong tao pa rin naman siya.
"Ako na ang bahala sa pulis na iyon. Sisiguraduhin kong hindi na siya makakalapit kay Ms. Pangil," sabi ko sa kaniya.
Alam ko naman kasing gusto niya na ring matulungan si Ms. Pangil kaya kailangan ko talagang gawin ang paghahanap sa kaniya kahit na wala naman talaga akong balak. Basta hindi iyon ang priority ko. Period!
"Kailangan ko nang umalis. Magkita na lang tayo ulit sa shop," aniya kaya tumango ako at tumayo na rin para ihatid siya sa labas.
Paalis na sana siya nang pigilan ko siya. "I'll help you. Hahanapin ko si Ms. Pangil kahit na hindi iyon kasama sa dapat kong gawin. I won't let anyone hurt her again."
Napatingin siya sa 'kin nang may ngiti sa labi. Mukhang mahalaga sa kaniya ang bampirang iyon kaya kailangan ko talagang tumulong. Hindi ko naman kayang hayaan na lang ang mga gaya niyang nangangailangan ng tulong.
"Maraming salamat, Mahal na Reyna," sabi niya saka nagpatuloy sa pag-alis. Sinara ko naman ang pinto nang hindi ko na siya makita.
Kahit na hindi niya sabihin sa 'kin kung kaano-ano niya ang bampirang iyon ay parang alam ko na rin ayon sa kinikilos niya. Alam kong hindi lang mahalaga ang bampirang iyon sa kaniya kundi parang mayroon silang nakaraang dalawa. Kung hindi man sila magkasintahan noon ay baka makapatid sila sa ama o sa ina. Malalaman ko rin iyon kahit hindi pa sa ngayon.
Bago ako natulog ay napagpasyahan ko ang isang bagay. Tutulungan ko ang mga nangangailangang tulad ng dalawang ito, kahit na ba hindi naman iyon kasama sa plano ko. Pwede ko rin naman idagdag para medyo exciting. Wala naman kasing masama sa ganoon. I came here not only for vacation, I also came here to know and to save humans.
Chapter 9
Apology
Sinilip ko ang pinto bago lumabas. Baka kasi nandito na naman ang sasakyan ni Tanda at ihatid na naman ako. Tulad ng sabi ko kagabi, ayoko ng magkaroon ng koneksyon sa kaniya dahil sa ginawa niya. Sabihin ko mang gusto ko siya bilang kaibigan, wala pa rin akong tiwala sa kaniya dahil hindi ko pa naman siya kilala.
I don't trust my friends.
Dahan-dahan akong naglakad paalis. Nakatingin pa ako sa likod ko dahil baka sinusundan niya ako nang may bumangga naman sa 'kin sa harapan.
"Ano ba naman 'yan!" sigaw ko dahil sa gulat.
Pagtingin ko naman sa harap ko ay nakatingin sa 'kin ang landlady ko. Nakahinga ako nang maluwag dahil hindi si Tanda ang nakabungguan ko.
"Ano ba 'ng ginagawa mo, Shawnna? May pinagtataguan ka ba?" tanong naman niya habang nakatingin sa likod ko pero wala naman siyang nakita.
"Wala naman po." Tumawa ako nang peke at saka nagkamot ng ulo. "Pakiramdam ko kasi ay may sumusunod sa 'kin kaya medyo natatakot ako," pagsisinungaling ko sa kaniya. Ayoko namang sabihin na iniiwasan ko si Tanda dahil baka kung ano pa ang isipin niya.
"Ganoon ba. Sige, mag-ingat ka lang. Huwag ka na lang gagabihin sa pag-uwi saka huwag ka pupunta sa walang taong lugar."
Nagpaalam na ako matapos niya sabihin iyon at nagpasalamat. Kahit naman pala ganito ang mundo ng mga tao ay hindi pa rin talaga mawawalan ng mga taong may malasakit sa kahit hindi nila kamag-anak. Minsan talaga init lang ng ulo ang dahilan kung bakit sila nagagalit.
Sino ba naman kasi ang hindi magagalit kung hindi ka pa nagbabayad ng upa mo?
Nagpatuloy na ako sa paglalakad hanggang sa gate ng school namin. Akala ko ligtas na ako dahil malapit na ako sa school pero mukhang wala talaga siyang balak na tigilan ako.
"Iniiwasan mo ba ako, Bata?" seryosong tanong niya. Nakatayo siya ngayon sa harap ko at suot pa rin niya ang unipormeng nagpapaalala sa 'king hindi ako ang priority niya kundi ang trabaho niya.
"I am not," tugon ko sa kaniya at tinapatan ang mga titig niya. Hindi ako magpapaapekto sa mga tingin niya ngayon dahil galit ako sa kaniya.
"Yes, you are. Nakita kita kanina," aniya.
"E 'di nakita mo. I don't care." Nilagpasan ko naman siya at saka akmang papasok sa school namin.
Hinawakan niya naman ang kamay ko para pigilan ako. Tiningnan ko naman ang kamay niya at saka niya ito binitiwan.
"You're not on your usual self today, Bata." Hindi ko siya pinansin at tiningnan ko lang siya nang seryoso. Hindi ba niya mahalatang galit ako sa ginawa niya kagabi? Nakaka-stress ang lalaking ito, a?
"I am on my usual self, SPO2 Vicente Santos. Ikaw yata ang wala sa sarili mo."
Nagtitigan pa kami nang ilang sandali hanggang sa mapabuntong-hininga siya. Tinalikuran ko na siya pero bigla na naman niya akong hinawakan upang pigilan.
Handa na sana akong sigawan siya pero pinutol niya ako. "I'm sorry."
Medyo napatigil ako dahil sa ginawa niya. Hindi ko inaasahang iyan ang sasabihin niya. "Sorry for what?" tanong ko kahit alam ko naman kung tungkol saan.
"Tungkol sa nangyari kagabi. For not telling you. Alam kong nagalit ka sa 'kin," aniya.
"It's fine. At least walang nangyaring masama kay Ms. Pangil." Seryoso pa rin ang mga tingin ko.
Mula sa pagiging seryoso ng mukha niya ay bigla iyong lumambot na para bang nag-aalala. "Ayos ka na ba? It's not an ordinary gun, maaari kang ma-paralyze sa ginamit nilang baril kagabi."
"You don't have to worry. Hindi naman ako tao kaya hindi mo kailangang mag-alala. It's just a human weapon, after all."
"You're still angry. Hindi pa ayos."
"Ano naman sa 'yo kung magalit ako?" tanong ko, natawa pa nang pagak dahil hindi pa rin ako makapaniwala sa pagpapaawa niya ngayon.
"Ako ang may kasalanan at sa akin ka galit."
"So?"
"So – "
Hindi na niya natapos ang sinasabi nang marinig namin pareho ang tunog ng bell sa school hudyat na magsisimula na ang klase.
"I need to go," sabi ko.
Wala na naman siyang nagawa kung hindi ang hayaan na ako dahil kailangan kong mag-aral pero may pahabol pa siya. "I'll give you an offer! You help me capture that vampire, then I'll let her drink your blood."
"No."
"Why not?"
"I can handle her myself."
Hinayaan na niya talaga ako this time. Hindi ko na siya nilingon dahil kailangan ko talagang mag-aral. Marami kasi akong natututunan dito tungkol sa mga tao lalo na sa math. Medyo komplikado ang bagay na iyon pero na-eenjoy ko naman.
Sa buong araw ko sa school ay wala ako sa sarili ko. Nagtataka kasi ako sa ikinikilos ko ngayon. Bakit parang ang big deal sa akin ng ginawa ni Tanda kahit na ligtas naman si Ms. Pangil? Dati naman ay hinahayaan ko na lang at pinapatawad agad ang mga nagkakaroon ng kasalanan sa 'kin.
Kaya ito ako ngayon, tinatanong ang sarili ko kung ano na naman 'tong problema ko. Kailangan ko na sigurong kalimutan ang nangyari kagabi.
"Okay ka lang ba, Shawnna? Kanina ka pa kasi tulala," tanong ni Brixther.
Napatingin ako sa paligid. Nandito na kami sa cafeteria at nakatingin na silang tatlo sa 'kin na parang nagtatanong. Kanina pa kasi ako tahimik dahil na rin sa mga iniisip ko.
"Ayos lang ako. Hindi lang kasi maayos ang pakiramdam ko simula kagabi," sabi ko na lang.
"Dapat hindi ka na pumasok para makapagpahinga ka," ani Rachel.
"Ayos lang naman ako, kaya ko pa. Medyo napagod lang siguro ako ngayong araw."
"Tara na? Hatid ka namin sa apartment mo. Doon din kasi kami dadaan papuntang mall," ani Brixther na may malapad na ngiti.
"Sige, tara?" yaya ko sa kanila at saka kinuha ang bag ko.
Nagsimula na kaming maglakad. At talagang malaki ang pasasalamat ko dahil sumama ako sa mga ito pauwi sa apartment ko dahil nandito pa rin si Tanda. Wala man ang sasakyan niya ay naka-uniporme pa rin siya. Marami ang nakatingin sa kaniyang estudyante dahil gwapo nga kasi siya.
Iniwas ko na lang ang tingin ko at medyo dumikit kay Brixther na tahimik lang. Mukhang excited nga ang kambal dahil matagal na raw noong huling nakapunta sila sa mall at nakapag-shopping. Dati raw kasi ay pumupunta lang sila para magtingin-tingin.
"Okay ka lang ba talaga?" tanong ulit ni Brixther.
"Medyo nahilo lang ako," pagsisinungaling ko na naman.
Inakbayan na lang niya ako para alalayan kahit na hindi naman talaga ako nahihilo. Sinabihan niya rin ang kambal na bilisan dahil kailangan ko nang magpahinga. Hindi ko maiwasang mamangha kay Brix dahil napaka-gentleman niya. Kung ganito lang sana ang mga lalaki sa mundo, e 'di ayos!
Nang makarating sa apartment ay pinapasok ko muna sila saglit para painumin ng tubig.
"Malaki naman pala itong apartment mo para sa 'yo lang," ani Rochelle habang naglilibot sa loob.
"Wala ka bang ibang kasama rito?" tanong naman ni Brix.
"Wala na akong pamilya," sabi ko. Totoo naman kasi ito. Wala na ang aking ama at ina, wala rin naman akong kapatid kaya mag-isa na lang ako. Si Luke naman iyong parang butler at kaibigan ko kaya hindi ko siya kamag-anak. Malapit lang ako sa kaniya.
"Sorry, natanong ko pa."
"Ayos lang. Matagal na rin naman iyon," sabi ko.
"Sige. Mauna na kami, Shawnna. Baka kasi gabihin kami. Baka kung mapaano itong kambal."
"Okay. Ingat kayo, guys!" Kinawayan ko sila.
Inihatid ko sila palabas ng apartment at saka nagpaalam sa kanila. Agree naman ako dahil baka nga gabihin sila.
Isasara ko na sana ang pinto nang may biglang kamay na humarang doon. "Aray!" daing niya pero hindi ko pa rin tinanggal ang pinto.
"Ano na naman ba ang kailangan mo? Sinabi ko na naman, 'di ba? Hindi ako pumapayag sa offer mo dahil kaya ko si Ms. Pangil nang mag-isa."
"Pero mas magiging madali iyon kapag kasama mo ako."
"No way! Baka nga maging sagabal ka pa sa pag-uusap namin."
"Pwede mo bang buksan muna ang pinto para makapag-usap tayo nang maayos?" tanong niya.
Napairap na lang ako dahil ayoko talaga. Baka kasi mapapayag pa niya ako nang wala sa oras.
"Ayoko. Umuwi ka na kasi nag-aaksaya ka lang ng oras mo rito. Gawin mo na lang ang trabaho mo."
"But, I am doing my job."
"Wala ka nang mapapala sa 'kin kaya umalis ka na. Please!"
Nakita kong unti-unti niyang tinanggal ang kamay niya mula sa pagkakaipit. Nang tuluyan na niyang matanggal ay nagawa ko nang isara ang pinto nang tuluyan. Ganoon na lang iyon? Ang bilis naman niyang sumuko. Hindi man lang nag-effort!
Napabuntong-hininga na lang ako. Ito na naman ako! Para na tuloy akong tao kung umasta.
"Aalis ako ngayon..." Nagitla ako nang marinig ko siyang magsalita sa likod ng pinto. Akala ko kasi ay tuluyan na siyang umalis. "Pero hindi ako titigil hangga't hindi kita napapapayag."
Matapos iyon ay hindi ko na talaga siya narinig pa. Binuksan ko ang pinto nang bahagya at hindi ko na siya nakita roon. Napabuntong-hininga na naman ako at isinara iyon.
Bakit ba kasi ako pa ang kinukulit niya? Kung tigilan na niya ako ay magagawa naman niya ang trabaho niya nang maayos. Nagagawa na nga niya noon, ngayon pa kaya?
Hindi ko naman kasi kayang gawin ang sinasabi niyang offer. Ayoko ngang ibigay si Ms. Pangil sa mga pulis dahil gusto ko siyang tulungan. Kung tatanggapin ko ang offer ng pulis na ito ay para ko na ring ipinagbenta si Ms. Pangil sa kanila. Who knows what they want to do with her!
Hindi ko na masyadong pinansin pa ang mga nangyayari dahil ako lang ang mai-stress. Bahala na siya sa kung ano ang gagawin niya basta hindi ako dapat pumayag.
Matapos kong magbihis ay dumeretso na ako sa shop para sa trabaho ko. Nakita ko si Ken na nasa cashier at malapad ang pagkakangiti sa akin.
"Good afternoon, Shawnna!" masiglang bati niya.
"Good afternoon, Ken. Si boss?" tanong ko.
"Nandoon siya sa loob," aniya.
"Ah sige. Salamat."
Agad akong nagtungo sa loob upang makausap siya. Nakaupo naman siya sa silya niya at may tina-type sa isang laptop.
Napatingin siya sa 'kin nang mapansing may pumasok sa office niya. "Lady Shawnna," pagbati niya sa 'kin.
"Magandang tanghali rin," tugon kong medyo sarkastiko. Hindi naman siya sumagot at tiningnan lang ako na parang humihingi ng tawad. "Gusto ko lang sanang humingi ng tulong sa 'yo, Joseph."
"Sure, ano ba iyon?" tanong niya. Hindi na siya tulad kanina na tinuturing na naman akong reyna. Yes, just like that.
"Gusto kong tulungan mo akong i-track ang bampira na iyon."
"You mean, aalamin ko kung saan siya nagtatago?" Tango lang ang sinagot ko sa kaniya. "Matagal ko na itong ginagawa, Shawnna. At sa tinagal kong ginagawa ay isa lang ang masasabi ko. Palipat-lipat siya ng lokasyon para na rin maiwasan ang mga mga pulis na humuhuli sa kaniya."
"Ah... so, nasaan na siya ngayon?" tanong ko naman sa kaniya.
May kinalikot siya sa laptop niya at ilang sandali pa ay may binabasa na. "Sa ngayon, nasa isa siyang kalye sa Santan st. Kung aalamin ko ang lugar na tinatahak niya ay papunta ito sa... gubat?" medyo patanong pang sabi niya.
Sinilip ko naman ang tinitingnan niya at hindi iyon ordinaryong mapa lamang dahil may gumagalaw na maliliit na mga bilog doon – parang tracker. Puro iyon kulay pula ngunit may isa roon ay kulay asul. Kung tama ako ay ito si Ms. Pangil.
"Ano naman ang ginagawa niya sa gubat?" tanong ko.
"Pwedeng ang lugar na iyon ang kasalukuyan niyang hide out," aniya.
"Ang weird naman. Bakit naman sa gubat niya napili?"
"Para siguro maiwasan ang mga pulis."
"Pwede rin. Pero hindi ba niya naisip na masyadong matatalino ang mga tao? Pwedeng unahin nila ang mga lugar na imposible niyang pagtaguan."
"Wala rin akong ideya."
Saglit pa kaming natahimik at pinanood kung saan papunta ang kulay asul na bilog. Hindi nga kami nagkamali at sa gubat ito nagtungo. Nang makaapak siya sa gubat ay biglang nawala ang bilog. May kung anong pinindot si Joseph at biglang lumipat ang screen. Muli kong nakita si Ms. Pangil.
"Where's that?" tanong ko.
"In the middle of the forest."
"Posible kayang may tumutulong sa kaniya?"
"Posible iyon pero hindi tayo sigurado," tugon niya. "Pupuntahan mo ba siya?"
Napatingin ako sa kaniya nang dahil sa tanong niya. "Malamang Joseph. Kaya ko nga pinahanap sa 'yo."
"Pagkatapos niyon? Ano 'ng mangyayari?" tanong ulit niya.
Hindi ko maiwasan ang hindi mapabuntong-hininga dahil sa mga tanungan niya. "Magiging ayos na ang lahat, pagkatapos nito. Ano pa 'ng gusto mong itanong?"
"Wala na," aniya habang umiiling.
"Sige, magtatrabaho na ako. Baka sabihin mo binabayaran mo ako pero hindi ko naman ginagawa ang trabaho ko."
"Hindi ko sasabihin iyon."
"I know."
Pagkalabas ko sa office niya ay nakita ko si Ken na abala na sa mga customers. Nang matapos ang isang customer ay isa na naman ang lumapit.
"Ano po ang sa inyo?" tanong ko habang nakangiti.
"Ahm... blueberry chessecake and a latte," aniya habang nakatingin sa mga binebenta namin. Napatingin naman ako kay Ken na biglang natigilan sa tabi ko. "Uyy! Blueberry cheesecake raw saka latte!" medyo pasigaw na sabi ko sa kaniya.
Medyo napapitlag siya dahil sa pagsigaw ko. "A-Ah! Ito na nga. Right away, Ma'am!" bigla niyang bulalas. Ang weird naman ng lalaking iyon.
Tinuon ko ang pansin sa babaeng customer nang magsalita siya. "Mukhang na-mesmerize yata sa ngiti mo, Ate," aniya.
"Huh?" tanong ko, bahagyang nakakunot ang mga noo.
"Nakatingin siya kasi sa 'yo habang nagsasalita ka. Baka nagandahan sa 'yo!" aniya sabay tawa pa.
"Hindi rin! Nakakatakot kaya akong ngumiti," sabi ko.
"Hindi 'no! Akala mo lang iyon. Mas maganda kasi kapag tunay ang ngiti mo, mas attractive."
Medyo napatigil ako sa sinabi niya. May naalala kasi akong tao na nagsabi sa akin nito. Umiling na lang ako at kinalimutan iyon. Paano kaya ako nakakangiti nang ganito? Hindi naman siya ang dahilan.
Chapter 10
Student's Life
Shawnna Gaile Arcinue
Maaga akong pumasok kaya medyo inaantok pa ako. Hindi na kasi ako makatulog nang magising ako kanina kaya nag-ayos na ako. Kahit na inaantok pa, hindi naman ako makatulog. Ewan ko ba kung bakit. Ang dami rin kasing tumatakbo sa isip ko.
Humihikab pa ako nang lapitan ako nina Brixther, Rachel at Rochelle.
"Mukhang puyat ka, a?" tanong ni Brixther.
"Medyo..."
"Hindi ka ba nagpahinga? Dapat nagpahinga ka na lang din ngayon," ani Rachel.
"Ano ka ba naman, Rachel! Wala naman akong matututunan kung pahinga lang ako nang pahinga," sabi ko, natatawa pa sa sinabi niya.
"Oo nga naman. Pero kahit ganoon, dapat may sapat kang tulog," ani Brix.
"Gayahin mo 'tong si Rachel," sabi ni Rochelle. "Noong isang araw, pagkauwi namin ay natulog agad – kinabukasan na ang gising. Tapos kahapon naman, pagkauwi galing ng mall ay natulog agad tapos kinabukasan na ulit ang gising."
Napatingin ako kay Rachel dahil sa sinabi ng kambal niya. "Takaw-tulog ka naman pala, Rachel. Hindi ko kaya 'yon!" bulalas ko.
"Hindi naman!" bulalas din niya sa 'min. "Binawi ko lang ang mga pagpupuyat ko noong mga nakaraang araw. OA lang itong si kambal," aniya.
"Nga pala, guys. Nabalita na naman kagabi si Ms.Pangil," ani Brix kaya agad napukaw niyon ang atensyon ko.
"Ano na naman ang tungkol sa kaniya?" tanong ko.
"Ano pa nga ba? E 'di panibagong pagpatay na naman."
"Hay naku! Patagal nang patagal, mas lalong dumadami ang pinapatay niya. Kailangan na talaga siyang mahuli at mapatay," ani Rachel.
Ngumiti lang ako kahit na medyo nainis ako sa sinabi niya.
"Hatid-sundo na nga kami ng parents namin. Tapos kagabi, ang sabi niya ay magpasundo kami sa kanila kahit na kasama namin itong si Brixther. Sila na rin daw ang maghahatid kay Brixther pauwi."
"Wala 'ata silang tiwala sa mga muscles ko!" ani Brixther habang nakataas ang braso na parang nagmamayabang. Bahagya pa siyang nag-flex ng mga muscles daw niya sa harap namin.
Napairap ako sa kaniya. "Paanong mawawalan ng tiwala, hindi mo nga alam kung psycho lang nga ba iyon o kakaibang nilalang," sabi ko.
"Kahit na! Sa lakas kong ito, kaya kitang protektahan," aniya sabay kindat sa 'kin. Ito na naman po siya.
Tinawanan siya ng kambal.
"Hindi ka magugustuhan ni Shawnna dahil umiihi ka pa sa higaan!" ani Rachel.
"Oo nga! Hindi ka nga marunong maghugas ng pwet mo, e!" ani naman ni Rochelle.
Nag-apir pa ang kambal matapos nila iyong sabihin.
"Tumigil nga kayo! Baka maniwala si Shawnna sa mga kasinungalingan ninyo!" sabi niya, bahagya pang nakanguso nang humarap sa 'kin. "Hindi totoo iyon, Shawnna. Huwag kang maniniwala sa mga 'to!"
Natawa rin ako dahil mukha siyang bata. "Oo na! Oo na! Hindi naman ako naniniwala," sabi ko.
"Talaga?" sabi niya, kumurap-kurap pa na tila nagpapa-cute.
"Oo. Pero hindi ibig sabihin ay magugustuhan na kita," sabi ko habang tumatawa. Mas lalo namang lumakas ang tawa ng kambal dahil sa sinabi ko.
Bumagsak ang dalawang balikat niya at hinawakan ang dibdib. "Hindi pa nga ako nanliligaw, busted agad? Nasaan ang hustisya?" sabi niya. Alam ko namang nagbibiro lang siya kaya pinaghahampas na lang namin siya sa braso.
"Good morning, class!"
Agad nagsiayos ang mga kaklase ko at bumalik sa kani-kanilang silya nang dumating ang adviser namin, si Sir Jose.
Nilabas ko naman agad ang notebook ko para makapag-take down notes.
Nang makarating sa harap ay agad nagsalita ang aming guro, "Before I start the lesson, ibibigay ko na sa inyo ang project ninyo. This quarter's project will be easy kumpara sa mga susunod pang quarters dahil by group ito."
Agad nagdiwang ang aming klase dahil sa balitang iyon. Sino ba naman kasi ang tutol sa group project? At least lahat kayo gagawa, hindi sariling sikap. Tanggalin na lang ang pangalan ng mga hindi tutulong.
"So, as I was saying, isang MTV ang kailangan ninyong gawin for this time. Hindi na kayo gagawa ng sarili ninyong concept at parang parody na lang ang gagawin. Pagandahan kayo. Alam ninyo naman siguro kung ano ang parody dahil mahilig kayong gumamit ng social media."
Tumalikod siya sa amin at saka nagsulat sa board. Nilista niya ang bawat sinasabi at mga kailangang ilagay sa MTV na gagawin namin.
"In addition to that, gagawa rin kayo ng commercial ninyo na parang parody lang din. Pagsasamahin ang dalawang iyon sa isang CD."
"Sir, ilan pong commercial saka MTV?" tanong ng isa kong kaklase na mahilig din mag-edit ng mga ganitong videos. Ang swerte ng mga magiging kagrupo niya. Sana isa ako roon para hindi kami mahirapan. Kapit-kapit din 'pag may time!
Napabuntong-hininga na lang ako dahil sa naisip. Para na akong tao kung mag-isip. Kung ano-ano naman kasi tinuturo sa 'kin ng mga mortal na ito!
"Isa lang ang MTV na gagawin ninyo and the commercial naman ay kahit ilan ang gusto. Kung saan kayo masaya, e 'di go!"
"Sa kaniya lang ako sasaya, Sir!" bulalas ni Janus na ikinatawa ng lahat.
"Sir, pwede po iyong mga kagrupo na lang namin last week iyong grupo ngayon?" tanong ng isa pa.
"Hindi pwede. Five members lang kayo last week, 'di ba? Kailangan ko ng 4 groups lang sa isang section kaya kailangan mag-groupings ulit. Ganoon din ang ginawa ko sa iba pang sections para fair."
"Aw, sayang," bulong ng iba kong mga kaklase.
"Iyon na nga, patapusin ninyo muna kasi ako. Ang dami na agad tanong hindi ko pa naman na-eexplain lahat."
Natawa kami sa sinabi niya dahil tama naman siya.
"After ninyo mag-shoot ay kailangan niyo pa i-burn iyon. Bibili kayo ng DVD na kasinglaki ng notebook niyo. Kayo rin ang magle-layout ng cover, with groupmates and summary ng laman ng DVD. Kung may naisali man kayo sa MTV ninyo na hindi classmate, indicate ninyo rin sa cover."
Ipinagpatuloy ko ang pagsusulat ng mga sinusulat niya sa board. Mukhang maganda itong gagawin namin dahil pwede kaming maglibot sa maraming lugar. Matutupad na rin ang bucketlist ko kahit papaano!
Naikuwento rin nila sa 'kin ang pinag-uusapang fieldtrip dahil pupunta rin daw kami sa iba't ibang lugar kapag nagkataon. Hindi na tuloy ako makapaghintay!
"Magkakaroon din ng botohan on social media. Ipo-post ninyo siya sa isang account at paramihan kayo ng likes. Ibang section ang kalaban. Pumili kayo ng maganda at iyong madalas i-parody pero bawal ang maulit sa isang section. Halimbawa, kapag Ikaw ang MTV ng isang group, bawal na iyon gawin ng ibang group. Gets?" tanong niya.
Nagsigawan naman kami bilang sagot at saka siya nagpatuloy.
"Iyon lang naman. Matagal pa naman ang deadline pero inagahan ko na ang pagsasabi para hindi kayo gahulin. And by the way, ito na ang magiging periodical exams ninyo sa 'kin at wala ng written kaya pagandahin ninyo, okay?"
Nagdiwang muli ang klase dahil sa naging balita ni sir. Hindi ko rin maiwasan ang hindi matuwa dahil wala nang sasagutan sa subject namin. Nakisigaw rin ako gaya ng mga kaklase ko. Nakipag-apir pa ako sa kambal at kay Brix dahil pati sila ay nagwawala na dahil sa tuwa.
"Sana magkakagrupo tayo!" bulalas ni Rachel sa 'min.
"Sana!" ani Rochelle.
"Ibibigay ko ang groupings mamaya sa president ninyo kapag nagawa ko na," sabi ni sir.
Matapos n'on ay early dismissal ang nangyari kaya sa canteen ang bagsak namin. Wala pang masyadong estudyante kaya sa bungad lang kami umupo, malapit sa pintuan. Hindi ko mapigilan pero si Ms. Pangil na naman ang topic ng halos buong tao sa canteen, pati na rin ang mga nagtitinda.
Hinayaan ko na lang dahil wala naman silang magagawa. Hanggang salita na lang naman sila. Iyon lang. Para namang may magagawa sila para saktan si Ms. Pangil. Alam ko kung ano ang pinagkaiba ng dalawang lahing 'to. Pisikal na lakas pa lang, alam ko na.
Pero mukhang mali ako dahil may ilan pala talaga sa mga tao ang ma-attitude.
"Watch where you're going!" Sabay-sabay kaming napatingin sa gawi ng babaeng sumigaw. Sa sobrang lakas ng boses niya ay natahimik ang buong canteen para panoorin sila. Nakita ko naman ang pag-angat ng labi niya na parang gustong-gusto ang atensyon na nakuha niya.
"Nakita mong dadaan ako, tapos bigla mong ihaharang 'yang paa mo!" bulalas ni Monica, nakataas ang naka-drawing niyang kilay sa harap ng isang estudyanteng nakatapon sa kaniyang sapatos.
"Ayan na naman sila Monica," bulong ni Rachel. "Nagrereyna-reynahan na naman sa school na 'to."
Nagpanting ang tainga ko. Reyna? Tama ba ang pagkakarinig ko? I'm the only queen! Wala siyang karapatan para tawagin ang sarili niya na reyna!
"Pathetic! Mukhang hindi na rin makatayo ang isang ito dahil lang sa pagkakabunggo sa 'yo," sabi naman ng isa sa mga kasama ni Monica. May highlights na kulay asul ang itim niyang buhok. 'Di ko lang siya makita masyado dahil nakatalikod siya sa gawi namin.
Pinagmasdan ko ang babaeng nakaupo pa rin sa silya niya na mukhang walang balak tumayo. Mag-isa lang siya sa lamesa at mukhang wala talaga siyang kilala sa school na 'to. Pero kung mayroon man, mukhang wala sila rito para ipagtanggol siya.
Hindi ko tuloy maiwasang hindi pang-initan ng ulo sa mga bullies na 'to.
"Oh, ano? Uupo ka na lang diyan? Clean my expensive shoe na dinumihan mo!" bulalas na naman ni Monica.
Napadako ang tingin ko sa paa niya at napansing may dumi nga iyon. Halos tuldok lang ang nakita ko!
Akmang lilinisin nga ng uto-utong babae ang sapatos ni Monica nang bigla na lang siya nitong sinipa sa mukha.
Napatayo na ako dahil sa ginawa niya. That's physical, sweety!
"Shaw?" tawag sa 'kin ni Brix pero hindi ko siya pinansin.
Nilapitan ko na lang sila at saka tinulungan ang kaklase kong mukhang bruha. Siya iyong nakita ko sa rooftop noon na namimilipit sa sakit ang tiyan. Mukhang hindi gutom ang kalaban niya ngayon kundi itong mga babaeng ito!
"Are you okay?" tanong ko sa kaniya at akmang aalalayan sa pagtayo.
"Huwag mo akong hawakan!" bulalas niya sa 'kin sabay tampal sa kamay ko.
Napaatras tuloy ako. Siya na nga ang tinutulungan, siya pa ang may ganang itulak ako. Nakakailan na siya, a? Kung nasa mundo ko ang babaitang ito, nabigwasan ko na siya!
"Tinutulungan lang naman kita," sabi ko sa kaniya.
"I don't need your help, or anyone's help!" bulalas niya sa 'kin.
Nang tingnan niya ako sa mga mata ay agad akong napanganga. Ano ang ginagawa niya rito sa school? Dito rin siya nag-aaral? O baka sa school na 'to siya naghahanap ng susunod na biktima?
Tinuon niya naman ang babaitang umaway sa kaniya kanina. "I can just buy you a new pair. Iyong mas mahal at imported. Those shoes are not even worth it. That's on sale, right? I saw you that day. Cheap," bulong niya sa huling salitang sinabi niya.
Gusto kong matawa. Akala ko kasi ay siya ang tipo ng taong hindi lumalaban pero nakakatuwa siya! Hindi ako makapaniwalang ganoon ang sasabihin niya sa kanina lang ay sumisigaw sa kaniya. Pero bakit parang hahalikan niya talaga ang sapatos ni Monica kanina?
Nakita ko ring nanlaki ang mga mata ni Monica dahil siguro sa hindi niya inaasahang sasagot itong nakabangga niya o baka dahil may alam ito tungkol sa peke niyang sapatos.
"You bitch –" Susugurin na dapat niya si Bruh pero pumagitna na ako at hinila ang buhok niya palayo. Sumosobra na siya, a?
"Watch it! Why don't you just stop and go to hell?" sabi ko.
Hindi naman sa pakialamera ako. Siya lang din naman ang nililigtas ko. Mamaya ay siya na ang sunod na biktima ni Ms. Pangil. Siya rin ang mapapahamak. 'Di ko pa naman alam kung paano tumakbo ang utak nito.
"Get off me! Nasasaktan ako. Bitiwan mo ang buhok ko!" bulalas niya.
See? Inaalala ko lang talaga siya.
Dahil na-bored na akong makipaglaro sa kaniya ay binitiwan ko na siya. Nakita kong inalalayan siya ng tatlong mga kaibigan niya para makatayo. Tiningnan ko si Bruh pero wala na siya sa likod ko.
Kumunot ang noo ko. "Nasaan na iyon?" bulong ko. Mukhang tinotoo pa yata ang pagbili ng sapatos ni Monica. Hinayaan ko na lang. Malalaman ko naman mamaya kung saan siya nagsuot.
"Sino ka ba? Bakit ba nakikisali ka, hindi naman ikaw ang pakay namin kundi ang mangkukulam na iyon!" bulalas ni Monica na malapit nang maiyak dahil sa sakit. Masyado ko bang nadiinan ang pagkakahawak kanina?
"Sa tingin ko bago lang siya rito dahil ngayon ko lang siya nakita," sabi ng kaibigan niyang may apat na piercing sa tainga. Bahagya lang iyong natatakpan ng nakalugay niyang buhok kaya siguro nakatakas sa gwardiya. Gaya ni Monica ay drawing lang din ang mga kilay niya. May katangkaran siya dahil na rin siguro sa heels na suot. Maayos naman ang suot nilang uniporme pero masyado iyong hapit sa kanilang mga katawan. Wala silang suot na ID na labag sa patakaran ng school namin.
Paano sila nakatakas?
Iyong isa naman ay tahimik lang sa likod na parang walang pakialam sa ginagawa ng mga kaibigan niya. Mukha pa ngang labag sa loob niya ang pagsama sa mga ito. Normal lang din ang uniporme niya at mukhang matinong estudyante dahil nakasuot pa ang ID niya.
"So, bago lang pala siya. You should watch it too, bitch. Hindi mo kilala kung sino ang binabangga mo." Palapit nang palapit sa 'kin si Monica habang sinasabi iyon pero hindi naman ako umatras. Ako ba ang tinatakot niya?
Dahil medyo nainis ako sa sinabi niya. I smirked at her para naman malaman niyang hindi ako takot sa kaniya. "Bring it on, bitch. Hindi kita aatrasan," sabi ko na lang sa kaniya. Saglit pa akong nakipagtitigan sa kaniya bago siya iniwan sa kinatatayuan niya.
Wala akong time para sa kaniya dahil kailangan kong makita si Ms. Pangil. Baka mamayang uwian ay wala na pati si Monica dahil siya na ang sinunod.
Dahil schoolmates naman kami ni Ms. Pangil ay baka mabilis ko na siyang mahahanap at makakausap. Ngayong narinig ko na kung paano siya makitungo sa ibang tao ay mukhang mahihirapan nga akong kausap siya nang matino.
Hindi talaga kasi gumagana ang pagiging reyna ko sa isang iyon. Mukhang nasaktan kasi talaga siya dahil sa nangyari sa mga kauri niya.
Well, I can't blame her. Kung sa akin naman kasi iyon mangyayari – na sana ay huwag – malulungkot at masasaktan din ako. Lalo na kung tao ang papatay. Ang pinakapaboritong nilalang ko pa.
Sa ngayon, kailangan ko siyang makausap para tigilan na niya ang mga ginagawa niya. I have to do something about this.
◘ This is a paid story ◘
Continue reading here ⇒ Obscure
